Hindi ko alam kung gaano ako katagal nawalan ng malay. Ang huli ko lang na natatandaan ay natamaan ako ng siko ni Toby sa tiyan kaya ako nawalan ng malay. Ngunit hindi nito maipapaliwanag kung bakit pakiramdam kong hinahampas ako ng malalakas na alon bago ako mahilo nang tuluyan. Hindi ko rin alam kung bakit nakakaramdam ako ngayon ng sobrang init na para bang ako ay nasa ilalim ng nagbabagang araw. Hindi ko rin mawari kung bakit ang hinihigaan ko ay parang buhanginan.
Sinubukan kong umupo. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap. Hindi ko rin nararamdaman ang sakit sa aking tiyan. Ayos. Kinapa ko ang aking tiyan at hinimas ito. Wala na talagang sakit. Ngunit nagtataka ako kung bakit hindi ko maramdaman ang damit ko. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata, ngunit bago ko pa man makita ang aking katawan, nakita ko na lang na may ilang patalim na nakatutok sa aking leeg. Ang mga taong may hawak nitong mga patalim na pumapalibot sa akin ay pawang mga nakatalukbong lahat.
“A-anong nangyayari dito!?” malakas kong hiyaw. “Bakit –”
Ngunit hindi ko naituloy ang tanong ko nang nakita ko kung nasaan kami. Nasa gitna kami ng disyerto ngayon at hindi ko alam kung papaano ako nakarating dito. Ngayon ko lang nakita ang buong paligid ko, ang mga tao sa paligid ko, pati na rin ang ayos ko ngayon. Ang mga nakapalibot sa akin ay pawang mga Arabo, o sa tingin ko ay mga Arabo dahil sa kanilang kasuotan. Marami pa sa kanila ang nakasakay na mga kamelyo. Ang mga kamelyo ay may dala-dalang iba pang mga sisidlan. Sa likod ng mga kamelyo, may ilang mga tao ang nakatali ang kanilang mga kamay sa iisang linya.
Kinilabutan ako sa nakita ko kaya tumingin naman ako sa sarili ko. Laking gulat ko na lang at hindi ko na suot ang aking unipormeng pang-judo. Isang kulay-lupang tunika na lang ang aking suot at hindi ko rin alam kung saan ito nanggaling. Ang tanging suot ko lang na nakikilala ko ay ang kwintas na ibinigay sa akin ni Lolo. Tumingin ako ulit sa aking harapan at nakita kong isa sa kanila ang bumaba sa kanyang kamelyo at lumapit sa akin.
Hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi. Tumawa siya nang malakas saka kinuha sa akin ang aking kwintas.
“Teka, huwag mong kunin ‘yan! Ano –”
Idinikit ng isa sa kanila ang kaniyang patalim sa leeg ko kaya tumigil ako agad na humiyaw. May sinabi siya sa mga tumututok sa akin at agad nila akong tinali kasama ang mga iba pa nilang hila sa likod ng mga kamelyo. Lumapit ulit ang isa pa sa kanila at binigyan ako ng konting tubig. Hindi ko ulit naintindihan ang sinabi niya sa akin at tumawa siya nang malakas. Dahil dito, tumitig ako sa kanya dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin. Sinigawan niya ako at parang naintindihan ko ang senyas niya na uminom galing sa sisidlan. Ginawa ko kung ano ang inutos niya sa akin. Pagkainom ko pa lang nito, agad na nag-iba ang mga salitang naririnig ko.
“… palang sigawan ka para makaintindi ka ng salita. O siya, akina ‘yan. Mahaba-haba pa ang lalakarin mo bago tayo makarating sa Egipto.”
Egipto? Egipto!?
Lubos akong nagtaka dahil ang lahat ng mga sinasabi ng mga tao sa paligid ko ay bigla ko nang naintindihan. Nagsimula na kaming gumalaw pagkatapos na sumakay ng lahat ng mga Arabong tumutok sa akin kanina. Wala ni isa sa mga kasama ko o kahit ang mga Arabo ang kumausap sa akin kaya kinuha ko ang pagkakataong ito upang maisaayos ang aking isipan.
