Naging mahaba ang tulog ko sa gabi dahil halos pagkatapos pa lang naming maghapunan ay dumiretso na akong natulog. Sa lahat ng aking alam sa mga susunod na linggo, sobrang puyat ang dadanasin ko kaya ngayon pa lang ay sinusulit ko na ang mga gabing may pagkakataon pa akong matulog nang mahaba. Kaya maaga ulit akong nagising kahit na alas otso pa ang klase ko sa araw na ito, pero ganumpaman, nakisabay na rin ako kina Mama, Papa, at Kuya Chuck na umalis ng bahay dahil ayokong mabagot sa loob ng bahay, at ayoko ring abalahin si Mang Gido ngayong umaga dahil mukhang na-impatso siya sa dami ng nakain niya doon sa salu-salo sa opisina ni Kuya Chuck kahapon. Isa pa, kahit na magkita man kami ni Manuel ulit sa pamantasan, madali ko lang siyang maiiwasan dahil maaari kong kausapin ang ibang tao doon, mapa-kaklase ko man o kahit na ‘yung tagalinis nila sa gusali, basta makaiwas lang sa kanya.
Pagkahatid sa akin ni Papa sa unibersidad (magaan pa rin ang daloy ng trapiko kaya maaga ulit akong nakarating), dumiretso na ako sa silid namin para sa klase namin sa Histology. Titignan ko dapat ang listahan ng mga estudyante na magka-klase sa silid na iyon, ngunit mayroong isa pang estudyante na nakatitig nang malapitan dito: isang lalaking mukhang galing Inglatera na sobrang tangkad, may kalakihan ang katawan, puti ang buhok, puti ang balat, berde ang mga mata, matangos ang ilong, at manipis ang bibig. Magara ang suot niya; kumbaga, parang galing siya sa isang medyo pormal na salu-salo, ngunit mayroong pahiwatig sa kanyang ekspresyon na wala siyang kaalam-alam sa paligid niya. Mayroon siyang dalang malaking backpack; sa tingin ko ay dala niya ang lahat ng mga aklat namin para sa araw na ito. Isa rin siguro siya sa mga sobrang yaman na mga kaklase ko, dahil sila lang naman ang nangahas na bumili ng kumpletong listahan ng mga aklat namin para sa taong ito. Kuntento na ako sa mga PDF files sa tablet ko dahil nga ayaw kong magdala ng mabibigat na bagay at sa pagkakatanda ko, puro hiram ang mga aklat ni Ash.
Medyo matagal ko na rin siyang tinitignan kaya napalingon na siya sa akin. “Magandang umaga, kapanalig. Nais kong tanungin kung ito ba ang silid na ating papasukan para sa ating paksa ngayong umaga.”
Kahit na sobrang pormal na Tagalog ang kanyang salita, halatang taga-ibang bansa pa rin siya. Ngunit natutuwa rin ako sa kanya dahil nagawa pa talaga niyang magsanay ng Tagalog sa ganitong paraan.
“Ah, kung ‘yung Histology ang tinutukoy mo, oo, dito nga tayo sa Silid 516,” sagot ko habang napakamot ako sa likod ng ulo ko.
Ngumiti siya at nagsabing, “Maraming salamat, kapanalig. Ah! Ipagpatawad mo at hindi ko naayos ang aking ugali. Ako si...”
Hindi niya tinapos ang kanyang sinabi. Parang natigilan siya at matagal na nag-isip. Pagkatapos ng tatlumpung segundo, nagsalita siya ulit. “Ako si Elvis Potter. Dati akong isang estudyante ng Biolohiya sa kaharian ng Regalceltic, ngunit nagtungo ako dito sa inyong bansa upang ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral upang maging isang ganap na doktor.”
“Ah, um, ikinagagalak kitang makilala,” sagot ko na walang ka-amor-amor. Hindi ako magasagot nang maayos dahil sa naisip ko. Una, ka-apelyido niya si Harry Potter, at parang merong kung ano sa pangalan niya na parang imbento lang ito. Pangalawa, at ang mas importante, ay kung saan siya galing. Hindi ko alam kung saan ang sinasabi niyang kaharian ng Regalceltic. Kahit kalian, hindi ko pa naririnig ang lugar na iyon.
Bumalik na lang ako sa realidad nang nagsalita ulit si Elvis.
“Uh, kapanalig, mayroon ba akong nasabing hindi maganda?” nagtatakang tanong niya.
