“Bata, mukhang hindi maganda ang pagbagsak mo, ah,” narinig kong sinabi sa akin ni Yuyagahor.
Sobrang lalim ng iniisip ko sa oras na iyon kaya hindi ako nakasagot sa kanya. Nagising na lang ako sa katotohanan nang maamoy ko ang pamilyar na pabango na nanggagaling sa bodega. Tumingin ako sa pintuan ng bodega at nakita ko ang asawa ni Potifar na mukhang kagagaling lang sa isang wrestling match: magulo ang kanyang buhok at punit-punit ang kanyang magarbong damit. Nakita kong may hawak siyang isang punit na balabal na nakilala kong pag-aari ni Jose.
Kumitid ang mga mata ko sa nakita ko. Alam ko na kung bakit pakiramdam ko ay mangyayari ang bagay na ito. Ito ang araw na mapagbibintangan si Jose na nagtangkang gumahasa sa asawa ni Potifar. Alam ko kung ano ang tunay na nangyari, ngunit hindi ko lang basta pwedeng sabihin na inosente si Jose. Una, hindi ko alam ang mangyayari kung sakaling maiba ang takbo ng kwento sa dimensyong ito. Pangalawa, wala rin namang maniniwala sa isang aliping gaya ko kahit na sabihin ko ang totoo. Ikatlo, at ang pinakamahalaga sa lahat, wala akong ebidensya na inosente nga si Jose.
Nawala ako sa konsentrasyon nang marinig ko ulit ang boses ni Yuyagahor. “…nangyari sa inyo? Ayos lang po ba kayo?”
Walang isinagot ang asawa ni Potifar sa kanya. Agad siyang tumakbo paalis sa kinalalagyan namin.
“Hindi maganda ito,” ani Yuyagahor, sabay pasok sa loob ng bodega. Paglabas niya, dala na niya ang pala at kalaykay na dapat ay kukunin ko kanina.
Ibinangon ako ni Yuyagahor at dinala ako sa bakuran. Maya-maya, humarap siya sa akin. Dahil sa laki niya, kinailangan niyang lumuhod sa harapan ko upang magtapat ang mga mata namin. Saka niya ako hinawakan sa magkabilang balikat.
“Makinig ka sa akin,” simula niya, “hindi ko nagugustuhan ang mga nangyayari dito sa bahay ngayon, kaya kailangan mong gawin ang sasabihin ko sa’yo, naiintindihan mo ba?”
Alam na alam ko ang nangyayari sa oras na ito, ngunit nagkunwari akong nalilito. “Ano bang nangyayari? Bakit –”
“Maya-maya lang, sigurado akong darating na ulit si Ginoong Potifar kung nasaan man siya. Sa nakikita ko, mayroong nagtangka sa buhay ng asawa niya. Saglit na lang ang hihintayin natin at dadakpin na nila kung sino man ang may sala,” paliwanag ni Yuyagahor. “Wala ka sa lugar kung saan ka itinoka nang naganap ang krimen, kaya maaari ka nilang mapagbintangan, pero nandito ako para patunayan na wala kang kinalaman doon sa mga oras na iyon. Pero simula sa oras na ito, huwag kang aalis dito sa bakuran dahil alam ng lahat na dito ka nila mahahanap. Maliwanag ba?”
“Oo, pero –”
“Sumumpa ka, na hindi ka aalis dito sa bakuran hangga’t hindi kita binabalikan,” sabi niya sa akin.
Hindi ako makasagot sa lahat ng sinabi niya. Binitawan niya ako at inilagay niya ang kanyang kanang kamay sa kaliwang bahagi ng dibdib ko; doon mismo sa tapat ng puso. “Sumumpa ka.”
Itinapat ko rin ang aking kanang kamay sa puso niya, “Sumusumpa ako.” Ngunit pagkatapos kong sabihin iyon, “Anong gagawin mo?”
Huminga siya nang malalim. “Kailangan kong bumalik sa bodega ng mga armas. Siguradong hahanapin ni Ginoong Potifar ang lahat ng kawal para lang dito. Magdududa siya kung sakaling nalaman niya na wala ako doon samantalang doon ako natoka ngayon. Mababalikan siguro kita dito mamayang hapon kung hindi kami matagalan sa kung ano man ang ipagawa niya sa amin.”
