Sa tingin ko ay nasanay na rin ako kahit papaano sa buhay-estudyante ng Medisina pagkatapos ng mahigit isang buwan. Halos wala na akong problema sa lahat ng mga pinag-aaralan namin, maging sa Anatomy. Nahanap ko na rin ang tamang estilo ng pag-aaral kaya madali ko na lang itong nagagawa, ngunit kailangan kong iwan ang ilang mga ginagawa ko dati dahil dito. Kaya sa isang buwan na lumipas, hindi ko na nagalaw ang aking 3DS at hindi ko na rin nalaro ang lahat ng mga larong nailagay ko sa aking tablet. Wreck-It-Ralph na rin ang huling pelikulang napanood ko mula noon (sa katunayan, hindi ko talaga napanood iyon, ngunit pumasok ako sa kwento ng pelikulang iyon gamit ang aking abilidad na pumasok sa iba’t ibang kwentong naisin ko) dahil hindi ko na rin pinaglaanan ng panahon ang panonood ng iba pang pelikula, maliban na lang kung sakaling manggaling kaming buong pamilya sa simbahan at maisipan naming manood ng sine, na hindi pa naman namin naiisip gawin nitong nakaraang buwan.
Malaki-laki na rin ang ipinagbago ko sa paglalaro ng judo. Mas madalang na akong mapatumba ni Toby sa tuwing nag-eensayo kami. Nakakaya ko na ring tumagal laban sa iba ko pang mga kaklaseng mas malalaki kaysa sa akin at nagawa ko na ring patumbahin ang isa sa kanila, pero sa tingin ko ay swerte ko lang ang isang iyon dahil hindi siya tumingin sa mga paa ko sa mga oras na iyon. Upang pagsaluhan ang una kong pagkapanalong iyon, nilibre ako ng mga kaklase ko doon sa sa isawang kinakainan namin, ngunit hindi na ako pumili ng marami dahil alam kong makakasama sa aking kalusugan ang sobrang daming isaw.
Pagkatapos ng dalawang buwan mula ng nagsimula ang klase, nayaya na rin namin ni Andre si Ash na sumabay sa aming mananghalian noong isang Biyernes ng tanghali. Doon kami kumain sa Lilet Tsunin’s dahil sobrang nagustuhan ni Andre ang liempo nila doon, at sa tingin ko, magiging ayos kay Ash ang kumain doon kahit na may baon siya. Ayos naman siyang kasama, medyo tahimik nga lang siya kaya mahirap magtuloy ng mga usapan kung kasama siya, pero ayos lang. Dumadaldal naman ako kung marami akong mga kasama. Kailangan ko lang laging tandaan na tawagin si Andre na ‘Elvis’ sa harap ng aking ibang mga kaklase upang hindi nila malaman ang tunay niyang pagkatao.
Hindi pa rin naman ganon kataas ang mga nakukuha ko sa mga pagsusulit namin (hindi pa naman bagsak, pero hindi rin mataas; sakto lang) sa lahat ng mga subjects, pero pagdating sa laboratoryo ako humahataw. Kinailangan namin minsan na mag-dissect ng isang palaka sa Physiology at madali ko itong nagawa. Gumawa din kami ng titration sa Biochemistry at unang natapos ang grupo namin dahil mabilis kong natapos ang mga kailangang gawin. Ang grupo rin namin sa Anatomy ang unang natatapos sa dissection dahil mabilis akong gumawa ng mga hiwa sa inooperahan namin. Dahil dito, “Senpai” na ang tawag sa akin ni Michelle dahil madalas siyang nagtatanong sa akin tungkol sa tamang gagawin sa laboratoryo. Hindi ko alam kung bakit ganon ang tawag niya sa akin samantalang hindi naman siya isang Hapon. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi na ako masyadong inaasar ni Manuel; alam kong naiinis siya sa akin, at hindi ganon kakapal ang mukha niya para humingi ng tulong sa akin. Ayos na rin sa akin ang hindi niya ako masyadong inaasar dahil nitong mga nakaraan buwan, medyo nahirapan din akong magsanay sa bago kong mga gawain, kaya nagpapasalamat na rin ako sa mga oras na hindi niya ako nilalapitan.
