Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang aking kwento kaya pagpasensyahan niyo na lang ako kung ang una kong sasabihin ay ang mga bagay tungkol sa aking sarili.
Ang aking pangalan ay Juan Ramon Fontanilla Sereno. Sigurado akong hindi niyo matatandaan agad ang aking napakahabang pangalan kaya tawagin niyo na lang akong Ramon, o JR na rin kung gusto niyo. Ngunit kung ako ang tatanungin niyo, Ramon na lang ang itawag niyo sa akin dahil ito ang tawag sa akin ng karamihan. At kung hindi kayo ang aking mga magulang o ang aking kuya, huwag na huwag niyo akong tatawaging Jay, dahil sila lang ang may karapatan na tumawag sa akin nun. Hindi naman sa mamasamain ko ito, pero naka-reserba sa kanila ang pribilehiyong ito. Sana intindihin niyo na lang. Dito pa lamang, lubos na akong nagpapasalamat sa inyo.
Ipinanganak ako noong ika-13 ng Oktubre, 1992. Tuwing kaarawan ko, nagkakaroon kami ng isang simpleng handaan lamang, kahit na medyo maykaya naman kami. Pero gusto ko na rin ang ganito. Hindi ko rin naman hilig ang makipag-usap sa mga bisita at wala akong kahilig-hilig na makipagsosyalan sa kanila, at alam na rin ito nina Mama at Papa.
Kung ako ay titignan mo, maaari mong sabihin na medyo pandak ako para sa aking edad. Maputi ang aking balat, kulay kape ang aking buhok, kulay kamagong ang aking mga mata, maliit ang ilong, at manipis ang aking labi. Medyo payat din ang aking katawan dahil sakitin ako noong bata pa ako, pero wala na akong magagawa doon. Sa unang tingin mo siguro sa akin, mapagkakamalan mo akong isang maamong tupa. Siguro nga, mukha akong isang tupa na kapapanganak pa lang, ngunit nais ko lang siguraduhin na hindi ako maamo.
Isang taon ang nakalipas, bago magsimula ang bakasyon, nakatapos na rin ako ng pag-aaral sa kursong Sikolohiya sa isang sikat na unibersidad. Dahil siguro dito, masasabi niyo nang isa akong halimaw. Dyan kayo nagkakamali. Tulad ng isang normal na binatilyo, madalas din akong tamaan ng katamaran sa pag-aaral at nakukuntento na rin sa gradong sapat na upang ipasa ang aking kurso. Ang nagbibigay lang sa akin ng inspirasyon upang saniban minsan ng espiritu ng kasipagan ay ang aking pangarap noong ako ay bata pa: ang maging isang doktor.
Noong maliit pa ako, madalas akong magkaroon ng sakit. Lagi akong dinadala nina Mama at Papa sa doktor noon. Maging si Kuya ay nag-aalala na rin sa akin dahil bihira niya akong mayayang maglaro ng basketbol kasama ang tropa niya. Sa sobrang dalas na dalhin ako nina Mama at Papa sa doktor, umabot na ako sa puntong natatakot na ako sa kanila. Kaya noong minsan na pagkauwi namin sa aming bahay, habang ako ay humahagulgol, sinabi ko ito kay Kuya:
“Hgk! Paglaki ko, magdodoktor na lang ako para ako na ang gumamot sa sarili ko! Huhu!”
Hindi ko rin akalain na mag-aaral pa talaga ako sa isang sikat na unibersidad upang tuparin ang pangarap kong ito. Iba na rin talaga kung meron kang pinaghuhugutan. Kaya paminsan-minsan, nang bakasyong ito, madalas akong bumalik sa unibersidad upang asikasuhin angang mga papeles, mga bayarin, at iba pang mga proseso sa pagtanggap sa akin sa Departamento ng Medisina pagkatapos kong magpahinga ng isang taon nang nakatapos ako sa Kolehiyo ng Sikolohiya. Hindi ganon kadali ang proseso, at naisip ko na rin na mas lalong hindi madali kapag nakapasok na ako dito.
