“Kuya Chuck, gising na! Mahuhuli ka na sa trabaho mo.”
Kinalabit ko si Kuya Chuck nang walang humpay upang magising na siya. Alas seis y media na ng umaga ngunit hindi pa rin siya gumigising. Ewan ko ba kung ano ang pinaggagagawa niya kagabi upang makalimutan niyang matulog nang maaga samantalang alam naman niya na mayroon siyang trabaho sa araw na ito.
“Urgh! Papa, ayoko pang gumising. Inaantok pa ako,” sagot ni Kuya Chuck na mukhang gasgas ang boses.
Inikot ko ang mga mata ko at nagsabing, “Hindi ako si Papa, at hindi rin ako titigil sa kakakalabit sa’yo hangga’t hindi ka bumangon diyan. Kanina pa tayo tinatawag ni Mama para mag-agahan. Hmm, nagluto ‘ata siya ng hotdog at itlog ngayong –”
Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ko at bigla na siyang bumangon sa kinahihigaan niya. Ito ay dahil alam ko na ang paborito niyang agahan ay hotdog at itlog simula pa lang noong kami ay nasa elementarya pa lamang. Madalas niyang gawin ay kumukuha siya ng isang hotdog at dalawang nilagang itlog para daw 100 ang makuha niya sa lahat ng pagsusulit nila. Hindi ko rin naman masasabi na nagsisinungaling ako sa kanya dahil kanina pa ako nakakaamoy ng hotdog na galing sa kusina.
“Nyaha! Una na akong maligo sa’yo, Jay! Babagal-bagal ka kasi!” ani Kuya Chuck sabay tanggal ng kanyang pantaas.
“Heh! Kanina pa akong tapos. Ikaw na lang ang hinihintay namin, kaya kung ako sa’yo, bilis-bilisan mong maligo bago ko ubusin ‘yung hotdog at itlog mo,” mabilis kong sagot habang napailing na lang ako sa inasal ng aking nakatatandang kapatid.
Hindi na ako pinakinggan ni Kuya Chuck dahil sa nagmamadali na siyang tumakbo sa banyo. Umiling na lang ako ulit at nag-ayos ng aking kasuotan, saka ko isinuot ang aking ID. Maswerte ako at hindi na namin kailangang magsuot ng uniporme sa Kolehiyo ng Medisina. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, hindi ko nagugustuhan ang magsuot ng uniporme noon. Problema ko nga lang eh kung dumating ang punto na kailangan kong mag-ulit ng mga ilang damit dahil hindi naman ako ganon kahilig bumili ng damit, hindi tulad ng iba riyan na bili nang bili nang damit saka naman hindi gagamitin. Sa huli kong pagbilang, walo lang ang mga T-shirt ko na maaari kong isuot sa unibersidad nang hindi nasisita ng gwardya. Buti na lang at may ilan akong mga jacket na pwede kong isuot sa ibabaw ng aking mga T-shirt. Sa ganon, pwede ko nang ulit-ulitin ang mga T-shirt ko kahit araw-araw pa at walang makakahalata nito, maliban na lang siguro kung nasira ang aircon sa aming kwarto at kailangan kong tanggalin ito.
Bago ko pala makalimutan, ito ang unang araw ko sa Departamento ng Medisina sa unibersidad. Ito ang dahilan kung bakit ako maagang nakapaghanda. Maaga ring pumupunta sa korte si Papa, sa paaralan si Mama, at sa opisina si Kuya Chuck. Sa unang pagkakataon, makakasabay akong umalis ng bahay kasama ang buo kong pamilya. Noon kasing nasa Kolehiyo ng Sikolohiya pa lang ako, tanghali o kaya hapon na nagsisimula ang klase namin, kaya lagi akong naiiwang mag-isa sa apartment namin. Hinahatid na lang ako ng aming taga-maneho na si Mang Gido kapag magsisimula na ang klase ko. At mas lalo naman noong isang taon akong nagpahinga dahil naiiwan na lang ako sa bahay kasama sina Mang Gido at Yaya Imang dahil hindi naman ako pwedeng sumama sa trabaho nila.
Ngayon, si Papa na ang maghahatid sa aming lahat.
Nauna na akong pumunta sa kusina kung saan nadatnan kong naghahain na si Mama ng agahan, kasama ni Yaya Imang, ang nag-alaga sa amin ni Kuya Chuck simula pa lamang noong ipinanganak kami. Si Papa naman ay nakaupo na sa mesa, nagbabasa ng dyaryo. Nabasa ko ang ulo ng balita: 3 AKYAT-BAHAY GANG, TIKLO!
