“Isa lang itong panaginip,” sabi ko sa isipan ko, “isa lang itong makatotohanang panaginip. Pagbukas ng aking mga mata, makikita kong nasa klinika na ako at kasalukuyang ginagamot dahil sa nangyari sa akin. Natural lang na wala akong nararamdamang sakit ngayon sa aking tiyan dahil sa malamang ay binigyan ako ng doktor ng pampamanhid upang hindi ako masyadong mahirapan. Isa lang itong panaginip.”
Matagal na akong gising ngunit hindi ko pa rin ibinubuka ang aking mga mata. Masyadong hindi makatotohanan ang nangyari sa akin kahapon. Isa lang ang paliwanag sa lahat ng mga nangyari kahapon: isa lang itong panaginip. Hindi ko matanggap na makakapasok lang ako sa isang kwento kahit na wala akong hawak na babasahin. Parang imposible talaga iyon.
Meron akong narinig na humihilik sa tabi ko. “Grabe, anlakas namang humilik nitong si Toby. Buti na lang at tulog siya ngayon. Siguro, sobrang sakit ng paa niya kaya kinailangan siyang patulugin ng doktor,” sinabi ko sa isip ko.
Hindi ko na kinayang paganahin pa ang imahinasyon ko. Ibinuka ko na rin sa wakas ang aking mga mata at nadismaya ako nang lubusan sa aking nakita.
Ako ay nasa isang kwarto kung saan marami akong katabing mga katulad kong alipin; marami sa kanila ay kabibili rin kasabay ko kahapon. Magkatabi kami ni Jose na natulog dahil buong gabi ko siyang pinakinggan sa kanyang kwento tungkol sa kanyang pamilya at kung papaano siya ibinenta ng kanyang mga kapatid dito sa Egipto. Wala akong nakwento sa kanya kagabi dahil alam niyang nawalan ako ng alaala. Ngunit hindi ito totoo. Alam ko pa rin kung ano ang mga naiwan ko sa tunay na mundo: sina Mama, Papa, Kuya Chuck at Ate Ice, Mang Gido, Yaya Imang, Andre, Ash, Michelle, at Martin. Bigla akong nangulila sa kanila ngayon dahil natanto ko na maraming taon pa ang aking palilipasin bago ako makabalik sa tunay na mundo. Hindi ko alam kung paano ko mapapabilis ang pagbabalik kaya wala talaga akong magagawa kung hindi maghintay. Lalabas na ang mga luha ko, ngunit pinigilan ko ang mga ito. Hindi ako pwedeng maglabas ng emosyon sa harapan ng iba pang mga alipin dahil malalaman nila ang tunay kong sitwasyon.
Bumangon na ako sa kinahihigaan ko at lumabas na sa kwarto ng mga alipin. Balak kong bumalik sa bakuran kung saan walang makakakita sa akin. Subalit sa paglabas ko, mayroon akong nasalubong na isa pang kawal.
“Bata! Masyado ka yatang maagang magsimulang maglinis ng bakuran,” malakas niyang wika. “Kailangan mo munang mag-agahan dahil marami ulit iuutos sa inyo sa araw na ito.”
“Ah, tapos na akong kumain,” pagsisinungaling ko. “Tutuloy na lang ako sa bakuran. Sa tingin ko, marumi ulit doon.”
“Sige, sige, pagbutihan mo, bata!” malakas niyang sigaw habang paalis ako ng bahay.
Hindi rin siya gaanong matalino sa opinyon ko. Hindi man lang niya napansin na wala akong gamit na dala para sa paglilinis ng bakuran. Habang paparating ako doon, narinig ko ulit ang boses ng kawal na kumausap lang sa akin. Sa tingin ko ay may iba na siyang kausap ngayon, kaya binilisan kong bumalik sa pwesto ko kung saan walang nakakita sa akin kahapon. Doon ako humiga at malalim na nag-isip.
