Nakaranas na ba kayo ng ganap kung saan ang kwentuhan sa inuman ay umabot sa isang debate? Yung tipong dinaig pa ang presedential debate with live coverage ng lahat ng major TV stations. Nangyari ang ganyan minsan nung magkainuman ko ulit si Jelai.
Paano nagsimula ang lahat ng ito? Simple lang. Nakatambay ako isang Sabado ng hapon sa tindahan ni Tita Tita. Tamang chill lang ako dahil kakatapos ko lang kumain ng meryenda. Galing kasi ako sa pag-ba-bike, isang long ride kuno (50kms lang). Nag-rerelax ako sa upuan sa tindahan nang biglang may tumawag sa akin.
"Kuya One G!!!", sigaw ng isang pamilyar na boses. Si Badong, as usual.
Natawa na lang ako sa sarili ko dahil sa sumagi sa utak ko. Natawa ako kasi nagtaka pa ako kung sino ang tatawag sa aking pangalang nang may ganung klase ng enthusiasm. May ilang tao naman nga na ganun kung tawagin ang aking pangalan, pero dito sa Baranggay Gedli-Krossing, walang iba yun kundi si Badong.
"Oi Badong, anong balita?, mahinanhon kong pag-tugon sa kanya.
"Buti at nakita agad kita", wika ni Badong. "Ikaw talaga hinahanap ko eh."
"Ha? Bakit naman ako wanted sa iyo? Wala akong atraso sa iyo ha.", wika ko kay Badong nang pabiro.
Napa-ismid si Badong sa sinabi ko. Natawa nang kaunti at nang makabawi sa pagkaka-tawa ay nagsalita, "Hindi kuya. Pinapahanap ka kasi sa akin ni Jelai. Shot daw.", nagmamadaling niyang bigkas.
"Teka bakit? Di ba nagalit pa yun sa akin nung last time na nagpa-inom siya?", sagot ko nang may pagtataka.
Tunay naman nga na naasar nang hindi gagaano yun nung huling nagka-inuman kami. Sa galit nga niya ay sumisigaw na siya sa mga sinasabi niya sa akin. Kaya naman sila ay pinuntahan at nasermonan ni Tita Aida, yung may-ari ng paupahang apartments na pinag-inuman namin.
Sa totoo lang ay nagulat ako dahil gusto pa ulit akong makainuman nitong si Jelai. Nakainom ako nun pero malinaw sa ala-ala ko na na-badtrip talaga siya sa akin nung nagka-inuman kami kasama si Mica. High blood pa nga yata eh. Kasi naman, bukod sa na-sermonan na siya ni Tita Aida ay ang tanda ko ay napapag-linis pa dahil sa nagsuka etong si Jelai.
"Oo Kuya. Nakasalubong ko sina Mica, Tintin, at Ria kanina sa labas. Pinapasabihan ka daw talaga ni Jelai na iinvite ka daw ulit.", paliwanag ni Badong sa akin.
"Ah, ay tingnan ko na lang mamayang gabi. Medyo mahaba padyak ko kanina kaya pagod. Baka makatulog ako nang maaga.", sagot ko sa kanya nang mabagal.
"Hindi maganda yang tutulog ka kaagad ay Sabado ngayon. Kaya punta ka na mamaya. Sigurado masarap na inuman yun.", sabi sa akin ni Badong na parang nag-kukumbinsi sa pagbebenta ng isang networking na produkto.
"Bahala na mamaya.", marahan kong sabi kay Badong. Sa totoo lang ay kakaiba ang dating sa akin nung imbitasyon. Pakiramdam ko ay parang isang malaking trap ang magiging ganap sa inuman na iyon.
"Basta punta ka ha. Mga alas otso pa naman daw mag-uumpisa.", sabi ni Badong nang may kaunting tunog nang pag-aalala sa kanyang boses.
