Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari kay King Candy. Hindi ko maipaliwanag kung inaatake na siya sa puso o ganon lang talaga siya mataranta, ngunit isa lang ang sigurado ako: kailangan ko nang lumabas sa kastilyong ito sa lalong madaling panahon.
“Dakpin niyo sila, mga kawal!” ang sumunod na nasabi ni King Candy.
Bago pa man makalapit sa amin ni Ralph ang sinuman, agad akong sumigaw. “SAGLIT LANG!”
Nagsitigil ang mga sumugod sa amin. Dito ko sinamantalang buksan ang aking Menu habang bumulong ako kay Ralph, “Ralph, pumikit ka.”
“Ha? Bakit – ”
“Gawin mo na lang, ungas!” naiinis kong bulong sa kanya habang hawak-hawak ang isang buto ng Deku.
Tumingin ako kay Ralph at nang nakita kong nakapikit na siya, inihagis ko ang buto ng Deku sa aking harapan. Agad na bumisa ang buto ng Deku: lahat ng nasa harapan namin, maging si King Candy ay pansamantalang nahilo.
“Ralph, takbo!” sigaw ko habang patakbo rin akong pumunta sa pintuan.
Wala na akong panahon upang buksan ito kaya inilabas ko ulit ang aking Megaton Hammer, ngunit naunahan ako ni Ralph sa pinto; isang hampas lang niya ng kanyang dalawang malalaking braso ay agad na nawasak ang napakalaking pintuan. Bigla niya akong binuhat at sabay na kaming tumakas mula sa kastilyo.
Parang saglit pa lang na tumakbo si Ralph, pero tumigil na siya agad. Hindi ko na rin napansin kung saan kami napunta dahil nawalan na ako ng direksyon dahil sa pagkakabuhat sa akin ni Ralph. Natanto ko na lang na nakaupo ako sa lupa at tumakbo si Ralph paalis habang may sinisigawan. Kinailangan kong umiling para bumalik ang aking kamalayan. Nang makita ko kung saan pumunta si Ralph, nakita kong kausap niya batang babae na hinahabol niya kanina. Malamang, ito si Vanellope von Schweetz, ‘yung batang tinutukoy ni King Candy. Nilapitan ko sila at narinig ko ang usapan nila. Hindi pa rin nagbago ang isip ni Ralph mula kanina. Gusto pa rin niyang makuha ang kanyang medalya.
“Hindi mo na makukuha ang iyong medalya hangga’t hindi ako nananalo sa karerang gaganapin. At ngayong sinira na nila ang aking kotseng pangkarera, wala ka na talagang pag-asang makuha iyon,” naiinis na paliwanag ni Vanellope.
Nagwala na si Ralph at nagsimulang hampas-hampasin ang isang malaking bilog na bato na mukhang gawa rin sa candy gamit ang kanyang mga braso.
Sumigaw si Vanellope, “Ano bang ginagawa mo? Jawbreaker ‘yan! Hindi mo lang basta-bastang – ”
Bago pa man matapos ni Vanellope ang kanyang sinasabi, biglang nahati sa dalawa ang higanteng jawbreaker. Napansin kong ngumiti si Vanellope at may sinabi na hindi ko narinig.
Lumapit ako sa kanya at nagsabing, “Dapat nakita mo kung papaano niya sinira ‘yung pagkalaki-laking pintuan doon sa kastilyo ni King Candy.”
Tumingin siya sa akin. “Hmm, at sino ka naman? Ngayon lang kita nakita dito. Huwag mong sabihing kaibigan ka nitong si Ralph.”
Pinagtawid ko ang aking mga braso. “Maaari mong sabihin ‘yan, pero kanina lang kami nagkakilala. Ako si Link, mula sa larong The Legend of Zelda: Ocarina of Time 3D. At malamang ikaw si Vanellope von Schweetz.”
“Oo, ako nga,” sagot niya. “Siguro marami nang naikwento sa inyo si King Candy tungkol sa akin, ano?”
“Hmm, maliban siguro sa sinabi niyang hindi ka maaaring sumali sa karera dahil isa kang glitch ng larong ito, wala naman siyang nasabi tungkol sa’yo,” sagot ko.
Saglit na tumawa si Vanellope at tumingin ulit kay Ralph. “Ikaw, Ralph, kung gusto mo pang makuha ang medalya mo, kailangan mo akong tulungang gumawa ng bagong kotse.”
