Pagdating sa pag-aaral, hindi ko alam kung ano ang iisipin ko. Kung dati, ang problema ko ay sa Anatomy, ngayon, sa Physiology naman. Hindi ko na masyadong problema ang Anatomy ngayon dahil medyo mas dumadali na ang mga aralin namin doon. Doon naman ako sa Physiology sobrang nahihirapan. Hindi ko na maintindihan ang mga aralin namin at mas lalo nang humihirap ang mga tanong sa aming mga pagsusulit. Ang iniisip ko na lang para hindi ako masyadong manamlay ay wala na akong problema sa iba pa naming mga subjects.
Parang hindi ko rin namamalayan ang pagdaan ng mga araw dahil sa dami ng aming mga ginagawa. Tambak pa rin na trabaho ang binibigay sa amin ng aming mga propesor. Naaalala ko tuloy noong nasa kolehiyo pa ako ang mga pinapagawa sa amin noon. Naisip ko na lang na hindi pa pala kami masyadong pinapahirapan noon kumpara ngayon. Kahit si Kuya Chuck, nag-aalala na rin sa akin sa tuwing makikita niya ako na kaharap ang tablet ko habang nagbabasa ng mga aralin namin.
“Jay, ano ba ‘yang pinasok mo?” sabi sa akin minsan ni Kuya. “Hindi ba mas ayos kung nagtatrabaho ka na sana ngayon?”
Napaisip ako saglit sa sinabi sa akin ni Kuya. May punto rin siya sa sinabi niya. Kung sakaling hindi na ako nagtuloy sa Medisina, malamang ay nakahanap na ako ng trabaho ngayon at hindi na sana ako masyadong nahihirapan sa tambak na aralin ngayon.
Pero sinabi ko na lang sa kanya, “Ito lang naman ang gusto kong maging trabaho pagkatapos ko. Malusutan ko lang ito, ayos na ako.”
“Siguro nga tama ka,” sabi ni Kuya, “pero sigurado ka bang kaya mo ‘yan? Alam mo, sa tinagal-tagal nating magkasama ng kwarto, ngayon lang kita nakitang nahihirapan nang ganyan.”
Hindi na ako nag-isip ng sasabihin. “Huwag mo namang sabihin ‘yan, Kuya. Ginusto ko naman ito, kaya kakayanin ko na lang.”
Sa dami ng mga ginagawa namin minsan, naiisip ko rin na itigil na lang ang lahat ng aking ginagawa, maglagay ng tanda sa aking noo na nagsasabing ‘Out of Order,’ at matulog na lang sa buong araw na iyon. Ngunit hindi. Ako ay isang ulirang estudyante at kailangan kong ituloy ang aking ginagawa para sa kinabukasan ng bayan. Hrgh!
Kung marami kang ginagawa, hindi mo talaga mamamalayan ang paglipas ng mga araw. Napatunayan ko nga ito nang makita ko sa kalendaryo na nalalapit na ulit ang aming ikalawang markahang pagsusulit. Saktong kagagaling namin sa simbahan, kung saan ko iniasa ang lahat sa Kanya pagdating sa patutunguhan ng pag-aaral ko. Tandang-tanda ko pa ang sermon ng pari tungkol kay Juan Bautista at ang dahilan kung bakit naasar ang hari sa kanya. Ngunit wala na akong panahong magpahinga o magnilay-nilay sa lagay na ito. Nagkaroon man Siya ng panahong magpahinga sa ikapitong araw, isa lang akong tao at wala akong mararating kapag nagpahinga lang ako sa araw na ito.
Inaayos ko ang lahat ng aking mga handouts bilang paghahanda sa pag-aaral nang kumatok sa pinto si Mama.
“Jay, pwede ba kitang makausap?”
Itinabi ko ang mga handouts ko at nagsabing, “Sige po, anumang oras po, Ma.”
Saktong wala si Kuya at may date sila ni Ate Ice kaya umupo si Mama sa kama niya. Wala rin ngayon si Papa dahil may inaasikaso daw siya sa korte.