Dahil dito ay talagang napaisip ako. Bakit parang ganun ka importante na maki-jamming ako sa kanilang magiging inuman. Nakakapagtaka talaga dahil tandang tanda ko na nang-gigigil talaga si Jelai nung last time. Napaisip ako, ano kaya ang naghihintay sa aking pagpunta sa inuman na ito? Abangan ang susunod na kabanata hehehe.
"Oo na. Pupunta ako mamaya. Kahit isang tagay lang.", wika ko kay Badong nang marahan. Wala din naman akong gagawin ng gabing yun at sino ba naman ako para tumanggi sa alak na libre.
"Yun. Yes. Hintayin ka namin dun Kuya ha.", sabi ni Badong at pagkatapos ay dali-dali siyang tumalikod at naglakad na parang tumama sa jueteng.
Napaisip ako sa kung bakit talaga ako pinilit sumama para mag-inom. Tinitingnan ko ang paglalakad ni Badong palayo nang may umimik sa likod...
"Anong nangyari dun?", tanong na marahan ni Arvin.
"Hindi ko alam eh.", sagot ko.
"Parang kaunti na lang ay kikidnapin ka na eh.", banggit ni Arvin nang maypagtataka at parang natatawa.
"Oo nga eh. Parang hindi papayag na hindi ako pupunta mamaya."
"Sino ba daw nag-yayaya? VIP ka ata dun eh.", tanong niya na naiintriga.
"Yung nagpa-inom daw nung last time. Yung si Jelai na katrabaho no Mica.", paliwanag ko kay Arvin.
"Yung napag-kwentuhan ninyo dito ni Mica nung isang gabi? Yung naasar sa iyo at pagkatapos ay napagalitan pa ata ni Tita Aida?", paglilinaw niya sa akin.
"Yun na mismo."
"Bakit nga ba naasar yun sa iyo?", tanong ni Arvin na parang matatawa na agad sa isasagot ko.
"Na-real-talk ko lang. Tapos ay walang mairesbak, kaya nagwasang.", sagot ko habang inaalala ko ang mga nangyari noon sa apartment. "Tapos ay napagalitan pa sila ni Tita Aida. Sumisigaw na kasi yung si Jelai nung umalis ako eh.", pagdudugtong ko sa kwento.
"Ay matic sermon nga yan. Nagising malamang si Ka Aida sa boses hahaha.", wika ni Arvin na dinig ang pagtawa sa bawat kataga. "Rat-tat-tat-tat-tat malamang inabot nun."
"Kaya talagang nagtataka ako kung bakit ako iniimbita mag-inom ulit.", sabi ko nang may tono nang pag-mu-muni-muni.
"Mukhang gusto kang bawian kaya ganyan. Ingat ka diyan pre.", wika niya sa akin.
"Parang ganun na nga yata ang mangyayari. Ano kayang gagawin nun?", nag-iisip kong sagot. "Malalaman ang susunod na kabanata mamayang gabi hahaha."
"Puntahan mo na. Tapos ay dito ko ulit magpahulas pagkatapos. Malamang lafftrip kakahinatnan na kwento yan.", pag-uudyok na din ni Arvin.
"Kasabwat ka din yata ah.", sagot ko sabay tawa.
"Siguro kung ako ay susuhulan nang malaki, pwede. Ay wala naman.", sagot niya habang tumatawa din.
"Sya, mamaya na laang. Balitaan kita.", sabi ko bilang habang paalis na.
Umalis ako ng tindahan na natatawa sa naging usapan. Sa una ay nag-aalinlangan ako na pumunta sa apartment nina Mica. Pero dahil may potensyan na talagang nakakatawa ang magiging mga kaganapan, napagdesisyunan ko na magpunta na din. Nakapagbitaw din naman nga ako ng salita kay Badong na pupunta ako.
Sumapit ang gabi nang tahimik at walang masyadong nangyayari sa paligid. Hindi ito tipikal para sa isang Sabado. Kalimitan ay sa ganitong oras ay may nagsisigawan na sa basketball court dahil ng laro o kaya naman ay may mga nag-iinuman na sa kani-kanilang mga tarangkahan. Delayed lang siguro, yan ang nasabi ko sa isip ko.
