Ang sarap talaga mag-bike. Lalong-lalo na kapag weekends dahil hindi ganun katraffic sa daan. Yan yung tumatakbo sa isip ko habang pumapadyak pauwi mula sa isang long ride. Nag-umpisa ako ng alas-singko ng umaga at naka-uwi ay alas-tres na ng hapon. Malayo-layo din ang aking napuntahan ngayong araw na ito ng Sabado. Pagod man at pawisan na nakauwi ay nakangiti akong dumating ng bahay dahil bukod sa exercise ay na-enjoy ko pa ang mga tanawin sa pinuntahan at mga nakita sa daan.
Pagpasok ko ng bahay ay agad akong uminom ng malamig na tubig at pagkatapos ay nagtimpla ng kape. Hinihigop ko ito habang nagtatanggal ng gamit sa bike at naghuhubad ng damit na mapipiga na ang pawis. Nang maubos ko ang kape ay naligo na din ako para presko. Nakaramdam din ako ng gutom. Normal yun pagkatapos pumadyak. Napili ko na mag-pancit kanton dahil oras na din nga para mag-meryenda. Nagbihis ako at agad na pumunta sa tindahan ni Tita Tita.
Naglalakad ako papunta sa tindahan ni Tita Tita. Malayo pa ay kita ko na may naka-park na isang motorsiklo sa harapan ng tindahan. Nang makarating ako sa tindahan ay nagsabi agad ako ng, "Pabili po."
Ang sumagot sa aking pagtawag ay si Arvin. "Uy, anong atin?", tanong niya sa akin.
"Dalawang pancit canton lang.", sagot ko agad dahil gutom na.
Habang iniaabot sa akin yung binili ko ay umimik si Arvin, "Oo nga pala, dumalaw si Kuya Darwin. Nakauwi nung isang linggo, andiyan sa loob ngayon."
Nang maiabot sa akin ang binili ko at makuha ang bayad ay biglang sumigaw si Arvin. "Oi Kuya Darwin, andito si One G! Yung hinahanap mo kanina pa!"
Pamangkin si Darwin ni Tita Tita at dito siya mismo nakatira noon. Kasabayan ko siyang lumaki. Isa siya sa mga nakakalaro ko nung elementary days. Isa din sa mga nakakasama sa kakulitan at kalokohan noon. Sa madaling sabi ay isang legit katambayan. Lumipat nga lang siya ng bayan nung maka-graduate ng highschool.
Ilang segundo lang ay lumabas si Darwin. Namukhaan ko naman agad ang kababata ko na ito. Yun nga lang, ay parang nagmadali siyang umedad. Hindi naman sa pagmaamayabang dahil tayo naman ay mukhang kalaban sa pelikula, pero hindi mo aakalain na itong si Darwin ay kasing-edad ko. Parang naging tiyuhin siya ni Arvin sa itsura niya.
Nakatawa siyang nagsalita, "Oi pre, long time no see. Anong balita na ba dito?", entrada ni Darwin.
"Long time no tambay ka nga dito pre. Kumusta?", sagot ko sa kanya.
"Nako, ay lumagay na sa tahimik yan.", sabat ni Arvin.
Nagkatawanan kami dahil isa sa mga sinasabi ng mga matatanda sa baranggay namin ay hindi kami malalagay sa tahimik na buhay dahil sa kalokohan namin. Pero dito nag-umpisa ang isang usapang hindi aakalain.
Arvin: Proud nga kahit ang Inay diyan kay Darwin. Kasi daw ay nag-a-abroad na, tapos ay pamilyado na din.
Darwin: Alahuy naman etong si Arvin.
Arvin: Legit yun, kung madidinig mo lang dialogue ng Inay kagabi nung nagmessage ka na dadalaw ka.
Darwin: Nako ay yaan mo na yun. Maiba ako. One G, pre, parang hindi ka umeedad ah. Sa pagkakatanda ko yan na yung itsura mo nung umalis ako dito. Anong sikreto mo diyan?