“Jay, alam kong tinanong na sa’yo ito ng kuya mo, dahil nakikita naman naming lahat dito sa bahay na puspusan kang mag-aral para sa lahat ng mga subjects mo,” sabi ni Mama. “Pero nitong mga nakaraang araw, parang lagi ka nang nagkukulong dito sa kwarto mo para sa pag-aaral mo. Halos wala ka nang oras para sa sarili mo. Huwag mo sanang masamain, pero gusto ko ulit itong itanong sa’yo. Sigurado ka nga bang kaya mo ang mag-aral ng Medisina?”
Alam kong hindi ko nasagot nang maayos si Kuya Chuck sa tanong na ito kaya nagkaroon ako ngayon ng pagkakataong pag-isipan ito. Kung tutuusin, kinakaya ko pa naman ang pag-aaral dito, ngunit inisip ko ang mga hindi ko nagagawa dahil sa pag-aaral ko. Dati, nakakalabas pa naman ako sa apartment para makipag-usap na mga kapit-bahay. Madalas din kaming makapamasyal nina Mama, Papa, at Kuya Chuck pagkagaling namin sa simbahan. Ngayon, dahil sa dami ng aking mga ginagawa, hindi ko na nagagawa ang mga ito. Agad na kaming dumideretso pauwi pagkagaling naming sa simbahan.
“Mama, siguro nga po, may mga bagay na hindi ko na po nagagawa dahil sa pag-aaral ko,” paliwanag ko, “pero kung iisipin niyo po, bawi naman na po ako kung natapos na ako dito. Isa pa po, tulad nga po ng sinabi ko kay Kuya Chuck, kakayanin ko na po ito dahil ito naman po ang gusto ko.”
“Maganda kung ganon,” sinabi ni Mama, pero mukhang nag-aalala pa rin siya, “pero sigurado ka ba talaga na wala ka nang nakaligtaan dahil sa pag-aaral mo?”
Matagal akong nag-isip. “Wala… naman po. Meron pa po ba?”
“Lumabas ka kaya dito sa kwarto para malaman mo,” sabi ni Mama at bigla siyang ngumiti.
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin kaya ginawa ko na lang ang pinapagawa niya sa akin. Lumabas ako ng kwarto at doon, nadatnan ko sina Papa, Kuya Chuck, Ate Ice, Mang Gido, at Yaya Imang sa kusina, kasama ang ilang handa, isang cake, at sabay-sabay silang sumigaw nang, “Maligayang kaarawan, Jay!”
Hindi ako makapagsalita sa dami ng pumasok sa isip ko. Tumingin ako sa kanilang lahat at hindi ko na napigilan ang luha ko sa pagpatak. Nakalimutan ko na ang sarili kong kaarawan dahil sa dami ng aking ginagawa.
“Ikaw talaga, Jay,” sabi ni Mama, “hindi namin akalaing makakalimutan mo na kaarawan mo kahapon. Buti na lang kami ang nakaalala dito.”
Pinunasan ko ang mga luha ko, naghanap ng pinakamalapit na upuan at doon ako matagal na umupo na nakatulala. Pagkatapos ng maraming segundo, saka pa lang ako nakapagsalita.
“Hindi nararapat sa akin ito,” simula ko habang umiiling. “Ni sarili ko ngang kaarawan, nakakalimutan ko na dahil sa lahat ng mga iniisip ko. Paano pa kaya kung mga kaarawan niyo na ang makalimutan ko?” Kinailangan kong magpalipas ng ilang sandali dahil pinigilan ko ang ilang luha na lumabas sa aking mga mata. Buti na lang at hindi ko na ito naipakita kahit kanino. “Ayaw kong mangyari iyon. Patawad talaga.” Saka ko iniyuko ang ulo ko sa hiya.
“Ano ka ba, Jay, syempre ayos lang sa amin ‘yun,” sabi ni Papa. “Naiintindihan namin ang sitwasyon mo kaya kung mangyari man ito, alam na naming nagpupursige ka sa iyong pag-aaral. Kaya wala ka dapat ipag-alala. Nandito lang kami para suportahan ka.”
“Sige. Pasensya na. At salamat talaga sa inyong lahat.” ‘Yun na lang ang nasabi ko sa kanila, habang tumingin ako sa kanilang lahat.
“O siya, siya, tama na ang drama,” sabi ni Kuya Chuck. “Dapat masaya tayo ngayon dahil kaarawan mo.”