Nagluto ako at kumain ng hapunan, at kasunod ay nag-imis ako at naghugas ng mga pinggan. Matapos ay naglakad-lakad ako sa labas ng bahay para magpa-dighay nang kaunti. Madilim na nang pumasok ulit ako ng bahay para maligo.
Lumabas ako ng bahay na presko at nakasuot ang official tambay na mag-iinom uniform na T-shirt, shorts, at tsinelas. Nasa bulsa ng shorts syempre ay ang tambay essentials gaya ng celfone, susi ng bahay, kaunting cash, at lighter. Lumabas ako ng bahay at nagkandado ng pinto. Matapos kong maisarado ang gate ay naglakad na ako papunta sa mga paupahang apartment ni Tita Aida.
Nang mapadaan ako sa tindahan ni Tita Tita ay nakita pa ako ni Arvin. Nag-ripiti pa siya sa akin nung malapit na ako. Nagbilin pa siya habang papunta ako sa apartment building ni Tita Aida.
"Oi dito ka tumambay mamaya para magpahulas ha!", sigaw ni Arvin. "Mahaba-habang kwentuhan yan sigurado ko."
Tumango na lang ako bilang pag-tugon. Lumiko ako sa kanto at nagpatuloy ng paglalakad. Wala pang ilang hakbang ang nagagawa ko ay may tumawag ng pangalan ko. At kung si Badong ang hula mo, nagkakamali ka.
"One G! Waitttt!", malambing na pagsigaw na tumatawag sa akin.
Kilala ko yung boses, kay Mica. Natawa na lang ako dahil naisip ko na may malambing pala na boses kahit sumisigaw na. Bago sa pandinig ko yun. Malakas ang volume (dahil nga sumisigaw), pero hindi nakaka-gulat dahil may lambing sa pagkaka-bigkas ng isinisigaw.
Tumigil ako sa paglalakad at lumingon. Si Mica nga. Mukhang galing sa trabaho, naka-uniform pa eh. Naglalakad nang may pagmamadali, pero may sopistikasyon sa kanyang bawat hakbang. May kaunting pag-indak sa kanyang yapak -- na parang may purpose ang bawat sandali. At kahit mukhang pagod na sa kanyang shift, makikita sa kanyang mukha na parang excited siya.
Ang suma-total ay elegante siyang tingnan sa pagkakataong ito, pero hindi ko na ibinoses ito. Sinarili ko na lang ang bagay na iyon at naghintay ako na makalapit siya sa akin. Nagtataka lang din talaga ako kung bakit siya mukhang excited. Mag-iinom lang naman ulit sa kaniyang inuupahan kagaya nung nakaraaan. Pero hindi ko na pinagtuunan ng pansin iyon.
"Buti nakita agad kita.", pag-bungad niya nang magkalapit na kami ng tinatayuan sa karsada.
"Bakit?", sagot ko nang may tono ng pagtataka kahit may ideya na ako ng imbitasyon ng inuman. Mas okay na yung open-ended ang pag-uusap sa pagkakataong ganito at baka may masabi siya na hindi ko pa alam.
"Shot mamaya, si Jelai ulit nag-yaya. Hindi pa ba ikaw nakakausap ni Badong?," mabilis niyang sagot.
Hindi agad ako umimik. Nakatingin lang ako sa kanya na parang nag-hihintay. Huminga ako nang malalim para magsalita nang....
"May isasama din daw si Jelai na friend niya mamaya.", dugtong ni Mica.
Boom. Yun ang isang detalye na napadagdag. At malamang ay yun din ang dahilan kaya parang hindi komportable sa akin yung imbitasyon. Sino kaya itong "friend" na dadating mamaya?
"Ah, oo. Nakausap ako ni Badong kanina dun sa tindahan.", marahan kong sagot. Yung tanong lang niya ang tinugunan ko.