Medyo natatawa ako kay Papa dahil hilig niya ang magbasa ng tabloid na mga dyaryo. Sa tuwing natatapos niyang basahin ito, nababasa ko rin doon ang aking oroskopyo. Hindi naman talaga ako naniniwala sa mga sinasabi doon, ngunit nakakaaliw lang itong basahin. Doon din binabasa ni Kuya kung ano ang bago sa isports.
“Nasaan na si Kuya mo Marky?” tanong sa akin ni Papa pagka-upo ko pa lang sa pwesto ko.
Bago pa man ako makasagot, lumabas na sa kwarto si Kuya Chuck, nakabihis na at nagsabing, “Parating na po. Pasensya na po at medyo nahuli ako.”
“Hindi na bale. Ang mahalaga, sabay-sabay tayong kakain ngayon,” ani Papa, saka niya itinabi ang binabasa niyang dyaryo. “Ling, simulan na nating kumain at baka mahuli pa tayong lahat sa kani-kaniya nating lakad.”
“Mabuti pa nga,” sagot ni Mama saka na rin siya umupo sa tabi ni Papa. “Imang, tama na muna ‘yan. Kain muna tayo.”
“Mmm, sige, kukunin ko lang saglit ‘yung kanin,” sabi ni Yaya Imang.
Ilang minuto ang lumipas at may napuna sa akin si Mama. “Jay, hindi ba sa tingin mo, mukhang masyado nang luma ‘yang suot mo? Baka kung ano pa ang masabi sa’yo ng mga magiging kaklase mo doon sa unibersidad kung makita ka nila.”
Saktong nakasubo sa bunganga ko ang kutsara na puno ng kanin kaya hindi ko agad nasagot si Mama dahil nginuya ko pa ang aking pagkain. Tinignan ko ang suot kong puting T-shirt na mayroong larawan ni Monobear na medyo kumukupas na. “Mama, ayos lang po siguro. Magsusuot naman po ako mamaya ng jacket dahil sa tingin ko sobrang ginaw doon sa silid namin. Isa pa po, wala na pong makakakilala sa akin doon dahil lahat po ng mga kaklase ko dati eh lumipat na po sa ibang pamantasan. Hindi na rin naman po nila ako siguro huhusgahan dito sa suot ko.”
“Ganumpaman, kailangan mo nang bumili ng ilang bagong damit. Daan na lang tayo sa MOA sa Linggo pagkagaling natin sa simbahan,” sabi ni Papa.
“Oo nga. Sasamahan kitang pumili ng magagandang T-shirt. Para sabihin ko sa’yo, natatakot ako diyan sa nakalagay sa T-shirt mo ngayon,” patawang sinabi ni Kuya Chuck.
“Huwag kang mag-alala, Kuya. Walang gagawin sa’yo si Monobear kundi titigan lang nang ganyan.” Lumingon ako kay Papa at nagsabing, “Salamat po, Papa.”
Nang natapos na kaming kumain, iniligpit na ni Yaya Imang ang mga pinagkainan namin at, pagkakuha namin sa kani-kaniyang mga gamit namin, dumiretso na kaming lahat sa labas ng bahay habang pinapaandar ni Papa ‘yung kotse namin.
Swerte kami sa araw na ito dahil hindi pa masikip ang daloy ng trapiko at hind rin sakop ng coding ang sasakyan namin. Una naming hinatid si Kuya sa opisina niya sa distrito ng mga inhinyero.
“Ma, Pa, tatawag na lang po ako mamaya kung nakauwi na ako. Wala kaming opisina mamayang hapon. Hindi ko pa po alam kung anong mangyayari mamaya,” sabi ni Kuya.
“Sige, Marky, mag-ingat ka na lang sa pag-uwi mamaya,” ani Mama.
“Tatawagan ko na lang po si Mang Gido kung sakali. Sige po, mamaya na lang po ulit,” nagmamadaling sabi ni Kuya at mabilis na siyang lumakad papasok sa gusali ng kanyang opisina.
Ako ang susunod na ihahatid ni Papa sa unibersidad. Medyo malapit lang ang unibersidad sa opisina ni Kuya kaya makakarating kami doon ng ilang minuto lang. Maya-maya, lumingon sa kinauupuan ko si Mama.
“Pansin ko lang, bakit parang tahimik ka?” tanong ni Mama sa akin.
“Erm, ano po, wala naman po. Parang… um, medyo naninibago lang ako dahil mag-aaral na ako ng Medisina,” paliwanag ko.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Papa. Nagulat ako dahil siya ang sumagot sa akin. “Ganyan din ang naramdaman ko noong unang araw ko sa Departamento ng Batas Sibil. Lagi mo lang tatandaan na ito ang daan na pinili mo at lagi lang kaming narito para sa’yo.”
