Sabado na ulit, and as usual, nagbike tayo ng ating regular na 30kilometers na padyak. At kagaya nung nakaraan, dumaan ulit ako sa tindahan ni Tita Tita para bumili ng pang-almusal.

Itinigil ko yung bike ko sa tapat ng tindahan at bumaba. At gaya ng dati, tumawag ako sa tindahan. "Pabili nga po ng wala kayo." sabi ko nang may konting lakas ng boses.

Bumungad si Arvin. "Natatawa pa din ako sa linyahan mong yan kahit andaming beses ko nang napakinig." wika niya nang medyo natatawa.

"Ganyan talaga... Sampung itlog at mantika nga ulit." sagot ko.

Nag-uumpisa na si Arvin na magbalot ng binibili ko nang biglang may sumigaw.

"Arvin!!! Tulungan mo ako dito. Buhatin mo ito dali!"

Matinis yung boses na parang bata pero sobrang lakas. Kahit yata yung nasa kabilang baranggay ay dinig yung palakat na yun. Sa lakas nung boses ay parang may echo na umaalingawngaw din sa tenga ko. At dahil dun, alam ko kung kaninong boses yun. Kung gaano ako kasigurado pag napakinbig ko ang boses ng mga reporter sa TV, ganun din ako kasigurado na boses iyon ni Tita Tita. 

Napabalikwas si Arvin. Nagulat malamang. Ibinaba niya yung binibili ko at dali-dali na pumasok ng kanilang bahay.

At dahil ako ay nag-hihintay na mapagbilhan, nagpalinga-linga muna ako. Malapit dun sa krossing ay nakita ko si Badong, may kinakausap na babae. Sabi ko na lang sa sarili ko habang napapa-iling, "Lagot na naman etong si Badong pag nagkataon, makakapag-painom na naman nang wala sa panahon."

Lumingon ako sa tindahan para tingnan kung nakabalik na yung nagtitinda. Wala pa. Pagharap ko ulit sa krossing ay papalapit nang lumalakad si Badong. 

"Oi Kuya One G. May gagawain ka ba mamayang hapon? Mga 5pm?", bungad niya.

"Bakit? Anong balita ba?", sagot ko sa kanya.

"Samahan mo naman ako mag-inom.", wika ni Badong.

"Agad na? Parang wala pang isang minuto na may kausap kang chix tapos basted ka na agad?", medyo natatawa ako nang sinabi ko ito sa kanya.

"Ah kita mo pala yun. Ano... Hindi naman ako basted. Si ano yun, si Mica. Boarder dun kina Tita Aida.", sagot ni Badong na medyo natataranta.

"Mag-iinom ka na agad bago ka pa ma-basted?", tanong ko sabay halakhak. Hindi ko na mapigilan tumawa eh.

"Uy wag naman ganyan kuys. Ano lang, matagal ko nang nakaka-usap yun. Nakatambayan ko na din minsan dun sa basketball court. Siya yung nag-yaya ng inuman mamaya.", paliwanag ni Badong.

"O ay ikaw naman pala ang niyaya ng inuman eh, hindi naman ako." , sagot ko sa kanya.

"Tinanong ko naman, pumayag naman si Mica nung sinabi ko na yayayain din kita mag-inom.", dugtong na paliwanag ni Badong.

"Mahirap yaan. Bahala na mamaya. Tatambay din naman nga ako dun sa basketball court.", sagot ko na may pag-aalinlangan.

"O sige kuys. Mamaya ha. Sure yan.", sabi ni Badong na parang naghahanap ng kasiguraduhan na sasamahan ko nga.

"Geh, geh.", yun na lang nasabi ko para matapos na ang usapan naman.

Pagka-alis ni Badong ay saka naman nakabalik si Arvin. Mukhang nagbuhat ng mabigat. Tagaktak na ang pawis at medyo humihingal. Binalot niyang dali-dali yung binibili ko. Kinuha ko iyon, binayaran, inilagay sa ecobag, at pagkatapos ay ako ay pumadyak na pauwi para magluto at nang makakain.

Ang mga ginawa ko pagka-uwi ay masa-summarize bilang "Luto, Lamon, Ligpit, Linis). Sa totoo lang ay walang kabagay-bagay at walang importansya yung part na eto sa kwento. Ewan ko kung bakit isinulat ko pa. At dahil ako ay gapis, hindi na para i-delete ko at i-edit pa ang parteng ito ng naisulat ko na.