Parang nag-iintay si Mica na may sabihin ako o itanong tungkol dun sa isasama ni Jelai. Ako naman ay nakatayo lang dahil hinihintay ko siyang magsalita ulit -- awkward silence.
"O sya halika na. Tara na sa apartment, dali.", pag-attempt ni Mica na i-break yung awkward moment.
Bilang sagot ko ay nagtaas lang ako ng kilay habang nakatingin sa kanya. Sinabi ko iyon habang nag-umpisa ulit akong maglakad. Sumabay siya ng paghakbang sa akin.
"Sha-shot na syempre.", dali-dali niyang idinugtong habang nag-ba-blush. Nag-umpisang magkulay rosas ang kanyang pisngi na parang natalisod at nadapa.
"Parang stressful ang maghapon ah", sabi ko.
"Naku, buong linggo ay nakaka-stress."
"Bakit naman?", tanong ko.
"Ano kasi.... may quota tapos may deadline... tapos may audit pa at QA-QC... Wag na muna yun ang pag-usapan at stressful talaga.", yan lang ang naintindihan ko sa isinagot sa akin ni Mica kahit na madami pang mga salita ang binigkas niya.
"Ahh. Kaya pala parang nagmamadali ikaw na maka-shot.", yun na lang ang naisagot ko. Afterall, lahat naman ng trabaho ay may kasamang stress. Hindi maiiwasan yun.
"Stressed talaga kasi eh. Kaya medyo uhaw.", tugon ni Mica na may kaunting pagtawa.
"Wag ka mag-alala at tutulungan kita diyan. Lahat ng tagay sa iyo ay puno, pati yung chaser.", sabi ko nang medyo natatawa.
Napansin yata ni Mica na parang pinipigilan ko na tumawa. Medyo kumunot yung kanyang noo at biglang nagtanong?
"O bakit parang matatawa ka diyan. Anong meron?", tanong niya.
"Sumagi lang sa isip ko na parang tutulungan kita na mag-transform sa inuman mamaya.", sabi ko.
"Magtransform?"
"Oo. Magtransform para maging camel."
"At bakit naman camel?", tanong niya nang may kaunting taray sa boses.
"Kasi.... Uhaw.", seryoso kong sagot with a straight face.
"Ha-ha. Korni.", sarkastiko niyang sabi pero kitang-kita na pinipigilan niya din na tumawa.
Tumingin ako kay Mica at nang nagtagpo yung aming mga mata ay dahan-dahan akong nagtaas ng kilay... 1, 2, 3, 4, 5.... 10 seconds.
Sampung segundo kaming magkatinginan at nakataas ang aking kilay. Nangalay ako dun ah pero sulit na din dahil bumunghalit si Mica ng pagtawa.
"Korni talaga pero bakit ganun? Natatawa ako nang hindi ko maipaliwanag.", tanong niya habang bahagyang humahalakhak.
"Uhaw ka nga lang talaga. Don't worry at konting hakbang na lang ay makakainom ka na.", sagot konsa kanya.
Sa puntong ito ay dumating na kami sa gate ng apartment building ni Tita Aida. Binuksan ni Mica ang gate para pumasok at sumunod ako.
Kakapasok pa lang namin nang gate nang madinig ko ang boses ni Tiya Aida. At base sa tono ng boses niya, mukhang medyo mainit na ang kanyang ulo.
"O, mag-iinuman na naman kayo ano? Kita ko kanina nung dumating yung katrabaho mo Mica. Ay ayaw ko na ako ay mabubulahaw mamaya. Iba-ban ko yun dito pag nagwala ulit yun.", matangas na pagkakasabi ni Tita Aida kay Mica.
"Opo tita. Pasensya na po talaga kayo nung last time. Masyado lang po naging emosyonal yung si Jelai dahil niloko siya nun ng ex-boyfriend niya.", mahinahong pagpapaliwanag ni Mica.