“Um, maraming salamat po. Salamat po talaga,” mabagal kong sagot. Totoo, naninibago nga talaga ako dahil hindi na ito ‘yung dati kong pinasukan noon sa Kolehiyo ng Sikolohiya na pwede pa akong maglamyerda kung minsan at magawa ko pa ring makapasa kahit na ganon. Mas mahirap na ngayon ang aming kailangang gawin araw-araw. Pero panatag na rin ang loob ko dahil nasa akin ang suporta ng aking mga magulag at, sa tingin ko, pati ni Kuya Chuck.
Nang nakarating na kami sa gusali namin, tinanong ako ni Papa, “Sigurado ka bang hindi ka na bibili ng mga aklat mo? Nakita ko ang listahan ng mga aklat niyo ngayong unang semestre at mukhang marami tayong kailangang bilhin. Kung gusto mo, pwede kong ipabili ang mga ito mamaya kay Mang Gido.”
“Huh? Teka, kailan niyo po – ay, naku Papa, huwag na po, hindi na po kailangan. Nakapag-download na po ako ng e-books at nailagay ko na po ang lahat ng iyon dito sa tablet ko. Sa ganong paraan, hindi na po ako mabibigatan sa dadalhin ko. Alam niyo naman po kung gaano kalaki ang mga ‘yun, lalo na’t linen pa ang bawat pahina nung mga ‘yun,” masigla kong sagot.
Pinakiramdaman ko ulit ang aking bag. Napakagaan nito dahil ang laman lamang nito ay ang aking tablet, isang kwadernong binder na para na sa lahat ng aming mga aralin, isang resma ng dilaw na papel, ang aking manipis na jacket, at ang aking lalagyan ng tubig. Hindi rin ako nasanay na magbaon dahil lagi kaming kumakain sa mga karinderya sa harap ng aming pamantasan, o kaya naman kung minsan, sa ilang sikat na fastfood restaurant.
“Hmm, kung ganon, alam kong magiging ayos lang ang lahat sa araw na ito. At sa tingin ko, maging sa mga susunod pang mga araw,” sabi ni Mama. “Sige, mauna na kami. Ihahatid pa ako ni Hun sa paaralan. Tumawag ka na lang kung susunduin ka na namin.”
“Sige po, tutal, sabay naman po ‘ata kami ni Papa ng labasan mamayang hapon. Tatawag na lang po ako sa kanya mamaya,” sagot ko.
Nang nakaalis na sila, humarap ako sa gusali kung saan ako mag-aaral ng Medisina sa susunod na ilang taon. “Heto na,” bulong ko sa sarili ko.
Hindi ko alam kung ako lang ito, ngunit tila mas lumuwang ang mga dinaraanan ko sa loob ng gusali pagpasok ko sa araw na ito kaysa noong naglalakad pa lang ako ng mga papeles dito. Ewan ko lang, pero sa tingin ko, pakiramdam ito ng kahit sinong estudyante sa kanyang unang araw ng pagpasok sa kahit saang departamento, kahit na nanggaling pa siya sa parehong pamantasan. Napangiti na lang ako sa sarili ko at tumuloy na sa palapag kung nasaan ang silid kung saan gaganapin an gaming unang klase ngayong umaga.
Bago ako pumasok sa kwarto kung saan gaganapin ang aming unang leksyon, kinumpirma ko muna kung nandoon nga sa listahan ng mga estudyante ang pangalan ko. Nang nahanap ko na ang pangalan ko, nasulyapan ko ang pangalan na nakalimbag sa itaas ng akin at pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko.
“Hinayupak!”
Sagrado, Manuel Angelito Garcia. Iyon ang pangalan na nakalimbag sa itaas ng aking pangalan. Kung hindi niyo pa alam, ang may-ari ng pangalang iyon ay ang nagbigay sa akin ng impyerno noong nasa kolehiyo pa lang kami. Hindi ko talaga akalain na pumasok din siya dito sa pamantasang ito ulit. Ayoko talagang mag-isip ng masama sa kanya, pero hindi ko maiwasang isipin na talagang sinundan pa niya ako dito para lang pahirapan (kung hindi asarin) ako. At ngayon, tila ba napatanong ako sa Kanya kung napunta na ba ako sa isang dimensyong nakalimutan na Niya dahil pareho pa talaga kaming tumigil ng isang taon at pareho pa kami ng pamantasang pinasukan ngayon.
Napalingon ako nang hindi sinasadya at mas lalo pang napamura dahil nakita ko na siya sa may kalayuan. Sa paghahangad na iwasan siya, agad na akong pumasok sa kwarto.