“Hmm? Ah! Pasensya na. Wala naman… sa tingin ko. May naisip lang akong ibang bagay. Hindi na ‘yun mahalaga. Ahaha! Um, ayun, ako si Ramon. Juan Ramon Sereno,” mabilis kong sagot.
Halatang halata siguro ang blangko kong ekspresyon dahil madalas akong ganito kung lumilipad ang isip ko.
“Hrm…” Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pinagtawid niya ang kanyang mga braso. Sa tingin ko ay matagal din siyang nag-iisip ng kung ano. Nagulat na lang ako nang biglang tumuwid ang kaniyang tayo at sinabi niyang, “Ginoong Juan Ramon Sereno, ikinagagalak kitang makilala,” sabay abot ng kaniyang kamay.
Hindi na ako nagdalawang-isip at inabot ko na rin ang aking kamay sa kanya. “Ah, Ramon na lang. Ikinagagalak din kitang makilala, Elvis.”
Tumingin ako doon sa listahan na kanina pa niya tinititigan. “Um, ayos lang ba kung tignan ko ‘yung pangalan ko diyan sa listahan?”
Medyo nataranta siya nang sinabi ko ‘yun at bigla niyang ihinarang ang kanyang pagkalaki-laking kamay sa buong listahan. “Uh, sa katunayan, um, hindi na kailangan kap – uh, Ramon. Nakita ko na dito ang iyong pangalan at wala naman tayong kailangang sundin na pagkakasunud-sunod sa pagkakaupo natin.”
Nagtaka ako sa ikinikolos niya, pero isinawalang-bahala ko na lang ito dahil hindi pa gusto ng isip kong magtrabaho sa ganitong oras ng umaga.
“Ah, wala pang seating arrangement?” Tumango ako nang konti saka ako tumingin sa relo ko. “Malapit-lapit na ring magsimula ang klase natin. Pasok na kaya tayo?”
“Ah, pumapayag ako sa iyong kagustuhan,” sagot niya. “Sige, pumasok na tayo.”
Pinagmadali niya akong pumasok sa loob. Hindi ko alam kung bakit, pero sumunod na lang ako. Pumunta kami sa pinaka-likod na bahagi ng silid at doon kami umupo.
Pagkaupo namin, naglabas si Elvis ng isang aklat na hardbound. Na-intriga ako doon sa aklat niya kaya hindi ko naiwasang magtanong. “Elvis, anong aklat ‘yan? Halos kasinlaki ‘ata ‘yan ng aklat natin para sa Histology.”
Ngumiti siya at nagsabing, “Kaibigan, ito ang aklat natin sa Histology.”
“H-ha? Paano nangyari ‘yun? Eh ‘diba, paperback na lang daw ‘yung nabibili sa Book Heaven?” gulat kong tanong.
Tumawa siya saglit at sinabing, “Ah, ito ba? Galing ito sa kaharian namin.”
Nagpaisip ako saglit. “Sa kaharian niyo? Doon sa Regalceltic? Um, kung magiging tapat ako sa’yo, hindi ko pa naririnig ang kahit anong tungkol sa kaharian ng Regalceltic kahit kalian.”
Tumawa siya ulit. “Ah, dahil isa itong napakaliit na kaharian na nasa gitna ng Pransya at Belgium. Nabigo ang lahat ng mga mananakop sa lahat ng kanilang pagtatangkang sakupin ang aming kaharian, kaya mapayapa pa rin ang aming buhay doon sa kaharian namin.”
Tumingin ako ulit sa orasan ko. “Gusto kong ikwento mo ang lahat tungkol sa inyong kaharian, pero kung ayos lang sa’yo, mamaya ka na lang magkwento dahil sa tingin ko, paparating na ‘yung guro natin. Alas otso pasado na, kaya mamaya, papasok na rin siya.”
Ngunit kahit sampu, dalawampu, at tatlumpung minuto pa ang lumipas, walang dumating na guro sa aming silid. Tumingin ako sa aking mga kaklase at nakita ko si Manuel sa isang upuan sa gitna ng silid. Mahirap siyang makita, ngunit nasa dakong harapan si Michelle, tila may kausap na isang babae na katabi niya ngayon. Tumingin pa ako sa ibang parte ng silid, ngunit hindi ko mahagilap kahit saan si Ash.
Maya-maya, hindi namin inasahan ang pagpasok ni Dr. Quamar sa silid.
“Magandang umaga sa inyong lahat. Kayo ba ang magka-klase sa Histology ng mula alas otso ng umaga hanggang ala una ng hapon?” tanong ni Dr. Quamar.