“’Eto na nga, Kuya. Kaya nga nagpigil ng luha kanina ‘diba?” banat ko sa kanya.
Tulad ng sinabi ni Kuya Chuck, naging masaya ang buong araw namin. Pagkatapos naming kumain, sabay-sabay kaming nanood ng mga pelikula sa external hard drive ni Ate Ice gamit ang projector ni Mama. Alam kong marami pa ang aking mga dapat basahin para sa aming ikalawang markahang pagsusulit, ngunit sa sitwasyon ko ngayon na sama-sama kaming isang pamilya, makakapaghintay ito hanggang sa susunod na araw.
Mabilis na dumating at lumipas ang isang linggo na namamagitan sa aking kaarawan at sa linggo ng aming ikalawang markahang pagsusulit. Isa-isang dumating ang unang araw ng markahan, saka ang pangalawa, ang pangatlo, hanggang sa ikalimang araw. Hindi ako sigurado sa mga magiging resulta ng aming mga pagsusulit, ngunit isa lang ang bagay na sigurado ako: alam kong ginawa ko ang lahat ng aking makakaya sa aming ikalawang markahang pagsusulit.
Palabas na ako sa gusali namin nang may mapansin ako sa bulletin board ng PE namin. Nakalagay doon na bukas ang aming huling pagkikita sa dojo at magkakaroon kami ng presentasyon ng aming sparring partner. Hindi ko namalayan na nasa likod ko pala si Andre.
“Ramon, dito lang pala kita makikita. Kanina pa kitang hinahanap,” sabi niya.
“Ay, Elvis, ikaw pala. Um, bakit mo pala ako hinahanap?” tanong ko habang tumitingin sa paligid, baka sakaling may ibang taong nakikinig sa amin.
“Ramon,” sabi niya gamit ang mababa niyang boses, “matagal-tagal ko na itong napapansin at ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong itanong ito sa iyo. Iniiwasan mo ba kami?”
Nabigla ako sa sinabi niya. “H-ha? Iniiwasan? Bakit ko naman gagawin iyon?”
Pinagtawid ni Andre ang kanyang mga braso at yumuko na parang nag-iisip nang malalim. “Nitong mga nakaraang buwan, nagiging mailap ka sa amin. Siguro, iliban na lang natin iyong mga oras na sabay tayo nina Ash na kumain, pero madalas ka na naming hindi nakikita. Lagi ka pang nagmamadali sa pag-alis dito sa unibersidad. Bilang kaibigan mo, nag-aalala ako sa iyo. Hindi ko rin maiwasang isipin na baka mayroon kaming hindi magandang nagawa sa iyo kaya mo kami iniiwasan. Kaya gusto kong itanong sa iyo kung ano ang problema. Alam kong mapagkakatiwalaan mo ako. May tiwala rin ako sa iyo, kaibigan.”
Alam ko na kung bakit niya tinatanong ito sa akin. Sa nagdaang mga buwan, lagi akong umaalis agad sa unibersidad pagkatapos ng klase namin dahil sa dami ng mga kailangan naming gawin. Sa malalim ko pang pag-iisip, naalala ko na na hindi man lang ako nagpapaalam sa kanila kapag mauuna na akong umuwi sa kanila. Kahit sino talaga, mag-iisip nab aka iniiwasan ko sila kapag ganon ang ginagawa ko. Natanto ko na hindi lang ang sarili at ang pamilya ko ang napapabayaan ko sa pag-aaral, pati na rin mga kaibigan ko, napapalayo na rin sa akin.
Tumingin ako sa aking orasan at nakita kong alas diyes y kinse pa lang ng umaga. Saka nagsabi si Andre na, “Gusto mong pumunta sa hardin? Gusto ko sanang makipag-usap muna sa iyo. Matagal din tayong hindi nakapag-usap nang matagal.”
Pumayag ako sa sinabi niya. Pagdating namin sa hardin, naalala ko ulit ang araw kung kailan kami nagkakilala ni Andre. Sa araw na iyon, doon ko nabuko ang lihim niya na siya ang prinsipe ng Regalceltic. Doon, agad akong tinanong ni Andre. “Mayroon ka bang mabigat na iniisip?”
Wala ako sa sarili kong isip kaya nasabi kong, “Wala, wala naman. Um, wala na naman, sa tingin ko.”
