MATAPOS iulat ni Prinsipe Eldrich ang naganap na ambush ng mga pirata sa kanila nagkaroon ng agarang pagpupulong. Pinangunahan ni Duke Earl ang naturang usapin kung ano ang susunod nilang hakbang na gagawin. Ipinag-utos ng kamahalang hari ang agarang pagpapadala ng sundalo sa Elloi upang makatuwang ng hukbo ni Prinsipe Cid. Malamang na puntiryahin ng ibang mga grupo ng pirata ang Kaharian ng Elloi dahil sa nangyari. Ipinaghanda rin ang ibang kawal ng Alemeth na magbantay nang husto sa pantalan kung saan dumadaong ang mga malalaking sasakyang pandagat.

Kasama sa pagpupulong sina Seiffer at Azurine dahil kasama sila nang mangyari ang labanan. Si Seiffer na siyang gumamit ng mahika upang matalo ang mga kalaban at ang pinuno nitong si Zanaga.

Dahil sa ginawa ni Seiffer naiulat na sa buong kaharian ang kakayahan niyang gumamit ng mataas na uri ng mahika. Ngayon, mabuting minamatyagan ang kilos ni Seiffer ng mga tauhan ni Duke Earl.

Matapos ang masinsinang pagpupulong kaagad ding pinalabas ng silid ang tatlo. Nakaabang ang nag-aalalang si Octavio sa labas ng silid.

“Azurine!” wika ni Octavio, nakahawak ito sa magkabilang balikat ni Azurine.

“Okay na! Pasensya ka na kung pinag-alala kita,” nakangiting sagot ni Azurine sa kaibigan.

Ilang araw din silang wala sa palasyo. Nakaabang din sina Prinsesa Liset at Prinsesa Zyda. Batid sa mukha ng dalawa ang labis na pag-aalala. Hindi pa rin sila umuuwi sa kanilang kaharian dahil hindi pa sila pinapayagang bumalik.

Lumapit si Zyda kay Eldrich, bakas sa mukha ni Prinsesa Zyda ang pag-aalala kay Prinsipe Eldrich.

“Eldrich, mabuti at walang nangyaring masama sa inyo,” mahinang sabi ni Zyda. Tumingin lang sa kanya si Eldrich bago ngumiti.

“Salamat sa pag-aalala, Zyda. Hindi na kayo dapat manatili pa rito sa palasyo. Bukas na bukas din, hihilingin ko sa aking ama na payagan na kayong bumalik sa bansa ninyo,” pahayag ni Prinsipe Eldrich.

Napansin ni Azurine ang lungkot sa mga mata ni Zyda. Babae din naman siya kaya ramdam niyang tinatangi nito ang prinsipeng kanyang iniibig din. Hindi na nagpaalam si Seiffer basta na lang itong naglakad at iniwan silang lahat. Si Eldrich naman ang nag-anyaya sa kanila na manatili sa kanyang silid. Lahat sila ay sumunod sa prinsipe.

***

MAGKATABI sa malamot na sofa si Azurine at Zyda. Dalawang babaeng iisa ang iniibig. Hindi rin naman manhid si Zyda para hindi iyon makita. Habang abala ang iba sa silid tanggapan ni Eldrich, sinubukang kausapin ni Azurine si Prinsesa Zyda.

Nahihiya siyang mag-umpisa ng isang usapin, halatang hindi rin komportable si Zyda sa pagkakatabi nila.

“Uhm, kumusta?” alanganing tanong ni Azurine na ang tanging hangad ay magbukas ng isang usapan sa pagitan nila.

Hindi sumagot si Zyda, nakataas lang ang kilay nito at parang walang naririnig. Hindi naman sumuko si Azurine, muli niyang sinubukang kausapin si Zyda.

“A-Alam mo, ang galing makipaglaban ni Prinsipe Eldrich,” napapangiti niyang kuwento. “Sanay na sanay siyang gumamit ng espada, kahanga-hanga ang abilidad niya,” pagpapatuloy niya. “Siguro kung naroon ka lang—”

“Ano bang gusto mong palabasin?” biglang sumabat si Zyda. Hindi niya natiis ang pagkukuwento ni Azurine. May pamumula sa magkabilang pisngi niya. Nakataas ang kilay at naka-crossed arm nang pansinin niya si Azurine.

