NASA pamilihan si Azurine, kasama niya si Prinsipe Eldrich. Sa pagkakataong ito, hindi nakasakay sa kabayo ang prinsipe. Nagbalatkayo siya na isang ordinaryong mamimili. Nakasuot ng mahabang hooded robe, may takip ang kalahati ng mukha, tanging mata lang ang makikita. Isinama niya si Azurine upang tulungan siya sa ginagawa niyang pagroronda sa palengke.

Araw-araw itong ginagawa ni Eldrich. Isa ito sa initaas sa kanya ng ama niyang hari. Dapat mapanatili ang tamang presyo ng mga paninda at hindi lumalamang sa kapwa ang mga tindero at tindera.

May napaaulat na kasing may tindahan daw na doble kung magpatong ng presyo sa kanyang mga paninda. Lalo’t katatapos lang ganapin ng Sallaria Summit Meeting. May mangilan-ngilan pa ring dumarayong mamimili na taga-labas ng bansa.

“Sigurado ka bang hindi ako makikilala sa suot kong ‘to?” bulong ni Eldrich sa katabi niyang si Azurine.

“Huwag kang mag-alala Prinsipe Eldrich, hindi ka nila makikilala,” paniniguro niyang sagot.

Inuna nila ang pamilihan ng mga produktong pagkain. Narito ang iba’t ibang klase ng karne, isda, mga laman-dagat, bigas, prutas, gulay at iba pang pwedeng kainin o ihalo sa pagkain.

May kasikipan ang makipot na daan dahil sa dami ng taong mamimili. Laging sariwa ang mga tinda rito lalo na ang mga pagkaing pandagat. Nakita ni Azurine ang mga kaibigan niyang isda na parang nagmamaawa ang mga mata. Napakapit siya sa tela ng balabal ng prinsipe.

Nang makarinig sila ng ingay na parang may nagtatalo. May kumpulan ng mga tao sa bandang dulo. Inusisa nila kung ano ang nangyayari sa lugar na iyon. Nakisiksik sila sa mga usiserong tao na nakapaligid.

“A-Ano pong nangyayari?” tanong ni Azurine sa lalaking mataba.

“Nag-aaway na naman ‘yong mag-asawa,” sagot ng lalaking mukhang tindero sa suot na apron sa katawan.

“Sila na naman?” mahinang bulong ng prinsipe.

Ang mag-asawang kilala sa araw-araw na pagtatalo. Palagi silang nag-aaway kahit sa maliit na bagay. Madalas nilang pagtalunan ang tinitinda nilang mga isda. Mahina kasi sa pagbibilang itong si lalaki kaya naiinis sa kanya ang asawa niya tuwing kulang ang benta nila. Matakaw naman itong si babae kaya hindi sila makaipon dahil sa maya’t mayang pagkain ng misis niya.

“Wala ka talagang kwentang asawa!” bulyaw ng babaeng may kalakihan ang mga braso’t tiyan.

“Ikaw itong walang kwenta! Ubos ang ipon natin dahil sa katakawan mo!” sigaw naman ng asawa niyang lalaki na sobrang payat.

Nagkabatuhan pa ng paninda ang dalawang mag-asawa. Sayang ang paninda nilang mga isda. Si Azurine tuloy itong nanlulumo sa nakikita niya. Ang mga kaibigan niyang isda basta-basta na lang inihahagis nang gano’n.

“Tulungan natin sila,” bulong niya na narinig naman ni Eldrich.

Ang akala tuloy ng prinsipe ang gustong tulungan ni Azurine ay iyong mag-asawa. Humakbang patungo sa puwesto nila si Eldrich. Iniiwasan niya na parang umiiwas sa matalas na espada ang nagliliparang mga isda.

“Itigil n’yo na ang pag-aaway! Hindi n’yo ba nakikitang nakakaabala kayo sa mga tao!” matikas na pahayag ng prinsipe.

Dahil hindi nila nakilala ang tinig nito at may nakabalot sa katawan at ulo niya, binalewala nila ang sinabi ng prinsipe.

“Hoy! Huwag kang makialam dito! Away mag-asawa ‘to!” Dinuro ng matabang babae ang prinsipe.

Ngayon lang iyon nangyari sa buong buhay ni Eldrich. Ngayon lang din yata siya nainsulto nang gano’n. Lalo pang ikinainis ng prinsipe, nang tamaan siya sa mukha ng malansang isda.

Tumakbo sa tabi niya si Azurine. “A-Ayos ka lang ba?” nag-aalala niyang tanong. Pero ang tinatanong talaga ni Azurine ay iyong isda na tumapal sa mukha ni Eldrich. Ang akala tuloy ni Eldrich sa kanya nag-aalala si Azurine. Kinuha ni Azurine ang isda.