Marahang tumango si Tita Aida bilang pagtugon. Mag-uumpisa na sans ulit si Mica na umakyat sa hagdan nang bumaling sa akin ang atensyon.
"At ikaw naman utoy. Ay wag mo na namang aasarin at gagatungan. Ang kwento sa akin ay nagdadamdam na nga yung isa ay iyo pang kakantyawan. Kaya yata tuluyang nagwala ay dahil mo eh.", matangas din ang pagkakasabi niya niyo sa akin.
"Tita, ako po ay naging honest laang nun. Nagsabi lang po ako ng puro at pawang katotohanan lamang.", sagot ko nang may kaunting ngiti.
"Parang duda ako diyan. Nakakaloko pa yang ngiti mo o.", baling sa akin ni Tita.
"Nasaktan lang po siguro yun nung madinig ang tunay. The truth hurts nga, di po ba? Hindi ko naman po kontrolado ang reaksyon niya.", paliwanag ko.
"At ano namang the truth hurts ang sinabi mo? Aber?", hamon ni Tita.
"Sabi niya ay lahat daw ng lalake ay manloloko. Sabi ko naman ay lahat lang ng lalake na type niya ang ganun.", marahan kong sagot.
Napaismid si Tita Aida sa nadinig at pagkatapos ay napabuntong-hininga. "Nagsisigaw siya dahil lang dun?", tanong niya.
"May iba pa, ipinulok ko pa nga po si Badong sa kanya. Hindi naman daw niya type. Parang dun siya nagpundi kasi siya mismo nagpapatunay na tama yung sinabi ko.", dugtong ko.
"Parang nanggagatong ka laang naman. Ay kahit ano pa yaan, ay ayaw ko na ako at magagambala ulit.", pagtatapos na bilin ni Tita Aida.
"Opo tita. Hindi na po mauulit yun.", malambing na sabi ni Mica.
"O sya sya, umakyat na kayo. Basta wag makakagambala ng tulog ha.", imik niya sa amin na parang inaapura. Medyo magtaas pa siya ng kilay sa akin bago siya lumabas ng gate.
Kami naman ni Mica ay umakyat na ng hagdanan. Mabilis din ang mga naging hakbang ni Mica dahil ilang saglit lang ay nasa pinto na kami ng kaniyang inuupahan. Bukas ang pinto nito at kita sa loob na may naka-set-up nang lamesa, mga upuan, at syempre ang tatagayin.
"Hindi naman halata na uhaw na talaga ano?", pagbibiro ko kay Mica habang nagtatanggal siya ng suot niyang sapatos bago pumasok ng apartment unit nila.
Natawa siya sa sinabi ko at napangiti. Dali-dali siyang pumasok nang matanggal niya yung kanyang sapatos. Dumiretso agad siya sa isang kwarto.
"Magpapalit lang ako ng aking uniform. Upo ka muna diyan.", sabi niya sa akin bago tuluyang pumasok sa kanyang kwarto.
Umupo ako sa isang monoblock, huminga nang malalim, at nag-inat. Hindi pa man lamang ako nag-iinit sa pagkakaupo ay may tumawag ng aking pangalan.
"Uy andito ka na pala Kuya One G. Kanina ka pa?", tanong sa akin ng mahinhin na boses.
Madali kong nakilala ang boses na iyon. Kaya madahan akong lumingon ako para humarap sa nagsalita.
"Kakadating ko lang, Ria.", sagot ko.
"Shot na ulit.", wika niya.
"Uhaw ka din?", tanong ko.
"Ha? Anong uhaw?"
"Gigil tumagay. Stressed ka din noh?"
"Paano mo nalaman?"
"Medyo ramdam ko lang sa iyo."
"Anong ibig sabihin ng medyo ramdam mo?"
"Iba lang yung dating mo ngayon."
"Ano ba ang dating ko ngayon?"
"Sabihin na lang na hindi ka kasing-relaxed gaya nung last time na nag-inom."