Umalis na si Yuyagahor sa bakuran nang hindi man lang ako hinihintay na makasagot sa kanya. Kung alam lang niya na alam ko na ang lahat ng mangyayari bago pa lang ito mangyari… hindi ko alam kung ano ang gagawin ng lahat sa akin.
Imbes na magsimulang maglinis ng bakuran, nagpabalik-balik lang ako ng lakad sa ilalim ng puno ng igos dahil hindi ako mapakali sa lahat ng mga alam kong nangyayari sa loob ng bahay. Wala na akong pakealam kahit na hindi na ako nakakain ng tanghalian o nakapaglinis man lang ng bakuran. Alam kong hindi ko dapat sabihin na alam kong inosente si Jose, ngunit hindi ko rin mapigil na isipin na isang inosenteng tao ang kanilang pinagbibintangan sa kasalanang hindi niya ginawa. Alam ko ang pakiramdam ngayon ni Jose dahil isa itong mahalagang simulain na itinuro sa akin ni Papa. Nakita ko pa sa aking imahinasyon ang mukha ni Papa habang sinasabi niya ang kanyang paboritong mga kataga, “Ang hustisyang ipinagpaliban ay hustisyang ipinagkait.”
Humahaba na ang anino ko ngunit hindi pa rin ako tumigil sa paglalakad. Sa kakalakad ko, gumana ang aking imahinasyon at nakita ko doon na dinadakip ng mga kawal si Jose dahil sa kasalanang hindi niya ginawa. Biglang uminit ang ulo ko at wala sa isip kong sinuntok ang magaspang na balat ng puno ng igos. Dito ko naramdaman na nasugatan ang kanan kong kamao. Nakita ko ang sugat at nalaman kong maraming mga tatal na naiwan doon.
“Madre de Dios, bakit kailangang mangyari sa akin ito!?” himutok ko habang napaupo ako sa ilalim ng puno at naramdaman kong nawawala na ang aking lakas. Hindi ko na rin namalayang pumapatak na ang aking mga luha, ngunit wala na akong pakealam. Dumidilim naman na ang paligid kaya wala nang makakakita sa akin sa lagay kong ito. Kasabay ng pagdilim ng buong paligid ay ang pagkawala rin ng pakiramdam ko sa paligid ko.
Kung gaano katagal ang aking hinintay bago mabasag ang katahimikan, hindi ko na alam. Narinig ko na lang sa malayo na mayroong tumatawag sa pangalan ko. Sinubukan kong sundan ang tinig, ngunit hindi ko alam kung wala akong lakas upang tumayo sa kinauupuan ko, o ayaw ko lang talagang tumayo. Narinig ko ulit ang tinig na tumatawag sa akin, at sa bawat pagsambit nito ng pangalan ko, parang papalapit ito nang papalapit sa akin. Maya-maya, nagkaroon na rin ako ng malay at natanto ko na lang na palubog na pala ang araw. Nang luminaw ang aking paningin mula sa pagkakasara nito habang ako ay walang malay, nahalata ko na mayroong isang napakalaking tao na nasa harapan ko ngayon.
“Juan, anong nangyari sa’yo?” narinig ko ulit ang tinig na iyon at nakilala ko ito bilang kay Yuyagahor. “Bakit dumudugo itong kamay mo?”
Tumingin na lang ako sa parte ng puno na sinuntok ko kanina imbes na sagutin ang tanong niya dahil medyo nanghihina pa rin ako sa lagay ko ngayon at sa paulit-ulit kong paglalakad nang pabalik-balik dito sa bakuran. Tumingin din siya dito.
“Tanga,” hingal niya, “bakit hindi mo pa pinagamot iyan?”
Naiinis akong tumayo ako sa kinauupuan ko. “Huwag mo akong tawaging tanga. Sumumpa ako sa’yo na hindi ako aalis dito hangga’t hindi mo ako binabalikan.”
Tumango siya at nagsabing, “Oo nga pala, ako pala ang –”
“Heh! Hindi na mahalaga ‘yan,” sabad ko sa kanya. Kahit papaano, masarap sa pakiramdam ang sumabad sa kanya dahil tinawag niya akong ‘tanga’ ngayun-ngayon lang. “Ano na ang nangyari sa loob ng bahay?”