Huminga si Andre nang malalim at nagsabing, “Alam mo, pansin ko lang, kapag may tinatago ka, kinakamot mo iyang patilya mo.”
Tumingin ako kay Andre nang matagal, saka ako napangisi at napailing nang konti. “Alam mo, Andre, kung meron kang gustong itanong sa akin, magtanong ka lang. Hindi mo na ako kailangang gamitan ng kung anong panghuli sa mga nagsisinungaling dahil una, alam na alam ko na kung paano madadaya ‘yun. Pangalawa, magkaibigan tayo kaya alam mong magsasabi ako sa’yo ng totoo.”
“T-talaga?” namamangha niyang tanong sa akin. “Kaya mo nang dayain ‘yun?”
Napatitig ako nang matagal sa kanya. “O siya, hindi siguro ako nagsabi ng totoo kaninang sinabi kong wala akong mabigat na iniisip,” sabi ko sa kanya at nagsimula akong magpaliwanag sa kanya sa mga nangyari sa akin sa mga nakalipas na buwan.
“Ayun nga, dahil sa puspusan kong pag-aaral, marami na akong mga napapabayaan,” pagtatapos ko sa aking kwento. “Sa tingin ko hindi na ito normal. Meron bang problema sa akin? Sa tingin mo ba hindi ako karapat-dapat na mag-aral upang maging isang doktor? Alam mo, naiinggit ako sa iba nating mga kaklase. Kahit na mukhang hindi sila nag-aaral, parang antataas pa rin ng mga nakukuha nila samantalang kahit na dibdiban na ang pag-aaral ko, parang wala pa ring nangyayari. Panigurado, magiging masaya ang sembreak nila dahil alam na nila na magiging mataas ang kanilang makukuha. Ako naman, sabihin na lang nating hindi ako makakatulog tuwing gabi sa kakaisip kung naipasa ko ba ang mga subjects natin o hindi.”
Sa tinagal-tagal ng panahon na ganito ang sitwasyon ko, ito ang unang beses na nasabi ko ang mga katagang ito. Hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin kina Mama at Papa, kahit pa kay Kuya Chuck, pero nagawa ko itong sabihin kay Andre. At dahil nasabi ko na ang mga bagay na ito sa kanya, lubos na gumaan ang aking pakiramdam. Para ba akong isang dump truck na naghulog ng santambak na basura na dala-dala.
Tumingin ako kay Andre at nakita kong malaki ang ngiti niya. “Alam mo, Ramon, hindi mo kailangang kabahan kung mga marka lang ang iniisip mo. Kung ang mga pagsusulit lang ang pagbabasehan mo, talagang iisipin mo na hindi ka nga magaling. Pero lagi kitang nakikitang sumasagot sa mga tanong ng propesor natin sa tuwing mayroon tayong mga small group discussions. Manghang-mangha rin ako sa iyo sa tuwing nagkakaroon kayo ng presentasyon sa Anatomy dahil nagagawa mo pang maglimbag ng mga larawan para doon. At sino rin ang makakalimot kung gaano mo kabilis na na-dissect ‘yung palaka sa Physiology? Kahit na nasa kabilang grupo ako noon, kitang-kita ko kung paano mo ginawa iyon sa loob lamang ng dalawang minuto. Hindi ka naman siguro tatawaging ‘Senpai’ ni Michelle kung hindi ka naman magaling, tama ba?”
Napaisip ako sa lahat ng sinabi niya. Uli, hindi ko alam ang sasabihin ko dahil sa sobra-sobrang puri ulit ang natanggap ko kay Andre dahil hindi ako sanay sa ganito. Ngunit kung iisipin, tama rin siya. Sa pagkakatanda ko, halos lagi akong nakakasagot sa mga tanong ng aming guro kung small group discussion namin.
“Isa pa,” pagpapatuloy ni Andre, “hindi ka kasi sumasama sa amin pagkatapos ng klase. Nagkikita-kita kami ng iba nating mga kaklase at nagtutulung-tulong kami sa paggawa ng mga takdang aralin natin para pagdating sa bahay, konting aral na lang ang gagawin namin. Hindi ka naman namin masisisi kung hindi ka sumama sa amin dahil agad kang umuuwi para gawin ang lahat ng iyon mag-isa.”
