Nagising ako bigla-bigla. Mabilis akong tumayo at pumunta sa CR. Ihing-ihi na eh. Nang mag-flush ako nung toilet, biglang may kaunting masakit sa ulo ko. Nakaka-silaw ang liwanag ng umaga at may kaunting umiiging sa aking tenga. Madaming beses ko nang naranasan ito. Meron akong kaunting hang-over. Napangiti ako dahil dito. Ibig-sabihin lang ay nag-enjoy talaga ako sa naging inuman kagabi.
Ano nga ba ang solusyon para sa hang-over? Sa tingin ko, bawat tao ay may kanya-kanyang ritwal para dito. Hindi ko alam kung ano ang patok para sa iba pero ito ang sa akin: iinom ako ng isang litro ng ice-water, kasunod nito ay isang baso ng softdrinks, at para tuluyang magising ay isang mug ng pinaka-masarap na 3-in-1 na kape.
Binuksan ko ang ref para kumuha ng yelo at tubig. Naglagay ako ng mga ito sa isang plastic na pitsel. Habang nag-hihintay na lumamig ay nag-lagay na ako ng isang mug ng tubig sa isang maliit na kaserola, ipinatong ko ito sa kalan at sinindihan para pakuluin ito.
Tinungga ko yung pitsel. Dun na ako uminom. Nasa kalahati ng laman nito ang nainom ko. Ramdam ko yung paglapat ng malamig na tubig sa sikmura ko. Ramdam ko din yung ginhawa dulot nito. Sarap.
Nang bumulak ang tubig ay isinalin ko ito sa isang mug. Nagbukas ako ng isang sachet ng 3-in-1 na kape, isinalin, at hinalo ko ito. Ipinatong ko sa lamesa yung mainit na mug ng kape at pinatungan ko ng platito. Babalikan ko ito mamaya.
Nagbihis ako ng aking tambay uniform at nagsuot din ako ng shades. Inubos ko din yung natitirang ice-water sa pitsel at pagkatapos ay naglakad na ako palabas. Pupunta ako sa tindahan ni Tita Tita para bumili ng sofdrinks.
Paglabas ko sa karsada ay ramdam na ramdam ko ang init ng araw. Nakakasilaw talaga. Buti na lang at nagsuot ako ng shades. Kung hindi, baka sumakit ang ulo ko lalo dahil ang liwanag ng sikat ng araw ay parang tinamaan ako ng flashbang. Marahan akong naglakad papunta sa tindahan. Buti na lang at malilom ang pagkakagawa ng tindahan kaya't makakarelax ako habang bumibili.
Kagaya ng madaming umaga, si Arvin ang naka-tao sa tindahan. Kakaiba lang ngayon dahil mukhang hindi siya naglalaro sa kanyang celphone kundi may pinapanood na kung ano.
"Uy Arvin, pabili nga ng isang softdrinks. Yung medyo frozen sana kung meron.", dali-dali ko na sinabi para makabili.
"Ay meron tayo niyan. Saglit lang.", sagot ni Arvin habang tuloy sa panonood sa celphone.
Iniabot sa akin ni Arvin ang isang bote ng nag-ye-yelong soft drinks. Binayaran ko ito at dali-daling binuksan para inumin. Tinungga ko ito at pagkatapos ng isang malaking lagok ay....
BRAINFREEZE!!!
Napasinghap ako sa unang dating ng brainfreeze na yun. Yung lamig ay sumintak hanggang sa aking sentido na parang nauntog ako. Pero habang nawawala yung sakit nito ay kasabay din nitong nawawala yung hangover ko.
Ninanamnam ko yung ginhawa sa pag-kawala ng hangover ko. Inuubos ko yung natitirang softdrinks nang dumating si Badong. May hawak siyang isang mug, mukhang puyat, at parang may hangover din.
"Oi Kuya One G, may hangover ka din?," pagbungat na tanong niya sa akin. Tumingin siya kay Arvin at nagsabi ng "Pabili nga ng isang 3-in-1 diyan."
Pinagbilhan siya ni Arvin at pagkakuha nung sachet ay agaran niya itong binuksan at isinalin sa kanyang mug. Hinahalo pa niya yung kape nang may tinanong siya sa akin.
"Kuya, anong nangyari sa inyo ni Mica kagabi?", walang intro-intro niyang tanong sa akin.
Wala naman akong naaalala na nangyari kundi nag-inom ako sa apartment nila, at kinausap niya ako dito sa tindahan bago ako umuwi sa bahay. Ang naisagot ko na lang kay Badong ay, "Ha?".
Humigop si Badong ng kanyang kape bago siya nagsalita ulit, "Wala ka na nun, nagsuka si Jelai. Tapos ay umakyat nga si Tita Aida, nasermonan kami."
"Sabi ko naman sa iyo eh. Kaya umalis na ako nung sumigaw si Jelai.", kumento ko.
"Nung nag-lilinis na kami ay umalis si Mica para bumili ng instant noodles.", pagpapatuloy niyang kwento. "Nung makabalik ay andami niyang tanong sa akin tungkol sa iyo."
"Ok. Tapos?", tanong ko kay Badong dahil hindi pa niya agad sabihin o itanong kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin o malaman.