Kahit na alam ko na ang nangyari, hindi ko pa rin naiwasang manginig sa takot, galit, at pagkawindang nang sabihin ni Yuyagahor sa akin ang lahat ng nangyari kanina.
“Dinala na namin si Jose sa bilangguan kanina. Ayun, wala siyang kibo habang dinadala namin siya,” pagtatapos niya.
Matagal na walang nagsalita sa aming dalawa. Sisigawan ko na sana si Yuyagahor dahil hindi ko na mapigilan ang sarili ko na sabihin na inosente talaga si Jose nang bigla siyang magsalita ulit.
“Hindi ako naniniwalang magagawa iyon ni Jose,” sabi niya sa akin sa mababang tono. “Matagal kong nakahalubilo ang batang iyon noong isang araw. Alam kong hindi niya magagawa ang bagay na iyon.”
Sa gulat ko sa sinabi niya, hindi ko alam kung ano na ang isasagot ko sa kanya. Sinabi na lang niya sa akin, “Kunyari na lang wala akong sinabi sa’yo. Hindi mo rin naman ako paniniwalaan kung sasabihin ko sa’yo na hindi magagawa iyon ni Jose. Lahat ng tao dito sa bahay, naniniwala sa sabi ng asawa ni Ginoong Potifar. Halika na, idadala na lang kita sa pagamutan bago ako bumalik sa bodega ng mga armas.”
Sinamahan ako ni Yuyagahor hanggang sa pagamutan saka siya bumalik sa bodega ng armas. Pagkatapos bendahan ng manggagamot ang kamay ko, ibinalik ko na sa bodega ang pala at kalaykay na hindi ko rin naman nagamit sa araw na ito. Wala ako sa sarili ko sa puntong ito kaya hindi na ako tumingin-tingin sa paligid ko. Dito na ako tumuloy sa hapag-kainan kasama ang mga iba pang alipin.
Tahimik ang lahat habang kumakain ng hapunan, halatang hindi pa rin makapaniwala sa nangyari sa araw na ito. Maganda na rin ito kahit papaano dahil hindi ko gustong sumali sa mga usapan nila kung sakali, ngunit hindi ko lang maiwasang manibago dahil karaniwang nag-uusap-usap ang lahat sa tuwing kami ay magkakaharap sa hapag-kainan at aaminin ko, hindi ko gusto ang ganitong klaseng katahimikan.
Matagal akong hindi makatulog dahil sa dami ng iniisip ko. Hindi mawala sa isip ko ang paboritong kasabihan ni Papa, ang lahat ng nangyari sa araw na ito, at ang sinabi sa akin ni Yuyagahor.
Sinabi ko na lang sa isip ko, “Hindi ka dapat magsalita. Hindi mo alam ang mangyayari sa’yo kung hindi mo itinikom ang bibig mo.”
Pero binabagabag pa rin ako ng konsensya ko. Hindi ko alam kung bakit pero binabagabag talaga ako nito. Mali ba na hinayaan ko lang na dakpin nila si Jose kahit na wala siyang kasalanan? At kahit na sabihin ko kay Potifar ang katotohanan, paniniwalaan kaya niya ako? At kung sakali man, palalampasin lang ba ito ng asawa niya, o ako na ang isusunod niya?
Huminga na lang ako nang malalim at sinubukan kong gawing blangko ang isip ko hanggang sa nakatulog na rin ako.
Tulog pa ang ibang mga kasama kong mga alipin nang ako ay gumising. Pakiramdam ko ay sinagasaan ako ng trak pagkagising ko dahil napanaginipan ko na pinapagalitan ako ni Potifar dahil nahuli niya akong natutulog sa bodega ng armas. Sa panaginip ko, nagdahilan ako kay Potifar na ibinalik ko lang ‘yung espada na pinamputol ko so puno ng igos sa bakuran habang naririnig ko si Michelle sa likod ko na paulit-ulit na sinasabi na ‘ang hustisyang ipinagpaliban ay hustisyang ipinagkait.’ Naramdaman kong pinagpapawisan ako kaya naisip kong lumabas ulit sa bakuran upang magpalamig ng ulo. Tahimik akong lumabas ng silid upang walang makapansin sa akin.
