Kriiiiiiing!!! Kriiiiiingggg!!!
Tumunog ang aking alarm. Ibig sabihin nun ay 5am na ng Sabado. Inabot ko yung relo para tapikin upang patigilin ito sa pag-iingay. Bumangon ako para maghilamos. Sumilip ako sa bindana upang tinganan ang panahon, malamig pa ang hangin pero klaro ang kalangitan, sakto para sa pagpadyak. Isinarado ko ang bintana at pagkatapos ay nagsuot ng aking mga biking gear, inilabas ang aking bike, at nagumpisa na ang umaga.
Pagdaan ko ng kanto ay saktong nagbubukas ang tindahan ni Tita Tita. Ang nagbubukas ng mga bintana nung tindahan ay yung anak niyang si Arvin. Tumango siya sa akin dahil nakita niya akong pumapadyak. Tumango lang din ako bilang pagtugon.
Short ride lang ang nakaplano nung umaga na yun. Nasa trenta kilometros lang na padyak, pang-praktis at papawis lang gaya ng sabi ng mga batikan na siklista at mga propesyonal. Mahigit lang nang kaunti sa dalawang oras akong pumipedal ay nakabalik ka ako sa aming baranggay.
Bago ako umuwi ay dumaan ako sa tindahan para bumili ng kaunting pang-almusal. Tumigil ako sa harapan ng tindahan at tumawag.
"Pabili po.", siya kong pagtawag.
"Saglit lang.", sagot sa akin. Nabosesan ko na ang magtitinda ay si Arvin.
Pagdating niya sa bintana ng tindahan ay saka siya nagtanong ng "Ano yun?"
"Sampung itlog at isang bote ng mantika lang." marahan kong sagot.
"Saglit lang at ibabalot.", wika ni Arvin habang nag-uumpisa nang magbilang ng itlog sa egg tray.
"Mukhang magandahan ang padyak mo ngayon ah." dugtong pa niya.
"Sakto lang, hindi naman ganun kalayo. Balita ba?", sya kong sagot habang nag-hihintay ng aking binibili.
"Sa totoo lang ay bored na kahit maaga pa.", wika ni Arvin na may tono ng pagbuntung-hininga.
"Buti pa ikaw eh, mukhang hindi nauubusan ng exciting na magagawa.", dugtong niya.
"Ha? Anong ibig mong sabihin?" sagot ko. Naisip ko, legit talaga na anak nga siya ni Tita Tita kasi may pagka-marites din.
"Kita ko ikaw eh, mukhang andami mo laging ginagawa na exciting. Yung parang hindi ka nauubusan ng gagawin na nakakatuwa o kaya ay masaya. Ano ba sikreto mo diyan? Baka naman." tanong niya sa akin na parang reporter na nag-i-interview.
"Alin ba sinasabi mo?", sagot ko para linawin.
"Gaya ngayon, nakapag-bike ka na. Kagabi naman, parang galing ka ng inuman party party. Tapos may kasama ka pa yata na mga bagong chix. Nung sinundang araw, parang galing ka naman ng gym. Tapos nung isang araw pa, mukhang napasabak ka ng matindihang laro ng online games.", banggit ni Arvin nang mala-Eminem ang bagsakan.
"Ah yun ba? Ganyan talaga pag isa kang propesyonal na tambay.", sagot ko sabay tawa.
Kumunot ang kanyang noo at mukha na parang natitibi.... sabay sabi ng... "Hindi nga, seryoso?"
"Hobbies lang lahat yun.", diniretso ko na siya dahil parang aabutin ako ng hapon bago niya maintindihan ang ibig kong sabihin.
"Kahit yung mga chicks?", madaling isiningit ni Arvin na tanong.
"Ah yun, yung tamang chill na inuman ang trip ko. Hindi na laang maiwasan pag minsan na may mga makikilalang chicks. Mas masaya nga naman mag-inuman kapag may kakwentuhan man laang.", sagot ko na may tono ng pagbibiro (as usual).
Kita ko sa mukha nitong si Arvin na parang hindi niya ma-imagine kung paano nangyayari yung sinasabi ko. At dahil tinatamad akong magpaliwanag sa kanya kasi ako ay gutom na, nang maiabot sa akin yung binibili ko at ako'y makapagbayad ay umimik na ako ng....
"O siya, pauwi na ako at gutom na.", sabay talikod ko at pumadyak na pauwi...
Sa loob-loob ko, ang gusto ko lang talagang sabihin sa kanya ay "Walang basagan ng trip.". Pero dahil anak siya ng isang certified marites ay hindi ko na sinabi sa kanya ang aking buong pananaw sa buhay.
Eto kasi yun.... Bawat tao ay may kanya-kanyang trip na gawain sa buhay. Mga trip na nakagawian o kaya ay nakalugdan nang gawain. Hobbies kumbaga. Yan yung mga bagay na gustong gawain dahil sa iba't-ibang dahilan.
May mga tao na ang hobbies nila ay para sa kanilang katuwaan o entertainment gaya ng soundtrip o series marathon. Merong tao na ang hobbies ay para sa health and fitness gaya ng zumba o biking. Meron namang tao na ang hobbies ay literal na yung magtrabaho. At may mga tao na ang hobbies ay para mag-relax gaya ng mga nawiwili sa pagpunta ng mga beauty spa at massage spa. Para sa akin, ang pinakamasayang hobby ko ay walang iba kundi ang pagtambay.
Importante yang mga hobbies sa buhay ng tao. At importante din na may iba't-ibang hobbies ang tao, hindi yung isa lang na aabot sa punto na umay ang aabutin mo. Kapag andun na sa punto na parang hindi na mapakali kapag hindi nagagawa ang nag-iisang hobby na iyon ay adik na ang tawag dun. Mahirap yang ganyan, baka maya-maya lang ay PDEA na kumatok sa pinto ng bahay mo.
Pinaka-nakakaburyong na tao ay yung walang hobby na kahit ano. Kung isa ka dun ay mag-isip-isip ka na.