“Kamusta naman ang unang araw niyo?” tanong ni Mang Gido pagkatapos niyang patayin ang radyo sa kotse.
“Hindi naman masama, pero hindi rin masaya,” sagot ko. “Maraming nangyari sa araw na ito na ewan ko ba kung maihahanay ko nga sa maganda at masama. Nagkahalu-halo na kasi lahat.”
Ngumiti si Mang Gido. “Hay, buhay nga naman. Punung-puno talaga ng misteryo kaya nagiging komplikado ito.”
Nawala ang pagod ko nang minsanan kaya itinuloy ko lang ang pagkausap ko sa kanya. “Buti pa po siguro kayo, simple lang po ang buhay niyo, walang komplikasyon.”
Masayang kausap si Mang Gido. Sa unang tingin, mapagkakamalan mong siya si Hitler dahil sa kanyang bigote. Itim ang kanyang buhok, kayumanggi ang kanyang balat, kulay-abo ang kanyang mga mata, pango ang ilong, at makapal ang mga labi niya. Ngunit hindi tulad ng tunay na Hitler, mahinhin siya para sa isang ama na may apat na anak na puro lalake lahat. Dalawang taon na rin siyang byudo, kaya masasabi kong respetado siya ng kanyang mga anak. Sa tuwing kami lang dalawa ang nasa kotse, lagi siyang nagkukwento tungkol sa buhay niya, pati ng kanyang mga anak at nito-nito lang, ng kanyang yumaong asawa.
“Naku, iho, hindi rin,” mabilis na sagot ni Mang Gido. “Magsisimula na ring mag-aral sa elementarya ang bunso kong anak sa probinsya. Hindi namin alam ng iba ko pang mga anak kung paano namin siya masusuportahan dahil bago lang sa kanya ang pagpasok sa paaralan. Parang ganon din ang sitwasyon niya sa inyo. Iniisip ko rin ang mga bagay na ganyan.”
“Ganon po ba?” Naalala ko sa puntong ito ang unang araw ko sa elementarya noong anim na taong gulang pa lang ako. Halos ayaw ko ring pumasok noon sa silid namin dahil natatakot ako sa sobrang dami ng mga katulad kong bata doon. “Kung sabagay, ganon din ako noon. Nasanay kasi ako noon na mag-isa lang sa bahay kasama si Kuya o kaya naman eh si Yaya Imang. Nabigla tuloy ako sa dami ng mga kaklase ko noon.”
Huminga nang malalim si Mang Gido at nagkamot ng ulo. “Hay, lahat tayo dumaan sa ganyan. Pero ikaw siguro, mas maraming beses mo na itong napagdaanan.”
Napasinghal ako sa sinabi niya. “Hay naku, tama po kayo. Una noong sa mababang paaralan ako, tapos sa mataas na paaralan, saka noong kolehiyo, tapos kanina lang. Bale apat na beses na.”
“Nakanangtokwa! Grabeng tagal niyan, ah?” gulat at natatawang sabi ni Mang Gido.
Umiling ako dito. “At sa tingin ko, pagdadaanan ko ulit ‘yan kapag resident na ako, tapos kung ganap na akong doktor sa nalalapit na hinaharap.”
“Alam kong hindi na ito ang unang beses na itatanong ko sa’yo ito, pero hindi ka ba nagsasawang mag-aral?” napabuntong-hiningang tanong niya.
Nag-isip ako saglit. “Sa katunayan, parang medyo nagsasawa na rin ako sa pag-aaral. Kung bibilangin niyo po, ika-labinlimang taon ko na ito sa pag-aaral. Pero iniisip ko lang na kung naging doktor na nga ako, bawing-bawi na rin ako sa lahat ng paghihirap ko. Isa pa, hindi naman ako sobrang naghihirap. Tamang basa lang naman kaya bihira lang akong masabaw. Sa lahat kasi ng ayaw ko eh ‘yung nasasabaw ang utak ko sa kakabasa. Baka nga magkatotoo ‘yung sinabi sa akin ni Kuya noon na baka tubuan na ako ng kabute sa ulo nito.”
