Title: Happy Vampire Bedtime Story

"O sige mga anak, matulog na kayo at umaga na.", paalala ng tatay na bampira sa kanyang mga anak.

"Papa, Bedtime Story please!", pag-uudyok ng anak niyang babae.

"Oo nga papa Bedtime Story!", dugtong ng anak niyang lalake.

"Tama na magsitulog na kayo.", sabi ng tatay na bampira.

"Sige na papa! Bedtime Story please!", muling pag-uudyok ng anak niyang babae.

"O sige na nga! Pero isa lang ah at magsipagtulog na kayo!", sabi ng tatay na bampira habang kumukuha ng aklat.

"Yehey!", hiyaw ng dalawa niyang anak.

"Shhh. O sige ito na. Ang pamagat ay Rich man, poor Grave."

"Yehey! New story!", sigaw ng dalawa niyang anak.

"Shhh. Sige ito na. Far far away, in a devastated city na sinira ko, long time ago, May dalawang tao ang nasa harapan ng kahon pangdonasyon. Ang mayaman at ang mahirap..."

"Masarap po ba ang dugo nila?", tanong ng anak niyang babae.

"Siguro oo. Matamis ang dugo ng mayayaman. Siguro dahil sa diet nila. Hehe nagbabalik tuloy ang masasayang alaala ko kasama ang inyong mama. Naalala ko noong first date namin, sabay namin na pinapakinggan ang napakagandang iyak at sigaw ng mga tao tulad ng isang musika sa aming mga tenga habang sinisipsip namin ang kanilang mga dugo na tulad ng unli-buffet. How romantic."

"Pero ituloy na po natin ang istorya noh?", paalala ng anak niyang babae.

"Sige...Ang mayaman yung unang naghulog ng isang libong ginto. Maraming tao ang nagsabi ng mabuting komento sa kanya. Siya ay pinalakpakan. A Sunod naman naghulog yung mahirap. Naghulog lang siya ng limang ginto..."

"Grabe naman yung mahirap. Limang ginto lang? Ang hirap talagang maging mahirap. Sige na papa tuloy mo na.",pahikab na sambit ng anak niyang babae.

"Sige. ...Lingid sa mga tao, yun na lang ang natirang pera ng mahirap sa buong maghapon. Maraming tao ang tsumitsismis sa kanya ng negatibo kasama na dun yung mayaman. Dahil napakiramdaman nya na pinag-tsitsismisan sya, wala na lang syang magawa at nilisan na lang niya yung pook. Pero sa dulo, namatay pa rin silang lahat sa kamay ko. And they sleep sadly ever after in their graves. The end."

"Wow ang ganda naman nun pa!, Pero ang dami talagang masasama sa mundo.", sabi ng anak niyang lalake habang sumusuntok sa hangin.

"Oo nga eh. Pero may tanong ako sa inyo, sino ang mas matimbang sa kabutihan? Yung mayaman ba? O yung mahirap?", tanong ng tatay na bampira.

"Yung mayaman po kasi mas marami siyang binigay na ginto.", sagot ng anak niyang babae.

"Sakin mayaman din.", pagsang-ayon ng anak niyang lalake.

"Ganun ba? Kung tutuusin mas matimbang ang mayaman sa mata ng mga tao."

"Bakit po?", sabay na sagot ng dalawa.

"Sa mata ng tao, ang simbolo ng pagiging mabuti ay ang pag-aanyong mabuti. Pinapakita ng mayaman na siya ay matulungin sapagkat alam ng mga tao na malaking tulong ang malaking halaga kaysa sa mababang halaga. Kaso ang problema sa tao ay masyado silang mabilis na kumagat sa isang bagay na hindi nila alam ang kwento sa likod."

"Likas na mapanghusga ang tao kahit na isang maliit lang naman na bahagi ng kabuuang pera ng mayaman ang kanyang naihulog. Parang wala lang yun sa kanya. Pero sa mahirap, yun na lang ang pera nya sa buong araw. Wala ng matitira sa kanya. Kahit ganun pa man, nanghuhusga agad ang iba depende sa pamamagitan ng di pantay na pagtutumbas at pagka-ingit."

"Wow grabe naman po ang eksplanasyon niyo papa. Nakakaantok.", Palabiro na sagot ng anak na babae sa tatay niya.

"Buti na lang di po tayo tao noh? Ayoko po maging tulad nila.", sagot ng anak niyang lalake.

"Ganun ba? Pero tama din naman ang mga sagot niyo kanina."

"Sa paanong paraan po?", sabay na tanong ng dalawa niyang anak.

"Mas masarap kagatin ang leeg ng mayayaman kasi malinis ang katawan nila. At masarap din ang dugo nila kasi healthy ang kinakain nila hehe. Sige na matulog na kayo para di kayo maging tao."

"Goodmorning papa.", sabay na bati ng dalawa niyang anak.

Ngumiti ang tatay na bampira.

"Goodmorning and bad dreams mga anak. Paggising niyo mamaya, masarap ang magiging hapunan niyo.", masayang bati ng tatay na bampira sa kanyang mga anak.

At pinatay na ng tatay na bampira ang ilaw tulad ng gagawin niya sa kanyang mga biktima.

Jourleal Creator