“Jay, ilang araw na kitang napapansing tulala. Alam kong lagi itong tinatanong sa’yo ng Mama mo, pero tatanungin kita ulit: ayos ka lang ba talaga?”

Bumalik ang isip ko mula sa paglipad nito dahil sa sinabi sa akin ni Papa habang kami ay naghahapunan, isang Sabado ng gabi.

“Ha? Ay, um opo. Ayos lang po talaga ako… um, sa tingin ko,” mabagal kong sagot.

Huminga nang malalim si Mama. “Kahit ikaw, hindi rin sigurado sa sagot mo, kaya sa tingin naming tatlo ng Papa at Kuya mo, meron ka sigurong iniisip.”

Ganyan talaga si na Mama at Papa. Kahit na hindi kami magsabi ni Kuya Chuck ng aming problema sa kanila, malalaman nila na may problema kami. Hindi ko lang talaga alam kung paano ko sasabihin sa kanila na medyo nahihirapan na ako sa pag-aaral ko. Sobrang dami naming kailangang aralin sa Physiology, Biochemistry, Histology, at Preventive Health and Community Medicine. Ngunit ang talagang pamatay na subject namin para sa taong ito ay ang Anatomy… o para sa akin lang siguro. Likas akong mahina sa pagsasaulo ng mga kung anu-anong kalamnan, daluyan ng dugo, at mga ugat sa katawan ng tao, kaya mas lalo pang humirap ang Anatomy dahil dito. Pero hindi pa rin ito ang pinakamalaki kong problema. Para tuloy gusto kong hilingin na ibalik na lang nila ang Clinical Epidemiology dahil dito.

Sa tatlong linggo na lumipas bilang isang estudyante ng Medisina, nakaka-tatlong pagkikita na kami sa PE naming tuwing Sabado, mula alas nueve hanggang alas onse ng umaga. Ang pinaglagyan pa man din sa akin ng admin na PE ay ang sa tingin ko ay isa sa mga pinakamahirap: judo. Bago ako pumasok noong una naming pagkikita, nagsaliksik ako sa internet kung papaano nga ba ginagawa ang judo. Sa mga nabasa ko, tanging ang mga wastong gawain sa loob ng dojo at paggalang sa tagapagsanay ang aking mga natandaan. Pagpasok ko kinaumagahan, nagduda ako sa admin kung talaga ngang patas ang paglagay nila sa akin dito. Lahat ng mga kaklase ko sa PE na ‘yun ay pawang mga sanay na sa sport na ito. Ang laki ng kanilang mga katawan ay maihahambing ko na kay Andre, tulad nina Ernie at Randolf. Meron din ‘yung mga kasinlaki ko lang, pero ‘di hamak na mas matikas ang kanilang katawan, tulad nina Arvind at Cedric. Masasabi ko na sigurong para akong isang tupa na naligaw sa lungga ng mga leon.

Wala pa naman kaming masyadong ginawa noong una naming pagkikita, ngunit ang ikalawang pagkikita, na naganap isang linggo na ang nakaraan, ang halos pumatay sa akin ay pagod. Hindi ko na siguro mabilang kung ilang beses akong naibagsak sa sahig nina Darwin at Ricky. Ngunit ako ‘yung tipo ng tao na ayaw nang napapahiya. Kung aayaw ako agad dito, siguradong sasabihin ng iba na wala akong determinasyon. Ilang beses man akong naihampas ng iba sa sahig, hindi pa rin ako umayaw. Ito ang dahilan kung bakit namangha ang ilan kong kaklase sa akin at inimbita nila akong mananghalian kasama sila.

Wala akong baon noon sa pag-aakala kong makakauwi ako agad, kaya sumama na lang ako sa kanila sa I Saw ‘D Light @ Isaw Delight. Dito ko nakita na iba ang mga kaklase ko kapag nasa loob sila ng dojo at nasa labas. Habang nagkukwentuhan kami, nalaman ko na sina Ernie, Arvind, Cedric, Darwin, at marami pa sa kanila ay dati nang naglalaro ng judo at papayag daw silang gabayan kaming mga hindi pa sanay dito. Isa sa kanila ang mismong nagpresenta na maging sparring partner ko dahil nakita daw niya kung paano ako dinurog kanina ni Ricky. Nagpakilala siya sa akin bilang si Tobiah Magsangcay, o Toby na lang daw. Magkasintangkad kami, ngunit malalaki ang mga kalamnan niya at mas matanda siya sa akin ng dalawang taon. Itim ang kanyang napaka-iksing buhok, halos parihaba ang kanyang itim na mga mata, malaki at matangos ang kanyang ilong, at manipis ang kanyang bibig na sa tingin ko ay dahil halos lagi niyang nilalabas ang kanyang mga ngipin. Sinabi rin niya na madali lang daw matutunan ang judo at kahit mga bata sa bansang Hapon ay ginagawa ito. Medyo naging panatag na ako dahil dito.