Tumango kaming lahat.
Inilabas ni Dr. Quamar ang kanyang telepono at nagsabing, “Hindi pa dumating si Dr. Lardizabal sa research tour niya sa Timog Africa hanggang ngayon. Pinapasabi niya sa lahat ng kanyang estudyante na sa isang linggo pa siya makakabalik dito sa Pilipinas. Maaari na kayong umuwi sa ngayon. Sa mga may klase pa mamayang hapon, huwag niyong kalilimutang bumalik dito. Maraming salamat.”
Hindi ko namalayang sobrang lumaki ang ngiti ko sa mga sinabi ni Dr. Quamar kaya agad kong sinabihan si Elvis. “O, Elvis! Wala pa raw ‘yung guro natin sa Histology. Pwede na tayong maglakwatsa kahit saan natin gusto.”
“Magandang mungkahi iyan, kaibigan,” sagot ni Elvis habang binalik niya sa bag niya ang malaking aklat sa Histology. Dito ko napansin na mayroong maliliit na sulat kamay sa pabalat nito. Isang napakahabang pangalan na kahit dikit-dikit ang sulat ay basang-basa ko pa rin: Richard Andre Evergreen VI of Regalceltic.
Muntik ko nang itanong sa kanya kung sino si Richard Andre Evergreen VI, ngunit napigilan ko ang sarili ko sa tamang oras. Patayo na kami nang makaisip ako ng ibang tanong sa kanya.
“Siguro mayaman ang pamilya mo. Kitang-kita ko pa lang sa pabalat nung aklat mo kanina.”
Tumawa siya at nagsabing, “Ah, oo. Sa katunayan, kabibili ko lang noong isang araw lahat ng mga aklat ko doon sa bahay-palimbagan sa kaharian namin. Nakarating ako sa inyong bansa kahapon lang.”
“Ah, ganon ba?” Kung kabibili lang niya noong isang araw ang mga libro niya, wala ka nang magiging rason kung bakit kakailanganin pang humiram ng aklat ni Elvis kay Richard Andre Evergreen VI. Subalit, bago ko pa man matapos ang iniisip ko, nagsalita ulit si Elvis.
“Dahil kararating ko lang dito sa inyong napakagandang unibersidad, nais ko sanang hingiin ang iyong serbisyo upang ipasyal ako dito,” sabi niya na may tonong tila galing sa isang pinuno.
“H-ha? Um, sige, ba,” sabi ko. Sinubukan kong isaayos ang isip ko upang hindi maging kaduda-duda ang ugali ko sa kanya. “Bale, hanggang alas dos pa ng hapon ang bakante natin. Saang lugar ba ang gusto mong unahin?”
Nakita ko ulit sa mukha niya ang ekspresyon niya na pawang aanga-anga siya nang sinubukan niyang mag-isip, pero sa ‘di kalaunan, huminga siya nang malalim at nagsabing, “Wala pa akong alam na mga lugar dito sa unibersidad maliban sa gusali natin. Sa tingin ko, ikaw na lang ang bahala sa akin.”
Ngumiti ako at sinabi kong, “Kung ganon, pwede tayong mauna sa museo doon sa pinakalumang gusali ng unibersidad.”
“Sige! Mahilig akong mamasyal sa mga museo. Marami na rin akong mga nadalaw na mga museo sa iba’t ibang panig ng mundo, pero hindi ko pa nakikita ang museo ng unibersidad na ito. Kaya doon mo na lang ako idala, kaibigan,” nakangiting sabi niya.
Wala pang isang minuto ang nakalipas nang papasok na kami sa pinakalumang gusali ng unibersidad kung nasaan ang museo. Matagal kaming namalagi sa museo dahil ilang minuto ang lumilipas sa bawat bagay na madatnan ni Elvis. Marami rin siyang tanong sa akin tungkol sa mga ito, gaya na lang ng isang modelo ng mosque na makikita sa Cotabato City.
“Nasubukan mo na bang pumasok sa isa sa mga gusaling iyan, kaibigan?” tanong niya sa akin.
“Pasensya ka na, Elvis,” sagot ko. “Isa akong Katoliko, kaya hindi pa dumadating sa akin ang pagkakataong makapasok sa kahit aling mosque. Pero kung dumating man ito, kukunin ko agad ang pagkakataon. Matagal ko na ring gustong pumasok sa isa sa mga mosque doon sa Mindanao.”