“At paano ko naman gagawin iyon?” naiinis na tanong ni Ralph. “Naninira ako ng mga bagay, hindi gumagawa.”
“Sumunod ka na lang sa akin. Halika na!” sagot ni Vanellope, saka tumingin sa akin. “Ikaw, Link, sasama ka ba sa amin?”
Umiling ako at nagsabing, “Kung hindi ako nagtagumpay sa una kong subok kay King Candy, sa tingin ko ay kailangan kong gumawa ng ibang paraan para makausap siya ulit. Babalik muna siguro ako sa kastilyo, pero didiretso na ako kay King Candy.”
Nagkamot ng ulo si Ralph. “Paano mo naman gagawin iyon? Nakita mo naman kung gaano kahigpit ang seguridad doon sa kastilyo.”
Bago pa man ako makasagot, hinila na siya ni Vanellope palayo at nagsabing, “Huwag mo nang problemahin iyon, Ralph! Tulungan mo na lang ako na gumawa ng bagong kotse. At Link, sa tingin ko hindi mo mahahanap sa kastilyo si King Candy. Malamang ay hinahanap ako nun sa buong kaharian. Sige, mauna na kami!”
Kumaway na lang ako sa kanila at nagsimula nang tumakbo pabalik ng kastilyo. Ngunit ilang minuto pa lang ang nakalipas, nakaramdam na ako ng pagod. Hindi ko akalaing kakayanin akong dalhin ni Ralph nang ganon kalayo nang hindi napapagod.
Wala naman talaga akong dahilan para gawin ito, ngunit inilabas ko ang aking Ocarina at pumili ng isang kanta na pwede kong tugtugin habang nagpapahinga ako. Wala naman akong inasahang kahit ano na mangyari, ngunit pagkatapos ko itong tugtugin, bigla akong nakarinig ng mga yabag ng kabayo na papalapit sa akin. Tumalikod ako at nakita kong papalapit nga sa akin si Epona. Hindi ko talaga ito inasahan dahil nga hindi ko pa nakukuha si Epona kay Ingo sa laro ko.
“E-epona? Papaano ka nakarating dito?” pagtataka ko, ngunit winaglit ko na ito sa isip ko. “Hindi na nga bale. Tara, pakidala naman ako sa kastilyo ni King Candy, o.”
Sobrang sarap ng pakiramdam kapag nakasakay ka sa isang kabayo, lalo na kung nararamdaman mo pa ang hangin sa iyong mga pisngi, ngunit hindi nagtagal ang ganitong pakiramdam dahil nakarating na rin kami sa harap ng kastilyo ni King Candy.
“Salamat, Epona,” sabi ko sa kanya. Tumakbo siya ulit papalayo pagkatapos ko itong sabihin sa kanya. Pwede ko naman siguro siyang tawagin ulit mamaya kung sakali kaya hinayaan ko na lang siya.
Madali lang iwasan ang mga gwardya sa kastilyo. Nagawa kong magtago sa kanila sa pamamagitan lamang ng paglakad sa tuwing nakatalikod sila sa akin. Maraming beses ko na itong nagawa sa paglalaro ko ng Zelda. Pagkalipas lang ng dalawa o tatlong minuto, nakarating na rin ako sa kwarto ni King Candy. Naalala ko ang sinabi ni Vanellope na maaaring wala siya dito, ngunit ano naman ang mawawala kung magbakasakali ako? Binuksan ko ang pinto at laking gulat ko na lang dahil hindi isang kwarto ang tumambad sa akin.
Isang bakanteng espasyo lang ang nasa kabila ng pintuang iyon sa unang tingin, pero doon ko rin nakita ang pagkarami-raming numero na parang mga datos sa computer at mga kable na kung saan-saan nakakonekta. Sinubukan kong lumakad papasok. Akala ko ay mahuhulog ako sa ilalim ng espasyo, ngunit lumutang ako pagpasok ko. Nagtaka ako kung ito nga ba ang kwarto ni King Candy. Malamang ay tama si Vanellope na hindi ko siya mahahanap dito sa kastilyo. Kung ganon, kailangan kong mahanap si King Candy bago pa man tuluyang masira ang kanyang kaharian.
