Tulala at hindi makapag-isip nang maayos, dahil sa isang ala-ala na nais kong mapanatili nang malinaw. Hindi ko namalayang sampung minuto ko nang binubuhusan ng tubig ang ulo ni Colby.
"Hoy, kuya, kailan mo ba ako sasabunan?" nanginginig na sambit nito. "Kumukulubot na balat ko sa palad e'." dugtong niya habang pinapakita sa akin ang maputla at kulubot niyang palad at daliri.
Matapos paliguan ay tinulungan ko siyang pumili ng damit mula sa drawer na hindi niya maabot. Isang sandong pula na may logo ni "Spider-man" at isang napaka-ikling asul na short ang kanyang natipuhan. Agad kaming dumiretsyo sa lamesa kung saan may nakahapag na kanin, saging, at menudo, lahat nang mga ito ay may kanya-kanyang takip. Wala si Tita Ran-ran, kaya't dalawa lamang kaming kumakain sa lamesa. Sampung minuto ang lumipas ay agad akong natapos sa pagkain, dahil sa pagkainip ay sinubuan ko na si Colby —napaka bagal kasi niyang kumain dahil mas nakatuon ang pansin niya sa kanyang cellphone. Ako'y humilata sa malambot at bagong biling sofa sa aming sala matapos hugasan ang mga plato at iba pang eating utensils. Ahhh... Kimochiii! Now, mas ramdam kong nasa bahay na talaga ako.
Ang pagpigil sa aking sarili na alalahanin ang mga naganap ay tila isang sakuna — ito'y hindi mapipigil nino man. Ang kanyang mukha ay biloghan, simple ang hugis nang kanyang ilong ngunit masasabi kong ito'y may katam-tamang tangos na para bang personal na dinisenyo ng Diyos. Perpektong ang sukat at hugis nang kanyang labi at sa tuwing ito'y nakatikom ay kusang lumilitaw ang linya sa magkabilang dulo nito. Ang kanyang amoy na ngayon ko lamang na amoy. Hindi ko matiyak kung ito ba ay isang uri ng perfume, ngunit sa aking palagay ay isa itong mahalimuyak na pulbos — I just can't imagine na isa 'yong pabango. Ang kanyang mga mata, mga matang ubod nang dilim na sa oras na ito'y iyong titigan nang mabuti ay makikita mo ang malinaw na repleksyon ng iyong sarili. At kahit ang suot niyang uniporme na suot din naman ng karamihan ay hindi mawala sa aking isipan. That's it... Inlove nanaman si manoy, sambit ko sa aking sarili habang nakangiti at nakatulala sa kisame.
"Baliw ang p*t@." sa hindi malamang dahilan ay narinig ko ang pagbulong ni Colby na naglalakad bitbit ang kulay silver 8th gen na iPad. Pinalagpas ko ito na parang alon dahil alam kong mas nakatatanda ako at may kakayahang pakalmahin ang sarili— ngunit sa totoo lang ay gusto ko nang tirisin ang kanyang itlog sa susunod na ako muli ang magpapaligo sa kaniya.
Sa paghinga ko nang malalim ay ginulat ako nang nakabibinging kulog na sinundan ng marami pang kulog at kidlat. Nag mamadali akong tumakbo sa labas ng bahay upang likumin ang aming mga sinampay. Habang yakap-yakap ang sangkaterbang mga damit, short, at marami pang iba ay aking nadama na ang mga ito ay nasa kalagitnaan ng tuyo at basa, ngunit masasabi kong ito ay may kaaya-aya at talagang mabangong amoy. I felt good knowing na ito ang amoy na maaamoy nila sa akin sa oras na ako'y pumasok sa paaralan. Matapos ang tatlong beses na paglabas pasok upang malikom ang mga damit ay bumalik ako sa aking kina-uupuan katabi ang mga damit at kinuha ang aking cellphone upang mag FB. Hindi nag tagal ay muli ko itong nilapag sa itim na lamesita at nakita ang nagbabalik na haring araw.