Halos walang pinagkaiba ang aming pangalawa at pangatlong pagkikita kung ang pagkukumparahan ay ang dami ng beses na ako ay napatumba ng aking kalaban. Ang isang magandang pagbabago na masasabi ko lang ay natuto akong gamitin ang aking mga paa upang patirin ang aking kalaban at mapatumba rin siya. Mga dalawa o tatlong beses ko rin sigurong napatumba si Toby, kumpara sa ‘di ko mabilang na pagkatumba ko.

Pagkatapos ng pagsasanay kanina, lumapit sa akin ang aming sensei. “Nakita ko kung paano ka maglaro kanina, Sereno-kun. Malaki ang pagbabago mo kumpara noong nakaraang linggo. Ipagpatuloy mo lang iyan.”

“M-maraming salamat po, Hiragizawa-sensei,” malakas kong sagot sabay yuko ko na rin. Ganon ang wastong pagsagot sa aming tagapagsanay sa loob at labas ng dojo. Dahil dito sa sinabi niya, masaya ang aking tanghalian kasama ang mga kaklase ko. Doon kami ulit kumain sa isawang pinuntahan naming noong nakaraang linggo. Subalit, nang nakauwi na ako, tumambad ulit sa akin ang tambak na gawain para sa susunod na linggo.

Hindi ko masyadong problema ang Physiology at Biochemistry dahil naintindihan ko pa naman ang mga turo sa amin ng mga guro namin dito, at hindi ko na rin inisip ang Histology dahil dito ako nadadalian, ngunit Anatomy ang sumira sa araw ko ngayon dahil kahit ilang beses kong ulit-uliting basahin ang iba-t ibang kalamnan sa mukha at leeg, hindi ko pa rin talaga ito maisaulo. Sa sobrang inis ko, at dahil na rin sa sakit ng ulo, muntik ko nang mai-itsa sa bintana ‘yung tablet ko habang napamura na ako sa sarili ko.

Kung pagsasabayin ko ang judo sa pag-aaral ko, pagod talaga ang aabutin ko. Ito ang dahilan kung bakit ilang araw na rin siguro akong tulala, ngunit sinabi ko na lang kina Mama at Papa na, “Wala po ito. Masasanay din po ako.”

Huminga ulit nang malalim si Mama. “Magpahinga ka rin kaya? Hindi rin maganda kung didibdibin mo ang pag-aaral.”

“Tama si Mama,” singit ni Kuya Chuck. “Ipagpabukas mo na lang kaya muna ang pag-aaral at magpahinga ka muna ngayong gabi. Pwede kang pumunta doon sa baba at manood ng kung ano doon sa laptop mo.”

“Bakit doon pa ako sa baba manonood? May sarili naman akong mesa sa kwarto, ah,” tanong ko kay Kuya Chuck.

“Alam kong sira ‘yung headset mo. Balak kong matulog nang maaga dahil napagod ako kanina sa date namin ni Ate mo Ice,” sagot niya habang pinagtawid niya ang dalawa niyang braso.

Tutuksuhin ko dapat si Kuya Chuck sa maaari nilang ginawa kanina ni Ate Ice, ngunit nagsalita si Papa.

“Oo nga, ba’t di mo gawin ‘yun?” sabi ni Papa. “Hinay-hinay ka muna. Ipahasa mo muna ang lagare mo. Kung tuluy-tuloy ka lang sa ginagawa mo, mas lalo itong pupurol.”

“Sa tingin ko,” sabi ko habang nag-iisip na kung ano ang papanoorin kong pelikula sa laptop ko, “tama po kayo.”