Una kong ginawa ay ang alalahanin kung ano ang huling nangyari sa akin. Ang huli ko lang talagang naalala bago ako magising dito sa kinalalagyan ko ngayon ay ‘yung hinahampas ako ng malalaking alon at ibinagsak ako sa buhanginan. Tumingin ako sa buong paligid ngunit walang dagat na makikita kahit saan ko man ibaling ang aking tingin.
Bago pa ‘yun, nagpe-presenta kami sa harap ng aming tagapagsanay ng lahat ng mga alam namin sa judo, pero nagkaroon ng problema ang paa ni Toby kaya siya ay natumba at bumagsak ako sa ibabaw niya, pero tumama ang siko niya sa tiyan ko. Maliban sa mga iyon, wala na akong alam na nangyari na kakaiba o hindi normal.
Isa lang ang naiisip kong dahilan upang mapunta ako sa lugar na ito: ang kapangyarihan na ibinigay sa akin ni Lolo Pancho. Ngunit parang imposible naman yata iyong mangyari sa pagkakataong ito dahil wala naman akong binabasang kahit anong kwento o kahit na pinapanood na pelikula habang nawalan ako ng malay. Malinaw na malinaw sa alaala ko na nasa harap kami ng aming tagapagsanay na nagpapakita ng mga natutunan namin sa judo kaya imposible talagang mangyari iyon.
Patuloy lang kami sa paglalakad. Hindi ko alam kung gaano pa kalayo ang aming pupuntahan kaya sinubukan kong mag-isip ng iba pang mga posibilidad kung bakit at paano ako napunta sa lugar na ito. Sinubukan kong alalahanin kung ano ang huli kong binasang kwento o pinanood na pelikula. Hindi naman ako nakakapagbasa ng mga kwento dahil nga sa dami ng mga kailangan kong basahin na mga aralin namin para sa aming ikalawang markahang pagsusulit. Ang huli ko namang napanood ay ang pelikulang Wreck-It-Ralph dahil iyon ulit ang pinanood namin noong kaarawan ko. Ngunit parang napaka-imposible talagang makabalik ako sa pelikulang iyon dahil una, hindi ko nga naman ito pinapanood habang ako ay nakatulog, at pangalawa, disyerto ang kinalalagyan namin ngayon at wala akong matandaang disyerto sa kahit saang lugar na napuntahan ko dati sa Sugar Rush.
Sinubukan kong maging simple at inisip ko na baka isa lang itong panaginip. Ngunit masyado itong tunay para maging isang panaginip. Isa pa, ramdam na ramdam ko ang nagbabagang araw na unti-unting sumusunog sa balat ko at ang magaspang na tali na nakapulupot sa mga kamay ko. Kaya sigurado akong hindi ito isang panaginip lamang.
Nawawalan na ako ng iba pang mga posibilidad nang bigla kong naalala ang sinabi sa akin dati ni Lolo Pancho nang ibinigay niya sa akin ang kwintas.
Sinabi sa akin ni Itay na tanging ang kuya mo lamang ang maaaring makagamit nito. Ngunit hindi niya tinanggap ang abilidad na ito at nais niya itong ibahagi sa iyo.
Inayawan dati ni Kuya Chuck ang abilidad na ito. Hindi kaya alam niyang mangyayari ang bagay na ito? Kung ganon man, ano ang nangyayari sa akin ngayon? At sigurado ba siya na masama ang mangyayari sa akin ngayon? Sa tingin ko lang naman, parang wala itong pinagkaiba sa pagpasok sa isang kwento dahil ganon din naman ang kalalabasan: patapusin ko lang ang kwento at maaari na akong makalabas muli dito, gaano man ito katagal. Pagbalik ko sa tunay na mundo, makikita ko na hindi man lang lumipas ang oras at maaari na akong bumalik ulit sa dati.
Ang kailangan ko na lang malaman ay kung anong kwento ang napasukan ko ngayon. Tumingin ako ulit sa buong paligid. Kami ay napapalibutan ng isang malaking disyerto at kasama kong nakatali ang ilang tao habang hila ng mga kamelyo. Papunta raw kami sa Egipto. Aling kwento ba ‘yung mayroong mga aliping binebenta sa Egipto?