“Alam mo, kahit ako, hindi pa nakakapasok sa mga mosque kahit kalian, kahit na marami na akong mga bansang napasyalan,” mahinang sabi niya. “Pero ang alam ko, nagdadasal ang mga Muslim nang nakaharap sa lungsod ng Mecca. Siguro, ‘yung mga altar nila sa mga mosque ay nakaposisyon din sa paraang nakaharap ang mga nagdadasal sa Mecca.”
“Iba ang sabi ng guro namin sa Araling Panlipunan noong nasa mataas na paaralan pa lang ako,” sabi ko. “Doon daw sa loob ng mosque, merong isang poste sa gitna kung saan humaharap ang mga nagdadasal na mga Muslim. Nakikita mo ba ‘yung isang-kapat na buwan at bituin sa tuktok ng mosque? Iyan ang nakaharap sa Mecca, kaya lahat ng mga dasal ng mga deboto ay mapupunta sa Mecca kung nakaharap sila doon sa poste sa loob ng mosque.”
“Kaibigan,” bulong sa akin ni Elvis, “pakiramdam ko, tumalino ako sa lahat ng iyong kaalaman na ibinahagi sa akin. Nais kitang pasalamatan.”
“Ha? Dahil lang doon? Ahaha! Wala ‘yun,” natatawa kong sagot.
“Hindi. Salamat talaga. Ito ang unang beses na nakapamasyal ako na kasama ang isang kaibigan,” sabi niya.
Tumingin ako sa kanyang mukha at napansin kong taos-puso nga talaga ang kanyang sinabi. “Bakit? Wala ka bang kasama noong pumapasyal ka? Mukhang masasaya din doon sa mga lugar na napuntahan mo.”
Huminga siya palabas at nawala ang kanyang ngiti. “Kadalasan, ako ay mag-isa lang na naglilibot sa iba’t ibang parte ng mundo. Masyadong mabigat ang responsibilidad ng mga magulang ko upang makasama sa akin.”
“Sana ayos lang kung itanong ko sa’yo, pero ano ang trabaho ng mga magulang mo?” tanong ko.
Matagal na nag-isip si Elvis habang nahalata ko sa mga mata niya na mabilis siyang nag-iisip. Sinabi na lang niya na, “Iba na lang ang pag-usapan natin, kaibigan.”
Nagtaka ako ulit sa ikinilos niya pero hindi ko na lang ito ipinahalata sa kanya. “Alas onse y media na ng umaga. Gusto mo na bang kumain?”
“Sa tingin ko, maaari na rin,” sabi niya. “May baon na akong dinala upang maaari tayong kumain kahit saan.”
“Sakto, may baon din ako ngayon!” Medyo nalakasan ko ang boses ko at sakto ring dumaan ang bantay kaya nilapitan niya ako at binigyan ng pagkahaba-habang ‘ssshhhhhhhh!’
Pagkalabas namin sa museo, dinala ko si Elvis sa parke kung saan madalas na tumambay ang mga estudyante ng Konserbatoryo ng Musika. Doon kami humanap ng upuan at kumain kasama ang mga pusa na umaaligid sa amin. Nakita kong salad lang ang baon ni Elvis, ngunit malaki ang sisidlan nito, kaya sa tingin ko, mabubusog na rin ang isang taong kasinlaki niya. Binuksan ko ang aking baunan at nalaman kong sushi ang hinanda para sa akin ni Yaya Imang. Naalala ko na kaya ako nagbaon ngayon ay dahil sasabayan ko si Ash ngayong tanghali. Pero dahil iba ang kasama ko sa araw na ito, at saktong hindi ko siya nakita ngayon, sa ibang araw ko na lang siguro siya sasamahan.
“Elvis, hindi ka ba magugutom mamaya diyan sa kinakain mo? Parang magaan lang ‘yan, ah, kahit na marami pa ‘yan.”
Ngumiti si Elvis. “Sanay na ako dito. Nakakakain naman ako ng karne tuwing Biyernes at Sabado. Mainam na ito para sa akin.”
“Mukha nga. Kita naman diyan sa katawan mo,” sabi ko.
“Ah, iba rin ito. Tuwing gabi ng Biyernes at Sabado, nagkakaroon ako ng pisikal na pagsasanay,” sagot niya.
“Eh, anong mga ehersisyo ang ginagawa mo?” tanong ko habang iniisip kong ang mga ehersisyo niya ay pagbuhat ng mga mabibigat na barbell at dumbbell at iba pang mga ehersisyo na nagpapalaki sa mga kalamnan. Dito ko ulit naalala si Manuel at dito minsanang nasira ang araw ko.