"Hala. Ganun ba ka-obvious?", tanong ni Ria na parang nag-aalala.
Kumunot nang bahagya ang aking noo dahil iniisip ko pa kung ano isasagot ko. Nakatingin ako sa kanya habang nag-mumuni kung "Oo" o "Hindi" ang isasagot ko. Kung hindi siya kilala ng titingin, sasabihin ay hindi naman siya stressed tingnan. Yung obserbasyon ko ay hinuha ko lamang mula sa mga naging interakson ko na sa kanya.
"Hala, obvious na obvious nga ano?", biglaang sambit ni Ria na parang lalong nag-aalala.
"Hindi na importante kung obvious. Ang mas mahalaga ay kung bakit ka stressed?", sagot ko para lumipat na ang kanyang atensyon.
Akala ko ay change topic na pero mukhang nag-aalangan pa siy Ria na magsalita. Parang pinag-isipan niya nang mabuti at nang matapos makapagdesisyon ay huminga si Ria ng malalim. At kasunid nito ay nag-umpisa na siyang magkwento.
"Ano kasi... sa school.", pagbungad ng kwento niya.
Nakatingin lang ako sa kanya habang naghihintay ng kadugtong ng kwento. Napansin niya iyon kaya nagpatuloy siya.
"Yung isang instructor kasi namin.", dugtong niya.
"Ano yung instructor?," tanong ko bilang pag-uudyok para ituloy niya ang sasabihin.
"Hindi pa kasi nagrerelease ng exam results, eh kinakabahan ako. Terror teacher daw kasi yun.", tuluyang kwento ni Ria.
"Ok... Hmmm Sya ganito... Imagine mo na ako si Krizzy sa tv at ini-interview kita ha...", sabi ko kay Ria para makabuwelo upang tanungin ko siya ng... "Kinakabahan ka because?...", pabiro kong tanong habang ginagaya yung boses nung sikat na tv host.
Napatawa si Ria dun sa tanong ko. Ang tingin ko pa nga ay nagpigil siya ng pagtawa nang malakas dahil parang nasamid muna siya bago nakapag-salita.
"Gagiii.... San nanggaling yun? Ahahaha hindi ko expected yun ha.", sabi ni Ria habang tumatawa.
"Ayan, mukhang bawas na stress mo.", sagot ko sa kanya.
"Kakaiba din nga ikaw Kuya One G, ano?", biglang kumento ni Ria.
"Syempre. Pero bakit naman?", sagot ko sa kanya.
"Pagkagising ko na ay problemado na ako sa instructor ko na yun. Feeling ko ngayong gabi lang ako tumawa buong maghapon. Ka-stress sobra.", paliwanag niya.
"Paanong kakaiba ako dun?", tanong ko para klaruhin yung ibig niyang sabihin. Hindi ko talaga gets eh.
"Hmmm... Kasi napatawa mo ako kahit sobrang focused ako dun sa nawawalang test paper ko."
"Nawawalang test paper?"
"Naiwala ng instructor ko. Ako pa nga yung kauna-unahan nagpasa nung nag-exam, taps nawawala daw papel ko. Hindi niya daw makita sa desk niya sa faculty room."
"Okay, eh ano sabi ng instructor mo para maayos yan?"
"Mag-e-exam daw ako ng bago pag hindi nakita."
"Ah badtrip nga yan. Pero hindi ka naman siguro dapat kabahan?"
"Eh kasi... feeling ko gagawin niya mas mahirap yung bagong exam."
"Magiging mas mahirap?"
"Basta, yun yung feel ko na mangyayari."
"Hmm feel mo ba na naipasa mo yung exam?", tanong ko kay Ria nang seryoso.
"Oo naman. Nagreview kaya ako tapos nasagutan ko lahat ng tanong."
"Eh wala ka nang dahilan para kabahan."
"Ha? E paano nga kung gawin niyang mas mahirap yung bagong exam?