Kung ganon, hindi nga ito isang panaginip. Ang lahat ng nangyari kahapon ay totoo nga. Ang masaklap pa ay hindi ko alam kung papaano ito nangyari. Ang huli ko lang na alaala sa tunay na mundo ay nahulog ako sa ibabaw ni Toby habang tumama sa tiyan ko ang siko niya. Nangyari iyon dahil wala sa kondisyon ang kanyang kanang paa dahil sa pasa nito. Si Toby, na sparring partner ko sa buong panahon ng pagsasanay namin sa judo.
Napabuntong-hininga ako at napa-hikbi saglit, ngunit nakontrol ko ang aking sarili upang hindi umiyak nang lubusan. Tumingin ako sa langit at sinabi sa sarili ko na kailangan kong tiisin ang aking pangungulila kung nais kong makaabot sa katapusan ng kwentong ito. Kung nakaya ko mang tapusin ang kwento ng buhay ni Rizal noon, lalo kong makakaya ito. Kung hindi nagkakamali ang bilang ko, hindi magkukulang sa labing-anim na taon ang kailangan kong palipasin dito bago ako makabalik sa tunay na mundo. Kung ikukumpara ko ito sa una kong karanasan, wala ito sa dalawampung taon na tinagal ko sa kwento ni Rizal.
“Kung labing-anim na taon ang kailangan kong palipasin, simulan na natin ngayon,” sinabi ko sa sarili ko.
Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at sinubukan kong matulog ulit, ngunit mayroong matigas na bagay na tumama sa noo ko. Tumingin ako sa paligid at mayroon akong nakitang isang nabubulok na bunga ng igos na gumugulong papalayo sa akin. Napansin ko rin na maraming naglalaglagang mga dahon at nabubulok na bunga mula sa punong sinasandalan ko.
“Amp! Dito pala nanggagaling ang tambak na dumi dito sa bakuran,” natatawa kong sinabi sa isip ko.
Mayroon ulit nahulog sa kinalalagyan ko: isang hinog na bunga ng igos. Saktong nasalo ko ito gamit ang aking kanang kamay, at umupo na ako nang maayos upang magpasalamat sa Kanya para sa aking agahan, saka ko na ito kinain.
Napagdesisyunan kong bumalik sa loob ng bahay upang magpakita sa mga kawal. Hindi ko alam kung paano ang pamamalakad nila dito kaya kailangan kong magpakita sa kanila dahil baka akalain nilang tumakas na ako. Para naman kasing meron akong tatakasan kung sakali. Marami akong nadaanang mga kawal, ngunit wala ni isa ang pumansin sa akin. Tuluy-tuloy na lang ako sa bodega upang kunin ang walis at pala na ginamit ko kahapon. Paglabas ko, nakita kong kinakausap ni Potifar si Jose. Hindi ko na kailangang pakinggan ang kanilang usapan dahil alam ko na kung ano ito. Sa tingin ko, si Jose na ang magiging katiwala ng bahay ni Potifar mula sa araw na ito.
Sa naunang dalawang kwento na napasukan ko, lubos na nabago ang maraming bahagi ng kwento dahil sa kagagawan ko, at wala namang masamang nangyari sa akin o sa iba pang mga tauhan, ngunit dahil nakapasok ako sa isang kwento na hindi ko naman natulugan, natatakot akong makialam sa mga tauhan dahil baka iba ito sa mga dati ko nang napasukan. Kaya nilampasan ko na lang sila at tumuloy na ulit sa bakuran upang ulitin ang trabaho ko doon, ngunit hinarang ako ng isa pang kawal bago ako makalabas ng pintuan.
“Bata,” tawag niya sa akin, “kailangan ng mga magbubunot ng sahig sa ikalawang palapag ng bahay na ito. Doon ka na muna pumunta, makakapaghintay ang bakuran sa’yo pagkatapos ng trabaho mo doon.”