Iba ang iniisip ko sa talagang ginagawa niya. “Nilalampasan ko ang ilang obstacle course na ginagawa ng aking tagapagsanay.”
“Obstacle course? ‘Yung parang doon sa mga kumuha ng ROTC?” nagtataka kong tanong.
“ROTC? Ano iyon, kaibigan?” sabi niya.
Binigyan ko siya ng maikling paliwanag tungkol sa mga kumukuha ng ROTC sa unibersidad. “Ganon din ba ang ginagawa mo tuwing Biyernes at Sabado?”
Nag-isip ulit siya. Mahahalata mo ulit ang aanga-anga niyang ekspresyon sa kanyang mukha. “Kung ikukumpara ko ito sa paliwanag mo sa akin tungkol sa ROTC, sa tingin ko, maihahalintulad ko na rin sa ensayo ng isang ganap na sundalo ang aking mga ensayo.”
Naidura ko ang tubig na iniinom ko sa sinabi niya. “Ha!? Ganon ka-grabe ang ensayo mo? Bakit –”
“Kung iisipin ko siguro,” pagpapatuloy niya, “mas mabigat pa doon ang aking ensayo. Nandiyan ang mga madadaling gawain tulad ng pag-akyat sa isang haligi gamit lang ang tali o kaya paggapang sa putik sa ilalim ng barbed wire. Pero habang tumagal, pahirap na rin nang pahirap ang mga pinapagawa sa akin. Ang pinakamahirap siguro sa lahat ay ang paglangoy na nakatali ang iyong mga kamay at paa.”
Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko sa kanya. Hindi rin ako naniniwala na madali lang ang pag-akyat sa isang haligi gamit lang ang tali o kaya paggapang sa putik sa ilalim ng barbed wire. Ni hindi ko nga kaya ang maglaro ng table tennis nang kasintagal ng kaya ni Kuya.
Medyo blangko pa ang isip ko, pero bumalik ako sa katotohanan nang nagsalita siya ulit. “Kung iisipin mo, hindi ko na kailangan ang ganitong ensayo dahil nais ko rin lang na pumasok sa kursong Medisina at maging doktor sa darating na hinaharap, pero isa itong responsibilidad na kailangang harapin ng isang –”
Dito biglang tumigil sa pagsasalita si Elvis. Tumigil siya na pawang may gustong itago sa akin. Tumingin ako sa mga mata niya at nahalata kong mabilis ulit siyang nag-iisip.
“Uh, bakit?” tanong ko bigla.
“Ah, w-wala, kaibigan,” mabilis niyang sagot. “Uh, pwedeng iba na lang ang pag-usapan natin?”
Gusto ko sanang itanong sa kanya kung ano ang hindi niya masabi sa akin, ngunit ngayon lang naman kami nagkakilala kaya wala ako sa lugar na itanong ang ganong klaseng bagay sa kanya kung gusto man niyang itago ito sa iba.
Naalala ko ulit ang pangalan na nakasulat sa aklat ni Elvis kanina kaya ‘yun na lang ang naisip kong tanungin sa kanya. “Maalala ko nga pala, sino nga pala si Richard Andre Evergreen VI? Bale nakita ko kanina ‘yung –”
Kling!
Tumingin ako kay Elvis. Nabitawan niya ang tinidor na hawak niya. Maputi man siyang tignan, halata ko sa mukha niya na namutla siya nang sobra. Nagsimula na rin siyang pagpawisan nang sobra samantalang mahangin naman.
“M-may nasabi ba akong hindi maganda?” mabagal kong tanong.
Hindi niya ako sinagot. Makikita mo sa kanyang mga mata na sinusubukan niyang mag-isip nang mabilis ngunit blangko na rin ang isip niya ngayon. Maya-maya, nagtanong siya sa akin, “M-mayroon bang lugar dito na walang makakarinig sa usapan natin?”
Labis akong nagtaka sa sinabi niyang ito, ngunit kailangan kong sagutin ang kanyang tanong. Inayos ko ang aking pinagkainan at tumayo sa aking kinauupuan. “May isa’t kalahating oras pa tayo bago magsimula ang klase natin. Maaari sigurong doon na lang tayo sa hardin sa likod ng seminaryo. Walang tumatambay doon sa ganitong oras.”
“Salamat, kaibigan, kailangan na nating makarating sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon,” sagot niya.
Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari. Ngayong araw lang kami nagkakilala ngunit tila bakit ganito na agad ang turing niya sa akin? At ano naman ang gusto niyang sabihin sa akin? Bilang isang dating estudyante ng Sikolohiya, gusto kong malaman kung ano ang tinatago niya sa akin, ngunit bilang isang normal na tao, kailangan kong irespeto ang kanyang desisyon na itago ang kanyang lihim sa lahat.
Nakarating na rin kami sa hardin sa likod ng seminaryo. Sariwa ang hangin at tahimik ang paligid. Kaming dalawa lang ang nandoon sa hardin sa oras na iyon at walang makakarinig sa amin na kahit sino.
“Sigurado ka bang walang makakarinig sa atin dito?” kinakabahan niyang tanong.
“Uh, oo, wala talaga,” sinigurado ko sa kanya. “Kung meron man, hindi nila ito ipagsasabi sa iba. Nakatali sila sa sakramento ng kumpisal kaya wala ka dapat ipag-alala.”
Tumingin sa buong paligid si Elvis, tila hindi naniniwala sa sinabi ko sa kanya, ngunit nang nasigurado na niyang wala ngang ibang tao sa hardin, sinabi niyang, “Kaibigan, alam mo ba ang pakiramdam nang mayroon kang isang lihim na hindi mo maaaring ipagsabi sa iba?”
Sa sinabi niyang ito, agad ko nang naintindihan ang kanyang sitwasyon, at wala akong balak na pilitin siyang sabihin sa akin ang kanyang lihim. Maging ako ay may sariling lihim rin na hindi ko pwedeng sabihin kahit kanino.
“Elvis, naiintindihan kita,” simula ko. “Ayaw kong malaman ang lihim mo kung hindi ka pa handa. Kaya kung may nasabi ako kanina na hindi maganda, patawarin mo sana ako.”
Tumingin ako sa relo ko. “Isang oras na lang ang natitira. Sa tingin ko, kailangan na nating bumalik sa gusali natin. Magsisimula na mamaya ang Biochemistry.”
Tumalikod na ako sa kanya at lumakad ng ilang hakbang nang bigla siyang nagsalita. “Sandali lang, kaibigan! Huwag kang mag-alala. Ako ay sanay na sa mga ganitong sitwasyon, ngunit mayroon lang akong nais itanong sa iyo. Kung sasabihin ko sa iyo ang lahat ng mga tinatago ko sa iyo kaninang umaga pa, makakapagtapat ka rin ba sa akin ng isang bagay na tinatago mo?”
Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon, pero hinding-hindi ko masasabi sa kanya ang tungkol sa aking abilidad. Ang aking abilidad na pumasok sa isang kwento sa kahit anong oras sa tulong ng kwintas na binigay sa akin ng aming lolo. Tanging kaming dalawa lang ni Kuya Chuck ang nakakaalam dito. Sinabi sa akin dati ni Lolo na hindi ko rin pwedeng ipagsabi ito sa iba. Isa pa, kahit na sabihin ko man ito kay Elvis ngayon, hindi pa rin siguro nito matatapatan kung ano man ang tinatago niya. Hindi rin ako sigurado kung maniniwala siya sa sasabihin ko.
Sa huli, ito na lang ang naisagot ko sa kanya: “Patawad. Hindi.”
Hindi ko alam kung lilingon ba ako sa kanya o hindi. Ano ba itong napasok kong sitwasyon, natanong ko sa sarili ko. Kung mayroon sanang eroplanong bumagsak malapit sa amin, para lang matakasan ko ang sitwasyong ito… ngunit hindi, hindi ko isasakripisyo ang buhay ng iba para lang sa pansarili kong interes. Wala na rin siyang sinabi na kahit ano sa akin. Sinubukan kong lumingon at nakita kong nakangiti niya sa akin.
Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, hindi ako makapaniwalang nginingitian pa niya ako. Ngunit lumapit siya sa akin at nagsabing, “Sa ngayon, ito muna ang masasabi ko sa iyo: ako si Richard Andre Evergreen VI, prinsipe ng Kaharian ng Regalceltic.”
Dito na talagang nablangko ang isip ko. Ang lalaking nakilala ko lang kaninang umaga, na inisip ko pang tatanga-tanga, isa palang prinsipe ng isang maliit na kaharian sa Europa. Ngunit habang tumatagal na nag-iisip ako, ang lahat ng napansin at nalaman ko sa kanya ay naipapaliwanag ko na: ang pag-ikot niya sa iba’t ibang sulok ng mundo, ang kanyang grabeng pisikal na pagsasanay, pati na rin ang kanyang hardbound na aklat.