Maiba naman tayo ngayon. Dahil siguro ngayong nakapasok na ako sa Kolehiyo ng Medisina, iisipin niyo siguro na puro aral lang ang ginawa ko noon. Dyan kayo ulit nagkakamali. Kung wala akong ginagawa sa aking tinitirahang apartment, madalas akong manood ng mga pelikula at anime o kaya maglaro ng Legend of Zelda. Mahilig din akong magbasa ng mga iba’t ibang aklat, tulad ng Lemony Snicket’s at The Hunger Games. Hindi nga lang ako mahilig lumabas, gaya ni Kuya. Masaya na akong mamalagi sa kwarto ko sa apartment, o sa “lungga” ko, tulad nga ng sabi ni Kuya.
Kung sasabihin ko ang bagay na maaari kong maipagmalaki, iyon ay ang hilig ko sa pagsusulat. Nagsimula akong magsulat noong ako ay nasa ikaapat na baiting ng elementarya nang isinali ako ng aming guro sa isang paligsahan ng pagsusulat. Ginulat ko ang lahat nang ako ang nanalo sa nasabing paligsahan. Dahil dito, nang makarating na ako sa mataas na paaralan, ako na ang naging punong patnugot ng dyaryo ng aming paaralan kahit na nasa ikalawang taon pa lang ako. Nakilala rin ako sa buong probinsya namin dahil sa pagkapanalo ko sa isang pambansang paligsahan sa pagsulat ng editoryal na ginanap sa lungsod ng Lapu-lapu, Cebu. Dahil dito, hindi ko na iniwan ang pagsusulat, kahit na balak ko pa ring ituloy ang pagiging doktor. Hindi nga lang ito masyadong nakatulong sa kalusugan ko dahil hindi ko na nakukuha ang kinakailangan kong ehersisyo upang lumakas kahit papaano.
“Jay, alam mo, kung lagi ka lang magkukulong diyan sa lungga mo, tutubuan ka na ng kabute sa ulo mo,” ani Kuya nang hindi ako sumama sa kanya upang maglaro ng table tennis sa garahe namin.
Nabanggit ko na rin lang si Kuya, mangyaring ipakilala ko na rin siya sa inyo. Siya si Marcos Hector Fontanilla Sereno, ipinanganak noong ika-3 ng Nobyembre, 1986. Tanging sina Mama at Papa lang ang nakakatawag sa kanya ng “Marky.” Sinubukan ko siyang tawagin noong limang taong gulang pa lang ako nang ganon, pero suntok sa noo ang inabot ko. Kaya tinawag ko na lang siyang Chuck, kapangalan nung isang karakter doon sa paborito niyang laro na Pokemon. Malaki ang kanyang pangangatawan dahil sa kalalaro niya ng basketbol. Sa katunayan, siya ang kapitan ng kanilang koponan noong kami ay nasa elementarya at haiskul pa lang. Siya rin ang madalas na nagpapanalo sa koponan nila. Dahil rin dito, naging habulin siya ng mga babae. Ngunit nakapagtataka nga lang dahil nong isang taon lang siya nagkaroon ng isang matinong relasyon sa isang babae.
Sa unang tingin, makikita mong magkahawig talaga kami: sa mata, ilong, bibig, at buhok. Malalaman mo lang na si Kuya Chuck ang nakikita mo dahil matipuno ang kanyang pangangatawan, matikas ang tindig niya, at malalaki ang mga kalamnan niya, samantalang mas payat ako sa kanya at medyo yuko ang aking tayo. Kung titignan mo siya sa malayo, mapagkakamalan mo siya bilang isang pandang inahitan sa laki ng kanyang katawan. Mas mahaba rin nang konti ang buhok ko sa kanya dahil lagi niya itong pinapa-gupitan ng barber’s cut samantalang minsan lang sa tatlong buwan akong magpatabas ng konti.
