Dinilat ko ang aking mga mata at nandito ako sa di pamilyar na lugar. Nasan na ba ako? Tila nasa isa akong abandonadong parke na may maraming nakaputing tao. Ano ba to? Bat may baso sa tabi ko. Iwan ko na nga lang dito. Hmmm ano yun? Tila parang may papalapit yata sa akin.
"Oyyyy! Long time no see! Kamusta ka na tropa? Akalain mo yun dito pa tayo muling magkikita!", Masayang bigkas ng lalake na di naman masyadong pamilyar sa akin.
Sino ba to ulit? Di ko siya maalala. Siguro kamukha ko lang yung kakilala niya.
"Oyyyyy! Haha Kamusta tropa!", sambit ko na lang.
"Antagal natin huling nagkita ah! Dito pa tayo sa purgatoryo ulit magkikita at magkakausap hahahaha. Kamusta ka na? Parang walang nagbago sa iyo ah. Hahahaha"
"Oo nga eh. Ganun pa rin, wala masyadong nagbago at nangyari sa buhay ko eh. Eh Ikaw?"
"Haysst. Alam mo pre kapagod mag-aral pero naging surgeon din ako sa katagalan ng panahon."
"Kung surgeon ka, bakit ka nasa purgatoryo? Diba dapat ikaw nangliligtas at hindi ikaw ang ililigtas?
"Mahabang kwento yun pre. Pero di mo talaga mapipigilan ang pagkatok ni kamatayan sa aking pintuan. Akalain mo yun, kung sino pa ang iniligtas ko, siya pa pala ang tatapos sa akin hahahaha. Ironic."
"Huh? Ano ba ang nangyari?"
"May isa kasi akong pasyente na nag-aagaw buhay na. Mga 6 years ago yata. Naawa naman ako kasi nagmamakaawa na yung pamilya na iligtas ko siya."
"Tapos?"
"Ayon nailigtas ko siya. Lubos na nagpapasalamat ang kaniyang pamilya. Iba ang nadama kong kasiyahan nun pre nung nakita ko ang pag-asa at pangalawang tyansa sa mga mata nila. Ang mga mata nila ay nagnining-ning na tulad ng liwanag dahil sa sobrang kagalakan. Sa oras na iyon, nakadama ako ng kasiyahan."
"Oh yun naman pala eh. Bakit ka nandito?"
"Ayon napakaliit ng mundo. Pagkauwi ko mula sa trabaho napansin ko na gulo-gulo ang laman ng aming bahay. Napakadilim. Lahat nakakakalat. Kala ko binagyo yung bahay namin eh hahaha."
"Tapos?"
"Tapos may narinig akong tunog na tila may humahalungkat mula sa aming kwarto. Gusto ko malaman kung ano yun kaya agad ako lumapit sa aking kwarto."
"Tapos?"
"Bukas ang pintuan. Tulad ng sala, napakagulo din ng aming kwarto. May naaninag akong tila anyong tao sa aming kwarto na naliligo sa dilim."
"TAPOS?"
"Ang sabi ko, Sino ka? Anong gusto mo? Sa pagkakataon na yun bigla siyang nataranta at tila may binunot siyang bagay mula sa kanyang bewang."
"Anong nangyari?"
"Agad-agad niyang itinutok iyon sa akin. Wala akong nagawang aksyon maliban sa pakikinig sa isang tunog na bumasag sa katahimikan sa oras na iyon. Napakasakit. Napakainit. Nararamdaman ko ang dugo na tumutulo sa aking tiyan. Agad akong bumalagta habang iniisip ko kung ano ba ang nangyari.", kwento niya habang hinahawakan ang kanyang tiyan.
"Tapos?"
"Bago ko mailabas ang aking huling hininga, nakita ko ang mukha niya dahil sa aninag ng liwanag ng buwan mula sa bintana. Nagsalubong ang mga mata namin. Sa loob ng ilang taon, muli kong nasilayan ang mata ng pag-asa at pangalawang tyansa. Kaso ang pinagkaiba, tila namatay na ang liwanag sa kanyang mga mata."