What an asshole... Ang buong street ay bumalik sa normal na 3:30 ng hapon. Isang maiinit, maliwanag, at malinis na asul ang matatanaw sa kalangitan. Kinuha ko ang mga nakasipit ng mga underwear at bra, lumabas at tumingala sa nakasisilaw na araw, inangat ang kanang kamay at gitnang daliri. "Fuck you, araw", bulong ko sa aking sarili. Ibinalik ko ang mga ito sa sampayan na nakalagay sa gilid ng aming bahay. Isa-isang inayos at pinaghiwalay ang mga makakadikit upang mas mapabilis ang proseso ng pagkatuyo. Matapos nito ay napansin ko sa gilid ng aking kaliwang mata ang isang pamilyar na tao.
"Tara kape!" sambit ni Mak na bakas ang tuwa sa kanyang mukha.
Ako'y tumango at sinuklian ang kanyang ngiti ng isa ring ngiti matapos makita ang Nescafé 3 in 1 sa kanyang kaliwang kamay. Hindi ko maipaliwanag ngunit sobrang genuine ng tuwang nadarama ko sa tuwing nakakakita ako ng kape, lalo na kung libre. Agad akong nagpainit nang tubig at hinanda ang dalawang tasa at isang kutsara. Naririnig ko ang usapan ni Mak at Colby, gaya ng nakasanayan ay magalang sumagot si Colby pagdating kay Mak. Nabuo ang takot nito sa kanya dahil isang beses niyang napanood ang video kung saan walang habas na binugbog ni Mak ang isang eight grader, noong mga panahong iyon ay grade 5 palamang si Mak. Hindi ko maipaliwanag ngunit noong mga panahoong ding iyon ay normal lang ang trato at tingin ko sa kanya. Isa siyang normal na bata sa tuwing kasama niya kami. Isang beses nga noong kami'y mga batang gusgusin pa lamang ay nadala ako ng pagkapikon at tinulak ko siya nang buong lakas habang kami'y nagbabasketbol, dahilan upang siya'y matisod sa batuhan. Puro gasgas ang kanyang tuhod at walang tigil ang pagdudugo nito, sinundan ko pa ito ng walang tigil na halakhak, halakhak na nag-aaya nang gulo. Ngunit kahit gaano ka kupal ang aking mga ginawa ay hindi siya nagtangkang lumaban, umiyak lamang siya gaya ng normal na bata.
Ang malakas na pagsipol ng takure ay naghudyat na dapat ko nang simulan ang pagtitimpla. Ang singaw na usok na nagmula sa malaking tasa ay kapansin-pansin habang ako'y lumalakad papunta sa sala. Kinuha ni Mak ang isa, kulay orange na may desensyong puting tuldok-tuldok. Ganoon din ang desenyo ng aking tasa, ang tanging pinagkaiba lamang ay ang kulay — kayumanggi ang nasa akin. Sa pag-agaw niya sa isang tasa ay sumenyas ang mga mata nito sa bagong barnis na hagdan, papunta sa taas ng bahay — sa terrace. Bumungad sa amin ang bilog na lamesang stainless na napagigitnaan ng dalawang upuang gawa rin sa stainless. Mababakas sa mga upuan at sahig na bagong gawa lamang ang terrace, nagkalat ang mga alikabok at pintura sa parteng ito ng bahay. Matapos pagpagan ay amin nang itinuloy ang pagkakape sa terrace na napupuno ng kaguluhan — nakakalat ang mga construction materials ng mga trabahador ni tita.
Sa kalagitnaan ng walang katuturan naming usapan — katulad ng debate kung magiging magpinsan ba kami kung sakaling nanalo si Hitler noong World War II or ano kayang mangyayari kung naging kamukha ni Hitler si Taehyung ng BTS — ay napabugtong hininga ako at mangiyak-iyak na tumingin sa langit. "Oh, banal na kalangitan at haring araw, may sama po ba kayo ng loob sa akin?" sambit ko sa isip habang nakaupo sa terrace at nakatulala sa biglaang pagbuhos ng malakas na ulan sa kalagitnaan ng matirik na araw.
"Gago, may kinakasal na tikbalang pre."
"T@ng*na, bakit 'di tayo invited?!" tugon ko habang nag mamadaling kunin ang mga naulanang damit.
Next Chapter! "Friday's Ballshit"