“W-Wala naman, gusto ko lang sabihin kung gaano—”

“Gaano mo hinahangaan si Eldrich? Bakit hinahangaan ko rin naman siya, ah!” madiing sabi ni Zyda. Pumipilantik ang kilay niya na nagpapahiwatig ng pagkairita.

Sinubukan pa ring ngumiti ni Azurine at magdala ng magandang awra sa pagitan nila. “A-Ang ganda naman ng kabibeng nasa kwintas mo,” papuri ni Azurine nang mapansin niya ang maliit na kabibeng nakasabit sa kwintas ni Zyda.

“Mahilig din ako sa mga kabibe. Heto, oh.” Ipinakita naman ni Azurine ang porselas niyang gawa sa mga maliliit na kabibe.

Napalitan ang inis sa mukha ni Zyda, mabilis na nagbago ang mood nito. Para siyang bata na nakakita ng interesanteng bagay sa kanyang paningin.

“Hmph! Maganda nga,” mahina at nahihiyang wika ni Zyda. “I-Ikaw bang gumawa niyan?”

“Oo! Mahilig kasi ako sa mga kabibe, marami nito sa—” Mabilis niyang pinutol ang pagsasalita niya nang maalala ang dagat na kanyang tirahan.

Namutawi ang pagtataka sa mukha ni Zyda, parang may sumulpot na maraming question mark sa paligid nila. Tumayo si Zdya saka humarap kay Azurine. Pinagmasdan niyang maigi ang babaeng nasa harapan niya.

Pinagpapawisan nang malamig si Azurine, hindi siya makatingin nang tuwid sa mga mata ni Zyda. Napapalunok-laway siya, kinakabahan kasi siya baka bigla itong magtanong at madulas siya.

“Hmmm… may inililihim kayo ng kaibigan mo, noh? Halatang-halata sa hitsura mo!” Tila imbestigador itong si Zdya, nakapisil pa ang daliri sa kanyang baba. “Bigla na lang kayong sumulpot dito sa palasyo tapos kinuha kayo ni Seiffer bago kinuha naman kayo ni Eldrich?” Nagpalakad-lakad pa si Zyda bago muling tumingin sa kanya. “Saan ba talaga kayo nanggaling?!”

“S-Sa malayong—lugar?”

“Bakit hindi ka sigurado kung saan kayo nanggaling? Ano ba kasing inililihim n’yo? Ha?!”

“Lihim? W-Wala naman kaming lihim.” Umikot ang mga mata ni Azurine palihis sa paningin ni Zyda. Lalo pang kumakapal ang pawis niya sa noo. Maging ang dalawang palad niya’y pinagpapawisan na rin. “G-Gusto lang talaga naming magtrabaho rito sa palasyo, iyon lang.” Tipid na ngumisi si Azurine.

“Sigurado akong may tinatago kayong dalawa!” Humalukipkip si Zyda. “Sorry pero, hindi ako aalis sa palasyong ito hangga’t hindi ko natutuklasan ang tunay n’yong pagkatao!” Itinuro niya nang madiin si Azurine gamit ang hintuturo.

Nagitla naman si Azurine sa pagpupumilit ni Zyda. Tunay nga ang balita na isang matapang na prinsesa itong si Zyda. Kayang-kaya niyang pamunuan ang isang hukbo at makipaglaban ng buong tapang.

Ano nang sasabihin ni Azurine ngayon? Para na tuloy siyang natatae sa pagkembot-kembot ng pwet niyang hindi mapakali. Lalo pang nakadagdag sa kakatuwang kilos ni Azurine ang paglapit ni Zyda saka bumulong sa tainga niya.

“Isa kang prinsesa, noh?” tamang hinala ni Zyda na ikinalaki ng mga mata ni Azurine. “Ah—ha! Tama ako, noh?!” pagdidiin pa nito.

Halos mapatalon sa upuan si Azurine, umatras na nga siya nang nakaupo sa sofa. Tumuntong si Zyda sa sofa’t pumaibabaw kay Azurine.

“Sabihin mo sa akin, saang kaharian kayo nagmula?” pabulong na tanong ni Zyda. Talagang matalino ang prinsesang ito tulad din sa maraming sinasabi ng mga tao. “Nakita na kita no’ng gabi pa lang ng pagtitipon. Dumating ka sa loob ng bulwagan na ang suot ay pampulubi. Pero nabanggit mo noon na ikaw ang nagligtas kay Prinsipe Eldrich? Naalala ko iyon. Hindi ko lang sinabi sa kanila dahil wala pa akong makalap na impormasyon tungkol sa inyo.” Lalo pang idinikit ni Zyda ang katawan niya sa katawan ni Azurine na napapailaliman niya.

