Para sa karamihan ng tao, ang tipikal na isang linggo ay binubuo ng mga bagay na masasabing puro responsibilidad. Mula Lunes hanggang Biyernes ay ang nakagawian na naka-schedule na trabaho. Gigising ng maaga, mag-aalmusal, at papasok sa trabaho. Naka-schedule na din ang tanghalian at breaktime para sa kape. At pagpatak ng alas-singko, ay uuwi sa bahay.
Pero dahil tayo ay isang propesyonal na tambay, ang mga ganung schedule ay hindi para sa atin. Isang malaking miskonsepsyon pero, ang isang tambay ay may schedule din. Hindi nga lamang ito tulad ng sa nakakarami. Paanong nangyari? May oras pa din ang pagtambay, walang tumatambay ng alas-dose ng tanghali.
Madami talagang pinagkaiba ang schedule ng may trabaho sa tambay. At sa mga iyon, ang isa sa pinakamalaki ang pinag-kaiba ay ang reaction kapag may nangyaring kakaiba sa tipikal na schedule. Para sa may regular na trabaho, halos balewala ang reaction ng mga yaan sa tropa na nag-yaya ng inuman sa kalagitnaan ng linggo. Para sa isang tambay, matik na may kainuman ka kung kailangan mo.
Ganyan ang nangyari nung isang hapon ng Miyerkules. Nakita ako ni Badong na nakatambay sa tindahan ni Tita Tita. Tamang nakasandal lang at nagmamasid lang ng mga dumadaan. Dali-dali siyang lumapit sa akin at ako ay kinausap.
"Oi Kuya One G., shot daw mamaya. Kailangan daw ni Jorge ng kainuman.", bungad ni Badong.
"Uy inuman ayos. Hmmm Miyerkules pa lang ah. Birthday ba?", wika ko kay Badong.
"Yan din una kong tanong kanina nung nakasalubong ko. Hindi naman daw. Basta dito daw sa tindahan mag-iinom mamaya.", sagot niya sa akin.
"Walang problema, tatagay lang pala eh. Tambay na lang dito mamaya.", sagot ko habang ako ay tumitindig para umuwi.
Umuwi ako at kumain ng hapunan. Habang naghuhugas ako ng pinggan ay napaisip ako. Ano kaya ang nangyari ay magpapainom si Jorge sa kalagitnaan ng linggo. Dalawa lang naman ang pag-pipilian diyan. May magandang nangyari kaya mag-iinom para sa selebrasyon o may hindi magandang nangyari kaya mag-iinom para makalampas sa pinagdadaanan.
Nang ako ay makatapos ng mga linisin sa bahay ay minabuti ko nang bumalik sa tindahan ni Tita Tita para tumambay. Lumabas ako ng bahay, uminat, isinara ang pinto, ikinandado, at pagkatapos ay lumabas na ako ng kalye para maglakad. Maganda ang klima ngayong gabi. May kaunting lamig ang simoy ng hangin, presko para sa inuman.
Pagdating ko sa tindahan ay nandoon na si Jorge. Kausap si Arvin, mukhang bumibili na ng alak. Si Jorge ay ang malimit na tanggero sa inuman. Tulad nung si Badong ang nag-painom, siya ang nagsasalin ng mga maiinom. Tahimik na tao lang din itong si Jorge pero minsan ay lumalabas din ang kulit. Pero sa ngayon, mukhang hindi kulit ang ilalabas nito.
"Oi Jorge, balita?", tanong ko sa kanya habang umuupo ako sa bangko ng tindahan.
"Wala kuya, shashot lang. Tara tagay.", mabagal niyang sagot habang binabayadan niya ang binili niya.
"Sige ba.", sagot ko habang pinapagpagan ang maliit na lamesa sa harapan ko.
Ipinatong ni Jorge ang mga binili niya sa lamesa. Isang bote ng gin, yelo, sachet ng juice, chichiriya, at iba pang pampulutan. Walang isang minuto ay lumabas si Arvin. May dalang isang malaking pitsel ng tubig, at mga baso.
"Ayos ka lang?", tanong ni Arvin kay Jorge habang ibinababa yung pitsel sa lamesa.
"Oo, ayos lang.", sagot ni Jorge. "Kuya, makitimpla na yang juice at nang nakaka-umpisa na." dugtong pa niya.