May mangilan-ngilan na rin kaming ibang kaklase na nakarating. Halos lahat sa kanila ay mukhang may sari-sariling mundo dahil puro mga telepono lang nila ang hawak nila; may mga kausap sa text, meron ding mga naglalaro lang ng kung anong bago sa Play Store (na kahit kailan ay hindi ko nakahumalingan, maliban doon sa Flow Free dahil pinapagana nito ang aking pag-iisip). Ang iba naman ay inaantok pa; halatang nagpuyat din tulad ni Kuya Chuck, at tulad ni Kuya Chuck, hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit sila nagpuyat. Ang iba sa mga puyat kong kaklase ay mayroong hawak na kape galing pang Starbucks. Doon sila umaasa na magpapagising sa kanila. Lahat sila ay magkakahiwalay ng upuan kaya tumabi ako doon sa isang babae na may kausap sa telepono. Tila hindi niya ako napansin dahil tuluy-tuloy lang siya sa pakikipag-usap doon sa kabilang linya… kasintahan niya siguro o ewan.
Maya-maya, pumasok na rin si Manuel sa silid. Napakalaki niyang tao na para bang kaya niyang buhatin ang kahit sino, kahit na mas mabigat pa ito sa kanya. Itim at kulot ang kanyang buhok, puti ang kanyang balat, at bali ang kanyang ilong. Sobrang kapal at laki ng kanyang salamin na maikukumpara mo na sa isang diksyunaryo kaya mukhang lumaki ang kanyang mga itim na mata. Lagyan mo na lang siya ng apat na pakpak at maaari mo na siyang tawaging isang tutubi, kung hindi mo papansinin ang laki ng kanyang katawan. Kung sakali, ansarap talagang gawin sa kanya ‘yung ginagawa namin noong nasa mababang paaralan pa lang kami; ‘yung kapag nakakahuli ka ng tutubi, isa-isa mong tatanggalin ‘yung pakpak niya saka mo siya pagagapangin sa lupa. Iba na ang kanyang ngiti kesa kanina. Malamang ay nakita din niya ang pangalan ko sa listahan. Lumapit siya sa akin at umupo sa tabi ko.
“Magandang umaga, kaibigan,” sabi ni Manuel gamit ang kanyang napakababang boses.
“Sabihin mo nga sa akin kung ano naman ang maganda sa umaga?” pabalang kong tanong.
“Mukhang magiging magkaklase na naman tayo sa susunod na ilang taon, kaibigan,” patawa niyang bulong sa akin.
“Sa kasamaang palad,” sumagot ako nang hindi tumitingin sa kanya.
“Hmm, bago na ang kurso natin ngayon. Sana magbagong-buhay na tayo. Ayos lang ba na makipag-kaibigan ako sa’yo?” patawa niyang tanong sa akin.
Wala akong tiwala sa taong ito at sa tingin ko alam na rin niya ang isasagot ko sa kanya. Hindi na lang talaga ako sumagot at humawak na lang ako sa ulo ko dahil minsanan nang nasira ang araw ko.
Dito na niya pinakita ang dati niyang ugali. “Bahala ka sa buhay mo. Wala ka na rin namang magagawa dahil magkaklase na naman tayo ngayon.”
Wala akong mapapala sa pag-uusap na ito kaya naisip kong lumipat na lang sa ibang upuan, ngunit hinarang niya ako sa dinadaanan ko.
“Pwede bang paraanin mo ako?” sabi ko sa kanya.
“At bakit? Sobra akong natutuwa sa tuwing naiinis ka,” sumagot siya nang nakangisi.
Hindi ko na nakontrol ang boses ko. “Ay putik! Kung ayaw mong matanggal na nang tuluyan ‘yang ilong mo, paraanin mo na lang – AAAAARRRRGH!”
Walang anu-ano ay biglang may dumagan sa akin na para bang ilang piraso ng tablang malapad, ngunit nang tignan ko ang paligid ko ay puro mga aklat ito. Narinig kong nagtawanan ang lahat ng mga kaklase ko, maging si Manuel habang ang nasa likod ko ay walang tigil na humihingi sa akin ng paumanhin.
“Naku, patawad! Patawad talaga, kuya! Hindi kasi kita nakita kanina dahil sa dami ng mga dala kong aklat. Argh! Pasensya na talaga. Nasaktan ka ba? Sobrang humihingi ako ng tawad. Isinusumpa ko, hindi talaga kita nakita kanina…” walang tigil niyang sabi sa akin.