Bigla ko ulit naalala ang kwintas na kinuha sa akin bago pa man ako makapag-isip ng iba pang bagay. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung nawala sa akin iyon. Ang pinakamasahol sigurong mangyari sa akin ay hindi na ako makakabalik kahit kalian sa tunay kong mundo. Iyon ang hindi ko gustong mangyari sa akin. Kailangan kong makuha ang kwintas anuman ang mangyari.
“Mawalang-galang na po,” sabi ko doon sa Arabong pinakamalapit sa akin, “Um, mawalang galang na ho! ‘Yung kwintas ko na kinuha kanina sa akin, ano, kailangang maibalik sa akin iyon.”
Hindi ako pinansin ng kinausap kong Arabo. Umiling lang siya na para bang iniistorbo ko siya at nagpatuloy lang sa hindi pagpansin sa akin.
Bago ko ulit matawag ang kanyang pansin, nagulat na lang ako nang may mga taong biglang nagsilabasan mula sa buhanginan at pinaligiran kaming lahat. Nakasuot sila ng itim at marami sa bahagi ng katawan nila ay nababalot ng bakal. Mukha silang ‘yung mga binabayaran para pumatay ng tao, ngunit hindi ko alam kung sino o ano ang pakay nila sa amin. Natakot ang mga kasama kong mga nakatali sa likod ngunit hindi maikukumpara ang takot namin sa mga Arabo. Hindi na yata ako mauubusan ng mga bagay na gugulat sa akin sa araw na ito.
Lumapit ang kanilang pinuno at kinausap ang pinuno ng mga Arabo. Hindi ko masyadong marinig ang usapan nila, ngunit base sa naintindihan ko, parang mayroong hinihinging kabayaran ang pinuno ng mga mamamatay-tao doon sa pinuno ng mga Arabo. Parang natutuliro na ang pinuno ng mga Arabo nang biglang lumapit sa kanya ‘yung kinausap ko at may ibinulong sa kanya. Sinubukan ko silang tignan at nakita kong nakatingin silang dalawa sa akin. Sinubukan kong magtago doon sa likod ng nakatali sa harapan ko, pero alam kong wala nang mangyayari kahit na gawin ko ‘yun. Lumapit na sa akin ang pinuno at kinalagan niya ako sa pagkatali ko.
Hindi ko alam ang nangyayari, pero isinuot ulit sa akin ng pinuno ang aking kwintas, saka niya ako kinausap.
“Bata,” simula niya, “kung mananalo ka sa laban na ito, iyo na ulit ang kwintas mo at ibebenta ka namin sa Egipto sa mas mataas na halaga. Pero kung natalo ka… pasensyahan na lang. Tandaan mo, isa itong laban hanggang kamatayan.” Saka niya ako binigyan ng isang mahabang patalim at tumingin sa mamamatay-taong kakalabanin ko.
Tumingin din ako sa direksyong tinignan niya at nakita ko na ang aking makakalaban ay isang payat na lalaki na mukhang sanay sa mga mabilisang laban. Sa lagay kong ito at sa liksi ng kalaban ko, hindi talaga ako tatagal ng kahit ilang segundo lang.
“H-hindi niyo pwedeng gawin sa akin ito,” bulong ko sa pinuno nang lumingon ako sa kanya.
Hindi na ako pinansin ng Arabo at pwersahang iniabot sa akin ng pinuno ang mahabang patalim.
Dumulas ang patalim mula sa mga kamay ko dahil sa sobra nitong pagpapawis. Agad ko itong pinulot sa buhanginan at saka ko lang talaga nalaman kung gaano ito kabigat. Kasingbigat ito ng itak na karaniwang ginagamit sa pagputol ng mga maliliit na puno kaya hindi ko ito kayang hawakan gamit ang isang kamay lamang, ngunit masyadong maiksi ang hawakan nito kaya hindi ko alam kung paano ko ito gagamitin.
Pinalibutan kaming dalawang maglalaban ng lahat, mapa-Arabo man o mamamatay-tao. Ang lahat ay nagsimulang maghiyawan para simulan na namin ang laban. Nakita kong nakangisi ang aking kalaban habang naglabas siya ng isang maliit na punyal galing sa bulsa niya. Sa nakikita kong galaw niya, siya ay maliksi, kaya ang pinakamainam kong kailangang gawin ay lumayo sa kanya hangga’t maaari.