One G: Anong sinasabi mo?
Darwin: Ilang taon na nakaraan nung umalis ako dito pero hanggang ngayon ay ganun pa din itsura mo. Parang walang nagbago eh.
One G: Uy salamat. Alam ko naman na mukha talaga akong kalaban sa TV.
Tumawa ang lahat dun sa sinabi ko na yun. Masaya naman, kaso ay may naobserbahan akong ilang bagay. Kita ko sa mukha ni Arvin na may kaunting dismaya dahil siguro ay naisip niya na ikinumpara siya ni Tita Tita sa pinsan niya, at mukhang kulelat siya sa mata ng kanyang nanay. Ang isa pa na napansin ko ay ang mga tanong ni Darwin.
Darwin: Hindi nga pre. Anong sikreto mo ba diyan? Itsura mo ay parang wala ikaw na kahit anong stress sa buhay eh.
One G: Oi may mga problema din ako sa buhay pre. Kung aampunin siguro ako ng mga bilyonaryo, mababawasan sigurado yun.
Arvin: Wala ka nang problema pag ganyan, hahaha.
Darwin: Sigurado yun.
One G: Ewan ko lang ha. Mag-iiba lang siguro ang problema pero meron pa din yan.
Darwin: Ha? Bakit naman may problema pa din?
One G: Kung tatama ka sa lotto bukas, sa tingin mo ba ay hindi sasakit ang ulo mo sa mga kamag-anak na hihingi ng balato?
Napa-isip ang dalawa kong kausap. Natawa na lang sila dahil sa nahinuha nila. At mas natawa sila dahil sabay na sabay pa silang umimik ng, "Oo nga ano."
One G: Napalitan lang pero may problema pa din.
Darwin: Oo nga, pero seryoso nga pre. Anong sikreto mo ba talaga diyan?
One G: Wala nga. Hmmmm... Siguro ay mag-kaiba lang tayo ng pananaw sa mga bagay. Baka nakalimutan mo na lang kung paano tumambay kaya masyado ka na lang seryoso ngayon.
Darwin: Anong masyado akong seryoso?
One G: Hmmm yung maliit na problema ay pinalalaki mo sa isip mo.
Darwin: Eh? Ganun pa din naman ako ah.
Arvin: Hmmmm parang intindi ko sinasabi ni One G. Gaya nung minsang magka-usap tayo na bini-video mo yung anak mo. Naglalakad lang yung bata tapos ay nataranta ka nung nadapa.
Darwin: Syempre ay nadapa yung anak ko na babagong natututo lumakad eh. Mag-a-alala talaga ako at tatay ako eh.
One G: Eh? Etong si Darwin ay nataranta?
Arvin: Oo. Kulang na lang ay madapa din para puntahan yung anak. Todo ang pagkataranta samantalang yung bata ay tumawa lang nung binuhat na niya.
One G: Tarantang todo ka pala eh. Hahaha.
Napakamot si Darwin. Nakatawa pero mukhang may iniisip. Napabuntong-hininga siya bago magsalita.
Darwin: Ay anong gagawin ko?
One G: Normal lang naman na madapa ang bata lalo pa at nag-uumpisa pa lang matutong maglakad. Ikaw naman ay panic agad tapos ay wala laang yung nangyari sa anak mo. Ma-i-stress ka nga niyan.
Darwin: Syempre anak ko yun eh. Lahat naman siguro na tatay ay ganun. Mahirap na pag may nangyari. Bukod sa gastos eh baka pag-awayan pa namin ni misis.
Arvin: Malimit ka din naman madapa nung bata tayo ah. Parang hindi ko na nakitang na-stress ang tiyo pag nagdadagasa ka. Pero wala naman nangyari sa iyo.
Darwin: Hmm oo nga ano. Hahaha.
