NAPANSIN ni Azurine ang matalik niyang kaibigang si Octavio. Nakatago ang binata sa poste kung saan pinagmamasdan niya ang nakaupong Prinsesa Lilisette sa damuhan ng hardin.

“Ang cute talaga ni Prinsesa Liset, noh?”

“O-Oo talagang ma—” Napalingon ito sa gilid niya. “Nyaahh! I-Ikaw pala, Azurine.” Hindi niya namalayang tinabihan na pala siya ni Azurine. Namula ang buong mukha ni Octavio sa hiya.

“Bakit hindi mo siya lapitan at kausapin?”

“Ano ka ba! Isa siyang prinsesa at ako…” Nahinto siya sa pagsasalita nang bigyang sulyap niya ang prinsesa. “Isa lamang akong katulong. Katulong ng pasaway na prinsipeng ‘yon!”

“Narinig ko ‘yon!” Sumulpot sa kung saan si Seiffer. “Prinsesa Liset!!!” tawag niya sa prinsesa na siyang ikinalingon nito.

“Kuya Seiffer!” Kumaway pabalik si Prinsesa Liset.

Lalo pang isinuksok ni Octavio ang sarili niya sa likod ng poste. Halatang-halata ang kabadong binata nang mapansin sila ng prinsesa.

“Okay ka lang ba, Octavio?” tanong ni Azurine.

“Syempre, hindi.” Gumuhit ang nakakalokong ngiti ni Seiffer. “Ayan  at papalapit na siya.” Halatang tinutukso niya si Octavio.

“Tumigil ka nga! Pahamak ka talaga!” sigaw ni Octavio. Nang mamalayan niyang nasa harapan na niya ang napupusuan niyang prinsesa.

“Sinong pahamak?” nagtatakang tanong ni Prinsesa Liset. “At bakit ka nagtatago diyan sa likod?” usisa pa niya.

“Ah! A-Ano, w-wala naman!” Nagtago si Octavio sa likod ni Seiffer. “A-Anong gagawin ko?” bulong niya.

“Sigurado ka bang ayos ka lang?” Sumilip si Liset sa likod ni Seiffer kung saan kabadong nagtatago si Octavio. “Gusto mo bang makipagkwentuhan sa akin?” aya ng prinsesa.

“A-Ano? kuwentuhan? S-Sa ‘yo?”

“Oo naman! Hinihintay ko kasi si Lady Zyda, ang alam ko kasi kasama niya ngayon si Prinsipe Eldrich.” Pansamantalang ibinaling ni Liset ang pansin kay Seiffer. “Itong si Kuya Seiffer naman, may ginagawa.”

“Hindi ko pa kasi tapos utusan ‘tong katulong ko na maglinis ng silid. Kaya tama ka, itong si Octavio muna ang kausapin mo.”

“Oh, hayan si kuya Seiffer na mismo ang nagsabi. Tara!” Hinawakan ni Liset ang kamay ni Octavio saka hinatak ito palabas sa likod ni Seiffer.

“S-Sandali lang! H-Hindi ba ako tutulong sa paglilinis?”

“Huwag kang mag-alala, kasama nman ako ni Azurine sa kuwarto, nyahahaha!” Tumawa nang nakakaloko si Seiffer.

“H-Hindi maaari!!!” bulyaw ni Octavio. “Huwag mong gagawan ng kamanyakan ang Pri—ang ibig kong sabihin si Azurine!”

“Masyado ka namang mapanghusga, Octavio.” Kapagganitong lumalabas na ang pangil ni Seiffer, ibig sabihin tuwang-tuwa siya sa panunukso sa tao. Umiral na naman ang kapilyuhan niya at si Octavio ang madalas niyang pag-trip-an.

Binitiwan ni Liset ang kamay ni Octavio. “Hindi mo ba gustong makipagkwentuhan sa akin?” Para siyang maamong pusa na kumikinang ang mga mata sa pagkalungkot. Sino bang hindi maaawa sa mga matang iyon?

“G-Gusto ko! Ang totoo n’yan, gusto talaga kitang makilala nang husto, Prinsesa Liset!” ani Octavio.