Kaya pagkatapos naming maghapunan, kinuha ko ang laptop ko sa lalagyan nito. Balak kong kunin ang aking external hard drive dahil doon nakalagay ang lahat ng mga pelikulang na-download ko dati pa, ngunit bigla kong naalala ‘yung isang pelikula na nakopya ko doon sa computer ng katrabaho ni Kuya Chuck. Kinuha ko na lang ang flash drive ko at tumuloy na sa ikapitong palapag ng apartment namin. Kung sakaling antukin man ako, doon na rin siguro ako matutulog. Ayoko na rin namang istorbohin si Kuya Chuck kung sakali.

Inayos ko na ang aking laptop sa isang silid-tulugan at sinaksak ang aking flash drive sa laptop. Nandoon pa rin ‘yun: ang pelikulang Wreck-It-Ralph. Hindi ko nagagalaw ang aking flash drive nang tatlong linggo kaya siguro nakalimutan ko itong ilipat doon sa external hard drive ko.

Hindi ko pa nasisimulan ang pelikula ngunit bigla na akong tinamaan ng antok. Kakaiba. Pero pagkatapos ko sigurong maihagis nang ilang beses kaninang umaga at ma-torta ang utak sa kakaaral kaninang hapon, natural lang siguro ito. Isa pa, padapa ang posisyon ko sa kama habang nasa harap ko ang laptop kaya siguro ako inaantok. Pinindot ko na lang ang ‘play’ at sinimulan na ang pelikula.

Isang monologue ng bida. ‘Yun ang maririnig mo sa unang bahagi ng pelikula. Ngunit habang tumatagal, hindi ko na ito maintindihan dahil sobrang antok na ang nararamdaman ko. Hindi na ito natural.

Lumabas na ‘yung bida, Ralph ang pangalan niya, doon sa pinanggalingan niyang pagpupulong. Saka parang nakita ko si Sonic the Hedgehog na parang nagbibigay ng payo na maaari ka lang mamatay sa sarili mong laro. Malaki ang lugar na pinakita. Bawat pasukan, mayroong nakalagay na pangalan ng iba’t ibang laro na makikita doon sa palaruang iyon. ‘Ayos ‘to,’ inisip ko. Medyo nasayangan lang ako at walang Legend of Zelda doon. ‘Yun pa man din ang hilig kong laro. Hmm, mukhang wala ring Pokemon doon. Tiyak na hindi rin ito magugustuhan ni Kuya kung sakali.

Iniisip ko na nagdala dapat ako ng kung anong pwede kong kainin habang nanonood para hindi ako antukin agad nang hindi ko na napigilang ipikit ang mga mata ko at naramdaman kong parang nahuhulog ako sa isang napakalalim na lugar. Hindi ko makita kung saan ang aking patutunguhan, ngunit tuluy-tuloy lang ang pakiramdam na iyon, hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.

Nang magising na ako ulit, wala na ako sa kwarto kung saan ako nanonood ng isang pelikula tungkol sa iba’t ibang tauhan ng iba’t ibang laro.

Tumingin ako sa aking paligid. Ako ay nasa parehong lugar kung saan ko nakitang lumabas si Ralph mula sa pagpupulong na pinanggalingan niya. Lumapit sa akin ang isang robot na mukhang isang pulis sa lugar na iyon.

“Ngayon lang kita nakita dito, bata. Saang laro ka galing?” tanong niya sa akin. Walang tono ang boses niya.

“L-laro?” pagtataka ko. Hindi ko rin alam ang isasagot ko dahil hindi naman talaga ako galing sa isang laro. Sinubukan kong kamutin ang ulo ko, ngunit naramdaman ko na may suot ako sa ulo ko. Tinanggal ko ito at nalaman kong isa itong berdeng sumbrero ng dwende. Tumingin ako sa iba ko pang suot. Dito ko nalaman na isa na akong tauhan sa isang laro dito sa palaruan.

Matagal akong hindi nakasagot, ngunit nagsalita ulit ang bantay. “Ah, ikaw siguro ‘yung isa sa mga tauhan doon sa isang handheld game na sinaksak kanina dito sa arcade. Hmm, kung hindi ako nagkakamali, galing ka sa larong The Legend Of Zelda: Ocarina of Time 3D.”

“Talaga?” sinabi ko nang walang malay. Nasabi ko na lang ito bigla dahil malalim ang iniisip ko. Saka ko naalala ang kwintas na binigay sa akin ni Lolo. Tinignan ko ito at suot ko pa rin ito sa leeg ko. Hindi ko alam na maaari rin pala akong makapasok sa isang pelikula. Nagising na ako ulit nang nagsalita ulit ang bantay.