“Ayos naman kung ganon, pero hindi ka naman siguro talagang tutubuan ng kabute sa ulo niyan.” Niliko ni Mang Gido ang sasakyan. “Oo nga pala, pinapadaan pala tayo ni Hector sa opisina niya. Meron daw konting salu-salo doon at pinapatawag tayo nung ka-opisina niya. Ayos lang ba kung dumaan muna tayo doon?”
Sa hindi ko malamang dahilan, bigla akong naglaway sa sinabi ni Mang Gido. “Syempre, ayos na ayos! Balak ko sanang mag-merienda na lang sa bahay, pero kung may libreng kainan, hinding-hindi ako makaka-hindi.”
Dahil sa mabagal na daloy ng trapiko, medyo natagalan kami bago makarating sa opisina ni Kuya Chuck. Pagdating namin doon, nadatnan namin si Kuya Chuck na naghihintay sa harap ng opisina.
Tinawag kami ni Kuya habang binuksan ko ‘yung bintana ng kotse, “Mang Gido, Jay! Buti nakarating kayo. Medyo kasisimula lang ng salu-salo sa loob. Nagpatawag ‘yung boss namin ng ilang mga kaanak o kaibigan na pwedeng dumalo dito.” Bumaba kami ni Mang Gido sa kotse at sumama sa loob ng gusali. Habang lumalakad kami, nag-usap kami ni Kuya.
“Kuya, sakto kasing maaga kaming pinalabas kanina, kaya nakasabay na ako kay Mang Gido,” sabi ko.
Ngumiti si Kuya Chuck at ginulo ang buhok ko. “Hah! Inaasahan ko na rin na hinding-hindi ka mawawala sa mga kainang ganito kaya alam ko na na sasama ka, Jay.”
“Amp! ‘Wag ka nga!” sabi ko habang lumayo sa kanya at inayos ang buhok ko. “Ay, onga pala, para saan itong salu-salo? Ano bang meron?”
Lumaki ang ngiti ni Kuya. “Magreretiro na kasi si Engr. Cardoso ngayon, kaya nagkaroon ng salu-salo.”
May naalala ako dito sa sinabi na ito ni Kuya. “Si Engr. Cardoso? ‘Diba siya ‘yung sinasabi mong… alam mo na.”
Saglit na tumigil sa paglalakad si Kuya Chuck kaya napatigil din kami ni Mang Gido. “Mamaya, ikukwento ko na lang sa kotse ang lahat. Sa ngayon, kumain na lang muna tayo, okey?”
“O siya, siya,” sabi ko habang inikot ko ang mga mata ko.
Pagpasok namin sa opisina niya, sinalubong kami ng katrabaho at kasintahan ni Kuya Chuck, si Ate Candice. Kasintangkad siya ng balikat ni Kuya Chuck, medyo blonde ang buhok niya na hanggang leeg niya pero sa tingin ko ay pinakulayan lang niya ito, chinita ang kanyang mga mata, at medyo makapal ang labi.
“O, nandito na pala ang kapatid mo,” nakangiting sabi ni Ate Candice. “Buti at nakarating ka dito.”
“Beh, sinama ko na rin si Mang Gido dito. Ayos lang naman siguro,” sabi ni Kuya.
“Ayos lang ‘yun, Beh, mangilan-ngilan lang naman ang ibang nakapunta dito. Buti nga at pumunta sila ngayon,” sagot ni Ate Ice.
Mag-iisang taon na rin sila ni Kuya Chuck at Ate Candice. Sa karaniwang pagkakataon, hindi ko natatagalan ang mga tawagang ganito ng mga magkakasintahan. Hindi talaga ako romantikong tao at masasabi mo na rin siguro na panira ako lagi ng mga sitwasyon na puno ng kilig. Pero sa kaso nina Kuya Chuck at Ate Ice, ayos na rin ako doon dahil hindi nila inaabuso ang ganong tawagan at madalas pa rin nilang tawagin ang isa’t isa sa mga tunay nilang pangalan. Buti na rin at pinayagan ako ni Kuya na tawagin siyang Ate Ice.
