Ilang kaluluwa na ba ang dumaan sa akin? Parang di naman umuusad ang pila. Teka ano ba yun?
"Oy! Bitiwan niyo ako! Di niyo ba ako kilala?", sigaw ng kaluluwang binibitbit palayo.
Mukha naman siyang magara. Maganda ang kanyang kasuotan. Anong nangyayare dito?
"Hindi eh. At wala kaming pakialam.", sagot ng dalawang kaluluwang humahawak sa kanyang braso.
"Di niyo naman ako kailangan hawakan ng ganito! Kaya ko naman maglakad mag-isa!", pagpupumiglas ng kaluluwang magara ang damit.
Agad siyang binitiwan dahil sa kanyamg pagpupumiglas.
"Sige lakad! Papapilahin ka namin kung saan ka dapat pumila. Kailangan muna namin timbangin ang antas ng krimen mo bago ka pumila sa reevaluation.", sagot ng dalawa na tila binabantayan ang kaluluwang iyon.
"Anyare dun?", tanong ko sabay kamot sa aking ulo.
"Taong di siguro matanggap ang paglalagyan niya. Baka pangit siguro paglalagyan sa kanya kaya di niya matanggap or baka kriminal siya...", sagot ng lalaking nasa kaliwa ko. Nasa edad 40s na yata. Panay hithit ng sigarilyo. Dahil di ko siya kilala at ayokong tanungin ang pangalan niya, tatawagin ko na lang siya sa pangalang Kuya Rilyo.
Teka, bakit parang mukha siyang pamilyar. At teka, saan galing yun sigarilyo?
"...May espesyal na pila kasi para sa mga kriminal eh. Kailangan pa kasi timbangin yung antas ng krimen depende sa kanilang konsensya habang ginagawa ang krimen.", dagdag ni Kuya Rilyo at hinithit ang kanyang sigarilyo.
"Ah ganun ba? Ibig sabihin kriminal pala siya? By the way, saan galing yang sigarilyo mo?", tanong ko dahil sa labis na pagtataka.
"Ah eto ba?", turo ng lalake sa kanyang sigarilyo pagtapos niyang ibuga ang usok mula sa kanyang bibig.
Tumango ako.
"Pagkarating ko dito andito siya sa bulsa ko. Ito yata yung tinatawag na fragment of memory.", sagot niya habang kinakamot ang kanyang ulo. Mukhang di siya sigurado sa sagot niya.
Muli siyang humithit ng sigarilyo.
"Fragment of Memory?", tanong ko.
Binuga niya ang usok mula sa kanyang ilong.
"Yun yung mga bagay na nasa iyo bago ka dumating dito. Kaya ka may damit na suot ngayon eh. Lahat ng nasa iyo, nasa bulsa mo, or bitbit mo ay magiging fragment of memory at masasama mo dito...", sagot niya habang pinapatay ang mga alipatong nasa dulo ng kanyang sigarilyo.
"...Halimbawa, bago ako pumanaw may sigarilyo at lighter ako sa bulsa. Kaya ngayon may sigarilyo ako. Pero sabi nila, may limitasyon din daw ito.", dagdag niya habang inilalagay ang pudpod na sigarilyo sa kanyang kanang bulsa.
Muli siyang kumuha ng panibago at sinindihan.
Alam ko na ang dahilan kung bakit may katabi akong baso noong unang pagdating ko dito. Kung totoo nga yung Fragment of Memory, sigurado andito yun.
Patuloy kong kinakapkap ang aking bulsa.
"Ano yang hinahalungkat mo? May hinahanap ka ba?", tanong niya dahil napansin niya yata na tila may hinahanap ako sa aking bulsa.
Humithit siyang muli.
Oo nga totoo nga! Andito nga yung pitaka at notepad ko sa bulsa ko. Bakit kasi notepad ang dinala ko? Hay. Okay na ito. Atleast pwede ko basahin yung mga ginawa kong istorya bilang pampalipas oras.
"Wala naman. Chineck ko lang yung mga bitbit ko. By the way, Ano naman yung limitasyon?", sagot ko habang tinitignan ang laman ng notepad.
Ibinuga niya ang usok mula sa kanyang ilong.
"Ah... ang limitasyon? Mawawala rin yun pag dumaan ka na sa pintuan papuntang kabilang mundo.", sagot niya habang hinihithit ang kanyang sigarilyo.
"Ah ganun ba.", sagot ko habang binabalik ang notepad sa aking bulsa.
Ibinuga niya ang usok sa kanyang bibig. Bigla siyang napaubo.
"Oo ganun. Kaya malas mo kung pera ang nasa bulsa or bitbit mo bago ka dumating dito hahahaha wala ka namang mabibili dito eh. At walang halaga ang yaman pag pumanaw ka na.", patawang sagot ni Kuya Rilyo. Hindi naman nakakatawa yun eh.