“Bakit mukhang ikaw pa ang nagtatanong samantalang ikaw ang sigurado na doon ka galing?” pagtataka niya.

“Ay, um, ibig ko pong sabihin, oo, talaga. Galing ako doon,” sabi ko na lang habang nagkukunwaring talagang galing ako doon.

“Ah, ayos kung ganon. Sa kasamaang palad, tinanggal na kanina ang saksakan nung charger ng larong iyon. Matagal-tagal pa itong ibabalik ulit kaya maaari ka munang pumasok sa ibang laro habang sarado pa ang arcade,” sabi sa akin ng bantay.

“Maraming salamat po,” sagot ko. Tinignan ko kung ano pa ang mga dala kong gamit. Sa isang sulok ng mata ko, may nakita akong button na lumulutang sa ere na may katagang ‘Menu.’ Pinindot ko ito at doon ko nakita ang lahat ng mga gamit ko. Nalaman ko rin na kumpleto na lahat ng mga gamit ko doon, kasali na ‘yung Light Arrows at Biggoron Sword. Kumpleto na rin ang lahat ng heart containers ko at nakuha ko na rin ang lahat ng mga medalyon na kailangang ipunin.

“Oo nga pala, meron akong kailangang ipaalala sa’yo bago ka mag-ikot-ikot dito,” sabi ng bantay habang tinitignan ko ang lahat ng gamit ko. “Maaari ka lamang mamatay sa sarili mong laro. Kapag namatay ka sa labas ng iyong laro, hindi ka na makakabalik muli. Ganito sa lahat ng mga tauhan sa isang laro.”

Medyo kinabahan ako sa sinabi niya. “Maraming salamat po sa pagpapaalala. Mag-iingat talaga ako dito.”

“Kung ganon, maaari ka nang –”

Hindi na niya natapos ang sinasabi niya dahil mayroong isang rumaragasang eroplano ang biglang lumabas sa isa sa mga laro na nakasaksak sa extension. Nagpaikut-ikot ito sa buong silid; halatang walang control ang nagpapalipad nito. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nang namalayan ko na lang na padiretso sa akin ang eroplano.

Hindi ako makakilos sa takot ko, ngunit bigla kong naramdaman na para akong kinuryente at napaitsa ako paalis sa pwestong tatamaan dapat ng eroplano. Matagal-tagal ko pang narinig na umikot ang eroplano sa silid hanggang pumasok na ito sa isa pang laro.

Saglit na lumabo ang paningin ko dahil sa usok na binuga ng eroplano. Nang luminaw na ulit ang paningin ko, nagulat ako sa nakatayo sa harapan ko.

“G-ganondorf!?” nanginginig ako habang sinabi ko ang pangalan niya. Mas nakakatakot siya sa personal kesa sa kung nilalaro ko lang ang OoT kahit na naka-activate and 3D function nito. Pero kahit papaano, nakangiti lang siyang nakatingin sa akin.

Wala siyang sinabing kahit ano sa akin. Nakangiti lang siyang nakatitig, pero tila mayroon siyang gustong iparating. Hindi ko nga lang makuha kung ano iyon.

“Ah, sa tingin ko, matagal na kayong magkatrabaho ni Ganondorf, tama ba ako?”

Namalayan ko na lang na kinakausap na ako ulit ng robot na lumapit sa akin kanina.

“Sa tingin ko, hindi rin maiiwasan iyan, lalo na’t sobrang tagal na ng prangkisa ng inyong laro,” sabi ng robot. “Bilang mortal na magkatunggali sa inyong trabaho, maaari ko na sigurong sabihin na matatag na ang inyong pagkakaibigan sa tunay na buhay.”

Hindi ko maintindihan ang sinasabi sa akin ng robot, ngunit nang tumalikod na sa akin si Ganondorf at humalakhak ng tulad sa nilalaro ko, medyo naintindihan ko na rin kung ano ang kwento ng pelikulang ito. Lahat ng mga tauhan sa mga laro dito ay pawang magkakaibigan, at kasali na rin kaming dalawa doon ni Ganondorf, kung sakali. Malamang ay siya ang gustong tumapos sa akin sa sarili naming laro kaya iniligtas niya ako kanina gamit ang kanyang kapangyarihan.