Tinanggal naman ni Eldrich ang balabal niya’t nagulat ang mga tao sa nakita nila. Ang lahat ay biglang nayuko at nagbigay galang. Tila naging estatwang bato ang mag-asawa nang mapagtanto nilang ang prinsipe ang pumipigil sa kanilang dalawa. Nayuko sila at humingi ng maraming patawad sa prinsipe. Hindi naman iyon pinalampas ng prinsipe. Ipinatawag niya ang dalawa sa palasyo sa tanggapan ng kaayusan at katahimikan ng mga mamamayan. Isa itong departamento na pinamumunuan ng prinsipe. Layunin nitong isaayos at panatilihin ang mapayapang pamumuhay ng mga tao. Kapag may kaguluhan dito muna pinapatawag at kinakausap ng prinsipe para maisaayos ang anumang gulo.

***

ISANG malakas na tawa ang ginawa ni Seiffer matapos niyang marinig ang kuwento ni Azurine. Nasa sekretong silid sila at pinapakain si Seiffy. Hindi na ito munting dragon. Ang bilis nitong lumaki at kasing haba na ito ng mesa sa loob ng silid.

“Hay! Sana nakita ko ang hitsura ni Eldrich na may isda sa mukha, ha-ha-ha!” tawa pa niya.

“Hindi mo siya dapat pinagtatawanan nang ganyan! Pero mas nalulungkot ako sa mga isda.”

“Grabe, kumakain ang tao ng mga isda?” sabat ni Octavio habang pinagmamasdang kumain si Seiffy.

“Normal lang iyon, kasama iyon para mabalanse ang mundo. Nabasa ko iyon kinakain ng tao ang ibang karne ng hayop at halaman habang kinakain naman ng ibang hayop ang kapwa nila hayop at gano’n din ang mga halaman. Para siyang isang malawak na sapot ng mga nagkakainang nilalang.” Tumayo si Seiffer saka hinimas ang alagang dragon.

“May maitutulong ka ba sa mag-asawa para hindi na sila mag-away?” tanong ni Azurine.

Gumuhit ang nakakalokong ngiti ni Seiffer matapos marinig ang pakiusap ni Azurine. Lumapit siya sa estante ng mga potion. Kinuha niya ang love potion saka inilahad sa kanila. “Ito ang sagot sa matagal na nilang pag-aaway!” litanya niya sabay ngisi, labas ang pangil na ngipin.

“Mga ngisi mong ‘yan, may pinaplano ka na namang kalokohan, ano?” napapailing na sabi ni Octavio.

***

ININOM ng mag-asawa ang dinalang orange juice ni Azurine. Kasama niya si Octavio at Seiffer sa opisina ni Eldrich. Hindi pa tapos ang pag-uusap nila nang kumatok si Azurine at hinainan sila ng maiinom.

Matapos maubos ang orange juice, tila inantok ang dalawang mag-asawa. May natira pang kalahati sa baso ng babae bago ito tuluyang napapikit sa antok. Nagtaka si Eldrich, ginising niya ang dalawa sa pagyugyog.

Maya-maya’y may kumatok sa pinto. Pumasok ang malaki at maskuladong lalaki. Si Duke Earl, may kailangan siya sa prinsipe. Nang magising ang matabang babae, kanyang kinuskos ang inaantok na mga mata. Una niyang nasilayan ang mukha ng duke.

“Mahal ko?” malambing na wika ng babae. “Ang gwapo mo! In love na in love ako sa ‘yo!” Niyakap ng babae ang duke nang mahigpit. Sobrang higpit na parang lintang hayok sumipsip ng dugo.

“T-Teka, a-ano’ng nangyayari rito? H-Hindi ako ang asawa mo!” pagpupumiglas na sambit ni Duke Earl.

Nawindang ang mga tao sa loob sa pangyayaring iyon. Lalo pang lumala ng magising ang asawang lalaki. Una niyang nakita si Octavio. Inakala ng lalaki na siya ang asawa nito.

“Mahal ko? Ba’t ang sexy mo?” Sinunggaban niya kaagad ang katawan ni Octavio.

Nanginig ang buong kalamnan ni Octavio sa ginagawang paghimas ng matandang lalaki sa kanya. “G-Ginoong Seiffer!!!” sigaw ni Octavio.

“Ops!” Tatakas pa sana si Seiffer, palabas na sana siya ng pinto nang humarang si Duke Earl sa kanya.

Tumalim ang tingin ng duke kay Seiffer. “Ano na namang kalokohan ‘to?”

“Teka, huwag n’yo pong pagalitan si Ginoong Seiffer, ako naman po itong may gusto na tulungan sila,” sabat ni Azurine na nag-pu-puppy eye. “Gusto ko lang naman pong matulungan ang mga kaibigan kong isda. Ayoko na silang nadadamay sa away ng mag-asawa!” pagtatapat niya.

Natulala ang lahat. Clueless sila sa tunay na nais ng dalagang awang-awa sa mga isda.