Sa totoo lang ay hindi ko nakahiligan ang lasa ng gin. Stainless, gaya ng tawag ng matatanda dito sa amin. Pero hindi ito dahilan para maging mapili sa inuman. Laging tatandaan, ang pinakamasarap na alak ay yung libre.
Binuksan ko yung sachet ng juice at isinalin sa pitsel ng tubig. Walang kutsara kaya't hinalo ko ito gamit yung baso. Paano? Nagsasalin ako sa baso at pagkatapos ay aking ibinabalik ito sa pitsel para umikot ang laman. Subukan ninyo kung hindi kayo naniniwala. Nangmatunaw ang juice ay inilagay ko na din sa pitsel yung yelo.
Naupo ulit ako sa bangko nang handa na ang lahat: alak, malamig chaser, pulutan, at mga baso. Umupo na din si Jorge at binuksan yung bote ng gin. Nagsalin siya ng kaunting alak sa takip at itinapon ito sa lupa bilang pagsunod sa isang pamahiin. Pagkatapos ay nagsalin na siya sa shot glass ng gin. Ako naman ay nagsalin sa baso ng juice at iniabot ito sa kanya. Tinagay niya ito at iniabot sa akin ang shot glass at baso.
Nagsasalin ako ng alak nang napansin ko na lumabas ng tindahan si Arvin. Umupo din ito kasama namin. Mukhang tatagay din kaya't yung isinalin ko ay iniabot ko sa kanya. Tinungga niya ito nang mabilis at pagkatapos ay umimik.
"O anong problema pre?", tanong nito nang marahan kay Jorge.
Iniabot ni Arvin sa akin ang mga baso. Nagsalin na din ako ng aking tatagayin. Naghihintay ako na umimik si Jorge pero mukhang nakatitig lang sa kawalan. Minabuti ko nang tagayin yung sinalin ko. Nang maibaba ko ang baso ay dumating naman si Badong.
"Uy nag-umpisa na. Pasensya na at natagalan ako. Nautusan eh.", imik ni Badong habang umuupo.
Inibutan ko ng tatagayin niya si Badong. Kinuha niya iyon at ininom. Ibinalik niya sa akin ang mga baso. Tinagayan ko ulit at iniabot ko kay Jorge. Ininom niya ito nang mabilis. Nang maibaba niya ang mga baso ay nagsalita din. Mukhang magkukwento na.
"Wala na kami pre.", bungad ni Jorge.
"Hiwalay na kayo ng syota mo?", mabilis na tanong ni Arvin.
Dito nag-umpisa ang dialogo na nagpatuloy nang ganito habang umiikot ang baso...
Jorge: Oo pre. Bigla na lang eh.
Arvin: Paanong bigla?
Jorge: Ayos naman lahat eh. Wala namang pinag-awayan. Tapos ganun.
Arvin: Anong ganun?
Jorge: Hindi na daw siya masaya eh. Tapos diretso hiwalay na. Natulala na lang ako eh.
May ilang minuto ng katahimikan. Patuloy na umikot ang baso. Salin - tagay, salin - tagay. Umiinom ako ng chaser nang nagsalita ulit si Jorge.
Jorge: Ginawa ko naman lahat para sa kanya. Mabait naman ako. Binibigay ko naman lahat ng gusto niyo. Sinusunod ko naman lahat ng gusto siya. Tapos ganun lang? Panting naman eh.
Arvin: Hayaan mo na at wala nang magagawa. Andiyan na yan eh.
Jorge: Ay ano pa nga. Shot puno na lang. (tumagay)
Badong: Baka naman parang cool-off lang yan.
Jorge: Wala na, tanggapin na lang. Gusto ko lang malaman kung bakit biglang ganun.
Badong: Ano plano mo para malaman? Itetext mo ba? Tatawagan? O puntahan sa kanila?
Arvin: Tagayan na nga lang yan, wala naman mapapala sa malaman mo pa. Magmumukha ka laang desperado niyan.
Badong: Oi kuya One G, imik naman diyan. Kanina ka pa tahimik eh. Ano sa tingin mo?
One G: Tama sa Arvin. Magmumukha ka lang kawawa lalo pag ikokontak mo pa siya para tanungin siya niyan.
Jorge: Pero gusto ko talaga malaman kung bakit nakipag-hiwalay siya nang walang dahilan. Closure lang. Para hindi ko na din gagawin yun.