“Bata,” kinausap ako ng aking kalaban, “mag-ingat ka sa aking sandata.” Tinignan ko ang maliit na punyal na hawak niya. “Ito, ay binabad ko sa lason, kaya isang dampi lang nito sa iyong balat, libing mo na agad. Mag-ingat ka… sa aking sandata…”
Mabilis siyang lumapit sa akin habang napaatras naman ako ngunit wala na akong aatrasan dahil tinutulak na ako ng mga Arabong nasa likod ko pabalik sa kanya. Para mas lalo pa niya akong takutin, dinilaan niya ang punyal na hawak niya ngunit bigla siyang tumigil. Tumigil din ang lahat ng mga tao sa paghiyaw. Sa oras na ito, ang kaba ko ay naging lubusang pagtataka sa ginawa niya.
“Hindi ko dapat ginawa iyon,” sabi niya habang pinanood ko siyang matumba sa buhanginan.
Matagal na katahimikan ang aking pinalipas bago magsimulang maghiyawan ang mga Arabo sa ‘pagkapanalo’ ko. Sinabi rin ng pinuno ng mga Arabo sa kabilang pinuno na hindi na nila kailangang bayaran ang kanilang utang sa kanila salamat sa akin. Galit na umalis ang mga mamamatay-tao saka lumapit sa akin ang pinuno.
“Gahaha! Ayos, ka rin, bata!” sabi niya sabay akbay sa akin ng kanyang malalaking braso. “Siguradong malaki ang kikitain naming sa’yo sa Egipto! Isipin mo, nagawa mong talunin ang isang mamamatay-tao nang wala pang sampung segundo. Siguradong pag-aagawan ka ng mga mayayaman doon! Sa’yo na rin ang kwintas mo. Tanda iyan na mas mataas ang presyo mo kaysa sa mga ibang nahuli namin. Gyahaha!”
“T-teka, wala akong… sandali lang… um,” pautal kong sinabi, ngunit walang pumapansin sa akin.
Tinawag niya ang isa sa mga tauhan niya. “Ibalik mo ang isang ito sa pagkatali niya sa likod. Kailangan nating magmadali.”
Hindi na ako nagreklamo nang itinali nila ako ulit sa likod ng kamelyo. Ang mahalaga lang para sa akin ay naibalik na rin sa akin ang kwintas na maaaring makapagbalik sa akin sa tunay na mundo pagkatapos ng kwentong ito… kung ano mang kwento ito. Tumingin ako sa dibdib ko kung saan nandoon ang kwintas at sinabi ko sa aking sarili, “Hindi ko alam kung papaano ako napasok dito, pero alam kong makakalabas ako dito, gaano man katagal ang hintayin ko.”
Huminga ako nang malalim habang nagsimula kami ulit lumakad. Bigla akong kinausap ng nasa harapan ko.
“Huwag mong isipin na dahil nangyari ito, mas gaganda ang iyong kapalaran. Kailangan mo pa ring paghandaan ang hinaharap,” sabi niya.
Napabuntong-hininga ako at sinagot siya, “Wala talaga akong balak isipin ‘yan. Wala rin namang nagbago sa sitwasyon ko –”
Natigil ako sa pagsasalita nang makita ko ang kumausap sa akin. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay nakilala ko na siya dati, ngunit hindi ko lang alam kung saan. Mas maputi sa kayumanggi ang kulay ng kanyang balat, medyo kulot ang kanyang itim na buhok, at medyo malaki ang kanyang pangangatawan. Hindi ko masyadong makita ang kanyang mukha dahil hindi siya masyadong nakalingon sa akin at nakatali ang kanyang mga kamay sa harap niya.
Sa tinagal-tagal ng aming paglalakad, nakarating na rin kami sa isang sinaunang syudad na sa tingin ko ay Egipto na. Maraming tao ang lumalakad sa iba’t ibang direksyon ngunit hindi ka rin mawawala dahil simple pa lang ang mga daan doon, hindi pa maraming kanto. Nakarating kami sa isang lugar na sa tingin ko ay ang palengke nila at inihilera na kami isa-isa doon, upang ibenta sa mga may gusto. Hindi ako makabalik sa pag-iisip ko dahil sa sobrang dami nang nangyayari ngayon.