Bago ako makalabas ng bahay, nakarinig ako ng ingay na galing sa bodega ng armas na parang bakal na nagtatama. Pumasok ako sa loob at nakita kong nagsasanay si Yuyagahor gamit ang isang salapang at nakita kong kalaban niya ang isang poste na gawa sa bakal.
“Anong masasabi mo, bata?” sabi ni Yuyagahor pagkatapos niyang patamaan ang poste.
“Paano mo nalamang nandito ako?” pagtataka ko.
Humalakhak siya at nagsabing, “Lumamig ang bodega nang binuksan mo iyang pinto. Pakisara na lang ‘yan, baka sipunin tayo dito.”
Isinara ko ang pinto at nagsimula akong pawisan nang sobra. Lumapit ako sa kinalalagyan niya at umupo ako sa isang bangko na nasa tapat ng tokador ng mga salapang. Habang pinapanood ko siya sa kanyang pagsasanay, naalala ko ang sinabi niya sa akin kahapon tungkol kay Jose.
Hindi ako naniniwalang magagawa iyon ni Jose, sabi niya sa akin sa mababang tono. Matagal kong nakahalubilo ang batang iyon noong isang araw. Alam kong hindi niya magagawa ang bagay na iyon.
Kung ganon, hindi rin siya naniniwala na magagawa nga ni Jose ang pagsamantalahan ang asawa ni Potifar. Hindi ko nga lang alam kung papaano ko sasabihin sa kanya na ganon din ang iniisip ko.
Nagpatuloy sa pagsasanay si Yuyagahor ngunit tumigil ulit siya. “Bata, mukhang tahimik ka ‘ata?”
Hindi ako nagsalita. Patuloy lang akong tumitig sa kanya. Hinihintay ko lang siyang mailang sa akin bago ko sabihin sa kanya ang tunay na saloobin ko.
Nagkamot siya ng ulo niya gamit ang kanyang hinliliit at nagsabing, “Alam mo, bata, nakakatakot ka kapag tumititig ka nang ganyan. Meron ka bang gustong sabihin?”
“Oo, meron,” sagot ko sa kanya, saka ako huminga nang malalim. “Hindi ka rin naniniwala na magagawa talaga iyon ni Jose. Hindi ka naniniwala na magtatangka siya na gahasain ang asawa ni Potifar –”
“Ginoong Potifar,” pagwawasto niya ulit sa akin.
“Oo, siya,” pagpapatuloy ko. “Sinabi mo sa akin kahapon iyon.”
Nag-isip saglit si Yuyagahor. “Oo, sinabi ko nga ‘yun kahapon. Ano naman?”
“Alam ko rin na hindi niya magagawa ang bagay na iyon,” sabi ko sa kanya. “Natatakot lang akong magsalita dahil ang lahat ng ebidensya ay laban sa kanya.”
“Hindi ko alam ang tungkol sa mga ebidensya,” sabi ni Yuyagahor, “pero iyon ang sinabi ng asawa ni Ginoong Potifar. Sino naman tayo para sabihin ang kabaligtaran nun?”
“Pero sinabi mo na hindi ka naniniwala,” pagpupumilit ko. “Bakit?”
Kung saan saan ibinaling ni Yuyagahor ang kanyang mga mata, halatang nag-iisip nang mabilis. “H-hindi ko alam. Hindi lang siguro ako makapaniwala na magagawa niya iyon dahil nga nakahalubilo ko na rin siya. Akala ko noon, isa siyang mabait na bata, tulad mo rin.”
“Pero – putik, hindi na nga bale,” sabi ko habang tumayo ako at pumunta sa pintuan. Hindi ko rin alam kung bakit pa ako nagtanong sa kanya, pero sa tingin ko ay naniniwala na rin siya na kaya ngang gawin ni Jose ang ganong bagay. Kung ganon man, wala na akong panahong pwedeng sayangin upang kumbinsihin ang isang taong wala nang pag-asang magbago ang isip.