Tumango lang ako at pumunta na sa ikalawang palapag ng bahay. Sa hindi-malamang dahilan, buong araw naming binunot ang sahig. Sa tantya ko, parang ako pa ang may pinakamalaking bahagi ng sahig na nalinis sa buong araw. Halos magkulang pa ang oras namin dahil naabutan na kami ng hapunan nang natapos ang aming trabaho.
Habang naghahapunan kaming mga alipin, nagsasaya ang lahat sa pagiging katiwala ni Jose sa bahay ni Potifar. Halatang masaya ang lahat dahil sa tagumpay niya. Mahahalata mo na marami talaga siyang naging kaibigan sa maikling panahon pa lang namin dito sa bahay. Inisip ko na lang na wala pa rin akong mga kakilala dito maliban kay Jose dahil natulog lang ako sa ilalim ng puno kahapon, pero hindi ko rin masisisi ang sarili ko dahil mas gusto ko rin ang mapag-isa minsan, at hindi ko rin naman minamadali ang pakikipag-kaibigan. Natigil na lang ang pag-iisip ko nang malalim nang mayroong bumanggit sa pangalan ko.
“Dapat ding malaman ng lahat na dahil kay Juan, mabilis tayong natapos sa ating trabaho sa ikalawang palapag. Kung hindi dahil sa kanya, malamang ay hindi pa tayo tapos hanggang ngayon.”
Itinaas ng lahat ang kanilang mga baso at sinabi ang aking pangalan. Naramdaman kong pumula ang mga pisngi ko habang napangiti ako at tumango sa lahat. Isa lang itong patunay na hindi talaga ako sanay na purihin ng ibang tao.
Isa ako sa mga natokang maghugas ng pinggan sa gabing ito. Dahil mukhang pagod na pagod ang lahat ng mga kasama ko, at dahil na rin hindi ako masyadong napagod sa hindi-malamang dahilan, pinauna ko na ang mga kasama ko sa silid-tulugan namin. Habang patapos na ako sa paghuhugas, nakarinig ako ng parang nagtatalo sa labasan. Nakilala ko ang lalaki bilang si Jose, pero hindi ko alam kung sino ‘yung babae.
“Layuan mo nga ako,” dinig kong sabi ni Jose. “Hindi tama itong ginagawa mo.”
Minadali kong tinapos ang aking gawain at lumabas na sa kusina. Hindi ko na nakita kahit saan si Jose. Tanging ang kausap niya ang nadatnan ko doon. Isa siyang babaeng magarbo rin ang suot, tulad ng kay Potifar. Malamang, siya ang asawa ng amo namin. Mahaba at kulay-kahoy ang kanyang buhok, manipis ang kanyang mga kilay, maliit at matangos ang kanyang ilong, at manipis ang kanyang mga labi. Amoy na amoy ang kaniyang pabango kahit na hindi pa lang ako nakakalapit sa kanya. Ang hindi ko nagustuhan sa kanya ay ang tingin ng kanyang mga mata sa akin. Kulay dilaw ang kanyang mga mata at ang mga matang iyon ay parang magmamay-ari ng isang taong hindi mo mapagkakatiwalaan.
Matagal kaming nagkatitigan ng asawa ni Potifar. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya, pero sa tingin ko ay tungkol ito sa akin. Dahil hindi ko gustong mapalapit sa ganitong klase ng tao, yumuko na lang ako sa harap niya at tumuloy na sa silid naming mga alipin at pumunta na sa pwesto ko. Doon ko nakita si Jose na parang mas pagod pa kaysa sa iba pang mga alipin.
Hindi ako sigurado kung gustong makipag-usap ni Jose o hindi kaya sinubukan ko nang matulog agad, ngunit narinig kong kinausap niya ako.
“Alam mo, Juan, mapalad ka talaga,” ani Jose.
Lumingon ako sa kinalalagyan ni Jose at nagsabing, “Papaano mo naman nasabi ‘yun? Isa pa, sa tingin ko, mas mapalad ka pa kaysa sa akin. Ikaw na ngayon ang katiwala ng bahay ni Potifar.”
