NAGULAT si Azurine nang makita si Prinsipe Eldrich sa loob ng palasyo ng Elloi. Maging si Eldrich ay nagtaka kung bakit naroon si Azurine kasama si Seiffer.

Nasa mahabang mesa sila kung saan nakaupo sina Azurine, Seiffer at si Prinsipe Cid. Kararating lang sa palasyo saka kapapasok lang sa silid kainan nang makita niyang nakaupo roon ang dalawa.

Nagkatitigan muna sila ni Seiffer bago nagtanong si Eldrich, “Anong ginagawa n’yong dalawa rito sa Elloi?” seryoso nitong tanong.

“Hmmm…wala naman, dumadalaw lang sa kaibigan, ‘di ba, Cid?” nakakalokong sagot ni Seiffer na may nakakalokong ngiti.

“Hoy! Huwag mo ‘kong idamay d’yan. Nagulat nga ako sa bigla mong pagpunta rito,” pagtanggi ni Cid, umiling-iling ang ulo niya.

Nakatakda talaga ang pagpunta ni Eldrich sa Elloi upang kausapin si Prinsipe Cid. Bilang susunod na hari dapat nitong iulat ang estado ng kanilang kaharian. Lalo na’t may kasunduan ang lahat ng bansa sa Sallaria. Katulong din ng Elloi ang Alemeth sa pagsupil sa mga pirata ng dagat.

Tumutulong din ang Alemeth sa mga mamamayan ng Elloi, marami silang inaangkat na produkto galing sa Alemeth.

“Ahem, siguro mamaya n’yo na lang pag-usapan ang ibang bagay. Tayo na’t pag-usapan muna ang importanteng diskusyon sa ating kaharian,” saad ni Prinsipe Cid.

Iyon nga ang nangyari, pinag-usapan nila ang mahahalagang bagay na makapagpapabuti sa relasyon ng dalawang bansa. Highlight ng pag-uusap nila ang ipapadalang hukbo ng Alemeth upang magbantay sa baybayin ng Elloi. Balak nilang tugisin ang mga pirata ng dagat.

***

MATAPOS ang mahalagang pagpupulong, nagtungo ang hukbong pinapangunahan ni Prinsipe Eldrich kasama ng hukbo ng pinamumunuan ni Prinsipe Cid. Nagtungo sila sa baybayin ng Lagoon. Ang Lagoon ay lupain sa tabi ng dagat, walang naninirahan dito dahil lahat ng mga tao ay nasa loob ng pader ng Elloi.

“Roronda kami sa gawing kanan ng aking hukbo, kayo nama’y sa kaliwa magtungo,” suhestyon ni Prinsipe Cid kay Eldrich.

“Oh, sige. Gumawa ka ng signal kapag may namataan kayong kalaban,” sagot ni Prinsipe Eldrich.

Tumakbo sakay ng kanikanilang kabayo si Prinsipe Cid ang mga kawal niya.

Samantala, kasama naman ni Eldrich sina Azurine at Seiffer. Nakasakay si Azurine sa likod ni Prinsipe Eldrich habang nasa ibang kabayo naman nakasakay si Seiffer nang nag-iisa.

“Mga kawal! Magmatyag kayo rito, tatahakin namin ang baybayin sa kaliwang dereksyon. Maghintay kayo rito at kapag nakita ninyo ang signal ng kabilang hukbo o signal ko ay kaagad kayong sumunod,” buong tikas na utos ng prinsipe.

“Masusunod po Kamahalan!” sabay-sabay sagot ng mga kawal.

Tumakbo patungo sa kaliwang dereksyon sina Eldrich, habang naiwan nang tuluyan ang mga kawal doon.

Sa mabilis na pagtakbo ng kabayo ay sandaling nahinto ito at nagpatuloy sila sa mabagal na paglakad ng kabayo.

“Ngayon tayong tatlo na lang ang magkakasama, ipaliwanag n’yo na kung bakit kayo na rito sa Elloi?” mariing tanong ng prinsipe.

Hindi naman nakasagot kaagad si Azurine. Hinihintay ng dalaga na magsalita si Seiffer, ayaw kasi niyang may masabing hindi dapat masabi lalo na ang tungkol kay Seiffy.

Lumingon si Eldrich kay Seiffer. “Baka may gusto kang sabihin sa akin, kapatid ko?”

“Hmmm…,” waring nag-iisip si Seiffer ng isasagot. “Wala naman! Napadalaw lang talaga ako rito, iyon lang.”

“Kung gano’n, eh, bakit mo kasama si Azurine? Hindi ba’t nasa pangangalaga ko na siya ngayon! Hindi mo na maaaring gawin ang anumang gustuhin mo nang walang pahintulot ko!” Tuluyang huminto si Eldrich, bumaba siya ng kabayo habang hawak niya ang tali ng kabayo.