Lalabas na sana ako ng pinto nang napansin ko ang isang bloke na may pangalan ni Vanellope na nakasulat. Ang mga kableng nakakonekta dito ay mukhang tinanggal nang pwersahan. Lalo akong nagtaka dito, samantalang sinabi sa akin ni King Candy na isang glitch si Vanellope. Kung gayon, ano ang ginagawa ng software niya dito? Bago ko pa man masagot ang tanong na ito, meron ako ulit nakitang dalawa pang bloke na may nakasulat na “Alaala ng mga Mamamayan” at “Alaala ng mga Manlalaro” sa bawat isa. Tulad ng bloke ni Vanellope, mukhang pwersahan din itong tinanggal mula sa pinagkabitan nito. Dito ko natanto na hindi mapagkakatiwalaan si King Candy. Kailangan kong makaalis dito at sabihin kina Ralph at Vanellope ang nakita ko, pati na rin kina Calhoun at Felix kung maaari.
Paglabas ko ng pinto, sinubukan kong ilabas ang aking espada, ngunit sa hindi ko malamang dahilan, pakiramdam ko ay biglang lumiitit ang aking katawan. At hindi lang iyon, tila ba tumigas din ito, na para bang kahoy. Tumingin ako sa buong paligid at nakita ko ang aking sarili sa isang salamin: isa na akong ganap na Deku.
“P-papaanong…”
Saka ko naalala ang silid kung saan nandoon ang lahat ng data ng larong ito. Sa tingin ko ay dahil doon, nag-iba ang data sa aking katawan at naging isa na akong Deku. Sinubukan kong buksan ang aking Menu at mayroon akong ilang bagong bagay na nakita doon sa loob: apat na magkakaibang maskara.
Hindi ko pa nalalaro ang Majora’s Mask, ngunit alam kong dito nga nanggaling ang mga ito. Isinuot ko agad ang isa sa kanila at bigla ulit akong nagbagong anyo: lumaki naman ngayon ang aking katawan, ngunit lumiit ang aking mga binti at hita. Ayos lang, sabi ko sa sarili ko. Bilang isang ganap na Goron, mabilis akong gumulong palabas ng kastilyo bago pa man may mga kawal na makakita sa akin.
Ngunit nang nakalayo na ako sa kastilyo, nakarinig ako ng isang malakas na pagsabog at biglang bumalik sa normal ang aking katawan. Nagpagulung-gulong ako nang wala sa kontrol hanggang sa tumama ako sa isang malaking piraso ng marshmallow.
Nang mahimasmasan ako sa pamamagitan ng pagkain ng ilang piraso ng marshmallow, tumingin ako sa buong paligid ng Sugar Rush… o kung ano man ang naiwan dito.
Ang buong lugar ay punung-puno ng mga insektong gawa sa bakal; ‘yung mga Cy-Bug na tinutukoy ni Calhoun. Tumingin ako sa buong paligid at nakita ko sina Felix at Calhoun malapit sa labasan ng Sugar Rush.
Sinabi na agad sa akin ni Calhoun, “Ang tagal mong nawala. Anong nangyari sa’yo?”
Bago ko masagot ang tanong niya, nakarinig kami ng isang pang malaking pagsabog na parang nanggaling sa isang bulkan. Tumingin ako sa likuran ko at nakita kong lumalapit ang lahat ng mga Cy-Bug papunta sa nagbabagang nilalabas ng bulkan.
Lumingon ako pabalik kay Calhoun at sinabing, “Hmm, sa nakikita ko, malamang ay hindi na mahalaga kung sabihin ko man ito sa inyo ngayon.”
Pagkatapos ng ilang oras na paghahanap kina Ralph at Vanellope, pumunta kaming lahat sa pagtatanghalan ng karera. Ipinaliwanag sa akin ni Felix na si King Candy ay talagang si Turbo, isang magkakarera na pumunta sa Sugar Rush upang sakupin ito. Binura niya ang mga alaala ng mga mamamayan at ng mga ibang manlalaro dito at tinanggal niya ang datos ni Vanellope kaya daw siya nagkaganon. Kailangan lang daw tumawid ni Vanellope sa finish line upang bumalik ang lahat sa dati.
Pagkatapos ayusin ni Felix ang finish line, sumakay na si Vanellope sa kanyang kotse, ngunit bago pa man siya makatawid dito, isang bola ng kuryente ang tumama sa kotse niya at lubusan itong nasira. Tumingin ako sa pinanggalingan nito at nakita ko si Vaati… ngunit parang iba ang kanyang ikinikilos at parang iba rin ang kanyang itsura.