Nung hapon bago mag-alas-singko, naisipan ko na samahan na din si Badong. Afterall, masarap talaga ang alak kapag may ibang tao na nagpapa-inom. Naligo ako nang mabilis at nagbihis ng official tambay uniform: barong, shorts, steel toe, at hard hat. Biro lang, syempre dun tayo sa komportable na ipangtambay na tshirt at maong na shorts. Konting pabango na din, sabi nga kasi nila, "You'll never know". At pagkatapos ay lumabas na ako ng bahay.

Bago makarating sa basketball court, syempre ay hindi pupwedeng hindi mo gagawain ang ritwal. Una ay makikipag-usap muna at kumustahan sa isa sa mga konsehal na naka-duty sa baranggay hall. Padalawa ay kailangang makita muna tayo ng isa sa mga tanod para sigurado sila na hindi tayo magiging trouble. Patatlo ay makikipag-tanguan sa "siga" at "barako" na nakatambay na sa court. At paapat, sasaluhin yung bola ng bata na nagpapraktis ng shooting dahil tumalbog nang malayo sa kanya, at ipapasa yun pabalik sa kanya. At pagkatapos ng lahat ng iyon, ay saka pa lamang tayo pupwedeng maghanap ng mauupuan para tumambay.

Wala pang limang minuto akong nakaka-upo sa isang bangko ay nadinig ko na may sumisigaw, "Oi!!! Kuya One G!!! Dito!", palakat ng tumatawag.

Lumingon ako kung saan nanggaling yung boses. Hindi ko agad makita kun nasaan pero sigurado ako na si Badong iyon. Nang tumingala ako, nakita ko si Badong na nasa 3rd floor nung apartment building ni Tita Aida. Napatawa na lang ako dahil kumakaway pa si Badong na parang kumakaon ng kamag-anak na OFW.

Dahil dun ay minabuti ko nang pumunta sa apartment building. Pagbukas ko pa lamang nung gate ay bumungad na agad sa akin si Tita Aida, nagwawalis. Nakita niya ako at siya ay napatigil sa kanyang ginagawa. Lumapit sa akin at ako ay kanyang tinanong.

"O napasyal ka dito utoy.", wika niya nang parang may gustong itanong.

"Nagpapasama lang po sa akin si Badong. Andun na sa itaas.", sagot ko.

"Ahhh kita ko nga nung pumasok siya kanina. Sino kaya ang pinuntahan sa taas?", tanong ni Tita Aida.

"Hindi ko po sigurado, ang alam ko lang po ay Mica daw ang pangalan.", paliwanag ko sa sagot ko.

"Ah, 3rd floor nga siya. Anong ganap ba? Pinopormahan ni Badong?", tanong niya sa akin.

Mukhang nag-uumpisa nang lumabas ang espiritu ng marites kay Tita Aida. Minabuti ko na lang na sagutin ng medya-medya.

"Yan po ang hindi ko alam, titingnan ko pa. Sya, ako po ay paakyat na dun. Sige po.", painosente epek ko na sabi sa kanya.

Nagmadali na akong umakyat at baka matanong pa ng kung anu-ano. Umakyat ako ng hagdan hanggang 3rd floor at pagka-akyat ko pa lang sa palapag ay sinalubong na ako ni Badong. Kinausap niya ako habang naglalakad papunta sa pinto ng apartment unit ni Mica.

"Kuya One-G, akala ko hindi ka na pupunta dito eh.", agad niyang sinabi.

"Magpapa-inom ka. Kailan ko na pinalampas yun? Wala nun.", pabiro ko na sagot kay Badong.

"Ah ano... bale hindi ako yung magpapa-inom.", pabawing sagot sakin.

"Eh? Ay sino?", tanong ko na may pagka-curious.

"Yung si Jelai ang magpapa-inom. Katrabaho daw ni Mica. Parang broken sa tingin ko.", pabulong na sabi ni Badong.

"Ah, ay kahit pa sino, shot ay shot. Yun na yun hahaha.", sagot ko para makatagay na. Uhaw eh.

Pagdating namin sa pinto, bumati agad si Badong sa mga nasa loob. Nag-umpisa na pala ang inuman. Nakalatag na sa lamesa ang alak, pitsel ng chaser, at mga pulutan. Ang mga nakaupo palibot sa lamesa ay apat na babae.

"Uy andito na ulit ako. Kasama ko na si Kuya One-G. Sinalubong ko na mula sa ibaba.", mabilis na binanggit ni Badong.