Umupo sa isang tabi si Mang Gido habang pinaupo naman ako ni Kuya sa kanyang pupitre. Kumuha lang ako ng dalawang pritong hita ng manok, konting spaghetti, isang cupcake na merong nakasulat sa icing na “Maligayang Pagretiro, Sir!”, at isang basong Pepsi kaya madali akong natapos. Konti rin lang ang nakain ko dahil sa tingin ko ay nalipasan na ako ng gutom kaya hindi ko na kinayang kumain ng marami.
Habang naghihintay ako na matapos ang salu-salo, napansin ko na may bukas na laptop sa mesa ni Kuya. Alam kong hindi ito sa kanya dahil malaki at kulay-bakal ang laptop ni Kuya. Ang laptop na nasa ibabaw ng mesa niya ay kulay puti, at ‘di hamak na mas maliit kaysa sa kanya, at maging sa akin.
Tinignan ko kung ano ang nasa Desktop ng laptop. Nandoon ang mga normal mong mga icon na makikita sa isang kabibili pa lang na laptop, maliban sa isa. Tinignan ko kung ano ito at nalaman kong isa itong kopya ng pelikulang Wreck-it Ralph na na-download gamit ang torrent downloads. Tumingin ako sa paligid kung mayroong nakatingin sa akin. Mukha namang wala dahil nakapalibot silang lahat kay Engr. Cardoso na nagsimula nang magbigay ng talumpati sa kanyang mga empleyado habang sila ay, nahalata ko sa mga mukha nila, nagkukunwaring nakikinig sa kanya. Maging si Mang Gido ay nakikinig sa talumpati ni Engr. Cardoso, pero ewan ko lang kung iniintindi niya ng lubos ang talumpati dahil isa, wala itong kinalaman sa kanya, at pangalawa, maging ako ay hindi maintindihan ang ilang mga salitang ginagamit niya. Kinuha ko sa bulsa ko ang aking flash drive na lagi kong dala kahit saan man ako magpunta. Sinaksak ko ito sa laptop at kinopya ang pelikula upang panoorin ito kung kalian ko man naisin.
“Ayos. Buti na lang hindi pa puno,” sabi ko sa isip ko.
Pagkatago ko ng aking flash drive sa bulsa ko, saktong lumapit sa akin si Kuya Chuck. Para hindi siya makahalata, nagtanong ako sa kanya. “Kuya, kanino itong laptop na ito?”
“Ah, ‘yan, um, kay Rod ‘yan,” sagot ni Kuya habang nagkakamot siya ng ulo. “Ewan ko ba kung paano nakarating ‘yan dito. Kung saan saang mesa nakakarating ang laptop niya.”
“Ah, akala ko kasi kung bakit may ibang laptop dito,” sabi ko. “Teka, ano na ang susunod na mangyayari?”
Tumingin si Kuya Chuck sa kanyang relo. “Uwian na namin ngayon, kaya magliligpit na lang ako ng gamit. Ibabalik ko muna itong laptop kay Rod, baka hanapin niya pa ito mamaya. Alam mo naman, burara sa gamit itong si gago.”
Isinara ni Kuya ang laptop at kinuha ito upang ilapag sa malayong mesa saka siya bumalik sa kinauupuan ko (tumayo na ako sa puntong ito) at nagsimulang magligpit ng mga gamit niya.
Ilang minuto lang ang lumipas at nagpaalam na kami kay Ate Ice at sumakay na sa kotse. Hindi na kailangang ihatid ni Kuya Chuck si Ate Ice dahil meron din siyang sariling sundo. Habang bumibyahe kami, nagsimula nang magkwento si Kuya tungkol doon sa boss niya.
“Tuwang-tuwa kaming mga empleyado niya dahil magreretiro na siya,” bungad niya sa amin. “Mas mabait na ‘yung papalit sa kanya bukas, si Engr. Okido. Kapangalan ko pa man din siya.”
“Kilala mo na ba kung sino si Engr. Okido?” tanong ni Mang Gido.
Humikab si Kuya Chuck bago siya magsalita. “Hindi pa naman sa ganon, pero minsan ko na rin siyang nakausap. Sa tingin ko, mas rerespetuhin ko siya bilang boss ko ngayon kesa kay Engr. Cardoso. Nakakapang-init lang sa batok ang pamamahala niya, eh.”