Napalingon ako sa sinabi niya. “T-talaga? Hindi ko alam na pwedeng…”
“Kaibigan, mahirap talaga ang mag-aral ng Medisina, kahit sa ibang bansa pa,” natatawang sabi ni Andre. “Namamangha nga ako sa iyo dahil nakakaya mo ito nang mag-isa ka lang. Sa susunod, sumama ka sa amin para mapadali ang pag-aaral mo. At oo nga pala, gagawa ako mamayang gabi ng pahina sa Facebook kung saan pwede tayong makapag-usap-usap sa mga kailangan nating gawin para sa susunod. Huwag mong tularan ang iba nating mga kaklase na sari-sarili sila. Dapat tayong magtulungan.”
Napangiti ako sa sinabi niya. “Maganda ‘yang naisip mo. At tama ka, siguradong makakatulong sa akin ang ganyan.”
Masaya kaming lumabas sa hardin ni Andre. Sa unang pagkakataon sa loob ng apat na buwan, nagawa ko ulit ngumiti habang naglalakad. Maganda talaga ang pakiramdam na mayroon kang isang kaibigan na talagang nag-aalala sa iyo.
Pagkasundo sa akin ni Mang Gido, agad niyang napansin ang pagbabago sa akin. “Aba, mukhang masaya ka ngayon, ah?”
“Masyado po bang halata?” iyon na lang ang nasabi ko sa kanya.
Walang nakakasabik na nangyari sa akin o kaninuman kinagabihan, kaya dumiretso na akong matulog. Tahimik akong nakahiga sa aking kama dahil panatag na rin kahit papaano ang loob ko.
Kinabukasan, si Papa ang naghatid sa akin sa unibersidad para sa huling araw ng PE namin. Mayroong pinuntahan si Kuya Chuck sa Olongapo at walang pasok ngayon si Mama kaya kaming dalawa lang ni Papa ang nasa loob ng kotse.
Walang anu-ano ay biglang pumreno si Papa at bumusina nang pagkatagal-tagal. Hindi ko masyadong nakita kung ano ang nangyari, pero namalayan ko na lang na isang motorsiklo ang papalayo sa linya namin. Napalingon ako bigla kay Papa dahil hindi ko akalaing maririnig ko siyang magmura nang malutong. Ngayon ko lang talaga siya narinig na magmura simula pa lamang noong ipinanganak ako dito sa mundong ibabaw. Kung tutuusin, mas ako pa nga dapat ang magmura sa ganitong sitwasyon. Alam ko, dahil kilala ko na si Papa at hindi niya ugali ang magmura. Napalingon din siya sa akin at nakita ko sa mukha niya na tila nalaman niyang mali ang ginawa niya.
“Hindi ko dapat sinabi iyon,” mahina niyang sinabi sa akin at itinuloy na ang pagmamaneho papunta sa aming pamantasan.
Pagtigil ng sasakyan sa tapat ng aming dojo, kinausap ako ni Papa.
“Susunduin na lang kita mamaya paglabas niyo, ayos lang ba iyon?” tanong niya.
“Ayos na rin po,” sagot ko sa kanya nang mas magalang kaysa sa dati. Hindi pa rin ako makapaniwala sa ginawa niya kaninang muntik na kaming mabangga ng motorsiklo kanina.
Nagpaalam na ako sa kanya at lumabas na ng kotse para pumasok sa dojo.
Pagkatapos kong magpalit para sa huling gawain namin, sinabi sa amin ng aming tagapagsanay na sa unang oras, isa sa amin ng aming sparring partner ay magsisilbing uke, o ‘yung tatanggap sa atake ng kalaban, samantalang ang isa naman ay magsisilbing seme, o ‘yung aatake sa uke. Sa buong oras na iyon, titignan kami ng tagapagsanay na gumawa ng lahat ng mga atakeng natutunan namin sa buong semester. Pinauna ako ni Toby na maging seme ngayon. Ibig sabihin, siya ang patutumbahin ko sa unang buong oras bago niya gawin naman ito sa akin sa susunod na oras.
Palakad kami ni Toby sa gitna ng aming tagapagsanay nang bigla siyang nagsalita. “Magsangcay-kun, sigurado ka bang makakapagpresenta ka sa araw na ito?”