Umiling si Jose. “Hindi iyan ang tinutukoy ko. Mapalad ka sa paraang wala kang masyadong iniisip ngayon. Hindi mo na inaalala kung saan ka nagmula dahil nawala ang iyong mga alaala.”
Nanatili akong tahimik sa sinabi niya. Alam ko na rin kung ano ang ibig niyang sabihin sa kasasabi lang niya sa akin ngayon. Pareho lang kaming nangungulila sa aming mga iniwang pamilya. Ang pinagkaiba lang namin, siguradong magkikita pa sila ng kanyang ama at mga kapatid, samantalang hindi ko alam kung kalian matatapos ang kwentong ito at kung makakabalik pa ako sa sarili kong dimensyon. Hindi ko rin pwedeng sabihin sa kanya ang aking tunay na sitwasyon dahil sinabi kong nawala ang mga alaala ko. Sa halip, bumalik na lang ako sa posisyon ko at nagsabing, “Huwag mo nang isipin iyan. Walang mangyayari kung ganyan ka mag-isip. Isa pa, hindi ko rin masasabing mapalad ako sa nangyari sa akin.”
“Maaari ko bang tanungin kung bakit?” usisa ni Jose.
“Kasi,” sabi ko habang huminga ako ng malalim, “kung iisipin mo lang iyan nang iisipin, sisirain ka niyan. Hindi naman sa isasawalang-bahala mo na ang pamilya mo, pero nakalipas na iyan. ‘Ika nga, nilagay ng Diyos sa harap ang mga mata natin para makita ang hinaharap, hindi para balikan ang nagdaan.”
Hinintay kong sumagot si Jose, ngunit tahimik lang siya. Malamang ay pinag-iisipan niya ang kasasabi ko lang sa kanya. Pero kahit ako, napaisip din sa sarili kong sabi. Alam kong matagal ko ulit makikita ang mga mahal ko sa buhay, ngunit dahil nandito ako sa dimensyong ito ngayon, wala akong magagawa kung hindi harapin ang kung ano man ang ihampas sa akin ng tadhana. Walang mangyayari sa akin kung magmumukmok lang ako sa isang tabi at pag-isipan ang mga naiwan ko sa tunay na mundo.
“Matulog ka na,” sabi ko na lang sa kanya. “Dahil ikaw na ang katiwala ng bahay, mas marami kang dapat asikasuhin bukas. Kakailanganin mo ng pahinga. Oo nga pala, mag-iingat ka sa asawa ni Potifar. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa kanya. Sige, matulog ka nang mahimbing.”
Ipinikit ko ang mga mata ko at hindi ko inaasahang makakatulog ako agad pagkatapos lang ng ilang saglit.
Tulad ng nangyari kahapon, maaga ulit akong nagising. Tumingin ako sa bintana at wala pang liwanag na nanggagaling sa araw. Dahil hindi na rin naman ako makatulog, naisip kong pumunta na lang ulit sa bakuran kung nasaan ang napakakalat na puno ng igos. Pagdating ko doon, doon ako nagsimulang magnilay-nilay ng kung anu-anong mga bagay na maaari kong pag-isipan habang nagpapalipas ako ng oras.
Pasikat na ang araw nang bumalik ako sa loob ng bahay at kumain ng agahan kasama ang iba pang mga alipin. Pagkatapos naming kumain, dumiretso ako sa bodega upang kumuha ng pala at kalaykay upang makapagsimula na akong maglinis sa bakuran. Sinalubong ako ng kawal na nakausap ko noong unang araw ko dito sa bahay doon sa pintuan ng bodega.