Sumali na rin ako sa usapan. “Eh ‘di kung ganon, iba na lang ang pag-usapan natin. Baka mamaya masunog itong kotse sa sobrang init ng batok mo.”
“Tama ka, Jay,” sabi ni Kuya. “Kamusta nga pala ang unang araw mo bilang isang estudyante ng Medisina?”
Ngayon, batok ko naman ang nag-init dahil naalala ko ulit ang nangyari kaninang umaga. “Ay p – pwedeng pakitapat muna sa akin ‘yung aircon?”
Tumawa dito si Kuya habang tinapat sa akin ni Mang Gido ang aircon. “Naku, Jay, sa tingin ko, hindi rin naging maganda ang araw mo ngayon.”
“Hindi naman masyado,” katwiran ko. “May mga nakilala rin akong mga bagong kaklase, pero naging kaklase ko ulit si Manuel.” Ipinatong ko ang kaliwa kong siko sa may bintana, sinimulang kagat-kagatin ang kaliwa kong gitnang daliri, saka ako tumingin sa mga sasakyang nasa labas.
“Si Manuel? Manuel Sagrado? ‘Yung anak ng may-ari ng Electron Pilipinas na si Gregorio Sagrado?” lumingon sa akin si Kuya Chuck pagkasabi niya nito. “Malas mo naman. Malamang magkatabi na naman kayo.”
Napabuntong-hininga ako at sinabi kong, “Sa awa ng Diyos, hindi na rin. Wala naman kaming seating arrangement sa Anatomy, tapos may ibang sumingit sa amin doon sa Physiology kanina. Ewan ko lang kung paano sa iba pa naming klase bukas. Kakayanin ko naman siguro siyang tiisin kahit papaano. At huwag mo nang ipaalala sa akin na sila ang may-ari ng pinakamalaking pagawaan ng mga motorsiklo dito sa Pilipinas. Kainis lang ‘yung pagmamayabang niya kaninang Physio namin.”
“Naku, Jay, hindi pwede ang ganyan,” sabi ni Kuya habang umiling siya nang konti. “Apat na taon ulit kayong magsasama sa iisang silid ng paaralan. Imposibleng hindi kayo ulit magkaroon ng pagkakataong magbati man lang.”
Isinara ko ang aking mga braso at sinabing, “Tatlo. Sa ibang ospital na siguro kami mapupunta para sa duty namin kung sakali. Ewan ko lang. Kung magbabati man kami, dapat noon pa ‘yun. Matigas na akong semento. Malamang ganon din siya.”
Dito sumali din sa usapan si Mang Gido. “Kung ako sa inyo, hindi ko sasabihin ang ganyan. Hindi natin alam kung papaano gumagana ang isip ng tao. Maging ang dalawa sa mga anak ko na mas matanda lang sa inyo ng tig-isang taon, kahit na sabihin nating matigas na silang semento, ay mapapansin kong nagbabago pa rin. Pakonti-konti lang ang pagbabago kaya halos hindi natin ito napapansin. Bahagi ito ng paglaki ng tao, at sa tingin ko, hindi tayo tumitigil sa paglaki.”
“Tama siya, Jay,” dagdag ni Kuya Chuck.
Sa loob-loob ko na lang, parang medyo nainsulto ako sa sinabi ni Mang Gido na hindi natin alam kung paano gumagana ang isip ng tao samantalang apat na taon akong nag-aral sa Kolehiyo ng Sikolohiya. Marami din akong kaalaman tungkol sa isip ng tao at kung bakit nila ginagawa ang kanilang mga kilos.
Ibibigay kong halimbawa si Ash. Sa unang tingin ko sa kanya, nakita ko na isa siyang palaaral na tao. Sobrang palaaral siya hanggang sa umabot sa puntong kukunin niya ang lahat ng kaniyang mga aklat upang ilagay sa locker niya sa unang araw pa lang ng klase. Ngunit bakit niya kailangang gawin ito? Nahulaan ko, kahit na hindi ko ito itinanong sa kanya na marami siyang mga kapatid, at malamang ay gitnang kapatid siya. At dahil marami silang magkakapatid, hindi niya maiiwasang magpursige upang mapansin siya ng kanyang mga magulang. Isang natural na bahagi ng pagkakaroon ng maraming kapatid ang hindi ka mapansin minsan ng iyong mga magulang, lalo na kung nasa gitna ka. Kaya dahil dito, nagpupursige si Ash sa unang araw pa lang namin sa Medisina.