“Dapat akong humingi ng paumanhin sa iyo, kapanalig. Kung tayo ay magiging magkaibigan, hindi dapat ako maglilihim ng mga bagay na dapat mong malaman. Pinakamahalaga sa mga iyon any ang aking pagiging prinsipe. Kaya ngayon, gusto kong ayusin ang pagpapakilala ko sa iyo kanina.” Tumayo siya nang tuwid sa harap ko at nagsabing, “Magadang tanghali, kapanalig. Ako si Richard Andre Evergreen VI ng Regalceltic. Ikinagagalak kitang makilala.”
Wala akong ideya kung ano ang susunod kong gagawin. Hindi ko namamalayang bumabaluktot ang kaliwang tuhod ko ngunit inalalayan akong tumayo ulit ni Richard Andre Evergreen VI.
“Hindi mo na kailangang lumuhod, kaibigan. Nagpapakilala lang ako sa iyo. Isa pa, wala sa aking mga kaibigan ang lumuluhod sa harapan ko,” nakangiting sabi ni Andre.
Tumayo rin ako nang tuwid at sinabi kong, “Pasensya ka na. Ako naman si Juan Ramon Sereno, galing ng Bani, Pangasinan. Ikinagagalak din kitang makilala.”
Sa ikalawang pagkakataon, nagkamayan kami, pero iba ito sa pagkakakamay namin kaninang umaga. Dito, ramdam mo talaga na tunay ang galak namin na makilala ang isa’t isa.
Napatingin ako ulit sa orasan ko at sinabing, “Um, mahuhuli na talaga tayo sa susunod nating klase. Kailangan na nating lumakad.”
“Sa tingin ko nga,” sagot niya.
Tahimik lang kaming lumakad papunta sa aming gusali. Kahit na sabihin nating ayos na ulit kami, hindi ko lang matanggal sa isip ko na isang prinsipe ng malayong kaharian ang kasama ko ngayon. Parang sa fairy tales lang naman ito nangyayari sa pagkakaalam ko.
Ngunit habang paakyat kami sa silid namin, may naalala ako. “Oo nga pala, Andre… um, ayos lang sa’yo na tawagin kitang Andre, ‘no?”
“Ah, ayos lang, kaibigan,” sagot niya.
“Ayun, Andre, alam ba ng mga propesor natin na isa kang… alam mo na?”
Tumango siya. “Tanging ang mga guro lang natin ang nakakaalam nito sa ngayon. Napalitan na rin nila ang pangalan ko sa listahan nila, maliban lang sa listahan ng mga estudyante sa Histology kanina.”
“Ganon ba? Siguro, kailangan pa rin kitang tawaging Elvis sa harap ng mga kaklase natin?”
“Oo, ganon na nga, kaibigan. Pero mainam na rin na mayroong isang tao na maaari kong pagkatiwalaan at sabihan ng bagay na ito. Siguradong magiging mas magaan ang aking buhay dito kung mayroon akong kaibigang tulad mo,” sagot siya, saka siya bahagyang tumawa.
Sa tingin ko ay pumula ang pisngi ko sa sinabi niya. “Um, salamat. Uh, teka, ano pala ang nakakatawa?”
Tumingin siya sa akin ng diretso at nagsabing, “Ikaw pa lang ang tumatawag sa akin ng ‘Andre,’ kaibigan. Sa tingin ko, gusto ko ang ganong tawag sa akin.”
Nguniti na lang ako sa sinabi niya, dahil alam kong bihira ko lang siyang matatawag nang ganito.
Pagdating namin sa silid na gagamitin namin para sa Biochemistry, nabasa ko ang nakasulat sa pisara: HINDI MATUTULOY ANG KLASE SA BIOCHEMISTRY NGAYONG HAPON. MAY EMERGENCY SI DRA. GARCELLANO SA E.R. BASAHIN NIYO ANG UNA AT IKALAWANG KABANATA NG INYONG AKLAT.
Hindi ko namalayan na nasa likod ko pala si Manuel. “Napakasaya ng araw na ito, ah. Wala pa ang lahat ng mga propesor natin ngayon.”
Sinagot ko siya nang, “Napakasaya talaga, hanggang sa lumapit ka sa akin.”