"Yung bagong exam mo ay yun pa din naman ang topics di ba?"
"Oo naman."
"Sure ako kayang-kaya mo na yan. Kabahan ka na lang kung yung bagong exam eh Chinese ang pagkakasulat ng mga tanong. Mahirap talaga sagutan yun."
"Gagiii ka talaga.", sambit niya sabay hampas pa sa braso ko habang tumatawa.
"Aba mahirap talaga yun. Maalam ka ba bumasa ng Intsik?"
"Ahaha hindi. Thank you ha."
"Ha bakit?"
"Kasi nga narelax na ako dun sa test paper na yun."
"Ahhh. Ok."
"At tsaka ano..."
"Ano?", tanong ko habang medyo kumukunot ang noo sa paghihintay ng sunod niyang sasabihin.
"Basta... Ang hirap i-explain. Basta."
"Ahhh. Basta. Gets ko na. Yun na yun."
"Ahahaha... Gagiii. Thank you talaga ha."
Tumatawa pa din si Ria nang lumabas si Mica mula sa kanyang kwarto.
"Uy sarap na ng tawanan ninyo kahit wala pang tinatagay ah.", pagbungad ni Mica habang papunta siya sa lamesa.
"Si Kuya One G kasi eh. Lakas trip ng trip eh.", sagot ni Ria.
"Bakit ako? Nagre-react lang naman ako sa kinukwento mo.", sabat ko naman habang medyo natatawa din.
"Mukhang okay na din yung pinoproblema mo Ria. Buti relaxed ka na ngayon. Kaninang umaga kasi sobrang balisa ka sa tingin ko e.", wika ni Mica.
"Dahil din kay Kuya One G. May na-point-out siya na bagay kaya hindi na ako masyadong kinakabahan.", paliwanag ni Ria.
"Ano yun?", tanong ni Mica habang nagsusuklay ng kanyang buhok.
"Ano... yung kaba ko kasi... paano kung nawala nga talaga yung papel ko, feel ko talaga na mas mahirap na exam ang ibibigay sakin.", bungad ng sagot ni Ria. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy.
"E tama si Kuya nung sinabi niya na kung pasado ako sa unang exam, kakayanin ko din ipasa ang kahit pa anong exam basta same topics. Kasi nga alam ko na yun. Naaral ko na eh. Kaya ko na yun hehe.", dugtong niya nang nakangiti.
"Ahhh. Buti at okay ka na. Hindi na kami mag-aalala.", sabi ni Mica na may tono na parang nabunutan ng tinik sa dibdib.
"Asan na kaya si Jelai?", dugtong niya.
"Nasaan na din kaya si Tintin?", tanong naman ni Ria.
Kara-karaka ay dumating naman si Badong, humihingal. Nagmamadali siguro itong umakyat ng hagdanan papunta dito sa ng apartment.
"Yun. Buti umabot ako nang hindi pa kayo nag-uumpisa.", bungad ni Badong habang humahangos. "Wala pa ba si Jelai?", dugtong niya.
Ang sumagot sa tanong niya ay si Mica, "Wala pa si Jelai. Pati si Tintin wala pa din. Nasaan na kaya sila? Madilim na sa daan eh."
"Pauwi na daw si Tintin. Traffic lang daw sabi niya sa text niya.", sabi naman ni Ria.
"Itext ko na din nga si Jelai. Magkasabay sana kami kaya lang nag-half-day siya kanina.", wika ni Mica.
Ako ay relax lang sa aking pwesto pero bakit itong si Badong ay parang hindi mapakali. Parang excited na bata na pupunta sa Jalebi eh. Paikot-ikot sa apartment, tapos maya't-maya ay pupunta sa pintuan at titingin sa labas. Napansin ito ni Mica.
"Uy Badong, parang hindi ka mapakali diyan. Ayos ka lang ba?", tanong niya.
"Oo naman. Bakit?"