Mukhang legit naman nagsasabi ng totoo si Jorge, na gusto niyang malaman talaga ang tunay na dahilan. Tumataas na ang kanyang tinatagay, kaya lumalakas na din ang kanyang boses.
One G: Sa tantya ko ay may alam akong apat na dahilan kung bakit nakipaghiwalay sa iyo yan.
Arvin: Parang kilala mo yung babae ah.
Badong: Yan, eto na si Kuya. Dropping bombs gaya nung isang linggo kay Jelai hahaha.
One G: Hindi ko naman sasabihin na sigurado ako. Pero malamang sa hindi ay may ideya ako kung bakit, at kung ano yun.
Jorge: O sige nga, anong dahilan? Pagkatapos ay tatawagan ko siya para malaman kung tama ka.
One G: Ay ikaw... pero eto lang para sa akin yan. Una ay dahil ginagawa mo lahat para sa kanya. Padalawa ay dahil masyado ka mabait. Patatlo ay dahil binibigay mo lahat ng gusto niya. Paapat ay dahil sinusunod mo lahat ng gusto niya.
Badong: Kuya, parang yan yung sinabi ni Jorge kanina lang ah.
Arvin: Oo nga.
One G: Oo. Yun nga.
Napakunot ang noo ng mga kainuman ko. Kasi nga naman, ang binanggit ko na dahilan kaya nakipag-hiwalay yung babae kay Jorge ay yung eksaktong mga bagay na binanggit niya na ang intindi niya ay dapat niyang gawin para maging isang matinong nobyo.
Jorge: Hindi ko maintindihan ang ibig mong sabihin diyan. Nakakaloko ah.
Badong: Oo nga kuya. Ano ba yan? Parang nanti-trip ka laang eh.
One G: Lahat ng sobra ay hindi maganda.
Arvin: Anong konek?
One G: Sobrang mabait at mapag-bigay si Jorge kaya naburyong sa iyo yung babae.
Jorge: Eh? Ibig mo sabihin ay kaya ako hiniwalayan ay dahil mabait ako masyado?
One G: Malamang sa hindi ay ganyan na nga.
Jorge: Ay anak ng pating na pinaglihi sa kambing.
Napatagay si Jorge ng literal na puno. Mukhang sa iyamot na din siya dahil sa nadinig. Hindi naman nga lohikal yung mga sinabi ko. Yun nga lang, hindi din niya maipaliwanag kung bakit parang may punto din ang mga iyon. Buti na lang at umimik si Badong....
Badong: Oi Jorge, kaya mo pa? Ano, tawagan mo na yung ex mo?
Jorge: Oo. Tatawagan ko talaga. Hindi ako napayag na mabait ako kaya ako hiniwalayan. Malamang pa ay may ibang nanliligaw dun.
Arvin: Pwede din nga yan.
Badong: O sya, shot muna ng isa pa ulit na puno. Pampalakas loob.
Tumagay ulit si Jorge ng isang puno. Nang malunok niya ito at makainom ng chaser ay dumighay. Mukhang buo na ang desisyon niya na tatawagan niya yung babae. Kinuha niya ang kanyang celphone at pumindot. Tumatawag na.
Badong: Uy i-loudspeaker mo para madinig namin. Pramis hindi kami mag-iingay.
Ibinaba ni Jorge sa lamesa ang kanyang celphone. Pinindot niya ang loudspeaker button. Walang limang segundo nang....
Krrriiiiing~ Krrriiiiing~ at may sumagot...
Ex ni Jorge: O bakit ka tumawag?
Jorge: May gusto lang ako itanong.
Ex ni Jorge: Ano yun?
Jorge: Ano ba talaga ang dahilan?
Ex ni Jorge: Dahilan ng?
Jorge: Ng ano... alam mo na yun...
Ex ni Jorge: Ng alin ba?
Jorge: Ng hiwalayan natin.
Ex ni Jorge: Hindi mo naisip? Dapat ay alam mo na yan.
Jorge: Hindi talaga. Ano ba talaga? May kasalanan ba ako?
Ex ni Jorge: Kung hindi mo alam ngayon, hindi mo ako maiintindihan kahit pa sabihin ko.