"Hi.", nakangiti kong pag-bati sa kanila habang tiningnan ko isa-isa ang mga mukha nila. Pinasadahan ko din ng mabilis na sulyap ang buong apartment bago ako tuluyang pumasok.

Maayos at malinis yung apartment. May mga konting gamit na nakasabit sa mga monoblock gaya ng towels at mga accessories. Sa unang sulyap ay alam mo kaagad na mga babae ang nakatira dun.

"Kuya, eto nga pala si Mica, tapos eto si Jelai, tapos si Tintin, tapos si Ria.", inisa-isa ni Badong ipakilala yung mga babae na nakapalibot sa lamesa.

Si Mica ay isang babae na medyo matangkad (mas matangkad kay Badong), malambing ang mukha, chinita, at slim ang pangangatawan. Namukhaan ko siya, siya pala yung nagtanong sa akin nung may binibili ako sa tindahan.

Si Jelai naman ay katrabaho pala ni Mica. Cute tingnan etong si Jelai. Siguro ay dahil medyo mabilog ang mukha at katawan niya. Nag-taas siya ng baso bilang pag-bati sa akin, at pagkatapos ay ininom ang tinatagay.

Ang sunod sa lamesa ay si Tintin. Nag-hello siya sa akin nung pinakilala siya ni Badong. Medyo chubby ang isang ito, mabilog ang mga mata, at kitang kita na bubbly ang personality (aka madaldal). Lastly ay si Ria. Mukhang isang tipikal na dalagang estudyante. May pagka-morena, slim, at mukhang mahiyain. Magpinsan daw sila ni Tintin.


Matapos ang naaaaapaka-pormal na pagpapakilala ay umupo na kami ni Badong sa lamesa para sumali sa pagpapaikot ng baso. Sabi nga nila, Shat puno!

Tuloy tuloy ang ikot ng baso para sa mga tumatagay. Isang tipikal na inuman, may kwentuhan, tawanan, at asaran. At dahil may mga babae na tumatagay, hindi kumpleto yan nang walang kahit kaunting drama o landian.

At ganito na nga ang naging daloy ng usapan:

Jelai: T@n6in@ talaga... 

Mica: Oi bakit nagagalit?

Jelai: Pare-pareho talaga mga lalake ano? Bwisit eh.

Mica: Ay tunay ka. Ano ba nangyari?

Jelai: Yung boyfriend ko eh, panay pa din pag-react at pagcomment sa mga picture ng babae sa insta. Sabi ko na sa kanya na wag ganun ay tuloy pa din eh. Wala daw yun pero maya-maya lang kausap na, nambababae na.

Tintin: Hay naku, ganyan talaga mga hindi magtigil sa isa.

Nagkatinginan kami ni Badong sa puntong ito. Kita ko na si Badong ay medyo nababalisa sa naging topic. Parang may gusto siyang sabihin kaya naisipan ko na maki-sabat para mapaimik si Badong.

One G: Oi Badong, ganyun ka din ba? Nagla-like ng picture ng mga babae kahit may syota na?

Badong: Ay hindi ah. Hindi ako ganun.

One G: O ladies, kita ninyo... hindi lahat ng lalake ay ganyan. Tingnan nyo si Badong, for sure hindi yan ganun.

Nagkatinginan yung mga babae sa lamesa. Parang natigilan na hindi maintindihan kung paano mag-re-react sa sinabi ko. Halos may isang minuto ng katahimikan hanggang sa natawa si Tintin. At pagkatapos nun ay may umimik.

Jelai: Ala, hindi ako naniniwala diyan. At paano mo nasabi na sure ka na hindi ganun yang si Badong?

One G: O magpaliwanag ka Badong. Pero bago yun ay shat muna, inuugat na yang baso sa iyo.

Badong: (Tumagay) Whoo... Hindi talaga ako ganun. Kung ako boyfriend mo, alaga ka sa akin. Hindi kita pababayaan. Sure yan.

Ria: Parang napakinig ko na yan noon sa palabas sa TV ah.

Tintin: Asus. Baso ang pinapa-ikot ha, wag kami.

Nagtawanan ang lahat sa sinabing yun ni Tintin.

Jelai: Basta yan ang totoo. Lahat ng lalake e mga pakboy e.

Mica: Hayaan mo na yun. Tagay na ikaw para maka-move on.

One G: Yan naman ang hindi ako napayag sa sinabi mo.

Jelai: Alin? Lahat kayong lalake e mga p@kboy? Totoo naman ah.