One G: Kaya yung ganyang bagay ay wag mo masyadong dibdibin... may likod ka pa pre.
Darwin: Wala pa din talaga pinag-bago eh. Puro kalokohan eh hahaha.
One G: Legit pre. Ini-stress mo nga sarili mo sa hindi mo kayang kontrolin eh.
Darwin: Paano mo naman nasabi yaan?
One G: Ikaw na may sabi kanina, kaya ka natataranta ay dahil bukod sa gastos ay baka pag-awayan pa ninyong mag-asawa dahil nadapa anak ninyo.
Darwin: Ay tunay naman na pwedeng ganun mangyari eh.
One G: Yun na nga pre, walang tao na natutong lumakad ang hindi nadapa nung umpisa. Sadya yun. Hindi mo makokontrol yan. Maluluko ka lang.
Arvin: Hahaha. Sa itsura mo nga ay parang kakaunti na pwede ka na pagpadoktor.
Darwin: Ay hindi ko mapigilan ang sarili ko na isipin yung ganyan eh.
One G: Eh di yan ang dapat mo pag-isipan at kontrolin.
Darwin: Anghirap niyan.
One G: Ha? Paanong naging mahirap?
Darwin: Isipin mo... paano pag nadapa yung anak ko? Paano pag umakyat sa kung saan tapos ay mahuhulog? Madami yan.
One G: Parang hindi ka naging bata ah. Tingin ko yan din ang isang dahilan kaya ka masyadong stressed sa buhay pre.
Darwin: Alin?
One G: Parang nakalimutan mo na kung paano nga ba ang maging isang bata.
Darwin: Ay syempre, hindi na ako bata... Tatay na nga ako, di ba?
One G: Oo nga, pero yung anak mo ay bata. Eto na lang, ayos ka naman ngayon, di ba?
Darwin: Ayos naman.
One G: Kung ang ginagawa nung anak mo gaya ng tatakbo tapos madadapa, aakyat tapos mahuhulog, tatambling, mangungulit at kung anu-ano pa... anong pinag-aalala mo ay eksaktong ganun ka din nung bata ka?
Darwin: Hmmmmmmm....
Kitang-kita na biglang lalim ng tumatakbo sa isip ni Darwin. Mukhang may naalala siyang kalokohan ng pagkabata dahil natawa na lang siya nang walang kaabog-abog.
Arvin: O anong nakakatawa?
Darwin: Wala. Naalala ko lang nung nahulog ako sa kanal.
Arvin: Tanda ko yan. Nung umuwi ka ay ang tanong sa iyo ng Inay ay kung ano daw hinuhuli mo sa kanal.
Nagkatawanan kaming lahat. Mukhang gumaan ang pakiramdam ni Darwin sa alaalang napag-halakhakan namin. Nagpatuloy matapos nito ay mga nakakatawang kwento ng kalokohan noong mga elemetary pa lamang. Matapos ang ilang kwento ay tumayo si Darwin.
Darwin: Buti at ako ay nakatambay ngayon. Matagal-tagal na din nga nung huli kong pagtambay eh. Pero ako ay aalis na muna pauwi. Malayo pa byahe.
Arvin: Sige. Basta tambay ka ulit sa isang araw. Painom ka naman.
One G: Sige lang.
Pumasok si Darwin sa bahay ni Tita Tita. Dinig ko na nagpapa-alam na siya ay uuwi na. Nang makalabas ay sumakay siya sa kanyang motorsiklo, nag-kickstart, at kara-karaka ay umarangkada. Bumusina siya at humarurot na palabas.
Si Arvin ay pumasok na ulit sa tindahan. Ako naman ay pauwi na din. Bitbit ang pancit canton, ako ay naglalakad nang may nadinig ako na parang mahinang kulog. Akala ko ay kung ano, tiyan ko pala.
Ano nga ba ang sikreto para hindi ka ma-stress?