“O, bata, anong sadya mo dito sa bodega?” tanong niya sa akin. Yuyagahor ang pangalan niya, kung hindi ako nagkakamali. Halos dalawang beses ang tangkad niya sa akin at maaari mo ring pagtabihin ang tatlong katawan ko upang matapatan ang laki ng kanyang katawan. Dilaw ang kanyang buhok, makapal ang kanyang mga kilay, mukhang sa leon ang kanyang mga asul na mata, at maraming maiiksing dilaw na buhok ang tumutubo sa kanyang pisngi at baba. Sa unang tingin, mapagkakamalan mo siyang isang oso na may dilaw na buhok.
“Kukuha sana ako ng pala at kalaykay para makapaglinis ako ng bakuran,” sabi ko.
Tumawa nang malakas ang kawal. “Bata, wala ngayon si Ginoong Potifar, kaya magiging magaan lang ang araw ng lahat. Samahan mo muna ako sa bodega namin.”
Nagtaka ako sa sinabi niya. “Eh, teka, ‘diba nasa bodega na tayo?”
“Hindi,” sabi niya sa akin. “Ang ibig kong sabihin, doon sa bodega naming mga kawal. Doon nakatago ang mga armas namin. Ako ang natokang mag-ayos ng mga armas sa buwang ito. Dahil wala naman ang punong kawal namin, maaari mo akong samahan doon.”
Umiling ako at nagsabing, “Pero kung papalipasin ko ng isa pang araw ang paglilinis ng bakuran, mas mabigat ulit ang magiging trabaho ko bukas. Sobrang kalat nung –”
“Gahaha! Ako ang bahala sa’yo, bata!” sabad niya, sabay akbay sa akin at hinila na niya ako sa isang kwarto na nasa ilalim ng palapag na pinanggalingan namin kanina.
Napakainit ng buong kwarto dahil sa dami ng mga sulo na nagbibigay-liwanag dito, at dahil na rin ni isang bintana ay wala kang makikita dito. Tumagaktak tuloy nang ‘di oras ang pawis ko. Ngunit hindi ang mga ito ang pumukaw sa aking pansin. Halos lahat ng klase ng mga armas na maisip ko ay makikita kong nakahilera sa mga tokador na nakapalibot sa buong kwarto.
“O bata, anong masasabi mo sa bodega naming mga kawal?” biglang tanong sa akin ni Yuyagahor.
Matagal kong pinaikut-ikot ang tingin ko sa buong kwarto. Dahil sa mangha ko, hindi ko namalayang matagal nang bukas ang bunganga ko at kinailangang itaas ni Yuyagahor ang baba ko upang isara ulit ang bibig ko.
“Sa tingin ko, hindi mo na kailangang sagutin ang tanong ko upang malaman ko na namamangha ka nga dito sa kwartong ito,” sabi na lang niya sa akin. “Maaari kang tumingin ng kahit alin sa mga ito, ako naman ang magbabantay sa mga ito ngayong buwan.”
“Ano… sa katunayan, hindi ko hilig ang mga armas, kahit siguro noong bago pa lang ako mawalan ng mga alaala,” sagot ko sa kanya. “Ngunit kung mayroon akong maaaring maitulong sa inyo, dito lang muna ako. Bukas pa naman ako magsisimula sa trabaho ko sa bakuran, kung totoo ngang wala dito ngayon si Potifar –”
“Ginoong Potifar,” pagtatama niya sa akin habang tumawa ulit nang malakas si Yuyagahor. “Para sabihin ko sa’yo, bata, wala akong ginagawa dito sa loob ng bodega sa tuwing ako ang nagbabantay dito. Hmm, pero siguro, maaari tayong gumawa ng isang bagay na nakakasabik.”
“Isang bagay na… nakakasabik?” inulit ko ang sinabi niya, saka niya ako hinila sa isang tokador kung saan nakalagay ang maraming mga pana. “Teka, anong –”
“Dahil wala naman tayong gagawin sa araw na ito, tuturuan kitang gumamit ng pana,” sabi niya sa akin habang inakbayan niya ako ulit gamit ang kanyang napakabigat na braso.