Napangiti na lang ako at binulong sa sarili ko, “Salamat, Ganondorf.”

Nang hindi ko na makita si Ganondorf, napaisip ako ulit. Inalala ko ang lahat ng mga nangyari noong huling nangyari sa akin ito. Isa lang ang mahalaga: makakabalik ako sa tunay na mundo kapag natapos na ang kwentong pinasukan ko. Dahil kasisimula lang ng pelikula, maganda na ring sundan ko ang eroplanong pumasok doon sa isa pang laro. Malamang doon mangyayari ang kwento ng pelikulang ito.

Naglakad-lakad ako sa silid, umiiwas sa mga ilang nahuhulog na piraso ng bakal sa kisame nang mayroong isang babaeng lumabas sa larong Hero’s Duty ‘ata. Matangkad siya, puti at maiksi ang buhok, makitid ang mga mata, matangos ang ilong, at manipis ang labi. Pandigma ang suot niya; halatang galing nga siya talaga doon sa Hero’s Duty. May dalawang lalaking sumusunod sa kanya. Ang isa ay matangkad at hindi ko makita ang mukha niya dahil nakasuot ang kanyang helmet. ‘Yung isa naman ay pandak at nakasuot ng asul na damit, pantalon, at sombrero na parang pang-karpintero. Sa tingin ko ay karpintero din siya dahil meron siyang dalang gintong martilyo. Sa tingin ko, siya si Fix-It-Felix, ‘yung kinukwento ni Ralph doon sa monologue niya sa simula ng pelikula.

Nakita kong pumasok ‘yung babae at si Felix doon sa larong Sugar Rush. Malamang doon pumasok ‘yung eroplano kanina. Bago sila tuluyang pumasok sa loob, lumapit ako sa kanila at nagtanong. “Mawalang galang na, pero anong nangyari kanina?”

Nagsalita ‘yung babae. “Wala kang kailangang gawin dito sa larong ito. Kailangan naming habulin ang eroplanong iyon dahil mayroon itong lamang Cy-Bug. Kailangan naming mahuli ang Cy-Bug na iyon bago pa man ito makapangitlog at masira ang buong Sugar Rush.”

“At nandoon din ang katrabaho kong si Ralph. Hindi siya nagpakita kanina sa sarili naming laro kaya nanganganib na bunutin ang saksakan ng laro namin. Mawawalan kaming lahat ng tirahan. Kaya kailangan ko rin siyang maibalik sa laro namin,” ani Felix.

“Kailangan niyo ba ng tulong? Baka maaari ko kayong matulungan,” sabi ko.

Umiling si Felix habang pinakita niya ang kanyang gintong martilyo. “Salamat na lang, pero kaya ko nang ayusin ito.”

Inikot ko ang aking mga mata. “Pft! ‘Yan ang sinasabi ng karamihan, pero mas grabe pa ang kinalalabasan ng mga kilos nila. Bakit kasi hindi mo na lang tanggapin ang tulong na iniaabot sa’yo?”

“Hindi mo ba ako narinig? Sinabi ko na ngang kaya ko nang ayusin ito,” marahas niyang sinagot.

“O siya, kaya mo na,” sinabi ko habang inikot ko ulit ang aking mga mata. Tinignan ko ang aking Menu at nakita kong may dalawa pa akong bote ng Lon-lon Milk. Kinuha ko ang isa at ibinigay ito sa kanya. “O ‘eto, hindi ko alam kung gagana sa’yo ‘to, pero mahirap na, baka hindi ka na makaalis diyan nang buhay.”

Nang nakita ito ng babae, sinabi niya, “Ikaw ba si Link na galing doon sa handheld game na kakatanggal lang sa saksakan kanina?”

“Opo, ako nga. Mula sa The Legend of Zelda: Ocarina of Time 3D,” pagmamalaki ko. “Kung kailanganin niyo man ang tulong ko, nandito lang ako. Kung meron man kayong plano, ipinapangako ko na hindi ako hahadlang dito.”

Tinitigan ako nang matagal nung babae saka niya sinabing, “Ako si Sergeant Calhoun, galing sa Hero’s Duty. Ang misyon natin ay hanapin at puksain ang mapanirang Cy-Bug na nakapasok dito sa Sugar Rush. Kailangan na nating magmadali.”