"Simula nung dumating ka ay pabalik-balik ka na parang may tinitingnan sa labas eh.", obserbasyon ni Mica.
"Iniintay mo talaga si Jelai ano?", tanong ni Ria.
Medyo namula ang tenga ni Badong sa nadinig. Natigilan din sa pagkibo. Parang nag-iisip kung paano sasagutin yung mga tanong. At nagdesisyon siya na maging honest.
"Oo. Hinihintay ko nga.", sagot niya.
"Uuuyy...", biro ni Ria.
"Anong uuuyy ka diyan.", sagot ni Badong na may panggagaya sa tono ng biro sa kanya ni Ria.
"Eh bakit nagba-blush ka? Kitang-kita sa mukha mo o.", pabirong pagsingit ni Mica sabay tawa nang mahinhin.
"Oo nga noh.", dugtong ni Ria.
Nagtawanan yung dalawa na parang sila yung kinikilig. Mukhang hindi alam ni Badong kung ano na ang kanyang magandang gawin para makawala sa pag-iintriga ng dalawang babae. Kaya bilang tropa ay minabuti ko nang sumingit din at mang-intriga.
"Bakit mo naman hinihintay mismo si Jelai?", tanong ko.
"Syempre dahil tatagay.", sagot ni Badong.
"Ala naman, hindi yan ang tunay na dahilan. Bakit nga?", tanong ko ulit.
"Mag-iinom nga lang. Ano pa ba sa tingin ninyo na dahilan?", tanong niya pabalik.
"Kung mag-iinom lang, eh bakit sa labas ka tumitingin? Eh andun sa lamesa ang tatagayin o. Ano yan, susuka ka na agad?", tanong ko sa kanya na may tono ng kalokohan.
"Ah... ehh...", nauutal niyang bigkas dahil mukhang natigilan na nang tuluyan si Badong sa puntong ito.
"Sabihin mo na lang yung tunay. Hindi ka namin aasarin, ano nga Mica, Ria?", pag-uudyok ko habang tumingin sa dalawang babae para sumang-ayon sa sinabi ko.
"Sige na nga.", bulalas ni Badong sabay hinga ng malalim.
Si Mica at Ria naman ay naka-abang sa sasabihin ni Badong. May kislap sa mata nila dala nung chismis eh. Hindi nila maiitago yung pagka-intriga nila na parang nanonood ng telenobela.
"May kasama daw si Jelai. Ipakikilala daw sakin.", marahang sabi ni Badong.
Na-excite yung dalawang babae sa nadinig. Sunod-sunod mga tanong nila. Hindi naman para kay Badong mismo yung tanong kundi mga tanong ng nag-iisip at kausap ang sarili. Literal na "thinking out loud" yung dalawa.
"Ano daw name?"
"Ano itsura?"
"Cute siguro yun ano?"
"Hindi ko alam. Kaya excited ako ma-meet ngayon.", sagot ni Badong.
Nag-iisip yung tatlo ng mga sagot dun sa tanong. Ako naman ay nagpipigil tumawa sa nakikita ko. Kasi sila ay parang yung tatlong matsing na nakatingala sa kawalaan. Ilang saglit lang ay may malakas na boses mula sa labas.
"Hiiiii. I'm home. Kaloka ang maghapon, hays.", nakangiting pagpasok ni Tintin habang napapa-buntong-hininga.
Bumati pabalik yung tatlo kay Tintin. Ako naman ay bahagya lang na kumaway sa kanya. At pagkatapos lamang ng ilang sandali ay napatingin ulit kami sa pintuan. Pakining na ay yung boses ni Jelai.
"Uy sori nagtagal kami. Ang traffic kasi sobra e.", wika niya bilang entrada. "May kasama ako ngayon ha, si Mary Grace nga pala."
Dahan-dahan na bumungad ang pinakikilala mula sa likod ni Jelai. Nakangiti siya at nagtaas ng kamay para kumaway.
"Hi."
Bakit nga ba excited sila na tumagay?