“Teka, saan ka pupunta?!” tawag ni Azurine.

Bumaba rin ng kabayo si Seiffer. “Ang mabuti pa tapusin na lang natin ‘tong pagroronda tapos umuwi na tayo sa palasyo. Pangako, hinding-hindi ko na lalapitan si Azurine!” Itinaas niya ang kanang kamay na tila nanunumpa na tutuparin ang kanyang pangako.

“Sandali lang! Ako ‘tong kusang pumunta kay Ginoong Seiffer, hindi ba’t maaari ko naman siyang puntahan at dalawin gaya ng sinabi mo, Prinsipe Eldrich.”

“Oo, pero nagbago na ang isip ko.” Hinatak ni Eldrich ang tali upang mapasunod ang kabayo sa paglalakad. “Nangako akong poprotektahan kita, lalo na ang sekreto mo, ‘di ba?” ngumiti ang prinsipe kay Azurine.

Nagmarka ang lungkot sa mukha ng dalaga. Hindi naman iyon ang gusto niyang mangyari.

Sa gitna ng kanilang diskusyon, napansin ni Seiffer ang hindi tamang pagkilos ng tubig sa dagat.

“Sandali! Tumigil muna kayo at manatili sa isang tabi!” mabilis niyang utos na agad sinunod ni Eldrich kahit hindi niya alam kung bakit.

Itinabi ni Eldrich ang kabayong sinasakyan ni Azurine. Nilapitan niya si Seiffer upang alamin kung ano ang kakaibang napansin ng kapatid.

“Ano’ng problema, Seiffer?” takang tanong ni Eldrich.

“Ang dagat, kakaiba ang pagkilos ng tubig.” Umatras si Seiffer, nang makumpirma ang kanyang hinala kaagad niyang hinablot ang kapa ni Eldrich upang umatras ito. “Kailangan na nating lumayo sa dagat!!!” atubili niyang sigaw.

Napansin kanina ni Seiffer ang pag-atras ng alon ng tubig sa dagat. Sa una’y mabagal ito nang biglang bumilis ang pag-atras na tila may humahatak sa tubig papunta sa gitnang bahagi ng dagat. Tumaas nang tumaas ang tubig at naipon ito sa pusod ng karagatan.

Mabilis na sumakay sa kabayo ang dalawang prinsipe upang umalis sa tabing dagat. Nagawa pang magbigay ng signal ni Eldrich sa ibang mga sundalo. Sa pamamagitan ng pagpapalipad ng asul na paputok na siyang kumalat sa kalangitan, nagbibigay hudyat ito ng pag-atras o pag-alis sa kinaroroonan nilang lugar.

Ngunit, hindi na nakalayo pa ng takbo ang kabayo ng dalawang prinsipe. Mabilis ang naging pangyayari na parang may malakas na pwersang tumulak sa tubig patungo sa kalupaan.

Isang tidal wave ang humampas sa dalampasigan, nawasak ang mga puno’t halamang nakatanim sa paligid nito. Sa sobrang lakas ng pwersa malayo ang inabot ng paghampas ng alon ng dagat. Pagbalik ng tubig sa dagat kasamang natangay nito ang tatlo.

Nilamon sila ng dagat, hindi kaagad nagawang makaahon ni Eldrich dahil sa mabilisang paghatak ng tubig sa katawan niya. Pero pinilit niyang lumangoy at umahon upang makahinga.

Nang makaahon ang ulo niya sa tubig kaagad niyang ibinaling ang pansin sa paligid. “Azurine?! Seiffer?!” tawag niya sa dalawang kasama.

Lumangoy siya nang lumangoy hanggang makarating siyang muli sa baybayin. Nakita niya roon ang dalawang kabayo na ligtas. Naglakad siya sa tabing-dagat upang hanapin ang dalawa. Bigo si Eldrich na makita sina Azurine at Seiffer. Sandali siyang naupo sa buhangin. Hindi niya alam kung anong gagawin, hindi niya matatanggap kapag may nangyaring masama sa dalawa.

Tinanaw niya ang galit na karagatan, ayaw pa rin paawat ang pag-alon nito nang malakas. Ngunit hindi na katulad kanina.

Nang makarinig ng malakas na pagsigaw si Eldrich sa mismong dagat.

“Ad levare!!!”

Magic spell iyon ni Seiffer upang umangat sa kawalan. Nakita ni Eldrich na nasa loob ng isang magic barrier si Seiffer, may hawak na scepter at akay-akay sa kabilang kamay si Azurine.