Sumakay si Calhoun sa kanyang hoverboard ngunit nagsalita ulit si Felix. “Sandali lang! Sasama rin ako.”

“Hindi ka pwedeng sumama. Mapanganib ang misyong ito. Hindi mo ito kakayanin,” sabi ni Calhoun.

“Nandyan sa loob ang katrabaho ko at responsibilidad ko siya. Hindi ako makakapayag na hindi mo ako isama sa misyong ito,” sagot ni Felix.

Inikot ni Calhoun ang kanyang mga mata at umusod sa hoverboard niya upang bigyan ng tatayuan si Felix. Sumakay na si Felix sa hoverboard at nauna na silang pumasok sa loob.

“Iniwan ka na nila,” sabi sa akin ng sundalong kasama ni Calhoun.

Napasinghal ako at nagsabing, “Lagi akong tumatakbo sa laro ko. Sa tingin mo, hindi ko kakayanin ito? O ‘eto, sa’yo na lang, ayaw nung isa, eh.”

Iniabot ko sa kanya ang bote ng Lon-lon Milk at tinanggap naman niya ito. Hindi ko na hinintay ang pasasalamat niya at tumakbo na ako papasok ng Sugar Rush.

Pagpasok mo pa lang doon, sasakit na talaga ang mga mata mo sa iba’t ibang kulay na makikita mo. Para itong gubat pero gawa ang lahat ng bagay sa candy. Mahusay. Makakatulong ito sa pag-iwas sa diabetes. Pero sa lahat ng makukulay na tanawin, kitang-kita kung saan bumagsak ang eroplano. Alam ko na kung saan ako magtutungo.

Wala naman sigurong susugod sa akin na kung ano kaya hindi muna ako naglabas ng kahit anong sandata. Sinimulan ko nang tumakbo papunta sa kinabagsakan ng eroplano.

Habang tumatakbo ako, may narinig akong ingay na parang may nagkakagulo. Sinundan ko kung saan nanggagaling ang ingay at nakarating ako sa isang race track kung saan mayroong isang berdeng kapre (‘yun kaya ‘yun?) na humahabol sa isang maliit na batang babae. Sumisigaw siya na para bang hinahanap niya ‘yung medalya niya. Ako ang may espada. Natural, kailangan ko siyang pigilan.

Tumakbo ako sa harap ng kapre at sinabing, “Iwan mo na ang bata!”

“Huwag kang makealam dito!” sigaw nung kapre.

Itinaas niya ang kanyang mga kamay at sinubukan niya akong tamaan gamit ang mga ito, ngunit nailabas ko agad ang aking panangga at naligtas ako sa atake niya. Nailabas ko rin ang aking espada at saka ko inatake nang inatake ang kapre. Sa bawat hiwa ko, unti-unting natatanggal ang mga berdeng bahagi sa katawan niya. Kung titignan mo ito nang malapitan, gawa rin ito sa candy. Nang matanggal na ang lahat ng ito, nakatayo sa aking harapan si Ralph.

“Ralph!?” pagkalakas-lakas na sigaw ko.

“Oo, ako nga, kaya tumabi ka diyan at kailangan kong makuha ang aking medalya!” sabi niya.

Sasagot dapat ako nang biglang sumugod sa amin ang dalawang pulis… o dalawang piraso ng tinapay na nakadamit-pulis. Hinablot kaming dalawa at kinaladkad kami papasok sa isang kastilyo. Wala na akong iba pang masasabi sa kastilyo dahil gawa rin ito sa candy. Pagkaraan ng ilang minuto, isang maliit na matandang lalaki na nakasakay sa isang kotseng pagkarera na gawa rin sa candy ang humarap sa amin.

“Ako si King Candy, ang hari ng Sugar Rush. Nais kong malaman kung bakit kayo nandito at kung ano ang pakay niyo dito sa kaharian ko,” sabi niya. “At sabihin niyo na rin kung sino kayo.”

Tumingin ako kay Ralph at sinabi kong, “Ikaw na lang muna ang magsalita.”

Tumingin siya sa buong paligid at sinabing, “Sa tingin ko, mahilig ka sa kulay-rosas.”

Inikot ni King Candy ang kanyang mga mata at sumagot ng, “Salmon. Halatang halatang salmon ang kulay na ito.”