One G: Sure ka?

Jelai: T@ngina, syempre. Mga g@g0 mga lalake eh.


Sa puntong ito, kahit tuloy-tuloy ang ikot ng baso ay parang naging debate yung pakiramdam ng inuman. Kami na lang dalawa ni Jelai ang nag-uusap at nakikinig lahat.

One G: Una sa lahat, nasyota mo na ba lahat para masabi na lahat pala ng lalake ay ganun? De, joke lang.... Hindi lahat ng lalake ay ganun.

Jelai: Lahat kayo ganun.

One G: Hindi lahat... Rather ay lahat lang ng lalake na pinipili mo jowain ang ganun.

Natigilan lahat ng babae dun sa sinabi ko.

Jelai: Pero lalake pa din ang palaging ganyan. Wala ng lalake na matino sa mundo, jusko.

One G: Lalake pa din na ikaw ang pumili. Gusto mo ng lalake na hindi ganyan? Yan si Badong o. Hindi yan ganun.

Mica: Oo nga naman, mabait nga itong si Badong.

One G: O kita mo, pati si Mica nagsasabi na din na mabait si Badong.

Mapula na si Badong sa alak pero lalo pa namula sa pagkakataong iyon. Medyo nasamid pa sa tinatagay. Iniabot niya sa akin ang alak tapos umimik.

Badong: Mabait talaga ako uy.

Sa puntong ito ay tumahimik si Jelai. Parang may iniisip. Tumagay. Huminga ng malalim at pagkatapos ay may sinabi:

Jelai: Tumayo ka nga Badong.

Agad namang tumayo ang inutusan.

Badong: Bakit? 

Jelai: Ikot ka.

At umikot nga.

Jelai: Smile naman.

At ngumiti si Badong. Napa-iling na lang ako.

Jelai: Hmmmmm....

Halos may isang minuto ng katahimikan ang lumipas, lahat ng babae sa lamesa ay nakatingin kay Jelai, naghihintay ng kanyang sunod na sasabihin. Pansin ko ay natigil na sila sa pagtagay, pero ako ay diretso lang kasi uhaw pa. Madali naman bumili ng sariling alak pero mas masarap talaga ang alak kapag libre. Naka-tatlong shot ata ako bago ulit nagsalita si Jelai.

Jelai: Hmmmm hindi talaga eh.

Ria: Hindi alin, ate?

Jelai: Hindi talaga gaya ni Badong ang type ko na lalake eh. Sorry Badong ha, no offense.

Kita ko na nanlumbay ang mukha ni Badong sa narinig. Napatitig si Badong sa bote nang alak. Tahimik ulit ang lahat. May tension sa hangin kaya minabuti ko nang magsalita.

One G: Okay lang yan. Yung iba nga wala makain. At saka malamang hindi ka din naman type nito, ano nga Badong?

Badong: Ha? Hindi ah...

Jelai: (Habang sumisiring ang mga mata) Bakit naman hindi? At ano yung pinagsasasabi mo kanina na kung ikaw boyfriend ko eh hindi mo ako papabayaan?


Hindi kaagad makaimik si Badong. Nahalata ko na nahihirapan siyang mag-isip ng kung ano ang isasagot. Para hindi maipit sa usapan, minabuti ko nang ako na ang sumagot para sa kanya.

One G: Jelai, yung sinasabi ni Badong kanina ay hypothetical. Yun ay para lang patunayan na hindi totoo yung sinasabi mo na pare-pareho lahat ng lalake.

Jelai: Tunay naman na pare-pareho kayo eh. At bakit sa ganung paraan niya sinabi? Parang may ibig-sabihin eh.

One G: Ang ibig-sabihin lang ay hindi pare-pareho ang mga lalake. Ano ba intindi mo? At ano ba problema kung hindi ka din type ni Badong?


Nag-umpisa nang mamula ang mukha ni Jelai. Kahit pa nakainom, alam ko na nag-uumpisa nang kumulo ang dugo nito dahil sa mga sinabi ko. Nanggigigil na din sa kanyang pagsasalita. Sa loob-loob ko, oras na para mag-eskapo. Alas-onse na at malapit na din maubos ang inumin eh.

One G: Nasigaw ka na, Jelai. Dahil diyan, ako ay aalis na. Ayoko madamay pag nagsermon si Tita Aida. Mica, thank you sa pag-imbita mag-inom. Tintin, Ria, nice meeting sa inyong dalawa. Thank you ulit, babay.