“Vaati anong –”
Hindi niya pinatapos ang sinabi ko. “Hindi ako si Vaati! Ako si Turbo, ang pinaka magaling na magkakarera sa buong palaruang ito!” Pagkasabi niya nito, naglabas siya ng pagkarami-raming bola ng kuryente at pinatamaan ang lahat. Tumakbo palapit sa kanya si Ralph ngunit madali siya nitong napatumba gamit ang tatlong bola ng kuryente. Dito ko naisip na hindi ako pwedeng umatake nang basta-basta.
Tumingin ako sa buong paligid kung sakaling may makita akong maaaring gamitin upang matalo si Turbo. Napansin kong umiilaw ang finish line. Inilabas ko ang Master Sword, ngunit hindi na ‘Master’ ang nakasulat dito.
“Four Sword? Teka… ayos!” bulong ko sa sarili ko.
Nagsimulang gumawa ng apat na malalaking bolang kuryente si Turbo. Sinigawan niya kaming lahat nang, “Magdasal na kayo dahil ito na ang katapusan –”
“MAUUNA KA!” sabad ko sa kanya habang mabilis akong tumapak sa finish line, tinutok ang espada ko sa kanya, saka nakita ang sarili ko na nahati sa apat. Saktong binuga niya papunta sa akin ang apat na bolang kuryente, na madali kong naibalik sa kanya gamit ang apat na espada na hawak ng aking apat na bahagi. Tinamaan siya nito at siya ay natumba sa kanyang kinalalagyan. Tumakbo ako papunta sa kanya at saka walang tigil ko siyang nilaslas gamit ang aking espada hanggang sa siya ay sumabog na parang sa mga natatalo kong mga boss sa mga nilalaro ko.
Pagkatapos humupa ng lahat, tumalikod ako at nakita ko ang lahat na nakatitig sa akin, maliban kay Ralph na pabangon mula sa pinagbagsakan niya. “Felix, ayusin mo na kaya ‘yung kotse ni Vanellope para matapos na ito,” sabi ko.
Sa isang pukpok pa lang ng kanyang gintong martilyo, buo na agad ang kotse ni Vanellope. Tuwang-tuwa siyang sumakay dito habang tinulak ito ni Ralph papunta sa finish line. Pagkatungtong pa lang nito sa finish line, agad na naayos ang lahat ng nasira ng mga Cy-Bug. Nakita ko rin sa lahat ng mga mamamayan na bumalik na ang mga alaala nila. Ang kamangha-manga pa ay napalitan ang mga ordinaryong damit ni Vanellope ng isang damit ng prinsesa.
“Ah! Natatandaan ko na! Si Vanellope von Schweetz ang ating prinsesa!” sabi ng isa sa mga manlalaro.
“Oo, ako rin. Uh, ano, pasensya na sa lahat ng mga ginawa naming masama sa’yo,” sabi pa ng isa.
“Patawarin mo sana kami,” sabi ng pangatlo.
“Maaari ba kitang makausap?” Hinawakan ako ni Calhoun sa balikat mula sa aking likuran.
Humarap ako sa kanya. “Tungkol ba doon sa kung saan ako nagpunta kanina?” Inaasahan ko na rin na itatanong niya ito sa akin. Matagal akong hindi napakita sa kanila kanina kaya sa tingin ko ay magtatanong na rin siya sa akin.
Huminga siya nang malalim. “Hindi likas sa akin ang mag-alala sa ibang tao, ngunit ang isang karakter na galing sa isang handheld na laro na napadpad dito sa arcade? Kung naubos man ang HP mo, hindi ka na mabubuhay ulit. Nag-alala kami kanina ni Felix nang hindi ka na nagpakita sa amin.”
Napayuko ako nang konti sa sinabi niya. Mali sa akin na pag-alalain ko sila. “Pasensya na kayo kung pinag-alala ko kayo. Pero huwag kang mag-alala, may baon akong dalawang Lon-lon Milk at isang Bottled Fairy, kung sakali mang maubos nga ang HP ko. Ay, ibinigay ko na pala doon sa is among kasama ‘yung isang Lon-lon Milk kanina bago ako pumasok dito. Ayun, pumunta ako sa kastilyo ni King Candy upang siya ay kausapin tungkol sa mga Cy-Bug, ngunit hindi ko siya nahanap. Pumasok ako sa isang kwarto kung saan napakaraming mga datos ang makikita, pati na ang mga alaala ng mga mamamayan at mga manlalaro –”
“Kung ganon nakapasok ka sa database ng larong Sugar Rush?” tanong niya sa akin.