Minsan na rin akong niyaya ni Kuya Chuck na maglaro ng volleyball kasama si Ate Ice at Mang Gido. Natural, silang dalawa ang magkasama nina Kuya Chuck at Ate Ice kaya si Mang Gido ang kasama ko. Ayos lang talaga sana sa akin kung isa lang itong ordinaryong laro ng volleyball. Pero hindi! Naglaro kami ng volleyball sa dalampasigan habang malakas ang ulan nang wala kaming pantaas. Sa pagkakatanda ko, mukhang ako lang ang hindi masyadong masaya sa larong iyon, pero swerte na rin ako dahil hindi ako sinipon pagkatapos. Hindi ko rin naman masisisi si Kuya Chuck dahil si Ate Ice ang nagsabi na gawin namin ito habang umuulan. Hindi ko na lang pinakita na nainis ako sa araw na iyon dahil ayaw ko namang sirain ang araw nila dahil dito, ngunit pagdating namin sa bahay, agad kong pinagsarhan ng kwarto si Kuya Chuck at hindi ko siya pinapasok doon hangga’t hindi siya humihingi sa akin ng dispensa. Ngunit kalaunan, pinapasok ko na rin siya dahil naririnig kong nanginginig na ang boses niya sa ginaw at nagsimula na siyang sipunin sa tagal niyang hindi nakapagpatuyo at walang pantaas na kumakatok sa pinto. Kinagabihan, kinailangan kong matulog ulit sa ikapitong palapag ng apartment upang hindi ako mahawa ng lagnat niya.
Nakabili na rin sina Mama at Papa ng bago kong mga damit panlabas mula sa MOA. Magaganda ang mga napili nila para sa akin, pero sa tingin ko, ako na lang ang pipili sa mga bibilhing damit sa susunod. Hindi naman sa ayaw ko ‘yung mga napili nila, pero ang lahat sa mga napili nila ay puro matitingkad ang kulay. Mahilig kasi ako sa mga damit na kulay itim, puti, o kaya ang mga kulay na nasa gitna ng dalawang kulay na iyon. Ayos na lang talaga sana sa akin na isuot ang mga damit na iyon kahit gaano pa katingkad ang mga kulay nito, pero meron ‘yung isa doon na may nakasulat na “Gusto ako ng girlfriend mo.” Ewan ko lang kung masusuot ko ‘yun sa unibersidad nang hindi inaaway ng kung sinuman. May kutob ako na sinama ito ni Kuya Chuck sa mga napiling damit ni Mama para sa akin.
Kung hindi ako nagkakamali, mabilis na natapos ang aming unang markahang pagsusulit. Ewan ko ba kung bakit, ngunit sobra akong nahirapan sa mga ito, pati na sa Histology, samantalang sa pagkakatanda ko, pinagpuyatan ko ang mag-aral sa lahat ng aming mga asignatura. Hindi ko rin nga alam kung paano ako nakalagpas sa pagsubok na iyon samantalang marami sa mga leksyon namin ang hindi ko pa masyadong maintindihan, lalo na ‘yung huling tinuro sa amin ni Doc Quamar tungkol sa reflex arc.
Sa Preventive Health and Community Medicine ang huli naming pagsusulit sa katapusan ng linggo. Ewan ko kung ano dapat ang isipin ko sa pagsusulit na iyon, pero habang tumatagal na iniisip ko ang pagsusulit namin doon, mas lalong sumasakit ang ulo ko. Pinagpuyatan ko ang mag-aral nito kagabi dahil hindi ko sigurado kung delikado ako dito o ano.
Hindi ko alam kung sadyang mapaglaro ang kapalaran, pero nakita ko si Michelle na may kasamang isang babaeng umiiyak sa tapat ng kwartong pinagkunan ko ng pagsusulit. Nilapitan ko sila at nakilala ko ‘yung umiiyak bilang ‘yung babaeng may kausap sa telepono noong unang araw ng klase namin, kung hindi ako nagkakamali.
Mahaba, unat, at itim ang kanyang buhok. Maputi at makinis ang kanyang balat, kulay-tsokolate ang kanyang malalaking mata, maliit ang kanyang ilong, at medyo makapal ang kanyang mga labi. Maganda talaga sana siya, kung hindi lang siya umiiyak. Sumenyas ako kay Michelle kung pwede akong lumapit sa kanila at pinayagan naman niya ako.