Tumindig ako at nag-umpisa nang maglakad palabas ng pinto. May kung anu-ano pang sinasabi si Jelai gaya ng...

"Angyabang yabang t@n6inA!"

"Nakaka-gigil talaga. Bwiset!"

"Ang kapal ng mukha!"

"Akala mo gwapo kung magsalita eh."


Malapit na ako sa pinto nang nadinig ko ang boses ni Badong.

Badong: Kuya One G, saan ka pupunta?

One G: Aalis na at baka umakyat na si Tita Aida. Ayaw nun na may sigawan tapos ay one to sawa mag-sermon yun. Bahala na ikaw diyan kung ano gusto mo gawain. Pero payo ko sa iyo ay batsi ka na din hehe.

Badong: Sige kuya.

Bumaba ako ng hagdan papunta ng ground floor. Papalabas na ako ng gate nang may nadinig akong malakas na boses. Nanggagalaiti. Napa-ismid na lang ako dahil alam ko na siguradong pupuntahan sila ni Tita Aida. Aabutin ng umaga ang sermon na matatanggap ng mga yun.

Habang naglalakad pauwi ay nakita ko na bukas pa ang tindahan ni Tita Tita. Lumakad ako papalapit at nakita ko na si Arvin ang nakaupo, naglalaro sa kanyang cellphone.


One G: Pabili nga ng isang softdrinks.

Arvin: Uy parang napa-inom tayo ah.

One G: Ah oo, diyan lang kasama si Badong.

Arvin: Ahh. Ay ano? Tapos na? (Sabay abot ng binili ko at tinanggap ang bayad)

One G: Hindi ko lang alam. Pero ako ay magpapahulas lang tapos uuwi na.

Arvin: Ahh sige sige. (Sabay balik sa nilalaro sa cellphone)

Umupo ako sa bangko na nasa harapan ng tindahan. Uminom ako at napadighay. Halos kalahati pa lang nung bote ang naiinom ko nang may nakita akong naglalakad papalapit ng tindahan. Itinaas ko ulit yung bote para uminom nang lumapit yung tao sa tindahan, si Mica pala. Tumingin siya sa akin at pagkatapos ay tumingin kay Arvin sa loob ng tindahan. Umimik siya...

"Pabili po ng dalawang instant noodles."

Angbilis ng pagkakabenta ni Arvin. Seryoso siguro sa nilalaro. Itinaas ko lang ulit yung bote ng iniinom ko nang biglang umimik ulit si Mica, sa akin na nakaharap.

Mica: Uy One G. Sorry kanina ha, ikaw yung napag-buntunan ng galit ni Jelai.

One G: Nagalit ba? Hindi ko napansin.


Napatawa nang bahagya si Mica. Kita ko na kumunot ang kanyang noo at napa-buntong hininga.

Mica: Nag-suka din si Jelai kasi lasing na. Nag-iimis kami nung dumating si Tita Aida. Ayun napagalitan kami.

One G: Matic na yung pag-akyat ni Tita. Kaya ako umalis na nung sumigaw na si Jelai hehehe.

Mica: Ay ganun? Akala ko kaya ka umalis kasi mainit na ulo ni Jelai. Inaasar mo din naman nga kasi eh.

One G: Uy hindi ko siya inaasar ha. Kinontra ko lang yung sinabi niya. Naasar lang yun malamang dahil hindi makabawi sa sinabi ko.

Mica: Ay bakit mo ba kinontra pa? Broken na nga yung tao eh.

One G: Nagsabi lang ako ng tunay, may pagka-brutal nga lang pagkakasabi ko.

Mica: Sabagay, may point ka nga. Lalo na nung sinabi ni Jelai na hindi niya type si Badong.

Napangisi ako sa sinabing yun ni Mica. Nang makita niya yung reaksyon ko ay natawa na lang siya. Ako naman, dahil din siguro may amats pa, ay tumawa na lang din. Nang maubos ko yung softdrinks na iniinom ko ay tumayo na ako.

One G: O sya, pauwi na ako. Thank you ulit sa pag-imbita.

Mica: Oo naman. Ako ay babalik na din para magluto na nitong instant noodles.

Sige...

Sige.

Sabay kaming umalis ng tindahan. Si Mica ay nagmamadaling naglalakad pabalik, at ako naman ay dahan dahang naglalakad pauwi. Napadighay ulit ako. Solb. Dis is layp. 

MikeDAntiThesis Creator

Kapag may napikon sa inuman, uwian na.