“P-Prinsesa Zyda…,” nanginginig na usal ni Azurine sa pangalan ni Zyda.

Gumuhit ang nakakalokong ngisi sa labi ni Zyda, parang umaamin na rin na mayroon ngang lihim itong sina Azurine. Talaga namang mahina sa ganitong komprontasyon ang bida nating sirena.

Halos magdikit ang pareho nilang maubok na dibdib. Nagkikiskisan ang pareho nilang makinis na balat at pawang hinihingal ang kanilang bibig.

Nang biglang pumasok sa loob si…

“Uy! Napakagandang eksena!” sambit niya na may pagkamanyak sa mukha.

“Seiffer!”

“G-Ginoo!”

Sabay nilang nilingon ang bagong dating na lalaki. Nanlalaki ang mga mata at tulo laway. Halatang may madumi siyang iniisip sa posisyon nilang dalawa.

“S-Sorry, naistorbo ko ba kayo? Paalis na nga ako. Idinaan ko lang itong naiwan ni Eldrich sa silid pagpupulong.” Lalabas n asana si Seiffer nang mabilis siyang hatakin sa kuwelyo ni Zyda.

“Hindi ka aalis!” Isinara nang malakas ni Zyda ang pinto saka ni-lock ito.

May pinto sa loob ng salas kung saan naroon ang silid tanggapan ni Eldrich. Dahil sa ingay ni Zyda lumabas sina Eldrich, Octavi at Liset. Nakita nila ang awkward na posisyon ng tatlo sa sofa. Nakahiga sa sahig si Seiffer habang nakasakal sa leeg niya si Zyda at sa matambok na dibdib ni Azurine nakasubosob ang mukha ni Seiffer.

“P-Prinsesa!!!” sigaw ni Octavio na siyang ikinagulat ng ibang hindi nakaalam ng sekreto nila.

“Prinsesa?” taka ni Liset.

“Sabi ko na nga ba! May tinatago kayo sa amin ni Liset!” Pinakawalan niya ang mga kamay niya mula sa pagkakasakal kay Seiffer. Humarap siya kay Eldrich saka tinitigan ito nang tuwid.

“Huwag ka nang magsinungaling, Eldrich. Kilala kita, alam ko kapag may tinatago kayong dalawa ng baliw na Seiffer na ‘yan!” kompronta ni Zyda.

Napasapo na lamang sa noo si Eldrich dahil sa pagiging engot ni Octavio. Tawagin ba naman niya sa harapan ng dalawa na prinsesa si Azurine, natural lalong maghihinala ang mga ito.

“S-Sandali, bago kayo magpatuloy pwede ba—umalis ka sa dibdib ni Prinsesa Azurine!!!” sigaw ni Octavio sa masarap na pagsubsob ni Seiffer sa dibdib ni Azurine.

Hinatak nang tuluyan ni Octavio si Seiffer saka itinulak sa sofa.

“Kayo naman, ano naman ngayon kung malaman ng dalawang ‘to. Kilala namin sila, mabubuti silang kaibigan.” Napakamot si Seiffer sa ulo na parang wala lang sa kanya ang sitwasyong iyon.

Bumuntong-hininga si Eldrich. “Sabagay. Oh, siya makinig kayo. Sa inyong dalawa lang namin sasabihin ang bagay na ito.”

Dumagundong ang puso nina Azurine at Octavio. Magkahawak kamay ang dalawa’t inihahanda ang sarili sa pagtatapat na gagawin ni Eldrich. Malalaman na nga nina Prinsesa Zyda at Liset ang tunay nilang pagkatao?

Kumuha muna ng buwelo si Eldrich. “Prinsesa si Azurine, tama ang narinig n’yo.”

Inilapit pa nina Zyda at Liset ang tainga nila upang marinig ang iba pang detalye sa pagkatao ng dalawa.

“Prinsesa siya ng…”

“Nang ano?” pagmamadaling tanong ni Zyda.

“Isa siyang prinsesa ng kaharian ng… Lumbalumba!”

“Lumbalumba?” sabay nilang sambit.

Ano at saan ang kaharian ng Lumbalumba? Maging ako napapaisip din.

Mai Tsuki Creator