“Nakipag-hiwalay na sa kanya ang kasintahan niya kani-kanina lang,” sabi sa akin ni Michelle bago pa man ako makapagsalita.
“Um, Michelle, kailangan mo ba talagang sabihin sa akin agad ‘yan?” tanong ko sa kanya. “At iyan pa talaga ang una kong malalaman tungkol sa kanya, imbes na ang pangalan dapat niya ang tanungin ko. Baka naman ayaw pa niyang malaman ng iba –”
“Hindi, ayos lang. S-sa katunayan, gusto kong malaman ito ng l-lahat, at kung g-gaano kasakit ang nararamdaman ko ng-ngayon dahil sa kanya!” biglang sagot nung umiiyak na babae.
Hindi ako makapagsalita sa sinabi niya kaya nakakuha ulit ng pagkakataong magsalita si Michelle. “Siya nga pala si Martin, kung hindi mo pa siya kilala. Kaklase rin natin siya.”
Tumingin ako kay Martin at napaisip nang matagal. Martin? Isang panlalaking pangalan para sa isang babae? Gustung-gusto kong malaman kung ano ang pumasok sa kukote ng mga magulang niya nang ipinanganak siya. Alam kong wala akong pakealam kung Martin man ang ipinangalan sa kanya, pero hindi ko pa rin mapigilang mag-isip. Bihira ang mga ganitong pangyayari kaya mapapaisip ka talaga.
Bumalik na lang ako ulit sa realidad nang umiling ako at nagsabing, “Ikinagagalak kitang makilala, Martin. Ako si Ramon.”
Hindi pa rin tumigil na umiyak si Martin. Nag-aalala na rin si Michelle at hindi na rin niya alam ang gagawin. Saka ako may naisip na pwedeng sabihin sa kanya na sobrang korni, pero sa tingin ko ay mapapangiti siya kahit papaano.
“Alam mo, Martin, ikaw na siguro ang pangalawang pinakamagandang babaeng nakita ko,” sabi ko sa kanya. Sa puntong ito, nagdadasal na ako na sana ay huwag niyang tanungin sa akin kung bakit upang hindi ko na ituloy ang balak ko.
“H-huh? Bakit pangalawa? Sino ‘yung pinakamaganda?” nagtatakang tanong niya.
“Ikaw, ‘pag nakangiti,” sagot ko.
Pagkasabing-pagkasabi ko pa lang nito, tila gusto ko nang maglaho na parang bula sa aking kinatatayuan. Alam kong sobrang nakakahiya ang sinabi kong iyon sa kanya at hindi ko alam kung bakit sa lahat ng pwede kong sabihing biro sa kanya, iyon pa ang unang pumasok sa isip ko.
Naghalo ang ingay ng pag-iyak ni Martin sa tawa niya. “Alam mo, nakakainis ka!”
Inaasahan ko nang sasabihin niya sa akin iyon. “Um, oo, alam ko. Pasensya ka na, sinusubukan lang naman kitang pasayahin kahit papaano.”
“Ang ganda na kasi ng drama ko dito, tapos bigla mo akong pinatawa. Nakakainis ka talaga!” sabi siya habang tumatawa at lumuluha nang sabay.
Nakita kong ngumiti rin si Michelle dahil sa nangyari. Medyo panatag na rin ang loob ko dahil dito, ngunit hindi pa rin maganda na nakikita kami ng maraming tao na may kasamang umiiyak at tumatawang babae nang sabay. “Parang bigla akong nauhaw. Samahan niyo naman ako sa Le Cheng Tea House. Bili tayo ng tsaa doon, libre ko na lang.”
Ganon ako magyaya na lumabas. Tipong parang humihingi ako ng pabor sa niyayaya ko kahit na ako ang magiging taya. Sa ganong paraan, magkakaroon sila ng pakiramdam na kailangan ko ang tulong nila at gagaan ang pakiramdam nila dahil makakatulong sila sa akin, kahit na ako ang manlilibre sa kanila.