Tulad rin ng ordinayong magkapatid, madalas din kaming mag-away, pero sa mga simpleng bagay lang. Hinding-hindi kami nagkaroon ng mabigat na alitan dahil naiintindihan din namin kahit papaano ang isa’t isa, at nandoon sina Mama at Papa upang umawat sa amin kung sakaling magkaawayan man kami.
Bago ko pa makalimutan, gusto ko na ring ipakilala sa inyo sina Mama at Papa. Ang aming padre de pamilya ay si Jose Alejandro Aldama Sereno, kalahating Pinoy, kalahating Mexicano. ‘Alex’ ang madalas na tawag sa kanya ng iba. Sa kanya namin namana ni Kuya Chuck ang aming kulay-kapeng buhok at manipis na labi. Maliban doon, asul ang kanyang mga mata, matangos ang kanyang ilong, may ilang pekas sa kanyang pisngi, at mas maliit lang nang konti ang kanyang katawan kaysa kay Kuya. Ngunit sa laki ng kanyang katawan, hindi mo aakalain na isa siyang tahimik at maamong tao na bihirang magalit at tila laging kalmado. Isa siyang sikat na abogado na nakatapos sa parehong unibersidad kung saan ako papasok at madalas na humawak sa mga kasong tinatanggihan ng iba pang mga abogado.
Ang aming ilaw naman ng tahanan ay si Maria Carmela Fontanilla Sereno, o mas kilala ng kanyang mga kaibigan at mga katrabaho bilang ‘Maricar.’ Kay Mama naman namin namana ni Kuya Chuck ang aming mga mata at ilong. Maputi rin ang kanyang balat, itim amg buhok, katamtaman ang kapal ng labi, at mas matangkad kaysa sa karaniwang Pilipina. Siya ang punong guro ng mababang paaralan kung saan kami nagtapos ni Kuya. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi kami pinag-initan ng mga iba pang estudyante sa paaralang iyon, kahit pa ‘yung mga sisiga-siga noon. Strikto siya sa unang tingin, at medyo strikto din siya pagdating sa mga palatuntunan, ngunit alam niyang ilugar ito.
Pero kahit na ganito ang trabaho nina Mama at Papa, lagi pa rin kaming nagkakaroon ng maraming pagkakataon upang magsama-sama at magpahinga, at kailanman ay hindi kami nangulila ni Kuya sa kanila.
Malamang ay nagtataka ka na kung ano ang espesyal sa aking kwento. Kung iyong susuriin, isa lang naman talaga akong normal na binatilyo na biniyayaan ng isang mapagmahal na pamilya, marangyang pamumuhay, at konting sipag at tiyaga upang makatapos sa isang mahirap na kurso at tumahak sa daan papunta sa pagiging isang ganap na doktor. Normal din naman ang lahat ng hilig ko. Kung titignan mo, karamihan sa mga hilig ko ay ‘yung mga pumapatok din sa takilya, kaya madali lang tayong magkakasundo pagdating sa mga bagay na ito. Oo, ang lahat ng iyon ay totoo. Lahat.
Maliban lang doon sa sinabi kong ‘normal’ ako.
Bago mamatay ang aming lolo, si Pacito Fontanilla, o ‘Lolo Pancho’ kung ikaw ay isa sa mga apo niya, kinausap niya ako nang mag-isa. Sampung taong gulang pa lamang ako noon. Sinabi niya na mahalaga ang sasabihin niya sa akin kaya nakinig akong mabuti.
Sinabi niya sa akin, “Apo, tulad ng nakikita mo, malapit na akong sumakabilang-buhay. Kaya –“
“Lolo, huwag niyo pong sabihin ‘yan. Hindi pa po kayo mamamatay. Makikita niyo pa po akong maging doktor. Makikita niyo pa po si Kuya Chuck na maging isang inhinyero,” sabi ko.
Huminga ng malalim si Lolo, “Pakiusap, apo, kailangan mong making sa aking mga sasabihin.”
“Nakikinig po ako, Lolo,” sagot ko.