"Wala naman kuya. Parang bigla lang siyang naging interesado sa iyo. Inasar nga siya ni Tintin at Ria na panay tanong na siya.", dugtong niya habang humihigop ng kape.
"Ahh, malamang ay na-intriga lang yun dahil binara ko yung si Jelai.", sagot ko sa kanya.
"Siguro. Pero astig eh. Parang bigla siyang nagka-crush sa iyo nun. Nangyayari nga pala yung ganun. Siguro kung magagawa ko maging interesante din sa inuman gaya nung nangyari kagabi, baka may girlfriend na ako.", sambit ni Badong na parang may ini-imagine.
"Malamang naintriga lang yun. Hindi naman magic yun. Konting prinsipyo lang yan sa buhay.", sagot ko sa kanya.
"Prinsipyo sa buhay?", tanong niya.
"Pananaw mo sa mga bagay. Parang rules mo para sa sarili mo.", paliwanag ko sa kanya.
"Paano yan kuya?", tanong niya na may tono ng buong interes.
"Nag-inom tayo kagabi di ba? Bale mga prinsipyo ko yun para sa inuman.", umpisa kong sinabi sa kanya. "Parang rules ko sa sarili ko kapag makikipag-inuman ako."
Humigop ulit si Badong ng kanyang kape. May hangover man ay kitang-kita na buo ang kanyang atensyon para makinig. Mukhang gusto niya talagang maliwanagan sa nangyari kaya nagpatuloy ako sa aking sinasabi.
"Eto number 1. Ang pinakamasarap na alak ay yung libre. Kaya palagi ka magpapasalamat sa nagpapa-inom at sa may-ari ng lugar na pinag-iinuman.", sabi ko sa kanya habang si Badong ay tumatango-tango sa nadidinig.
"Number 2. Sa inuman, yung tagay at yung baso ang pina-iikot, hindi yung kainuman.", dugtong ko, "Baka pag-umpisahan lang ng away o ng hindi-pagkakasunduan."
"Ay mali ba yung sinabi ko na yun kay Jelai kagabi?", tanong niya na parang natatawa sa sarili.
"Hindi naman mali. Pero parang nambobola ka lang. Alalahanin mo reaksyon nilang lahat, di ba?", paliwanag ko sa kanya.
Napatingala si Badong dahil sa sinabi ko. At makaraan ng ilang saglit ay umimik.
"Ahh yun pala yun. Next time hindi na ako iimik ng ganun.", bigkas ni Badong na may pag-mu-muni-muni.
"O number 3 para maging interesante. Hindi mo kailangan magpaliwanag sa lahat. Yung ilaw lang ng poste ng Meralco ang gumagawa nun.", pagpapatuloy ko.
"Anong ibig mo sabihin diyan kuya?", naguguluhang tanong ni Badong.
"Nung tinanong ko si Jelai kagabi ng kung ano ba problema kung hindi mo din siya type, anong nangyaring kasunod? Nag-umpisa nang magsisigaw si Jelai, di ba?, marahan kong sabi. "Sa punto na yun ay tingin ko ay naintindihan na siguro niya kung bakit ko sinabi na pare-pareho lang ay ang mga lalake na pinipili niya kaya siya nagalit."
"Oo nga noh. Andami bigla niyang nasabi na kung anu-ano nang marinig niya yun.", marahan na sagot ni Badong. Medyo natatawa siya dito at parang inuusisa niya ang lahat sa kanyang ala-ala.
Dahil sa naging reaksyon ni Badong ay pinagpatuloy ko yung aking sinasabi sa kanya., "Ganyan yung dahilan kaya may Number 4. Huwag maging isang kampana."
"Anong kampana?", mabilis na tanong ni Badong na may bakas ng pagtataka sa nadinig.
"Kampana. Yung sobrang ingay tapos ang madidinig ay TANGALANG TANGALANG.", sagot ko sa kanya.
Napabunghalit si Badong ng tawa sa napakinig. Pati si Arvin ay dinig ko na tumatawa na din dun sa loob ng tindahan.
"Isipin mo, ganyan yung naging itsura ni Jelai nung nagalit na siya at nagsisisigaw.", pagpapatuloy ko. "Nagmukha lang siyang kampana habang nagwawasang dahil sa sinabi ko."
"Oo nga noh. Cute naman nga siya nung una, kaso nabawasan ka-cute-an niya nung nagtaas na siya ng boses.", wika ni Badong habang tumatango-tango na parang biglang naglilinaw ang lahat.
"O sya, ubos na etong iniinom ko. Uuwi na muna ako. May kape ako sa bahay eh sayang ang init.", sabi ko kay Badong.
"Sige kuya. Next time ulit pag may inuman.", sagot sa akin ni Badong.
Mukhang naareglo na yung mga iniisip nitong si Badong. Ako naman ay tanggal na ang hangover. Kaya ako ay nag-umpisa nang maglakad pauwi.
Pagkadating ko sa bahay ay dumiretso ako sa kusina. Kinuha ko yung aking mug ng kape. Tamang tama lang yung init para higupin. Kinuha ko din ang aking tablet para manood ng kung ano. Umupo ako sa sofa, ikinamada ang tablet, nagplay ng kung anong mapapanood. Sumandal ako at humigop ng kape. Wala na akong masasabi kundi, "Dis is layp."
Ang gamot sa hangover ni One G...