Sabay-sabay kaming naglakad papunta sa Le Cheng Tea House habang naglabas si Martin ng lahat ng kanyang sama ng loob. Kalahating oras ang lumipas at nakaupo na kami sa loob nang matapos siya sa kwento niya. Nagtinginan na lang kami ni Michelle at nalaman ko na wala na rin siyang masasabi kay Martin na maaaring magpagaan ng kanyang kalooban.
“Pasensya ka na kung hindi ko alam ang sasabihin para mapagaan ang loob mo kahit papaano, pero…”
Sasabihin ko dapat kay Martin na kukwentuhan ko na lang siya ng kung ano upang mapagaan ang loob niya, ngunit may mas maganda akong naisip bigla kaya hindi ko itinuloy ang sasabihin ko sana sa kanya.
“Ha? Ano ‘yun, Ramon?” nagtatakang tanong ni Martin.
“Mahilig ka ba sa mga kwentong pag-ibig?” Kailangan ko muna itong tanungin sa kanya dahil kung sakaling ito ang hilig niya, hindi ko na itutuloy ang balak ko, ngunit sa oras na ito, sa tingin ko ay hindi.
“Alam mo, Ramon, sa tingin ko, mga kwentong pag-ibig ang huling gustong marinig ni Martin ngayon,” sagot ni Michelle para kay Martin.
“Sabi ko nga,” bunting-hininga ko. “Pero hindi ako narito upang magkwento o mag-imbento ng kwentong pag-ibig o anuman. Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang mga katangian ng mga kwentong pag-ibig na sa tingin ko ay gasgas na.”
Tahimik silang tumingin sa akin na tila interesadong-interesado sa sasabihin ko kaya itinuloy ko na ang plano kong sabihin sa kanila.
“’Diba pansin niyo, ang madalas na katangian ng babae sa mga ganong klaseng kwento eh palaban siya? Oo, nandoon na rin ‘yung pagiging maganda, mabait, at palakaibigan, ngunit hinding-hindi mawawala ‘yung pagiging palaban niya. Alam niyo ba kung bakit ganon?”
Napailing lang ang dalawa kong kasama.
“Iyon ay dahil sa mga katangian ng lalaki,” pagpapatuloy ko. “Ang madalas kasing katangian ng lalaki sa ganitong kwento eh ‘yung gwapo, mayaman, sikat, manlalaro ng kung anong laro, at higit sa lahat, suplado at misteryoso. Madalas, may mga katropa rin siyang medyo arogante at mayabang din tulad niya para saktong pagti-tripan nila ‘yung babae.”
“Pagti-tripan nila ‘yung babae?” gulat na tanong ni Michelle.
“Kaya nga dapat, palaban ‘yung babae, ‘diba?” paalala ko sa kanya. “At ang madalas na paraan na pagkakakilala nilang dalawa eh may mangyayaring kung ano na magiging magkagalit ang dalawa. Halimbawa, magkakabungguan sila sa harap ng paaralan nila dahil sa kamamadali ng babae na tumakbo dahil mahuhuli na siya sa klase nila. Oo nga pala, ganon naman ang madalas na simula ng kwento ‘diba? ‘Yung magigising ‘yung babae at magmamadali siyang maghanda para sa klase nila.”
Nakikita kong nagpipigil na lang ng tawa ang dalawa kong kasama, ngunit hindi pa tapos ang aking sasabihin sa kanila.
“Tapos, sa simula, iikot ang kwento sa sagutan at bulyawan ng dalawang bida kahit sa mga konting bagay lang. At syempre, dahil magkaaway silang dalawa, magkakagusto ‘yung babae sa ibang lalaki na mabait. Pero habang tumatagal, habang nagkakaibigan na ang dalawa, syempre, pakipot muna ‘yung babae, tapos ‘yun namang lalaki, torpe.”
Halos hindi na mapigilan nina Michelle at Martin ang kanilang pagtawa sa ipinapaliwanag ko sa kanila. Tila nakakalimutan na rin ni Martin ang kanyang problema ngayon kaya itinuloy ko na lang ang paliwanag ko sa kanila.