Hindi ko alam kung bakit ito sinabi ng aming tagapagsanay. Tumingin ako kay Toby at mukhang ayos naman ang tikas ng kanyang katawan sa araw na ito. Isa kasing tuntunin sa loob ng dojo na hindi ka pwedeng mag-ensayo kung mayroong masakit sa katawan mo. Mukha namang walang problema sa kanya sa unang tingin, pero parang napansin ko na mayroong maliit na pasa sa kanang bukung-bukong niya.
Bago ko matanong kay Toby kung ano ang nangyari sa bukung-bukong niya, sinagot na niya ang tanong ng aming tagapagsanay. “Kaya ko na po ito, Hiragizawa-sensei.”
Pumikit ang aming tagapagsanay at huminga nang malalim, saka niya sinabi sa amin, “Sige, magsimula na kayo, Magsangcay-kun at Sereno-kun!”
Alam ni Toby na magaling ako sa paggamit ng aking paa upang patirin ang aking katunggali kaya madalas siyang umatake sa aking harapan. Mukha namang natuwa sa akin ang aming tagapagsanay kaya tinawag na niya ang susunod na pares upang magpakitang-gilas sa kanya.
Ngunit nang pabalik na kaming dalawa ni Toby sa aming pwesto, naramdaman ko na hindi ko pa pala natanggal ang aking kwintas. Isang malaking paglabag sa alituntunin ng dojo ang pasuot ng kahit anong matigas na bagay habang nagsasanay ka ng judo. Gusto ko sana itong tanggalin ngayon, ngunit kung sakaling tinanggal ko ito ora mismo, makikita na ito ng iba pang mga kaklase ko at maging si Sensei ay mahahalata na rin niya ito. Kaya napagdesisyunan kong itago na lang ito sa loob ng puting t-shirt ko at umasang walang makakapansin nito.
Habang naghihintay kaming matapos ang unang oras, tinanong ko si Toby. “Toby, ano palang nangyari sa paa mo?”
“Ah, ito ba?” tumingin siya sa bukung-bukong niya na may maliit na pasa. “Wala ito, naitama ko lang ito kahapon habang pasakay ako ng FX.”
“Ganon ba?” sabi ko na lang. “Eh sigurado ka bang kaya mo talaga mamaya? Bawal pa man din ang mag-ensayo kapag merong masakit sa’yo.”
“Ayos lang talaga, wala ito,” sabi niya na akin na parang naninigurado. “Isa pa, ikaw dapat ang tanungin ko nang ganyan dahil ikaw ang maihahagis ko mamaya sa harap ni Sensei.”
Napangiti ako dito. “Alam mo, Toby, kahit na hindi ko sinadyang makapasok dito, alam ko pa rin kung ano itong napasok ko kahit papaano, kaya wala kang dapat ipag-alala.”
“Mabuti naman kung ganon,” sabi niya.
“Malamang, sisiw na lang sa’yo ang ganito, dahil dati ka nang naglalaro ng judo,” sabi ko sa kanya. Mukhang matagal pa ang oras naming kaya nagsimula ako ulit ng usapan dahil ayaw ko nang nakatitig lang kung saan habang may hinihintay.
“Maaari mo sigurong sabihin ‘yan, pero sa katunayan, hindi rin,” sagot niya. “Sa aming magkakapatid, ako ang pinakamabagal na natututo sa pakikipaglaban.”
“Ah, buong pamilya niyo ba naglalaro ng judo?” tanong ko.
“Hindi lang judo. Pati karate, taekwondo, wrestling, muay thai, at iba pa. Paborito ko ang MMA dahil doon masusubok ang iyong galing sa lahat ng klase ng pakikipaglaban,” sabi niya sa akin. Napansin ko na lumiwanag ang kanyang mukha sa pagbanggit ng bawat klase ng martial arts. Maganda na rin na buong pamilya nila ang nahilig dito. “Eh ikaw, kamusta ka naman dito sa paglalaro ng judo? Sa tingin ko, mahirap ang masanay ang isang tulad mo na maglaro ng judo, lalo na kung hindi ka masyadong mahilig sa mga pisikal na gawain.”