“Ayos, hrg!” pagmamaktol ko habang mayroong isinabit na piraso ng kahoy sa leeg ko na nagsasabing ang halaga ko ay dalawang daan at tatlong gintong piraso. Tumingin ako sa iba ko pang mga kasama at nakita kong iba-iba ang halaga nila, ngunit ako ang pinakamahal sa kanila. Tumingin ako sa katabi ko at nakilala ko siya bilang aking kausap kanina bago kami makarating dito sa Egipto. Dito ko lang nakita nang malapitan ang kanyang mukha.
Asul ang kanyang mga mata, makapal ang kanyang mga kilay, katamtaman sa tangos ang kanyang ilong, at manipis ang kanyang bibig. Wala pa akong kilalang isang tao na kamukha niya, o kahit man lang malapit sa mukha niya, pero pakiramdam ko talaga ay kilala ko na siya dati pa man. Nakita kong ibinebenta siya sa halagang tatlong daang piraso ng pilak.
Sinubukan ko siyang kausapin. “Um, mawalang galang na. Tungkol sa sinabi mo kanina, ano…”
Hindi ko inasahang sasagot agad siya sa akin. “Halata ngang hindi ka masaya sa kinalalagyan mo ngayon. Ako nga pala si Jose, galing Canaan.”
Wala akong alam na isagot sa kanya. Kung hindi man ako niloloko ng mga tenga ko ngayon, nagpakilala ang taong ito sa akin bilang si Jose. At galing siya sa Canaan.
Kung totoo ang lahat ng ito, ang kwentong napasukan ko ngayon ay ang kwento ng propetang si Jose. Inalala ko ang mga kaganapan sa kanyang kwento, at kung hindi ako nagkakamali, mga labing-apat na taon ang mga kaganapan sa kwentong iyon. Hindi ako makagalaw sa puntong ito dahil natanto ko na labing-apat na taon ulit akong maghihintay bago ako makabalik sa tunay na mundo. Mauulit na naman ang nangyari noong nakapasok ako sa kwento ng buhay ni Rizal.
Matagal akong nakatitig sa kanya hanggang sa nagsalita siya ulit.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya.
“Ha? Ah! Um, oo, ayos lang ako… sa tingin ko. Ako nga pala si –”
Bigla akong tumigil sa pagsasalita. Naisip ko na hindi ko pwedeng sabihin sa kanila na ang pangalan ko ay Ramon. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kung sakaling malaman nila na kakaiba sa panahon nila ang aking pangalan. Matagal ako ulit nakatitig sa kawalan kaya kinausap ako ulit ni Jose.
“Ayos ka lang ba talaga? May problema ba?” tanong niya ulit sa akin.
“Um, ano, ako si… si Juan. Tama, ako si Juan. Ikinagagalak kitang makilala,” sabi ko sa kanya. Hindi ko napansin na pautal-utal na ang aking pagsasalita. “Galing akong… um, ano… sa…”
“Juan, ayos ka lang ba? Anong nangyayari sa iyo?” tanong niya, nag-aalala na.
“Hindi… ko alam,” iyon na lang ang nasabi ko. Hindi ko alam kung pwede kong sabihin sa kanya na galing ako sa bansang Pilipinas dahil hindi ko naman alam kung ano ang magiging papel ko dito sa kwentong ito. Saka ako may biglang naisip na magandang ideya.
“Hindi ko alam… kung saan ako galing,” sinabi ko sa kanya habang ako ay napabuntong-hininga. Sa tingin ko, ang pinakamainam na gawin kung ayaw mong mag-imbento ng kung anu-ano ay magkunwari kang nawala ang iyong alaala. Madali ko lang sigurong magagawa iyon dahil wala akong kailangang itago kahit kanino.
“A-ano? Papaano nangyari iyon?” hindi-makapaniwalang tanong sa akin ni Jose.
“Hindi ko rin alam. Ang huli ko lang na natatandaan… ay nakahiga ako sa buhanginan, saka ako hinuli ng mga nagbebenta sa atin. ‘Yun lang,” sabi ko sa kanya.
Matagal niya akong tinitigan, saka siya naman ang napa-buntong-hininga.
“Buti ka pa,” himutok niya, “wala kang naaalala sa pinagmulan mo. Ako, hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na magagawa nila sa akin iyon.”