Napa-nganga si Jorge sa nadirinig niya. Kitang kita sa kanyang mukha na siya ay nalilito at hindi maintindihan ang sitwasyon. Ang nakatawa ay pati si Arvin at Badong ay naka-nganga din. Nakakunot ang mga noo at mukhang nag-la-lag ang utak na parang lumang kompyuter.
Jorge: Pramis hindi ko talaga maintindihan. Sabihin mo na ng diretso. May iba ba?
Ex ni Jorge: Aba't ako pa pinag-hinalaan mo? Bastos ka din eh ano?
Jorge: Ay ano nga? Sabihin mo na.
Ex ni Jorge: (Malalim na buntong-hininga) Alam mo, manhid ka din eh!
Jorge: Manhid?
Ex ni Jorge: Oo, manhid! Feeling ko kasi ako lang yung in charge sa relasyon natin eh. Ayoko ng ganung pressure. Pag kakain tayo sa labas, ako pa tatanungin mo kung san tayo kakain. Feeling ko parang ako yung nanay mo eh. Tapos nung isang gabi na nag-paalam ako na mag-punta kami ng bar ng mga pinsan ko. Basta mo ako pinayagan, ni hindi mo tinanong kung sino sa mga pinsan ko ang kasama ko. Parang wala kang pakealam sa akin eh.
Jorge: Ha? Teka sandali ano yan?
Ex ni Jorge: Yan na ang sagot sa tanong mo!!! (Click~~)
Nakatulala si Jorge sa kanyang celphone. Pilit niyang iniintindi yung kanyang napakinggan ilang segundo lang ang nakaraan. Dahil dito ay inabutan ko ulit siya ng isang tagay na halos umapaw.
One G: O shot. Puno yan para mahimasmasan ka.
Jorge: Ano yung mga sinabi niya?
One G: Madami. Suma-tutal ay masyado ka mabait.
Badong: Paanong masyadong mabait, kuya?
One G: Dahil masyadong mabait si Jorge, hinahayaan niya na yung babae pipili kung saan kakain. O ay anong sabi niya?
Jorge: Eh kaya siya pinapapili ko para dun kami sa kung ano ang gusto niya. Tapos parang nanay ko daw siya?
One G: Tapos nung nagpaalam sa iyo na pupunta ng bar, pinayagan mo naman agad. Angbait mo, di ba?
Jorge: Eh tiwala naman ako sa kanya at sa mga pinsan niya kaya ko pinayagan agad. Maayos naman mga pinsan nun, hindi siya papabayaan.
One G: Pero.... anong sabi niya?
Jorge: Parang wala daw ako pakealam.
One G: At kaya ka niya hiniwalayan na ay.....
Arvin: Masyado ka nga mabait Jorge. Kaya next time, dapat gaguhin mo na. Hahaha.
Nagkatawanan ang lahat sa sinabing iyon ni Arvin. Pero mukhang hindi nila lubos pa na naintindihan ang nangyari. Kaya minabuti ko na dugtungan pa ang usapan at dalhin sa mas simpleng pulong.
One G: Ang punto diyan ay huwag ka masyadong mabait.
Jorge: Paanong wag masyadong mabait?
One G: Eto lang yan, dahil masyado ka mabait ay nagmukha ikaw na walang sariling desisyon.
Arvin: Ahh, yan ba yung dahilan kung bakit inaasar yung mga under na mister?
One G: Oo. Pati halos lahat ng babae ay ang gusto ay inaasikaso sila. Para magawa mo yun, kailangan may sarili ka na desisyon.
Badong: Anong ibig mong sabihin kuya?
One G: Example natin yung kay Jorge. Imbes na tanungin pa niya kung saan gusto kumain, ayain mo na lang tapos isama mo kung saan mo napili na kumain.
Jorge: Ay paano naman pag ayaw niya sa napili ko na restaurant?
One G: Simple lang yan, eh di wag siya kumain. Tapos ay panindigan mo desisyon mo. Dun ka pa din kumain.
Jorge: Sigurado magagalit yun.
One G: Eh di magalit siya. I-lilibre mo na nga, tapos magagalit pa? Maling-mali yan sa konstitusyon ng Pilipinas.
Napatawa ang lahat dahil dun. Mukhang nakalampas na din si Jorge sa kanyang iniisip. Natawa na din sa mga biro at kalokohang kwentuhan sa inuman. At nagpatuloy ang tagay...
SHAT PUNO!
Shat Puno!!!