“Apo, sa bawat henerasyon ng ating pamilya, isa sa inyo ang pagbibigyan ng isang abilidad. Isang abilidad na maaaring makabuti o makasama sa iyo,” ang humihingal na sabi ni Lolo.
“Lolo, hinay-hinay lang po. Ano po ang ibig niyong sabihin?” tanong ko.
“Iho, hindi ko ito maaaring sabihin sa iyo nang diretso, ngunit malalaman mo rin ito sa tamang oras,” mahinang sagot ni Lolo.
Dito na ako naguluhan. “A-ano po? Paano ko po malalaman iyon kung hindi niyo sasabihin sa akin?”
Itinaas ni Lolo Pancho ang kaniyang mga kamay upang abutin ang kwintas sa kanyang leeg. Tinanggal niya ito at isinuot niya ito sa akin. Ang kwintas ay gawa sa batong kulay lila na may korteng parang kalapati at nakatali sa itim na tali.
“Kumuha ka ng kahit anong babasahin na may kwento. Sinabi ng aking Itay na tanging ang kuya mo lamang ang maaaring makagamit nito. Ngunit hindi niya tinanggap ang abilidad na ito at nais niya itong ibahagi sa iyo. Hindi ko pwedeng sabihin kung paano ito gumagana pero ikaw na lang ang makakaalam nito sa tamang oras.”
Hinaplos niya ang aking pisngi at ngumiti, “Paalam, apo.”
Bumagsak ang kaniyang kamay sa kama. Hindi ko alam ang aking gagawin sa oras na iyon. Umiyak lang ako nang walang humpay dahil wala na si Lolo.
Simula ng gabing iyon, lagi ko nang isinuot ang kwintas na ibinigay sa akin ni Lolo Pancho, ngunit hindi ko pa rin alam kung paano ito gamitin at kung ano ang abilidad na sinasabi niya, o kung sigurado ba talaga ako na gusto kong gamitin ang abilidad na ito. Basta ang nasabi lang niya sa akin ay kailangan ko ng isang babasahin upang gumana ito. Kulang pa rin ito upang matukoy ko kung ano ang maaari kong gawin dito. Hindi naman sumagi sa isip ko na tanungin ang tungkol dito kay Kuya dahil sa malamang, may dahilan kung bakit hindi niya ito tinanggap kay Lolo.
Saka ko na lang nalaman kung paano ito gumana nang ako ay labinlimang na taong gulang na. Nag-aaral ako noon ng aming leksyon tungkol sa buhay ni Jose Rizal nang bigla na lang akong nakatulog habang suot ang kwintas ni Lolo Pancho. Upang paiklihin ang kwento, napunta ako doon sa kwento ng buhay ni Rizal at matagal akong namuhay doon. Pagbalik ko sa sarili kong dimensyon, para bang hindi lumipas ang oras at bumalik ako sa dati. Um, lumipas din ang oras, pero parang nakaidlip lang ako; hindi gaanong matagal ang oras na laumipas, ‘di tulad sa dimensyong ‘yun. Hindi ko maipaliwanag kung papaano nangyari iyon. Hindi ko na lang din iku-kwento ang nangyari doon dahil hindi masyadong naging maganda ang nangyari sa akin sa dimensyong iyon bago ako makabalik. Hindi ko na rin ulit ito sinubukan mula noon.
Bale ‘yun ang kapangyarihan ko. Kaya kong pumasok sa isang kwentong aking nais kung kalian ko man gustuhin. Hindi mo masasabing isa itong kapangyarihan ng isang superhero. Kung sabagay, hindi naman ako nahilig sa mga superhero; sa tingin ko ay masyado nilang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para sa mga bagay-bagay, pero opinyon ko lang naman ito. Mas magandang magkaroon na siguro ng isang kapangyarihan na tila walang silbi, ngunit kung magiging malikhain ka, marami kang magagawa, ‘diba? Nagiging malikhain ang bawat tao kapag binigyan mo sila ng mga hangganan, sa tingin ko.