Ako naman ngayon ang nag-ikot sa mga mata ko, saka ko na sila sinabad sa usapan nila. “Hindi na mahalaga ‘yan. Ako si Link, galing sa handheld game na The Legend of Zelda: Ocarina of Time 3D, at itong kasama ko ay, kung hindi ako nagkakamali, si Wreck-It-Ralph mula sa larong Fix-It-Felix Jr. Narito lang ako para hanapin ang isang Cy-Bug na galing sa Hero’s Duty na nakapasok dito sa Sugar Rush. Kung hindi natin ito mahahanap sa lalong madaling panahon, mangingitlog ito at kung mapisa ang mga itlog nito, sisirain ng mga Cy-Bug ang buong kaharian niyo.”

Hindi ako mahilig magpaliguy-ligoy sa mga sinasabi ko. Ganito kami dati sa Kolehiyo ng Sikolohiya. Tinitigan ako nang matagal ni King Candy, saka naman siya lumingon kay Ralph. “At ano naman ang dahilan kung bakit mo sinira ang tanghalan kanina?”

Inikot ni Ralph ang mga mata niya at nagsabing, “Hinahabol ko lang naman ‘yung bata kanina na kumuha ng medalya ko.”

“Ah! Si Vanellope von Schweetz. Isa siyang glitch na hindi dapat sumama sa karerang magaganap. Iyon lang muna ang masasabi ko sa ngayon. Maaari na kayong umalis na dalawa,” sabi niya na parang walang pakealam sa mga sinabi namin.

“Pero paano ko makukuha ‘yung medalya ko? Mahalaga para sa akin iyon,” ani Ralph.

Umiling si King Candy. “Hindi mo makukuha ang iyong medalya hanggang sa hindi natatapos ang karera. Maghanap ka na lang ng iba.”

“Pero mahalaga sa akin iyon! Iyon lang ang tanging paraan upang matanggap ako ng mga kasamahan ko doon sa sarili kong laro!” pagpupumilit ni Ralph.

Bago pa man makasagot si King Candy, ako na ang kumausap kay Ralph. “Ralph, hayaan mo na. Sinundan ka dito nung katrabaho mong si Felix nang nalaman niyang pumunta ka dito. Doon pa lang sa ginawa niyang pagsunod sa’yo, makikita mong mahalaga ka para sa kanya. Kaya alam kong hindi mahalaga ang medalyang ‘yun –”

Hinarap sa akin ni Ralph ang kanyang mukhang pumung-puno ng galit at sinabing, “HINDI MO BA NAINTINDIHAN ANG SINABI KO!? MAHALAGA SA AKIN ANG MEDALYANG IYON!”

Napaatras ako sa ginawa niya. Kumulo saglit ang dugo ko sa galit, ngunit nawala rin ito agad sapagkat meron akong naisip.

“Alam mo, Ralph, magkatulad talaga kayo ni Felix.”

Mukhang mas lalong nagalit si Ralph sa sinabi ko, ngunit hindi ko na hinintay ang sagot niya. Binuksan ko ang aking Menu at tumingin sa mga gamit ko. Nakita ko ang Medalyon ng Apoy na ibibigay dapat sa akin ni Darunia kung matalo ko si Volvagia sa Templo ng Apoy. Kinuha ko ito at ipinakita ko ito kay Ralph.

“Ralph, bibigyan kita ng halimbawa,” simula ko. “Ito ang Medalyon ng Apoy. Ibinigay ito sa akin ni Darunia, ang Bantay ng Apoy. Hindi lang ito basta isang medalyon. Isa rin itong alaala ng pangako namin sa isa’t isa na maging sinumpaang magkapatid. Mahalaga rin sa akin ang medalyong ito.”

Lumapit ako sa bintana saka ko ito hinagis sa kung saan. Pagkaharap ko sa kanila, nakita ko ang mga gulat nilang mukha.

“Ngayon, wala na ito. At dahil wala na ito, hindi na ito totoo at wala na akong pakealam –”

Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil may narinig akong parang sigaw sa labas. Parang merong sumigaw sa pangalan ko gamit ang isang mikropono.

“LINK!” ang narinig ko na parang nanggaling doon sa pinanggalingan naming tanghalan kanina.

Biglang nataranta si King Candy. “Gwaaah! Anong ginawa mo? Ngayon ay kasali ka na sa karera! At hindi ka man lang galing sa larong ito! Anong nangyayari sa kaharian ko!? Agh!”