Medyo namula ako sa sinabi niya. “Um, sa katunayan, wala talaga akong hilig sa kahit anong mga pisikal na gawain. Hilig ko lang talaga ang maiwan sa kwarto at maglaro ng Zelda, o kaya naman makipaglaro ng chess kay Papa. Pagkatapos ko siguro dito sa judo, balik ako sa dati na nagkukulong lang sa kwarto. Pero nagpapasalamat na rin ako dahil nagkaroon kami ng PE kahit na estudyante na kami ng Medisina. Tinanggal nila ang Clinical Epidemiology sa amin kaya nagka-PE kami ulit. Isa pa, sa tingin ko, tama ang Kuya ko. Kailangan ko ring gumawa ng mga pisikal na gawain kung ayaw kong tubuan ako ng kabute sa ulo ko.”
“Ayos din ang kuya mo, ah,” natatawang sabi ni Toby. “Ah, oo nga pala, pagkatapos nito, iba na naman ang PE natin. Gusto ko sanang buong taon ang PE natin para naman hindi madalian ang pagturo sa atin ng judo.”
“Balita ko nga,” sabi ko. “Sabagay, gusto ko ring isang taon na rin ito. Kung mag-iiba tayo ng PE sa susunod na sem, hindi na tayo magiging magkaklase.”
“Ah, hindi. Magiging magkaklase pa rin tayo sa susunod na sem,” ani Toby. “’Yung PE lang ang mag-iiba, pero hanggang sa ikalawang taon natin, magiging magkaklase tayo.”
Napangiti ako sa sinabi niya. “Ayos kung ganon! Pero sa kaso ko, apat na taon akong magkakaroon ng PE. Ito kasi ang ginawang pampalit ng admin sa ClinEp.”
“Buti ka pa, apat na taong magkakaroon ng PE,” malungkot na sabi ni Toby.
Hindi na ako nakasagot dahil maagang dumating ang oras upang kami ay magpresenta ulit sa harap ng aming tagapagsanay. Ako naman ang gaganap na uke ngayon kaya hinanda ko na ang katawan at isipan ko sa lahat ng paghagis na gagawin sa akin ni Toby.
Inatake ko siya nang malapitan dahil alam kong magaling siya sa pagbuhat at paghagis sa akin. Tulad nga ng inasahan ko, ginawa niya ang Tsurikomi Goshi, ngunit nang mabuhat na niya ako, parang may mali sa posisyon niya. Nanginginig ang kanyang kanang paa. Hindi niya napigilang humiyaw sa sakit at natumba siya habang ako naman ay nasa ibabaw pa niya.
Hindi talaga dapat ako masasaktan sa pagkahulog namin dahil nga nahulog ako sa ibabaw niya, ngunit nagkataon din na ang siko niya ay saktong nasa tiyan ko. Kaya pagbagsak namin, bigla kong naramdaman na para akong sinuntok nang pagkalakas-lakas sa tiyan, pero parang mas grabe pa doon ang sakit dahil siko ang tumama sa akin.
Naririnig ko pa rin ang mga sigaw ni Toby dahil sa sakit ng paa niya, ngunit unti-unti na akong nahihilo dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko magawang sumigaw dahil pakiramdam ko, lalabas ang mga laman-loob ko kapag ibinuka ko ang bibig ko. Unti-unting dumilim ang paligid at pakiramdam ko ay nahulog ako sa dagat habang bumabagyo. Hindi ko alam kung ganito talaga ang pakiramdam ng nahilo dahil sa tama ng siko sa tiyan, ngunit pakiramdam ko ay iniikot ako sa iba’t ibang direksyon ng tubig. Oo, alam kong lumangoy, ngunit sa lagay kong ito, malulunod pa rin talaga ako kahit na eksperto na ako. Pero tuluy-tuloy lang ang paglutang ko sa tubig habang walang-tigil ang paghampas sa akin ng mga alon hanggang sa ihampas ako ng isang napakalaking alon sa buhanginan. Hindi ko na alam kung saang parte ng aking katawan ang hindi sumasakit dahil sa lahat ng nangyari sa akin. Sa awa ng Diyos, unti-unti na ring nawawala ang pakiramdam ko hanggang sa ako ay tuluyan nang nawalan ng malay.