Humarap ako sa kanya at nakita ko siya nang malapitan. Matangkad siya ngunit mas payat pa siya kesa sa akin. Mukha rin siyang mas matanda kaysa sa akin. Mukhang kapapa-ahit lang niya sa ulo niya dahil wala akong makitang buhok doon. Kayumanggi siya, itim ang malalaki niyang mata at matangos ang kanyang ilong. Sobrang sama ko kung sasabihin ko ito, ngunit kung malabo ang mga mata mo, baka matawag mo siyang Tagpi o Bantay dahil mukha nga siyang isang aso na mukhang hindi pinakain nang ilang araw. Sa unang araw pa lang namin dito sa Departamento ng Medisina, parang problemado na siya agad. Nakita ko siyang nag-aayos ng lahat ng kanyang mga aklat at mukhang nahihirapan na siya kaya sinamahan ko na lang siyang mag-ayos.
Habang nag-aayos kami, nagsitigil na rin sa kakatawa ang lahat at umupo na ulit si Manuel sa upuan niya. Kinausap ko ang nakabangga sa akin, “Ayun, nagising na rin siguro sila. Teka, ‘diba unang araw pa lang natin dito? Bakit parang – sandali, hanap muna tayo ng ibang mauupuan.”
Nakahanap kami ng magandang pwesto sa pinaka-harap na bahagi ng silid, malapit sa mesa ng guro. Malamang ay wala nang balak si Manuel na sundan kami dito dahil alam kong sa lahat ng pwede niyang kuning pwesto sa isang silid, huli niyang kukunin ang nasa pinaka-harap, kahit na maaari niyang kunin ang pagkakataong tumabi sa akin, dahil madalas siyang makatulog sa klase at minsan ay naglalaway pa siya kung napasarap ang kanyang tulog. Doon namin inayos ang lahat ng aklat ng bago kong kasama at napansin kong luma na ang lahat ng ito.
“Ay, pasensya ka na, nakalimutan kong magpakilala. Ako nga pala si Juan Ramon Sereno. Um, tawagin mo na lang akong Ramon,” sabi ko sa kanya.
“Erm, ako si, um, ako si Ashton Mari-Karlo Arkanghel,” mahina niyang sagot.
“Ikinagagalak kitang makilala,” sagot ko habang inabot ko sa kanya ang aking kamay. Tinanggap niya ito.
“Um, ako rin. Salamat nga pala sa pagtulong sa aking mag-ayos ng mga aklat ko,” mabagal na wika niya.
Sa hindi ko malamang dahilan, unti-unti na akong napapasaya ng lalaking ito kahit na nag-uusap lang kami. “Sus! Wala ‘yun. Oo nga pala, bakit nga pala sobrang dami mo nang dala samantalang wala pa namang mga pinapagawa at pinapabasa sa atin?” tanong ko.
“Ah, um, ilalagay ko mamaya ang mga ito doon sa locker na inupahan ko para naman medyo gumaan na ang dadalhin ko sa mga susunod na linggo,” sagot niya.
“Ganun ba? Ayos ‘yun. Oo nga pala, Karl –”
“Ash na lang. Um, ‘yun ang tawag sa akin ng mga magulang ko.”
“Erm, ayun, Ash, matanong ko lang. Ilang taon ka na ba? Medyo naiilang kasi ako kung tinatawag akong ‘kuya’ ng mga kaklase ko.”
“Um, labing-siyam na taong gulang na ako. Kaarawan ko kahapon.”
Bahagya akong nagulat sa nalaman ko. Mas matanda siyang tignan kesa sa akin, ngunit halos magkasing-edad lang kami. “Whoa! Mas matanda ka pa pala sa akin ng ilang buwan. Kung ganon, mali rin na tinawag mo akong ‘kuya’ kanina.”
“Ahaha! Um, hindi naman siguro –”
Naputol ang usapan naming dalawa ni Ash dahil dumating na ang aming propesor para sa leksyon ngayong umaga. Dumiretso na siya sa mesa sa harap at nagsalita, “Magandang umaga sa lahat. Ako si Dra. Emilia Buenaventura, ang inyong magiging propesor sa Anatomy. Pakipasa na lang dito sa harapan ang inyong mga registration form upang akin itong mapirmahan.”
Kinuha ko sa loob ng binder ko ang aking registration form at ipinasa ko ito sa mesa. Saktong katapat ko si Dra. Buenaventura dahil nakaupo ako sa pinaka-harap. Dito ko napansin na strikto siya, kahit sa itsura pa lang niya: ang kanyang itim na buhok ay nakatali nang mahigpit sa likod ng ulo niya, maliit ngunit makapal ang salamin niya, makapal ang pagkaka-lapis sa mga kilay niya, at manipis ang mga labi niya na nilagyan niya ng pulang lipstick. Kung matagal mo siyang tititigan, maaalala mo ang mga lawin na napapanood sa Discovery Channel. Tila nakikita ng kanyang matatalas na mga mata ang kahit isang buhok na mahulog sa likod ng silid. Siya ang tipo ng propesor na tatahimik ang lahat ng estudyante kahit nasa tapat pa lang siya ng pintuan.