Nabalot ng takot ang paningin ni Eldrich matapos na lumapag sa lupa si Seiffer. Sa sobrang panghihina ng binata naibagsak niya sa lupa si Azurine. Walang malay ang dalaga, ni hindi niya alam na lumitaw na ang kanyang sekreto.

“A-Azurine!!!” Mabilis na niyakap ni Eldrich si Azurine sa kanyang bisig. “A-Ang mga paa mo?” Tinanggal ni Eldrich ang basang kapa niya saka itinakip sa litaw na buntot ni Azurine.

Hinihingal naman at pilit itinayo ni Seiffer ang sarili niyang katawan saka lumapit siya kay Eldrich.

“Sandali kong nasilayan ang mga kawal na papalapit dito, siguradong hahanapin nila tayo. Hindi nila maaaring makita si Azurine sa tunay nitong anyo,” pahayag ni Seiffer.

Walang sinayang na oras si Eldrich. Marami pa siyang katanungan kay Seiffer, pero makakapaghintay iyon. Importante sa mga sandaling iyon ay ang maitago nila si Azurine.

Mabilis na tumayo si Eldrich, binuhat niya si Azurine. Pinilit naman ni Seiffer na gumamit muli ng magic spell. Hindi niya maaaring gamitin ang teleportation spell dahil kulang na ang mana niya.

“Invisibilia!!!” Itinuktok ni Seiffer ang dulo ng scepter niya sa lupa. Gumawa siya ng parang tela ng mahika. Tumakip ito sa katawan nila ni Eldrich. Ito ang cloth of invincibility. Kaunting mana lang ang kailangan ni Seiffer para rito. Hindi sila makikita ng kahit sino, sa pamamagitan nito maitatago nila ang sarili nila’t walang makakakita ng tunay na anyo ni Azurine.

Sa kanilang mabagal na paglalakad, nakakita si Seiffer ng kweba. Isang kweba na hindi nalalayo sa baybaying dagat. May dipang lakad lamang ito at nakatago sa bungad ng kagubatan.

Pumasok sila sa loob ng maliit na kweba. Upang hindi matagpuan ang kanilang pinagtataguan itinakip ni Seiffer ang cloth of invincibility sa bunganga ng kweba.

Tinulungan ni Seiffer si Eldrich, kanyang inilatag ang kapa ng prinsipe sa lupa upang higaan ng dalaga. Wala paring malay si Azurine.

Naupo sa nakaumbok na bato si Seiffer, pagod na pagod sa paggamit ng mahika. Si Eldrich nama’y nakatitig sa walang malay na sirena.

Tinapos ni Eldrich ang katahimikan sa pagitan nila ni Seiffer. “Binaggit mo kanina ang tunay niyang anyo?” Tumingin si Eldrich nang tuwid kay Seiffer. “Alam mong hindi siya ordinaryong tao?” pag-uusig niya sa kapatid.

Hindi muna sumagot si Seiffer, mayamaya’y nagising na rin si Azurine. “P-Prinsipe Eldrich?” Una niyang nasilayan si Eldrich at nang ibaling ang pansin sa kabila. “Ginoong Seiffer?” Matapos nito’y ibinaling naman ang pansin sa kanyang paa. “Kyahhh!!!” malakas niyang sigaw na biglang pinahinto ni Eldrich sa pamamagitan ng pagtakip sa bibig nito.

“Shhh! Huwag kang maingay, baka mahanap tayo ng mga sundalo.” Tinanggal ni Eldrich ang kamay niya.

“A-Ang paa ko!” Bigla niyang tinakpan ang mukha niya sa sobrang hiya.

“Alam ko na naman na isa kang sirena hindi ba? Wala kang dapat ipangamba, Azurine,” pag-aamo ni Eldrich sa nahihiyang babae.

Kahit papaano'y napagaan naman ni Eldrich ang loob ni Azurine sa pamamagitan ng kanyang matamis na ngiti at malambing na tinig. Alam ni Azurine na ligtas siya at walang dapat ipangamba basta't kasama niya ang kanyang prinsipe.

“Matagal ko na rin namang alam!” sambit ni Seiffer.

“G-Ginoo? Alam mo? Kailan?” atubiling tanong ni Azurine.

“Oo nga Seiffer, sabihin mo kailan mo nalaman? At hanggang ngayon, patuloy ka pa ring gumagamit ng mahika kahit matagal ka nang pinagbawalan ni Ama?”

Bumuntong-hininga si Seiffer sa sunod-sunod na tanong ng dalawa. Wala na rin siyang magagawa dahil nasa sitwasyon na sila na dapat na rin siyang magsalita.

Mai Tsuki Creator