“Sandali lang,” sabi ni Yuyagahor habang nabitawan niya ang salapang na ginagamit niya ngunit hindi ako tumigil sa paglalakad. Binuksan ko ang pinto at nanginig ako sa biglang paglamig ng hangin.
“Ayos ka lang?” sabi ni Yuyagahor, sabay hawak sa balikat ko, ngunit agad niya itong binitawan. “Naku, pasensya na, nalagyan ko tuloy ng grasa ‘yang balikat mo.”
“Tsk! Ayos lang ako.” Tumingin ako sa balikat ko at nakita kong dumikit doon ang kulay-lupang grasa na bumakat sa kamay niya. Umiling na lang ako ngunit bigla kong naalala ang unang beses kong paglabas mula sa kwartong ito kahapon. Saka bumuhos sa utak ko ang buong paligid nang paglabas ko dito kahapon na para bang nakikita ko ang buong pangyayari ngayon.
Lumakad ako papuntang bodega nang walang sinasabi habang sinundan ako ni Yuyagahor.
“Bata, anong ginagawa mo?” usisa niya.
Abala ako sa pagkilatis sa buong paligid ng bodega kaya hindi ko siya nasagot. Nakita ko ang pala at kalaykay na ginagamit ko sa paglilinis ng bakuran. Nandoon pa rin ang mga ito. Pati na rin ang lahat ng mga gamit na dati ko nang nakita sa loob ng bodega. May napansin akong parang mali dito.
Nagtanong ako kay Yuyagahor, “Wala bang kahit anong nabasag dito kahapon?”
“Wala naman,” sagot niya. “Bakit mo naman naitanong?”
Hinila ko si Yuyagahor pabalik ng bodega ng mga armas saka ko isinara ang pinto. Nagsimula kaming pawisan ulit pagkasara ko pa lang ng pinto.
“Bata, pwede bang sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari?” pagalit niyang sabi sa akin.
“Inosente si Jose,” diretso ko nang sinabi sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ni Yuyagahor sa sinabi ko. “Anong –”
“Inosente si Jose,” inulit ko nang medyo mas malakas upang lubusan na talaga niya itong maintindihan.
Nakaukit pa rin sa kanyang mukha ang pagkagulat. Hindi man siya makapagsalita, alam kong gusto niyang itanong sa akin kung totoo ba ang naririnig niya mula sa akin.
“Hindi totoo ang ibinibintang sa kanya. Wala siyang kasalanan. Inosente siya,” mabilis kong sabi sa kanya.
“Ibig mong sabihin –”
“Oo, gawa-gawa lang ang lahat ng ito ng asawa ni Po – ni Ginoong Potifar,” pagtatapos ko.
Umiling si Yuyagahor. “Sandali lang, hindi mo naman basta-bastang masasabi iyan. Kahit na hindi ko gustong maalala, maliwanag pa sa araw na nagtangka si Jose na gahasain ang asawa ni Ginoong Potifar.”
“Isang patunay lang ‘yan na hindi mo ginagamit ang isip mo,” sabi ko sa kanya.
“Anong –”
“Sinabi mo sa akin kanina na walang nabasag sa loob ng bodega kahapon, ‘diba?” tanong ko sa kanya bago pa niya maituloy na sabihin ang kung ano man ang sasabihin sana niya sa akin.
“Uh, oo, wala nga,” sabi niya.
“Oo, wala, kahit na mayroong dalawang taong nagkaroon ng laban sa loob ng bodega,” paliwanag ko sa kanya. “Marami sa mga bagay doon ang madali lang matumba, kung hindi ako nagkakamali. Ngunit halos walang nagalaw sa mga iyon. Hindi mo ba mapapansing kakaiba iyon pagkatapos ng pangyayari?”
Saglit na nag-isip si Yuyagahor. “Oo, tama ka, pero papaano nun mapapatunayan na inosente nga si Jose?”
“Pakiramdaman mo ‘yang katawan mo,” utos ko sa kanya.
Hinawakan niya ang kanyang leeg kaya nalagyan din ito ng grasa. “Mahirap yatang gawin iyon dahil dito sa grasa sa – huh, bakit ang alikabok ko? Teka, ikaw rin.”