Ibinaling ko na lang ang tingin ko kay Ash dahil mas lalo akong natatakot kay Dra. Buenaventura habang mas tumatagal ko siyang tinitignan. Dito ko nakita na sobrang natataranta siya sa paghahanap sa kanyang registration form doon sa loob ng bag niya.
“Ash, kailangan mo ba ng tulong?” tanong ko.
“Um, ayos lang. Sa tingin ko nailagay ko lang ‘yun dito sa loob,” natatarantang sagot niya.
Pagkasabi pa lang niya nito, meron akong napansin doon sa isang aklat na nasa tuktok ng iba pang aklat. Parang isang papel ang nakalakip doon. Kinuha ko ito at nakita kong ito ang registration form niya. Pinakita ko ito sa kanya at sinabing, “Ito ba ang hinahanap mo?”
Nagulat siya sa pinakita ko. “S-saan mo nahanap ‘yan?”
Ibinigay ko kay Dra. Buenaventura ang registration form ni Ash at tinuro ko na lang ang libro kung saan nakalakip kanina ang registration form niya.
“Paano kaya napunta ‘yun doon?” nagtatakang wika ni Ash.
“Ikaw pa ang nagtanong,” mahina kong sagot.
Hindi na namin naituloy ang pag-uusap naming dahil nagsimula na ang aming leksyon pagkatapos ibalik sa amin ni Dra. Buenaventura ang aming mga registration form. Hindi pa naman ganon kahirap ang mga konsepto na tinuturo niya, ngunit medyo mabilis lang siyang magturo kaya hindi ko maiwasan minsan na mawala sa konsentrasyon.
Nakahinga na rin kaming lahat nang malalim nang matapos na ang aming leksyon makalipas ang limang oras. Mayroon kaming dalawang oras na bakante bago magsimula ang klase namin sa Physiology kaya niyaya ko si Ash na sumabay nang kumain sa akin sa Mang Inasal, ngunit sinabi niya na sa iba daw siya kakain. Mag-isa tuloy akong kakain sa unang araw ko bilang isang estudyante ng Medisina. Medyo malungkot, kaya sisikapin kong magkaroon ng ilang kasabay bukas.
Pagdating ko sa tapat ng silid kung saan gaganapin ang aming klase sa Physiology, tinignan ko ulit ang listahan kung nandoon nga ang pangalan ko. Nandoon nga, at nandoon din ang pangalan ni Manuel, ngunit mayroong isa pang pangalan na sumingit sa aming dalawa: Se, Michelle. Napansin ko pa sa ibaba na kailangang sunud-sunod na kami nang upo ngayon. Nagpasalamat na lang ako dahil hindi ko na katabi si Manuel ngayon.
Pagpasok ko sa silid, agad kong nakita si Ash sa pinaka-unang silya sa may pinto. Hinanap ko ang pwesto ko at nadatnan ko si Manuel sa pwesto niya na mukhang nakatulog. Lagi naman. Nandoon na rin ‘yung babae na ang pangalan ay Michelle sa tabi ni Manuel, halatang naiinis sa ‘di malamang dahilan. Tumabi na ako sa kanya.
“Magandang hapon. Ako nga pala si Juan Ramon Sereno. Erm, Ramon na lang,” bati ko sa kanya.
“Hay, magandang hapon din. Galak akong makilala ka. Ako si Michelle Se. Galing ako sa bansang Tsina at apat na taon na rin kami sa bansang ito,” sagot niya sa akin.
Mas maputi pa sa akin si Michelle. Unat ang kanyang itim na buhok na umabot sa kanyang balikat. Malalaki ang kanyang singkit at kulay berdeng mata. Maliit ang kanyang ilong at labi. Kinailangan kong pigilan ang aking sarili na himasin ang ibabaw ng ulo niya dahil pumasok sa isip ko ang mga maliliit na kuting na nakikita ko sa internet nang nakita ko siya. Hindi mabilis ang kanyang pagsasalita. Halatang hindi pa siya ganon kagaling sa wikang Filipino, pero hindi naman ako siguro mahihirapan masyado na makipag-usap sa kanya.
“Oo nga pala, Michelle, bakit parang hindi ka natutuwa ngayon? May problema ba?” tanong ko.
“Hrgh! Sa katunayan, oo, Ramon, may problema ako. Nakaupo siya at nakatulog dito sa tabi ko,” naiinis na sagot ni Michelle.