“Madalas ding magkaroon ng eksena na magkakasakit ‘yung lalaki tapos walang ibang pwedeng mag-alaga sa kanya kundi ang bidang babae. Tapos, habang walang malay ‘yung lalaki, masasabi nung babae sa sarili niya, ‘Mukha palang anghel itong hayop na ito.’ Doon na talaga sila magkakatuluyan. Isa pang mahalagang aspeto ng kwentong pag-ibig ay dapat, ang mga magulang ng lalaki ay nasa ibang bansa. At kapag dumating sila, sila ang magiging kontrabida sa ibigan ng dalawa.”
Tuluyan nang humalakhak ang mga kasama ko sa loob ng Tea House kaya pinagtitinginan na kami ng mga ibang tao doon, ngunit sa tingin ko ay nakikinig din sila sa mga pinagsasasabi ko kaya itinuluy-tuloy ko na lang ito hanggang sa matapos ko na ito.
“At ang magiging huling eksena ay ‘yung nasa paliparan sila dahil aalis ang isa sa kanila papunta sa ibang bansa. Hahabulin ng isa ‘yung isa pa, at doon na sila magbibitaw ng mga kataga na kinopya lang kay Kapre Dee.”
Hindi man ako tumingin sa aking kapaligiran, alam kong natatawa na rin ang iba pang mga nakikinig sa usapan namin. Isang magaling na DJ si Kapre Dee sa isang sikat na istasyon ng radyo dito sa Maynila at maraming humihingi ng payo sa kanya tungkol sa pag-ibig, at alam ko rin na magandang kopyahin ang mga payo niya kapag hindi ka magaling magsulat o gumawa ng mga kwentong pag-ibig.
Nang tumigil na rin si Martin sa kakatawa, sinabi niya, “Grabe, Ramon, ayos ka rin pala! Kahit papaano, hindi na ako masyadong mag-iisip ngayon dahil sa mga sinabi mo. Hinding-hindi ko na titignan ang kahit anong kwentong pag-ibig tulad ng dati. Salamat nang marami.”
“Oo naman. Nanalo yata siya dati sa isang pambansang paligsahan sa pagsulat. Kaya magaling si Senpai sa mga ganyan,” sabi ni Michelle sa kanya.
Napatawa ako nang konti sa sinabi niya. “Matagal na ‘yun. Parang nasa mataas na paaralan pa lang ako noon, samantalang nasa kursong Medisina na tayo ngayon.”
“Pero ayos pa rin talaga,” sabi ni Martin. “Malamang ay makakaya mong gumawa ng maayos na kwentong pag-ibig kahit na magdodoktor ka.”
Hindi ko na alam ang isasagot ko sa kanya. Buti na lang at iniba na rin ni Michelle ang usapan. Hindi ko na kasi talaga alam ang sasabihin sa mga sitwasyong ganito. Hindi talaga ako sanay na purihin ng ibang tao. Ewan ko nga rin kung bakit. At hindi pa rito kasali na wala talaga akong kahilig-hilig sa mga kwentong pag-ibig.
Ilang oras pa kaming nag-usap-usap na tatlo bago kami nagsiuwian. Maaga kaming natapos kanina sa aming pagsusulit at ito naman na ang huling pagsusulit namin sa linggong ito kaya maaari na kaming maglamyerda sa araw na ito. Maya-maya, nagpaalam na rin kami sa isa’t isa dahil dumating na rin ang kani-kaniyang sundo namin. Pagkasundo sa akin ni Mang Gido, nag-usap kami saglit.
“Kamusta naman ang araw mo ngayon?” tanong niya gamit ang mahinhin ngunit matigas niyang boses. “Sa pagkakaalam ko, huling araw na ngayon ng inyong unang markahang pagsusulit. Ano ang balak mong gawin ngayon? Mayroon ka bang gustong puntahan muna bago tayo umuwi?”