"Ano ang nangyari kasunod?"
"Pagtapos ng mabilis na pangyayari, di siya nag atubili na tumakas papalayo habang ako ay dahan dahan nang nawawalan ng malay. Di ko naman siya masisisi eh. Ganun talaga ang buhay. Pagkatapos ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Tapos ayon, bigla na lang ako nagising dito. At nalaman ko na nasa purgatoryo na pala ako. Patay na pala."
"So, in short na binaril ka?"
"Masakit man isipin pero oo eh. Gusto ko sana natural death eh yung tipong dahil sa katandaan. Eh ikaw? Paano ka nakarating dito?"
Kung iisipin, mas malala pa pala ang nangyari sa kanya. Pero kahit ganun gusto pa rin niyang mabuhay kahit nasa dulo na siya ng buhay. Eh ako, ano ba ang ginawa ko? Ano ba ang halaga ko sa sarili ko?
Kahit ganun, di ko maaring sabihin ang tunay na dahilan kung paano ako nakarating dito. Ano kaya maari kong sabihin?
"Ano pre, nabangga ako ng truck habang naglalakad. Pagkatawid ko may liwanag na papalapit sa akin then kablam! Andito na ako."
"Ah ganun ba? By the way, may hinihintay ka pa ba?", tanong niya habang nagmamasid sa paligid.
"Anong hinihintay?"
"Yung importanteng kakilala mo. For example, yung special someone mo ganun. Tao na gusto mo pang makita sa huling pagkakataon bago mawala ang memorya mo ngayon. Alam mo kasi pre, pagkareincarnate mo mawawala na lahat ng nakaraang memorya mo. Pero siyempre may mga exception din. Ano may hinihintay ka pa ba?"
"Ah... Sa tingin ko naman wala."
"Kung wala eh, pwede ka na pumila doon sa pilahan na yun.", sambit niya habang tinuturo ang napakahabang pila na nasa gawing kanan.
"Anong meron doon?"
"Pila yan sa para sa reevaluation. Mahaba habang pila yan hahaha. Pagdating mo sa dulo papapasukin ka sa isang kwarto. At sabi nila, irereevaluate ka daw para mabuhay muli sa mundo."
"Ah ganun ba. Sige salamat pipila na ako. Eh ikaw?"
"Hindi pa muna. Mayroon pa kasi akong hinihintay na mahalaga sa akin kaya dito muna ako. Kahit gaano katagal, hihintayin ko siya. Nangako kasi kaming dalawa eh."
"Ganun ba? By the way, kailan ka ba nakarating dito?"
"Ang huli kong pagkaalala 1978 ako namatay. Bakit?", sagot niya habang hinahawakan ang kanyang baba na parang nag-iisip.
Hmmm. Kung taong 2156 ako nakarating dito, ang ibig sabihin nun, 178 years na siyang naghihintay dito? Ibig sabihin hindi pa rin dumadating ang kaniyang hinihintay sa loob ng ganung karaming taon? May tao bang kayang mabuhay ng ganung katagal? Nevermind. Di ko na lang sasabihin sa kanya.
"Wala. O sige na, Paalam na pre. Sana magkita uli tayo kahit sa susunod na buhay. At sana magkita na kayo pre ng hinihintay mo."
"Sige pre paalam.", sambit niya habang iwinawagayway ang kanyang kamay sa hangin.
At ako ay nagpaalam sa aking di masyadong pamilyar na kaibigan sa huling pagkakataon. Lumapit ako sa napakahabang pila.
"Ito ba yung pila sa reevalution?", tanong ko.
Humithit ang lalaki ng sigarilyo at ibinuga niya ang usok mula sa kanyang ilong.
"Oo ito nga. Pumila ka na lang sa likod.", sagot ng lalaking naninigarilyo.
Sa itsura ng pila, siguradong magiging mahabang pilahan ito.