Humalakhak siya at nagsabing, “Teka, hinay-hinay ka lang. Gusto ko lang sabihin sa’yo na merong anunsyo kanina nang nakaalis na kayo nung bago mong kaibigan doon sa kwarto kanina. Tinanggal daw nila ang Clinical Epidemiology sa taon natin at ibinalik ang Edukasyong Pampisikal. Hindi nga lang natin mapipili ang gusto nating pasukan dahil ang admin mismo ang maglalagay sa’yo sa kung saan man nila gusto. Ako siguro, swerte talaga ako, dahil napunta ako sa baseball. Alam mo naman kung magaling ka sa baseball, habulin ka ng mga babae.”
Humarap ako sa kanya at sinabing, “Salamat sa pagbalita sa akin sa anunsyo kanina, pero hindi ko na kailangang marinig ‘yung huli mong sinabi.”
Sa sulok ng paningin ko, nakita kong nakatingin sa amin ni Manuel si Michelle, halatang naiinis din. Umalis na lang ako sa harapan niya at hinanap si Andre. Nakita ko siyang nakaupo sa pinakaharap na silya at minamarkahan ang mga kabanatang kailangan naming basahin sa kanyang libro sa Biochemistry na ‘di hamak na mas malaki kaysa sa nabibili sa Book Heaven.
“Um… Elvis, gusto mo na bang bumaba? Titignan ko sana ‘yung listahan ng mga pangalan natin sa baba. Gusto kong malaman kung saang PE tayo napunta,” sabi ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin. “Ano? Magkakaroon tayo ng PE? Sa aking pagkakaalam, ang mga undergraduates lang ang magkakaroon ng PE.”
“Tinanggal daw nila ang Clinical Epidemiology at binalik ‘yung PE. Masaya na rin ako. Balita ko, mahirap daw pumasa sa Clinical Epidemiology,” sagot ko.
Ibinalik ni Andre ang kanyang aklat sa bag niya at tumayo na sa kinauupuan niya. “Kung sabagay, tama ka. Ganon din ang narinig ko. Sige, sasama na ako sa iyo na bumaba. Nais ko na ring makita kung saang PE ako naipasok.”
Pagkalabas namin sa silid, nasalubong namin si Ash na nagmamadaling pumasok sa loob. Bago pa man siya nakapasok, pinigilan ko na siya at sinabing, “Ash, wala na tayong pasok. May emergency daw si Dra. Garcellano kaya basahin na lang daw natin ‘yung unang dalawang kabanata sa libro natin.”
Humihingal pa siyang sumagot sa akin. “Sige, um, salamat.”
“Sumabay ka na kaya sa amin sa baba. Titignan na namin ‘yung PE namin,” sabi ko.
Hindi pa rin siya tumigil sa kahihingal habang papasok siya sa loob ng silid upang magpalamig. “Ayos lang. Um, nakita ko na ito kanina. Sa arnis ako napunta.”
Dahil pumasok na siya sa loob, hindi ko na siya naipakilala kay Andre. Sabay na lang kaming bumaba ni Andre hanggang sa nakarating kami sa bulletin board na tinutukoy ni Manuel. Hinanap muna namin ang pangalan ni Andre.
“Kaibigan! Ano ang sepak takraw? Ngayon ko lang narinig ito,” masaya niyang tanong sa akin.
“Ah, sepak takraw? Isa itong uri ng laro na parang volleyball pero ang mga pwede mo lang gamitin ay ang iyong mga paa, tuhod, dibdib, at ulo. Mas maliit ang bolang gagamitin niyo at gawa ito sa rattan, isang uri ng matigas na damo.”
Tinignan ko ang buong katawan ni Andre. Sa sobrang laki ng kanyang katawan, mas magiging mainam nga sa kanya ang isang PE na isang uri ng pakikipaglaban. Sa tingin ko ay mahihirapan siya sa sepak takraw dahil kung titignan mo, hindi magiging maliksi si Andre sa laki ng kanyang katawan.
Umukit ulit sa mukha niya ang ekspresyon niya na parang aanga-anga. “Naku, mukhang mahirap iyon, kaibigan. Pero gusto kong matuto nito. Oo nga pala, nakita mo na ba kung saang laro ka napunta?”
Hinanap ko ang pangalan ko. Nang nakita ko na kung saang PE ako nakapasok, sinabi ko kay Andre kasama ang hindi-maipintang mukha, “Hindi laro ang napasukan ko.”
“Bakit? Anong –”
Doon sa tapat ng pangalan ko, nakalimbag ang isang salita na may apat na letra: JUDO.