“Ano bang sinasabi niya?” nagtatakang tanong ni Duke Earl, na isang biktima sa love potion ni Seiffer.

Ang love potion na hinalo ni Azurine sa inumin ng mag-asawa ay may kakayahang makaramdam ng matinding pagtingin sa unang taong makikita nito matapos makaidlip. Kahit sinong tao basta una niyang masisilayan, kaagad eepekto ang potion at makakaramdam ng kakaibang kuryenteng kikiliti sa buong katawan. Gugustuhin ng taong uminom nito na palagi niyang kayakap ang taong mahal niya. Iyon ang naisip na paraan ni Seiffer para hindi na mag-away ang mag-asawa. Ito rin ang pagkakataon na mate-testing niya ang love potion.

Pero hindi naman matagal ang epekto nito. Dahil testing pa lang naman, mahina lamang ito at may mababang durasyon ng oras na eepekto. Makalipas ang ilang sandali nawala rin ang epekto ng love potion.

“Teka, sino ka?” takang tanong ng asawang lalaki na nakapulupot sa katawan ni Octavio.

“Hala! Mahal na Duke? P-Patawa po!” Hiyang-hiyang nayuko ang asawang babae matapos makitang nakayapos siya sa duke.

Napapalakpak naman si Seiffer dahil tapos na ang epekto ng kanyang eksperimento. Napasapo na lamang sa noo si Eldrich sa dagdag kaguluhang dulot ng pangyayari sa opisina niya.

Muli, inayos ni Prinsipe Eldrich ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang mag-asawa. Pansamantalang nagpaalam si Duke Earl matapos niyang masabi ang importanteng pakay niya kay Eldrich. Ibinulong niya iyon sa prinsipe.

Pinatayo ni Eldrich ang mag-asawa upang humingi ng tawad sa isa’t isa at mangako na hinding-hindi na sila gagawa ng anumang kaguluhan na makakaapekto sa ibang tao sa palengke.

“Patawad, pangako hinding-hindi na kita sisigawan kahit mali-mali ang pagsusukli mo. Pagsasabihan na lang kita nang maayos.” Lumapit ang asawang babae sa lalaki at binigyan niya ito ng isang halik sa labi.

Awkward para sa mga taong nakasaksi ng halik na iyon.

Nahihiya namang sumagot ang asawang lalaki, “A-Ako rin, hindi na kita pipigilan kung gusto mong kumain. Siguro, magtatabi na lang ako ng panggastos natin.”

Humarap ang dalawang mag-asawa sa prinsipe. “Patawad po Kamahalang Prinsipe, pasensya na po sa kaguluhang idinulot namin.”

“Wala iyon, ayoko ko lang na may napepirwisyo dahil sa simpleng away mag-asawa. Sige na makakaalis na kayo ng opisina ko.”

Muling nagbigay galang ang dalawa, bago tuluyang lumabas ng pinto humabol pa si Azurine.

“Paki usap po, huwag n’yo na pong ihahagis ang mga isda!” paalala niya.

“Mga isda?” taka ng mag-asawa.

“A-Ang ibig pong sabihin ni Azurine, ingatan n’yo po ang mga benebenta n’yong isda. Mahalaga po sila, ayaw naman po ng mga maimili na bumili ng hindi sariwang isda, hindi po ba?” paliwanag ni Octavio, may alanganing ngisi sa labi.

Tumango ang mag-asawa bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Octavio. May punto naman kasi ang binata.

Tuwang-tuwa naman si Azurine sa kinalabasan ng pag-uusap. Kahit may aberya dahil sa love potion ni Seiffer. Naging maayos naman ang lahat.

At iyon nga ang nangyari, simula noon hindi na hinahagis ng mag-asawa ang paninda nilang isda. Hindi na rin sila ang-aaway tulad ng dati. Wala na ang kumpulan ng mga taong nakikiusisa sa dalawa.

Hindi kaya epekto pa rin iyon ng love potion? O sadyang nadadala lang talaga ang lahat sa mabuti at mahinahon na pakikipag-usap sa kapwa tao.

Pagkabalik nina Seiffer, Octavio at Azurine sa silid. Binulungan ni Seiffer si Azurine.

“Hindi mo pa ba ginagamit ang memory potion?” bulong na tanong ng binata.

Bumulong pabalik si Azurine, “H-Hindi pa. Natatakot kasi ako,” sagot niya.

“Ayaw mo bang malaman kung eepekto nga talaga ‘yang ginawa ko? Nakita mo naman ang love potion kanina, ‘di ba? Subukan mo na kaya?” bulong ni Seiffer na nag-uudyok kay Azurine.

Natahimik si Azurine at napa-isip. Gagamitin na nga kaya niya ang memory potion? Tatalab naman kaya iyon?

Mai Tsuki Creator