Alam ni Mang Gido kung hindi ako masyadong masaya sa araw ko dahil marami siyang tatanungin sa akin at magbibigay siya ng mungkahing pumunta muna kami sa ibang lugar bago umuwi. Naalala ko tuloy ilang taon na ang nakakaraan noong estudyante pa lang ako ng Sikolohiya. Nagkainitan kami ng ulo ni Manuel at hindi ko napigilang suntukin siya sa ilong. Wala naman siyang ginawa sa akin, ngunit ipinadala ako sa opisina ng punong gabay ng aming kolehiyo at dalawang linggo akong nasuspinde dahil doon. Sirang-sira talaga ang araw ko noon. Napansin ito agad ni Mang Gido noong sinundo niya ako. Habang bumibyahe kami, napansin kong tanong siya nang tanong sa akin samantalang wala akong ganang sumagot sa kanya noon. Namalayan ko na lang na dumating na pala kami sa MOA at idinala niya ako sa National Bookstore dahil alam niyang doon ang paraiso ko. Mga dalawang aklat siguro ang nabili ko sa gabing iyon. Kahit na masama ang buong araw ko noon, masaya pa rin ang alaala ko dito dahil sa kung paano ito natapos.
Masaya naman talaga ako ngayon. Hindi ko lang mawari kung bakit ako biglang nanghina at pakiramdam ko ay parang wala nang makakapagpasaya sa akin sa araw na ito, kahit na alalahanin ko pa ang pagpapasaya ko kay Martin at pagpuri sa akin ni Michelle kanina.
“Pasensya na, Mang Gido,” mabagal kong sabi sa kanya, “hindi lang siguro ganon kaganda ang pakiramdam ko. Pakipatay na lang po ‘yung aircon, giniginaw po ako. Paki-deretso na rin po ako sa bahay. Parang gusto kong humiga lang at matulog hanggang –”
Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil biglang nag-preno ng sasakyan si Mang Gido sa gitna ng daan. Hinawakan niya ang noo ko at nagsabing, “Maryosep, inaapoy ka ng lagnat, Ramon!”
Walang anu-ano ay lumiko si Mang Gido at dumiretso sa isang botika. Pagbalik niya sa kotse, binigyan niya ako ng gamot at inuming tubig. “Inumin mo na agad, para maagapan.”
Pagkainom ko ng gamot, sinabi ko sa kanya, “Salamat po, Mang Gido. Bayaran ko na lang kayo mamaya sa bahay.”
Ngumiti at umiling lang si Mang Gido. “Buti na lang at wala kang pasok bukas. Makakapagpahinga ka rin. Anong oras ka na bang natulog – ay, nakatulog ka nga ba kagabi?” tanong niya habang inaandar niya ang sasakyan.
Ako naman ang umiling ngayon. “Hindi ko po alam,” sabi ko na lang.
Agad akong humiga sa kama ko pagdating namin sa apartment. Medyo pinagpapawisan na rin ako pero nanghihina pa rin ako. Nakapagtanggal lang ako ng aking pantaas ngunit hindi ko na ginustong kumilos pa pagkatapos nun, kahit na magsuot man lang ng damit-pambahay dahil gusto ko na talagang humiga. Ang iniisip ko na lang ay tapos na rin ako sa lahat ng mga subjects namin sa aming unang markahang pagsusulit.
Ngunit habang tumatagal, nawawala ang antok ko at unti-unting bumalik sa alaala ko ang nangyari sa akin isang buwan na ang nakaraan. Ang pangyayari na sinasabi sa akin ni Lolo na maaari akong makapasok sa isang kwento na aking naisin.
Kinuha ko ang kwintas na binigay sa akin ni Lolo mula sa dibdib ko at matagal ko itong tinitigan. Habang tumatagal, parami nang parami ang mga tanong na pumapasok sa isip ko. Paano ko nga ba ito nagagawa at bakit bawat limang henerasyon lang ang pinipili ng kwintas upang makagamit dito? Ano ang nangyayari sa akin habang nasa loob ako ng kwento? At bakit nga ba inayawan ito ni Kuya Chuck at paano niya naipasa sa akin ang kapangyarihang iyon?
“Aaaaaaarrrrrggghh!”
Muling sumakit ang ulo ko sa kakaisip ng mga bagay na ito. Binitawan ko ang kwintas sa dibdib ko, ipinikit ko na lang ang aking mga mata at hinawakan ang aking ulo gamit ang aking magkabilang kamay, nagbabakasakaling mawala ang sakit ng ulo ko. Nawala na rin sa isip ko na hindi ko pa pala natatanggal ang sapatos ko. Namaluktot na lang ako sa kama ko dahil nagsimula ulit akong lamigin.