“A-ano? Teka, pwede ba nating gawin ito?” tanong ko. “At sigurado ka ba na kakayanin ko ang ganitong klase ng armas? Hindi pa ako nakakahawak ng kahit anong armas kahit kalian.”
Uli, tumawa nang malakas ang kawal. “Huwag kang mag-alala, ako ngayon ang bantay ng bodega ng mga armas, kaya maaari kong gawin ang aking nais. At huwag kang mag-alala, wala pa namang mga napahamak sa mga tinuruan kong mga alipin noong nakaraan. Masasabi kong madaling matuto si Jose nang tinuruan ko siyang gumamit ng espada.”
“Talaga? Eh, bakit paggamit naman ng pana ang ituturo mo sa akin?” usisa ko.
“Wala lang, unang armas lang na pumasok sa isip ko,” sagot niya sa akin, saka niya ako binigyan ng pana na bagay sa laki ko.
Pumunta kami sa isang bahagi ng bodega kung saan maaari kang mag-ensayo gamit ang mga armas dito, saka niya ako sinimulang turuang gumamit ng pana. Pagkatapos ng ilang oras, anim sa dose-dosenang mga tira ko ang tumama sa gitna ng kalasag sa kabilang bahagi ng kwarto.
“Magaling ka na rin, para sa isang baguhan, iyon ay kung baguhan ka nga talaga,” sabi niya sa akin, habang kinuha niya sa akin ang pana at ibinalik ito sa tokador nito.
“Ha? Anong ibig mong sabihin?” nagtataka kong tanong sa kanya.
Pumunta siya sa isa pang tokador at kumuha ng dalawang punyal. “Isa ako sa mga kawal na nasa tindahan nang nabili namin kayong mga baguhan. Nalaman ko sa tindero na natalo mo ang isang mamamatay tao gamit ang isang punyal lamang. Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan ka naming bayaran sa malaking halaga.”
Lumapit siya sa akin at iniabot ang isa sa mga punyal. “Gusto ko naman sanang mabawi kahit papaano ang ibinayad namin sa tinderong iyon.”
Hindi ko tinanggap ang punyal sa kanya. “Hindi mo kasi tinanong kung paano ‘natalo’ ang mamamatay-tao na nakalaban ko dati,” sabi ko sa kanya, at sinimulan kong ikwento sa kanya ang buong pangyayari noong oras na iyon, kung paano dinilaan ng aking katunggali ang kanyang punyal na babad sa lason at kung paano niya pinatay ang kanyang sarili. Doon ko rin ipinagtapat sa kanya kung ano ang sinabi ng pinuno ng mga Arabo upang maibenta nila ako sa mas mataas na halaga.
Hihingi dapat ako ng paumanhin sa kanya dahil napagastos pa sila ng malaki nang bigla kaming makarinig ng isang sigaw galing sa taas. Nakilala ko agad kung sino ang may-ari ng boses na iyon.
“Jose!?” sigaw ko, sabay takbo palabas ng bodega ng mga armas.
Hindi ko naiwasang lamigin paglabas ko ng bodega ng mga armas. Dali-dali akong tumakbo palabas, ngunit hindi ko namalayang nakalagpas na ako sa bodegang papasukan ko dapat kanina. May narinig akong patakbong sumusunod sa akin. Akala ko ay si Yuyagahor ito, ngunit nang lumingon ako sa direksyon ng ingay, bigla akong nabangga, hindi ni Yuyagahor, kundi ni Jose. Pareho kaming natumba, ngunit bago ko pa man malaman ang nangyari sa amin, agad siyang bumangon at dali-daling tumakbo paalis. Nakita kong patakbong lumapit sa akin si Yuyagahor.
“Bata, ayos ka lang?” ani Yuyagahor. “Anong nangyari?”
Wala ako sa tamang isip upang sagutin ang kanyang tanong sa puntong ito. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari, ngunit sa hindi malamang dahilan, parang inaasahan ko na na mangyayari ang bagay na ito, kung ano man ito talaga.