Ilang kaluluwa na ang dumaan sa aking harapan sa paghihintay sa lugar na ito. Tapos na yata yung katabi ko kanina. Kinakabahan na ako. Ako na yata ang susunod.
"Okay next na nakapila para ievaluate pasok na po.", malakas na tawag ng isang kaluluwa na lumabas mula sa pintuan.
Ako ay pumasok sa loob ng kwarto. Napakalaking kwarto naman nito. May Dalawang pintuan sa magkabilang pader. Isa sa kaliwa at isa sa kanan. May isang lamesa at may upuan sa harap nito. May isang napakagandang kaluluwa ang nakaupo sa likod ng lamesa. Baka siya na yung mageevaluate.
Ako ay napatigil. Napakaganda niya. Tila isang Anghel ang kanyang kagandahan. Dahil di ko alam ang pangalan niya, tatawagin ko na lang siyang Miss Deity. Agad akong lumapit at umupo sa upuan sa harapan ng kanyang lamesa.
"Irereincarnate niyo na po ba ako?", agad kong tanong sa kanya.
"Hahaha. Di ganun kadali yan! Kailangan ka muna namin ievaluate. Alam mo ba right minus wrong ang rules dito sa purgatoryo?", palabirong sabi ni Miss Deity. Napakaganda niya pala pag tumawa.
"Huh? Paanong right minus wrong?", tanong ko.
"Sige eexplain ko sa iyo. Lahat ng ginagawa mo noong nabubuhay ka pa ay tinatala namin.", sagot ni Miss Deity.
"As in lahat?", pilosopo kong tanong.
"Oo LAHAT LAHAT. Lahat ng tama at mali.", supladang sagot ni Miss Deity. Parang nagalit yata.
"Gets ko na stalker ka. Pero paanong right minus wrong?", palabiro kong tanong.
"Arghh. Sasagutin ko yan. First, di kami stalker. Ang impormasyon na nakukuha namin ay mula sa mga guardian angels niyo. Second, lahat ng ginawa mong mali ay ibabawas namin sa bilang ng ginawa mong tama. Parang sa exam. Gets?", sagot ni Miss Deity na nakakunot na ang noo.
"Okay sorry hahaha gets ko na. Niloloko lang naman kita eh. Hahahaha wag ka na magalit. Di kaaya-aya ang pagsusuot ng maskara ng poot at galit sa katulad mong manifestation ng kagandahan.", sagot ko na may halong pambobola.
"Huwag mo ngang bilugin ang ulo ko. Binobola mo pa ako.", nahihiyang sagot ni Miss Deity.
"Totoo naman na maganda ka eh. By the way, anong gagawin niyo sa mga scores ng right minus wrong?", muli kong tanong.
"Yun ang gagawin naming basehan sa rievaluation mo. Dun namin malalaman kung saan ka pupunta.", sagot niya.
"Ano yung passing grade para maireincarnate or mapunta sa langit?", tanong ko.
"Ganito yan. Pang mula zero pababa ang score, diretso impyerno ka na. Wala nang tanung tanong.", sagot ni Miss Deity na may pag-ngiti.
"Sabihin may nakakakuha pa ng negative score?", tanong ko na may halong pagkakaba.
"Oo pag sobrang sama at walang ginawang kabutihan sa mundo.", sagot niya.
"Okay. Tapos?", muling tanong ko.
"Pag 1 to 99, bibigyan pa namin ng chance para gumawa ng kabutihan. Kaya ang ending reincarnation.", sagot niya.
"So ang lahat pala ay maiireincarnate?", masayang tanong ko na parang nabunutan ng tinik sa lalamunan.
"Oo, sa tingin ko. Pero nakadepende pa rin yan sa passing grade mo. Pag 25 to 99 ang score, sure win 100% maiirereincarnate ka as tao. Pero pag 1 to 25 ang score, random na yan. Kahit anong nilalang. Pwede kang maging hayop, halaman o ano pa man.", sagot niya.
"So ang kailangan ko lang maabot ay 25 to 99 para maging tao muli?", tanong ko muli.
"Sa tingin ko oo.", maikli niyang sagot.
"Paano naman pag 100 ang score?", tanong ko uli.
"Edi diretso langit ka na. Kaya namin nirereincarnate ang isang kaluluwa dahil gusto namin mabigyan ng second chance na gumawa ng tama. Siguro naexplain ko na ang lahat noh? Hintay ka lang muna dito at kukunin ko na ang resulta mo. Ok?", naiinis na sagot ni Miss Deity dahil sa napakarami kong tanong.
"Ok sige.", sagot ko.
"Excuse me."
Agad na tumayo si Miss Deity at pumasok sa kaliwang pintuan.
At pagkatapos ng 25 beses ng pagbibilang ng 1 to 10, lumabas na si Miss Deity mula sa kaliwang pintuan.
"Okay na. Nakuha na namin ang resulta.", sambit ni Miss Deity at muling umupo sa kanyang upuan.
"Ano po ang resulta ko? Pasado po ba ako?", tanong ko na may halong pagkakaba.
"Ayon sa resulta, sa bawat 100 tama na nagawa mo, mayroon kang 45 na kamalian. Congratulations! Ang score mo ay 55. Ayos na din.", Bati sa akin ni Miss Deity.
"Yes! Mabubuhay na muli ako! Maraming Salamat!", hiyaw ko dahil sa sobrang kasiyahan.
"O sige na, lumakad ka na sa kanang pintuan na yan para mabuhay ka nang muli.", sagot ni Miss Deity habang tinuturo ang pintuan na nasa kanan.
"Maraming Salamat.", sagot ko.
At dahan dahan akong naglakad tungo sa pintuan na papuntang mundo.
--Katapusan--