“Oo, ganon nga siguro,” sagot ko. “Nakita kong parang tinanggal ni King Can – um, ni Turbo… tawagin na lang natin siyang Turvaati sa lagay niya kanina lang… ayun, tinanggal niya ‘yung mga alaala ng mga mamamayan at mga manlalaro, pati na rin ‘yung datos ni Vanellope. Doon ko nalaman na si Turvaati ang pinagmulan ng gulo dito.”
Saglit na nag-isip si Calhoun saka siya uling nagsalita, “Sa tingin ko, kaya nag-iba ang iyong espada ay dahil pumasok ka sa database na iyon. Hindi iyan ang iyong normal na espada, tama ba?”
Inilabas ko ang aking espada. Bumalik na rin ito sa dati. “Normal na ito ulit, ngayong maayos na ang lahat. Pero dahil kay Turvaati kanina, nag-iba ito. Pati rin ang ilang gamit ko, naiba rin.”
Ngumiti si Calhoun. “Malamang ay dahil hindi ka talaga galing sa larong ito kaya ganyan ang nangyari sa mga gamit mo. Pati na rin sa’yo. Umiksi ang mga tenga mo, o.”
Hinawakan ko ang mga tenga ko, ngunit parang wala namang nagbago sa mga ito. Magsasalita sana ako nang biglang nakatanggap ng tawag si Calhoun. Saglit niyang kinausap ang nasa kabilang linya. Pagkababa niya sa telepono, “Link, naisaksak na ulit ‘yung device kung saang laro ka galing. Maaari ka nang bumalik sa iyong pinanggalingan.”
Wala akong matinding emosyon na naramdaman sa sinabi niyang ito. Alam ko na rin na tapos na ang kwento ng pelikulang pinapanood ko kaya oras ko na para bumalik sa totoong mundo.
“Maraming salamat sa pagkakataon. Hindi ako sanay sa mga paalam, kaya pakisabi na lang sa iba na bumalik na ako sa sarili kong laro,” sabi ko kay Calhoun.
“Sandali lang!” sigaw sa akin ni Vanellope. Tumingin ako sa kanya at nakita kong patakbo siyang lumapit sa akin. “Sa tingin ko, sa’yo ito.”
Iniabot sa akin ni Vanellope ang Medalyon ng Apoy na hinagis ko kanina. Kinuha ko ito at nagpasalamat sa kanya.
“Akala ko ba wala ka nang pakealam diyan?” tanong sa akin ni Ralph.
“Nagbibiro ka ba?” sabi ko kay Ralph. “Binigay sa akin ito ni Darunia kaya mahalaga sa akin ito.”
Napatawa na lang si Ralph sa sinabi ko.
“Alam mo, nasasayangan talaga ako dahil hindi kita nakitang makipag-karera,” sabi sa akin ni Vanellope.
Tumawa ako saglit at nagsabing, “Hindi kakayanin ng kabayo ko ang ganon kabilis na mga kalaban. Mapapahiya lang kami. Isa pa,” binuksan ko ang aking Menu at kinuha ko ang Ocarina ng Oras, “hindi ito ang lugar kung saan ko magagamit ang aking mga kakayahan.”
Tumingin ako kina Ralph at Felix. “Alagaan niyo ang isa’t isa.”
Nakita kong medyo namula ang pisngi ni Felix sa sinabi ko habang humalakhak ng mahina si Ralph. Umatras ako sa kanilang lahat at tumugtog ng isa sa mga awit sa Ocarina. Lumiwanag ang buong paligid.
Pagkawala ng liwanag, nagising na ako sa harapan ng laptop kung saan nagsimula nang mag-play ang ending credits ng pinanood kong pelikula.
Tumingin ako sa orasan at mahigit isang oras pa lang ang nakakalipas. Hindi ko namamalayan na lumalaki ulit ang aking ngiti. Ewan ko ba, para bang nakakaramdam ako ngayon ng sobrang saya, ngunit hindi ko lang matukoy kung ano ang dahilan nito.
Maya-maya, natanto ko na rin kung bakit. “Hay, matagal-tagal ko na ring hindi nagawa ito.”