“Ang alin?” tanong ko sa kanya, kahit alam ko na kung ano ang dahilan kung bakit siya nandito ngayon sa Egipto. Pinagkaisahan siya ng kanyang mga kapatid dahil sa inggit, at ibinenta siya sa mga Arabong iyon upang gawing alipin dito sa Egipto, tulad din ng gagawin nila sa akin.
Huminga siya nang malalim at tumingin sa kalangitan. “Hindi na muna mahalaga iyon. Basta alam kong Siya ang bahala sa akin.”
Tumango ako at sinabing, “Oo, naiintindihan ko.”
“Salamat sa pag-intindi, kaibigan,” sabi niya sa akin.
Akala niya siguro ay naiintindihan ko ang kanyang sitwasyon dahil nga pareho kaming nasa sitwasyong ito, ngunit iba ang iniisip ko. Naiintindihan ko na talagang Siya ang bahala kay Jose sa lahat ng mangyari sa kanya, at alam ko ring totoo iyon para sa akin. Kung ano man ang mangyari sa akin dito, sa Kanya ko na lang siguro ito maiaasa sa ngayon dahil hindi ko rin alam ang aking gagawin dito sa kwentong napasok ko.
Ngumiti na lang ako. Gusto ko sanang sumagot pero may mga kalalakihang dumating sa harap naming at isa-isa kaming kinilatis lahat. Pagkatapos nito, lumapit ang isa sa kanila sa pinuno ng mga Arabo at sinama siya nito sa harap namin. Isa-isang nagturo ng mga alipin ang lalaki, kasama na kaming dalawa ni Jose. Lahat kaming napili ay ikinulong sa loob ng isang karomata at idinala na sa lugar kung saan kami magsisilbi hanggang ewan namin.
“Saan kaya nila tayo idadala?” kalmadong sabi ni Jose, ngunit nararamdaman ko sa boses niya ang kaba.
“Hindi ko alam,” ang sabi ko, kahit na alam kong idadala na nila kami sa bahay ng punong kawal ng Faraon na si Potifar. Si Potifar, na may asawa. Ang kanyang asawa, na magiging mitsa ng paghihirap ni Jose at ng sakit ng ulo ko.
Agad na kaming pinagtrabaho ng mga kawal na bumili sa amin pagdating na pagdating namin sa bahay ni Potifar. Ni hindi man lang kami pinagpahinga o bigyan man lang ng kung ano para naman ganahan kaming magtrabaho. Saka ko na lang ulit naalala ang ibig sabihin ng salitang ‘alipin’ nang binigyan na ako ng walis ng isa sa mga kawal at pinaglinis ng napakaruming bakuran. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga duming ito samantalang iilan lang ang mga puno sa palibot ng bahay niya.
Marami ang nagsasabi na mabilis lumipas ang oras kapag marami kang ginagawa. Ewan ko kung bakit pero hindi ito nagkakatotoo sa kaso ko. Natapos ko nang walisin ang buong bakuran, pero pakiramdam ko, hindi man lang lumipas ang oras. Alam ko ito kahit na walang orasan sa buong paligid dahil nakikita ko ang posisyon ng anino ko sa lupa.
Naalala ko na kailangan ko pa palang itapon ang mga nalinis kong mga dumi, ngunit hindi ko alam kung saan ko ito itatambak. Hindi ko naman pwedeng iwan na lang ito sa bakuran dahil uulit na naman ako sa trabaho ko kung inilipad ang mga dumi ng hangin. Naisip kong maghukay ng isang mababaw na butas para doon ibaon ang mga nawalis kong dumi. Saktong may nakita akong isang pala na nakatiwangwang lang sa isang sulok ng bakuran kaya kinuha ko ito at nagsimulang maghukay. Nang naibaon ko na ang mga dumi sa butas, tinignan ko ang anino ko at napansin kong hindi pa rin ito humaba. Sa tingin ko ay hapon na dahil sa tagal ng oras na lumipas magmula nang nagising ako sa kwentong ito hanggang ngayon.