Hindi na ako nakapagtanong kay Michelle kung bakit pareho kaming may galit kay Manuel dahil dumating na ang aming propesor sa leksyong ito. Malaki ang kanyang pangangatawan at mukha siyang Aleman. Sobrang ikli ng kanyang dilaw na buhok at marami na ring tumutubong balbas at bigote sa kanyang mukha. Dilaw din ang kanyang mga mata at malaki ang kanyang ilong. Mukha tuloy siyang isang leon na tinanggalan ng mahahabang buhok. Nagulat na lang ako nang magsimula na siyang magsalita.
“Magandang hapon, mga mag-aaral, at maligayang pagdating sa Departamento ng Medisina. Ako si Dr. Arsenius Quamar, ang inyong magiging propesor sa Physiology para sa taong ito. Mangyaring ilabas ninyo ang inyong mga registration form at pakipasa na lang dito sa harap,” wika niya.
Hindi ako makapaniwala na walang bakas ng pagka-dayuhan ang kanyang pagsasalita. Malamang ay matagal na siyang nakatira dito sa Pilipinas. Lagi akong namamangha sa mga dayuhang magaling nang magsalita ng Tagalog. Pagkatapos niyang i-ayos ang aming mga registration form, nagsalita ulit si Dr. Quamar.
“Sigurado akong matutuwa kayong lahat sa susunod kong sasabihin. Hindi muna tayo magsisimula sa ating aralin sa araw na ito. Nais ko muna kayong makilala nang lubusan. Kaya kapag tinawag ko ang inyong pangalan, mangyari lamang na tumayo kayo at magsabi kung saan kayo nagmula, ang inyong kaarawan, at kung ano ang iba niyo pang masasabi tungkol sa inyong sarili. Magbibigay ako ng halimbawa.”
Huminga siya nang malalim at nagsimulang magpakilala sa amin, “Ako si Dr. Arsenius Quamar. Nanggaling ako sa Scotland, ngunit naturalisadong Pilipino na ang aking buong pamilya. Ipinanganak ako noong ika-pito ng Agosto, 1968, at maliban sa pagiging doktor, isa rin akong tagapagsaliksik ng mga iba’t ibang lamang dagat sa National Fisheries Research and Development Institute sa lungsod ng Quezon.”
Pagkatapos niyang magsalita, tumingin siya sa mga hawak niyang registration form at nagsabing, “Ginoong Arkanghel, handa ka na bang magpakilala sa amin?”
Unti-unting tumayo si Ash sa kanyang upuan at nagsimulang magpakilala, “Um, ako si Ashton Mari-Karlo Arkanghel mula sa Bacarra, Ilocos Norte. Um, kaarawan ko po kahapon, ikatlo ng Hunyo, 1992. Madalas po akong mag-boluntaryo sa aming barangay doon sa probinsya.”
Ibinigay ni Dr. Quamar ang registration form ni Ash matapos niya itong pirmahan. “Maraming salamat, Ginoong Arkanghel. Binibining Azcarraga, ikaw na ang susunod.”
Isa-isa naming pinakinggan ang aming mga kaklase na magpakilala ng kanilang mga sarili. Lahat sa kanila, maliban kay Ash, ay mukhang maykaya rin sa buhay tulad namin, kung hindi man mas mayaman pa sa amin. Mayroon ding ilang tinanong si Dr. Quamar na mga kaklase ko kung mayroon silang kakilala o kamag-anak na kung sinong doktor o katrabaho niya at nalaman kong may mga kaklase akong sumusunod sa yapak ng kanilang mga magulang.
Sumunod nang magsasalita si Manuel.
“Ako si Manuel Angelito Sagrado, tubong Biñan, Laguna, ipinanganak noong ika-15 ng Abril, 1990, at mahilig akong magmaneho ng motorsiklo. Madalas din akong sumali sa mga karera at dalawang beses na akong naging kampeon sa paligsahang ito,” mayabang na wika ni Manuel.
Ang kaisa-isang tao sa loob ng kwarto na mas naiinis kay Manuel kaysa sa akin ay malamang si Michelle. Gusto ko sanang tanungin sa kanya kung bakit siya naiinis kay Manuel, ngunit hindi ko na ito nagawa. Sumunod na ring nagsalita si Michelle, “Magandang hapon. Ako si Michelle Se. Galing ako sa Hongkong, sa bansang Tsina. Apat na taon na kaming nakatira dito kasama ang pamilyang kumupkop sa akin. Ipinanganak ako noong Oktubre, 30, 1991. Mahilig po akong mamasyal sa iba’t ibang lugar sa buong mundo at ang pinakapaborito ko sa lahat ng mga napuntahan namin ay sa Baguio dahil maganda ang klima doon at napakaraming mga bulaklak.”