“Jay, mukhang tumahimik ka ‘ata,” sabi ni Kuya Chuck. “Ayos ka lang ba?”
“Oo, na-imbyerna lang talaga ako kanina. Huwag mo muna akong alalahanin,” mahina kong sagot habang ipinikit ko ang aking mga mata.
Tumingin ako sa labas ng bintana upang medyo maisaayos ko saglit ang aking isipan. Dito ko naisip na kahit papaano, tama si Mang Gido sa sinabi niya. Hindi ko ito maikakaila. Lahat ng tao ay nagbabago rin sa paglipas ng panahon. Sa tingin ko rin ay nagbago na rin ako kumpara noong pagpasok ko pa lang sa Kolehiyo ng Sikolohiya. Sana nga lang ay masasabi ko rin iyon tungkol kay Manuel. Aaminin ko rin na kung sasabihin kong hinding-hindi ako makikipag-bati kay Manuel, nagsisinungaling ako doon. Ngunit kung tumuloy pa rin ang ganong turing niya sa akin, malaki ang tsansa na magkatotoo iyon.
Lumiko ang aming sasakyan sa isang kanto kung saan malapit-lapit na ang kinatatayuan ng aming apartment.
Normal lang siguro itong nararamdaman ko, naisip ko. Dahil siguro sa tagal ng panahon na magkasama kami ni Manuel at hindi naging maganda ang turing niya sa akin kaya ganito ang nararamdaman ko, kaya nais kong lumayo sa kanya, kaya gusto kong isubo sa bunganga niya nang buo ang libro ni Ash sa Anatomy sa pang-aasar niya sa akin… hindi – kailangan kong pigilin ang ganong nararamdaman ko para sa kanya. At sa tingin ko ay babaliin muna ni Manuel ang bawat buto sa aking katawan bago pa man ako makalapit sa kanya.
Maya-maya, namalayan ko na lang na papasok na ang aming sasakyan sa aming apartment.
Hindi ko pa pala naipaliwanag kung bakit apartment ang tinitirahan namin dito. Naisip nina Papa at Mama na dahil lahat ng miyembro ng aming pamilya ay dito sa syudad nagtatrabaho o nag-aaral, naisip namin na bumili ng maliit na sukat ng lupa dito upang patayuan ng isang mataas na gusali na pwede naming paupahan bilang apartment. Ang aming tinitirhang unit ay nasa ikawalo at pinakamataas na palapag ng gusali. Mula sa ikalawa hanggang sa ikaanim na palapag lamang ang pinauupahan namin sa iba at iniwan naming bakante ang ikapitong palapag dahil hindi namin alam kung kalian kami magkakaroon ng mga bisita. Inisip din namin na maaari kaming magpatira doon ng iba pa naming kamag-anak kung sakaling pumunta sila dito sa syudad. Sa ngayon, walang nakatira sa palapag na iyon, pero minsan-minsan kaming tumatambay doon ni Kuya kung nagsasawa kami sa kwarto namin. Minsan din kaming pinapatulog doon ni Papa para magkatao naman doon paminsan-minsan. Naniniwala kasi kami na ang bahay (o sa kaso namin, palapag ng apartment) na hindi tinitirhan ng tao ay maaaring tirhan ng mga espiritu, mabuti man o masama. Mabuti na rin ang makaiwas sa mga ganong sitwasyon. Ang unang palapag naman ay nagsisilbing garahe ng mga sasakyan namin at ng ibang mga umuupa dito.
Kasalukuyan ding bakante ang ikatlong palapag dahil bumalik na sa Davao ang pamilya na nakatira doon dalawang buwan na ang nakakaraan. Kasundo namin ni Kuya ang mga anak ng nakatira doon noong nandito pa sila, kahit na ang pinakamatanda sa kanila ay siyam na taong gulang pa lamang. Bukas ngayon ang ikatlong palapag sa mga naghahanap ng matitirahan. Kung suswertehin, magiging kasundo namin siguro ulit ang mga bago naming kapit-bahay.