"Oh. Balik tayo sa kaluluwang dumaan kanina. Masama ba talaga siya?", tanong ko para humaba ang aming pag-uusap. Wala rin naman akong gagawin eh. Naghihintay lang naman kaming lahat.
"Di halata na tsismoso ka noh hahahaha? Anong masama para sa iyo?", patawang sagot niya.
Muli siyang humithit ng sigarilyo.
Halatang di niya alam kung anong meron sa kaluluwa na dumaan kanina. Ambilis sumegway.
"Ah. Yung mga kriminal ganun. Yung mga kinulong. Ayaw ko sa mga ganun.", sagot ko.
Ibinuga niya ang usok.
"Ibig Sabihin masama ako sa mga mata mo? Itinuring ako na mamatay-tao eh.", sagot niya sa akin.
Weh? Bakit parang di naman siya mukhang masama. Mukha lang siyang mid 40s na matanda na mahilig humithit ng sigarilyo.
"Weh? Diba may ibang pila para sa mga gumawa ng sala?", tanong ko na may halong paggulat.
Humithit siya at bigla niya itong ibinuga ang usok sa hangin.
"Naalala mo ba yung murder case noong 2149? Sigurado alam mo yun kasi live streaming yung pagbitay sa akin eh hahaha.", pabiro niyang sagot.
Kaya pala parang pamilyar siya. Siya pala yung binitay dahil sa pagpatay.
"Oo naalala ko.", sagot ko.
"Anong naramdaman or nasabi mo noong pinapalabas sa tv yung trial?", seryoso niyang tanong sa akin.
"Ah galit? Wag ka masasaktan ah pero napasabi ako na dapat bitayin ka kasi kriminal ka habang nanonood ako sa tv.", sagot ko habang inaalala ang mga nangyari noon. Parang nakakabastos naman ang sagot ko.
"Hindi ok lang naman. Patay naman na tayo parehas eh kaya bakit ba ako masasaktan. Pero nalaman niyo ba ang totoong nangyari?", pabiro niyang tanong.
"Hindi.", sagot ko.
Humithit at ibinuga niya ang usok mula sa kanyang ilong. Bigla ulit siyang napaubo.
"Sa mata ng marami, guilty ako. Pero para sa akin at sa pamilya ko hindi. Kahit di ako ang tunay na may sala, ako parin ang pinagbuntungan nila para lang matago nila ang totoo. Dahil ba na mahirap lang kami at mayaman sila at kaya nila paikutin at kontrolin ang lahat? Hay. Alam mo ang hirap talaga maging mahirap.", sagot ni Kuya Rilyo habang pinapatay ang upos ng kanyang sigarilyo.
May mga tao talaga na hindi maswerte eh no. Bigla bigla na lang kumakatok ang kamalasan. Pero bakit ganun? Basta may pera ka, marami kang magagawa. Kung wala, wala. At saka, bakit kailangan pa gumawa ng mali upang gawing tama ang mali?
"Pero kahit na nalaman ko ang totoo, di parin magbabago ang tingin ng mga tao sa iyo. Tinuring ka pa rin na kriminal hanggang pagkamatay mo.", sagot ko.
Ipinasok niya ang ubos na sigarilyo sa kanyang bulsa at kumuha muli ng bago.
"Wala na akong pakialam dun. Pero itatak mo sa kukote mo sa kabilang buhay na wag ka agad manghusga ng tao ng di mo pa nalalaman ang tunay na pangyayari sa likod nito."
Sinindihan niya ang sigarilyo at muling humithit.
"O sige sige. By the way, kung naging kriminal ka edi pinapunta ka din sa espesyal na kwarto na nagtitimbang ng krimen?", tanong ko.
Ibinuga niya ang usok.
"Siyempre...Hindi.", sagot niya habang biglang napaisip.
"Bakit?", tanong ko.
"Haysst. Halatang di mo pinakinggan ang istorya ko noh. Mapupunta ka lang naman dun pag gumawa ka ng krimen eh. Eh ako napagbintangan lang naman ako.", sagot niya agad.
Ay oo nga pala. Sa mga nakagawa nga lang pala ng krimen ang kwarto na iyon. Napagbintangan nga lang pala siya
"Ah ganun ba? Nacucurious pa naman ako kung anong meron dun.", sabi ko.
Biglang may kalbong lalake ang agad na sumabat sa amin. Mukhang di katiwa-tiwala.
"Ah gusto mo ba malaman kung ano meron dun?", tanong ng lalakeng biglang sumabat.
"Oo. Ano ba meron dun?", sagot ko.
Agad na nagsimulang magkwento ang lalake. Mukhang di siya katiwa-tiwala. Patuloy na humihithit-buga si Kuya Rilyo habang patuloy na naglalakad ang mga kaluluwa na pasulong sa agos.