“Maraming salamat, Binibining Se. Dumako naman tayo kay…”
Tumigil na nagsalita si Dr. Quamar nang makita niya ang aking registration form. Mukhang malalim ang iniisip niya – hindi. Hindi lang basta malalim. Tila nag-iisip din siya nang napakabilis.
“Ginoong Sereno, ikaw ba ‘yung nanalo dati sa pambansang paligsahan sa pagsulat ng editoryal doon sa Lapu-lapu City ilang taon na ang nakalipas?” tanong niya sa akin.
Lahat ng tao sa loob ng silid ay biglang tumitig sa akin. Nagulat ako dahil ako pa lang ang nakikilala niya sa aming magkakaklase, maliban na lang sa ilan na anak ng kanyang ibang katrabaho. “H-ha? Erm, opo, ako nga po. Paano niyo po nalaman?” nagtatakang tanong ko.
“Dinalaw ko noon ang aking kaibigan na isa sa mga hurado sa paligsahang iyon. Pinabasa niya sa akin ang iyong sinulat at namangha ako sa iyong opinyon tungkol sa kung papaano makakatulong ang komunikasyon sa pagsagip sa kalikasan,” sagot niya.
Naramdaman kong namula ang pisngi ko sa sinabi niya. “Ay, ahaha! Maraming salamat po kung ganon. Erm, ano, ako nga po si Juan Ramon Sereno, galing pong Bani, Pangasinan. Pinanganak po ako noong ika-13 ng Oktubre, 1992, at ako po ang punong patnugot ng aming dyaryo sa mataas na paaralan sa loob ng tatlong taon. Ito po ang dahilan kaya hindi ko iniwan ang pagsusulat.”
“Mabuti kung ganon. Salamat, Ginoong Sereno. Ginoong Soriano, ikaw na ang susunod,” wika ni Dr. Quamar pagkatapos niyang huminga nang malalim.
Tuluy-tuloy na ang pagpapakilala ng iba pa naming mga kaklase. Tapos na kaming lahat ngunit isang oras pa ang natitira bago matapos ang aming klase.
Nagwika si Dr. Quamar, “Dahil tapos na kayong magpakilalang lahat, maaari ko na kayong palabasin nang maaga. Magkita na lang tayo ulit sa Biyernes sa ganito ring oras. Pakibasa na lang ang una at ikalawang kabanata ng ating aklat. Paalam sa inyo.”
Nagmamadaling lumabas ang lahat ng mga kaklase ko, pati sina Manuel at Michelle, kaya hinintay ko munang makalabas ang lahat dahil ayaw kong makipag-siksikan sa kanila sa makipot na pintuan. Palabas na ako ng kwarto nang mapansin ko si Ash na nakayuko sa upuan niya. Hindi pa rin siya nakakapag-ayos ng kanyang mga gamit, isang misteryo para sa akin dahil wala pa naman kaming ginawa sa pagkikitang ito.
Tinawag ko siya, “Ash, ayos ka lang?”
“H-ha, uh, um, oo, ayos lang ako,” mahina niyang sagot.
“Bakit parang namumutla ka? At parang nanghihina ka ‘ata?” tanong kong medyo nag-aalala.
“Ah, um, wala ‘to. Nagugutom lang ako. Kulang ‘yung nakain ko kaninang tanghali,” sagot niya.
Pagkasabi niya dito, naramdaman ko na rin ang tyan ko na nagrerebolusyon na sa tagal kong nakaupo at walang ginagawa. “Mmm, sabagay, ako rin, parang gutom na rin. Halika, merienda na muna tayo. Maaga naman tayong pinalabas.”
“Sige, ikaw na lang,” tugon niya, “Pauwi na rin naman ako.”
“O sige, ikaw na ang bahala. Kita na lang tayo bukas,” sabi ko habang palabas ako ng kwarto.
Naisip kong mag-merienda na rin lang sa bahay kaya bumili na lang ako ng malamig na tsaa doon sa tabi ng paborito kong karinderya na minsan kong kinakainan kung nagtitipid ako. Inilabas ko ang tablet ko upang tignan ang kabanatang pinapabasa ni Dr. Quamar. Nakita ko na lang na nagpadala pala ng mensahe sa akin si Mang Gido. Nabasa ko ang text niya: “Text ka kung maaga kita sunduin.”
Agad ko itong sinagot: “Punta ka na. Dito ako tapat Le Cheng Tea House.”
Pagkatapos ko itong ipadala kay Mang Gido, nagpadala din ako ng mensahe kay Papa: “Pasundo na po ako kay Mang Gido. Maaga kami pinauwi.”