Huminga ako nang malalim dahil mahaba ang sasabihin ko. “Oo, pareho tayong naging maalikabok dahil nanggaling tayo sa bodega sa taas. Sa normal na sitwasyon, hindi didikit ang alikabok sa balat natin. Pero sa kaso natin, nanggaling tayo dito sa bodega ng mga armas, isang napakainit na lugar. Pansin mo, pinagpapawisan tayo agad pagkasara ko pa lang ng pinto. Kaya paglabas natin sa lugar na ito, madaling dumikit sa atin ang alikabok at iba pang maliliit na bagay dahil malagkit na ang balat natin.”
“Oo nga,” pagsang-ayon ni Yuyagahor. “Napapansin ko rin ito sa tuwing lumalabas ako dito pagkatapos kong matoka dito.”
“At salamat din sa bodegang ito, nakakuha ako ng ebidensya nang hindi ko inaasahan,” pagpapatuloy ko. “Kung natatandaan mo, paglabas na paglabas ko dito kahapon, nagkabangga kami ni Jose sa labas. Dahil hindi niya suot ang kanyang balabal, halos walang dumikit na alikabok sa akin. Pero may iba pang bagay na dapat ay dumikit sa akin upang masabi natin na nagtangka ngang gahasain ni Jose ang asawa ni Ginoong Potifar: ang pabango niya.”
Lumaki ulit ang mga mata ni Yuyagahor pagkasabi ko nito. “Oo, malayo pa lang siya, amoy na amoy na ito ng lahat.”
“Pansin ko rin,” sabi ko, “pero nang nakabangga ko si Jose kahapon, hindi ko naamoy ang pabangong iyon sa kanya at hindi rin ito dumikit sa katawan ko. Isa itong patunay na hindi ginalaw ni Jose ang asawa ni Ginoong Potifar.”
“Tama!” malakas niyang pagsang-ayon, ngunit nag-isip ulit siya. “Pero masasabi nga ba natin na talagang inosente si Jose kung iyon lang ang pagbabasehan natin?”
“Buti naitanong mo iyan,” sagot ko. “Nandoon ka nang dinakip si Jose. Nakita mo ba ‘yung balabal niya na ipinakitang ebidensya laban sa kanya?”
“Oo, nakita ko. Merong punit ‘yun doon sa likod. Sa tingin mo –” biglang tumigil si Yuyagahor na parang may naisip. “Sa likod ang punit ng balabal na iyon. Ibig sabihin, ang asawa ni Ginoong Potifar ang pumunit doon habang hinahabol niya ni Jose. Ibig sabihin nito, tumatakbo siya palayo –”
Hindi natapos ni Yuyagahor ang sinasabi niya dahil nakarinig kami ng malakas na sigaw sa labas ng pinto.
“ANUK-SOLAMUN!”
Tuliro, agad kong binuksan ang pintuan at nakita naming tumatakbo palayo si Potifar.
Isinara ko ulit ang pinto at tumingin ako kay Yuyagahor na halatang natutuliro din. “Nakalimutan kong init ang hindi lumalabas dito sa bodega ng armas, hindi tunog.”
Wala nang ibang maisagot sa akin si Yuyagahor. Sa pagkataranta ko, sinimulan ko nang kausapin ang sarili ko.
“Tang – ! Tignan mo ang nangyari dahil hindi mo itinikom ang bibig mo!” sabi ko sa sarili ko habang hinawakan ko ang magkabilang dako ng ulo ko at hinila ang buhok ko. “Ihanda mo na ang sarili mo sa maaari nilang gawin sa’yo.”
Sa puntong ito, hinawakan ulit ni Yuyagahor ang magkabila kong braso at sinabing, “Hindi ako papayag. Tumingin ka sa akin. Wala kang dapat ikatakot. Hindi ako papayag na saktan ka nila. Dadaan muna sila sa bangkay ko bago mangyari iyon.”
Matagal kaming nagkatitigan ni Yuyagahor. Hindi ko napansin na nakapatong na pala ang kanang kamay niya sa tapat ng puso ko. “Isinusumpa ko,” sabi niya.
Sa hindi ko malamang dahilan, gumaan ang pakiramdam ko sa kanya. Ipinatong ko na rin ang kanan kong kamay sa puso niya at nagsabing, “Salamat.”