Masaya rin na ganito ang tinitirahan ko dahil marami akong nakikilala sa mga umuupa sa amin. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa iba’t ibang kompanya, samantalang ang iba ay nag-aaral sa ibang unibersidad. Paminsan-minsan ko nga lang silang nakakausap dahil abala rin sila sa kani-kaniyang buhay nila. Naalala ko na lang na magiging abala na rin ako sa mga susunod na mga araw dahil sigurado akong tambak na ang ibibigay sa amin ng mga propesor na mga gawain.
Pagpasok ng aming sasakyan sa garahe, nakita namin na nakarating na rin pala sina Mama at Papa dahil nakita namin ang kotseng gamit ni Papa na nakaparada na sa loob. Umakyat na kaming tatlo at naabutan namin si Yaya Imang na tinutulungan sina Mama at Papa na magluto ng hapunan.
Kasama na namin si Yaya Imang simula pa lang noong nagkamalay na kami ni Kuya. Medyo itim ang kanyang balat, kulot ang kanyang maiksing buhok, malalaki at bilog ang kanyang itim na mga mata, pango ang ilong, at makapal ang kanyang labi. Nanatiling isang matandang dalaga si Yaya Imang at hindi na nagkaroon ng sarili niyang pamilya. Nasa Siquijor ang lahat ng kanyang mga kamag-anak, ngunit wala na sa kanila ang malapit ang relasyon sa kanya. Sumakabilang-buhay na ang kaniyang mga magulang at mga kapatid, at may sari-sarili na ring mga buhay ang kanyang mga pamangkin kaya halos wala nang nakakaalala sa kanya. Ito siguro ang dahilan kung bakit tumagal siya sa amin ng ganito katagal. Sa tingin ko, para na rin niya kaming pamilya. Ganon din naman kami sa kanya.
Pagkababa ko ng aking bag sa sala, naalala ko si Ash. “Yaya Imang, ayos lang po ba kung ipaghanda niyo ako ng baon kong pananghalian bukas?”
Ngumiti si Yaya Imang. “Aba’y ayos lang sa akin ‘yon, iho. Ano ang gusto mong ihanda kong pananghalian mo?”
Wala akong maisip na gusto kong ulam. “Kayo na lang po ang bahala. Sorpresahin niyo na lang po ako siguro bukas.”
“Jay, matanong ko lang, bakit nga pala gusto mong magbaon bigla?” tanong ni Mama.
Sa tingin ko ay sasabihin ko na lang sa kanila ang tunay na dahilan. “Kasi po, sasabay dapat ako doon sa isa kong nakilalang kaklase ko kanina, kaso nang niyaya ko siya sa Mang Inasal, sabi niya sa akin, sa iba daw siya kakain.”
“Hmm, sa Mang Inasal?” sabi ni Papa.
“Naisip ko nga po na baka hindi siya mahilig sa mga ganong klase ng mga kainan, kaya naisip ko na dapat doon ko siya niyaya sa paborito kong karinderya,” paliwanag ko.
Tumawa nang konti si Mama. “Sa Lilet Tsunin’s? Baka naman sabihin niya na masyado kang nagtitipid kung doon mo siya yayain?”
“Hindi naman po siguro. Sa tingin ko nga, hindi siya isa doon sa mga mayayaman kong kaklase,” sabi ko. “Pero naisip ko na mas ayos siguro kung magbaon na lang ako para pwede ko siyang sabayang mananghalian. Hindi siya ‘yung tipo na madaling lumapit sa iba at makipagkaibigan, kaya naisip kong ako na lang ang lalapit sa kanya.”
Sumagot si Papa, “Ayos kung ganon. Eh teka, maliban sa iyong tanghalian, kamusta naman ang unang araw mo bilang isang estudyante ng Medisina?”
Uminit ulit ang batok ko sa tanong ni Papa.
“Jay, mukhang hindi mo na ‘ata kayang ikwento sa kanila ang araw mo,” panunukso ni Kuya Chuck. “Ano, ako na lang ang magkwento sa kanila?”
Inikot ko ang aking mga mata at sinabing, “Hrgh! Ako na!”