Ako si Juan Gapis, mas kilala sa pangalan na "One G". At ako ay isang "Professional Tambay". San ako tumatambay? Syempre dito lang sa gedli at sa krossing ng baranggay. 

Bilang tambay, isa sa pinaka-importanteng ambag natin sa lipunan ay tayo ang malimit pinagtatanungan ng karamihan. Malimit tanungan ng mga rider at courier. San ang bahay ni kwan?; Alin ang apartment na ito?; Saan ang daan papunta dito?... Ganyan ang kalimitang tanong sa akin.

Bukod sa tanungan, bilang tambay ay madami tayong nasasaksihang mga bagay-bagay: mga ganap sa buhay, mga kadramahan, mga away, at kung anu-ano pa. At dahil din diyan, malimit din tayong kasali sa mga tambayan, tawanan, at syempre inuman.

Sa dinami-dami ng ganap at kwento na aking nasaksihan, parang pwede na yata akong gumawa ng isang compilation ng mga kwento na puro at pawang kalokohan at katatawanan. Naisip ko na sa panahon ngayon, "Why not?". Pwedeng pwede naman nga di ba? At yan ang makatotohanang dahilan kaya't may binabasa ikaw na ganitong klase ng katarantaduhang kwento ngayon. 

Para sa unang entry ng madaming kwentong ganito, tingin ko mas maganda kung mai-kwento ko yung naging usapan nung isang minsan akomg bumili sa tindahan na malapit sa krossing. Tingin ko sa kwentong ito ay mas makikilala ako ng mga magbabasa dahil ganun yung naging daloy ng usapan namin. Kaya, wala nang intro intro... sabi nga, here we go.

Sabado yun, alas kwatro ng hapon. Lumabas ako ng bahay para bumili sa tindahan ni Tita Tita (Cristeta daw ang tunay niyang pangalan, ewan ko kung bakit yun ang pinili niyang maging nickname niya. Lalong ewan ko kung bakit yun ang ini-rehistro niya sa DTI na pangalan ng sari-sari store niya at pinagawan pa ng signage). 

"Pabili nga po ng wala kayo", pabiro kong sabi para lumabas ang tindera.

Nakasimangot na bumungad sa akin si Tita Tita. Kaya dali-dali akong umimik ng "Joke lang po, isang kanton po at isang mountain dew." para naman hindi magalit. Maligalig pa naman yun.

Kumukuha si tita ng binibili ko nang biglang may isang tao na lumapit sa tindahan. Isang dalaga na parang may hinahanap. Tingin ko nasa mid-20's ang edad. Medyo matangkad, maputi, at cute ang ngiti. Naka-lip gloss din at mabango, fruity yung kanyang perfume. Hindi ko lang sure kung ano mismo.

"Excuse me po. Magtanong lang po kung saan po dito yung baranggay hall?" sambit ng dalaga.

Wala akong kaplano-planong makipag-usap dahil iniisip ko na magluluto pa ako ng pancit kanton. Hinihintay ko lang yung bininbili ko pero biglang umimik si Tita Tita....

"Oi san daw yung baranggay hall. Baka gusto mong sumagot.", sabi niya.

Nagulat ako. Muntik na akong sumagot ng "Bat ako?" pero minabuti ko na lang na hindi magsalita. Ang ginawa ko na lang ay pumunta ako sa karsada at itinuro kung nasaan ang hinahanap niya. Malapit na lang din naman kasi yun sa tindahan.

Pagbalik ko sa tindahan para magbayad, inimikan agad ako ni Tita Tita. Yung parang pinapagalitan ba.

"Bakit parang ni hindi mo inimikan yung dalagita?", bungad niya.

"Tinuro ko naman po kung nasaan yung baranggay hall.", sagot ko.

"Ay parang hindi ka man lang interesado dun sa dalaga ah. Maganda naman ah.", sagot ni Tita. Pagkatapos ay nag-sunod-sunod mga tanong niya.

"Binata ka naman, di ba?";

"Single ka din naman, di ba?";

"Mukhang ayos naman kita mo, 'noh?;

"Hindi ka ba nagandahan dun?";

"Wala bang dating sa iyo?";

"O baka naman pihikan ka lang talaga?";

Ngali-ngali ko sagutin lahat ng tanong niya na parang kasali sa isang game show sa TV... yung dalas-dalas na nagmamadali (aka: dalas-dali).

"Oo!";

"Oo din!";

"Ayos lang!";

"Okay lang!";

"Sakto lang!";

"Hindi naman!";

"Ano ba pinaglalaban natin Tita Tita?!"

"Nani kore!?!?"

"Meh.", sa loob-loob ko, taas balikat reaction na lang. Hindi na lang ako nagsalita ng kahit ano pa at hahaba laang ang usapang walang pupuntahan. Binayaran ko kay Tita yung mga binili ko at pagkatapos ay naglakad na ako pauwi.

Pagdating ko ng bahay, niluto ko na agad-agad yung pancit canton. Gutom na eh. At syempre, dahil instant yun, nakakain ako within 10minutes. Pagkatapos ay itinulak ko yung canton ng mountain dew. Busog, bastante, at nakangiti. Sabi ko sa sarili ko "Ahhh. Dis is da layp. Tara tumambay."

MikeDAntiThesis Creator

Pilot