Dahil natapos ko na ang trabaho ko sa bakuran, nagpasya akong magpahinga saglit, o kung swertehin, magpahinga hanggang sa dumating ang gabi. Humanap ako ng sulok sa bakuran kung saan mahihirapan ang sinuman na ako ay hanapin at doon ako humiga. Hindi naman ganon kalapad ang dahon ng puno ng igos na sinandalan ko, pero ayos na rin ito kesa sa wala. Sana lang talaga ay walang makahuli sa akin na natutulog lang. Kung sakali, hindi ko talaga kakayanin ang buhay ng isang alipin, sapagkat nasanay pa man din akong tinutulungan ni Yaya Imang sa mga gawaing-bahay. Pagkatapos kong tumunganga ng ilang sandali, ako ay tinamaan ng antok at saka nakatulog.
Magdadapit-hapon na nang ako ay magising. Dinala ko ang walis na ibinigay sa akin ng isang kawal kanina at ‘yung pala na nahanap ko sa bakuran, at pumasok na ako sa loob ng bahay upang hindi makahalata ang sinuman na natutulog lang ako sa oras ng trabaho. Pagpasok ko sa pinto, sinalubong ako ng kawal na nagbigay sa akin kanina ng walis.
“O, bata, natapos ka na rin pala sa wakas sa paglilinis ng bakuran,” wika niya. “Akala ko kinain ka na ng – saan mo nahanap ang palang iyan?”
“Ah, ito ba?” sabi ko habang tumingin ako sa palang hawak ko. “Nahanap ko ito sa bakuran kanina, nakatiwangwang lang doon.”
“Ayos!” sigaw niya habang hinawakan niya ang ulo ko at ginulo ang buhok ko. Sobrang bigat ng kanyang kamay kaya pakiramdam ko ay babaon ako sa sahig na parang isang pako na pinupukpok ng martilyo. “Nawala ito dati ng isa sa mga alipin dati.” Saka niya inilapit ang kanyang mukha sa mukha ko saka binulong sa akin na para bang nananakot, “Alam mo ba kung ano ang nangyari sa aliping iyon?”
Bumilis ang tibok ng puso ko at lumakas ang patak ng pawis ko. “Uh, ano, sa tingin ko, hindi ko na kailangang malaman –”
“Yuyagahor, huwag mo nang takutin ang mga baguhan natin,” bigla kong narinig galing sa likuran ng kausap kong kawal. Tumingin ako sa kanya at nakakita ako ng isang matabang lalaki na nakasuot ng magarbong kasuotan. Maliliit at mukhang kapareho sa daga ang kanyang mga itim na mata, maliit ang kanyang ilong, at natatakpan ang kanyang labi ng kanyang mapalumpong na balbas. Itinuloy niya ang kanyang pagsasalita. “Alam mo naman na ibinalik ko lang sa tindahan ang aliping tinutukoy mo.”
“Ipagpatawad niyo po, Ginoong Potifar,” natatawang wika ni Yuyagahor. “Hindi ko lang maiwasang gawin ito sa tuwing may bago tayong alipin.” Inilayo na niya ang mukha niya sa akin at binitawan na rin niya ang ulo ko, saka nagsabing, “Nahanap na ng batang ito ang naiwalang pala noon ng dati nating alipin.”
Tumingin sa akin si Potifar at tumitig sa akin saglit. “Anong pangalan mo, bata?”
“Juan po. Juan po ang pangalan ko,” sabi ko sa kanya habang tumayo ako nang tuwid.
Tumango siya. “At saang lugar ka naman nanggaling?” tanong niya.
Hindi ako makasagot. Nakalimutan ko na kung ano ang sinabi ko kanina kay Jose kaya wala akong masabi sa kanya. Buti na lang at nagsalita ulit si Yuyagahor.
“Hindi po niya alam. Mayroong nakapagsabi sa akin kanina na wala siyang maalala sa kung saan siya nagmula,” sabi niya.
Kumunot ang noo ni Potifar. “Hmm, nakakaawa naman.” Saka ako masayang tinignan ni Potifar, “Sa gayon, huwag ka na lang munang mag-isip nang malalim. Naghihintay na ang mga kasama mo sa hapag-kainan. Maghapunan ka na at pagkatapos, maaari na kayong matulog.”
“Salamat po, Ginoong Potifar,” huli kong nasabi sa kanya habang pumunta na ako sa lugar na itinuro niya.