Lumiwanag ang paligid, tila kuminang at nagkaroon ng bahaghari ang nasilayan ni Octavio nang ngumiti si Liset. Para siyang nasa langit inaawitan siya ng mga anghel sa sobrang ka-cute-an ni Prinsesa Liset.

“Tara na!” yakag ng prinsesa.

Magkahawak kamay ang dalawa nang tunguhin ang hardin. Bago tuluyang umalis lumingon pa si Octavio kina Azurine at Seiffer.

“Hoy! Manyak na prinsipe! Umayos ka lagot ka sa akin kapag may ginawa kang kalokohan!” Itinaas pa ni Octavio ang kamay niya at isinuntok ang kamao sa hangin. Waring nagbabanta sa pilyong si Seiffer. Isang belat lamang ang isinukli ng wizard kay Octavio.

***

NAMIMITAS ng bulaklak si Liset, iniipon niya iyon sa isang mababaw na basket. “Tingnan mo, marami na akong napitas na mga bulakalak,” aniya sa binatang kasama niya sa hardin.

“Mahilig ka talaga sa mga bulaklak, Prinsesa?” namamanghang tanong ni Octavio. Namumula ang mukha ni Octavio, hindi niya magawang tingnan nang tuwid si Liset. Ngayon pa lang niya naramdaman ang ganitong klase ng kilig. Ibang-iba ang buhay niya sa ilalim ng dagat, wala pa siyang nakikilalang kasing hinhin at kasing ganda ni Liset.

Natural na maganda para sa kanya si Azurine, hindi nga lang mahinhin. Ibang-iba ang personalidad ng dalawa. Hindi maiwasang ikumpara ni Octavio ang prinsesang nasa harapan niya sa prinsesang matagal na niyang kilala.

“Alam mo, sa bansa namin walang tumutubong bulaklak. Malamig kasi sa Sario, tanging mga puno lamang na kayang tumagal sa lamig ang tumutubo roon. Maraming asong lobo sa bansa namin. Kaya ang simbolo ng crest ng maharlikang pamilya ay hugis ulo ng lobo.” Inilabas ni Liset mula sa bulsa niya ang crest ng kanilang pamilya.

Ipinakita niya ito kay Octavio. “Ang crest na ito ay mula pa sa aking ina. Pumanaw siya matapos akong ipanganak. Kaya nag-iisa lang akong anak.” Gumuhit ang lungkot sa mga mga ni Liset matapos niyang alalahanin ang kanyang ina. “Si Kuya Seiffer, siya ang tumayong kuya ko noong nasa Majestic Academy pa kami. Malaki ang pasasalamat ng aming bansa sa bansang Alemeth. Kaya nang sinabi ng Haring Amadeus na pipili sila ng mapapangasawa ng anak nila, kaagad akong nagprisinta.”

“A-Ano? G-Gusto mo talagang mapangasawa ang isa sa kanila?”

Biglang nahiya si Liset, lumihis ito ng tingin. Kunwaring inaayos ang mga pinitas na mga bulaklak. “N-Nagkakamali ka ng iniisip! H-Hindi gano’n iyon!”

Tumigil si Liset sa kanyang ginagawa saka napatingin sa langit. “Kung sakali lang naman na walang magustuhan si Kuya Seiffer o walang magkainteres sa kanya… handa akong maging kabiyak niya.” Saka siya tumingin nang tuwid sa mga mata ni Octavio. “Ang kaso, alam kong kapatid lang ang turing niya sa akin at kahit kailan hinding-hindi mangyayaring titingnan niya ako bilang isang babaeng asawa niya.”

Nang marinig ni Octavio ang pagtatapat ni Liset sa kanya nagkaroon ng itim na awrang pumalibot sa buong katawan niya. Basag ang puso niyang tila salaming nagkapira-piraso.

“Oh, bakit bigla kang nalumbay d’yan?” pansin ni Liset sa nanlulumong si Octavio.

“Eh, kasi…” nakanguso niyang anas. “Wala na yata akong pag-asa…” bulong pa niyang muli.

“Pag-asa?” walang muwang na tugon ni Liset.

“Ano bang nagustuhan mo sa pasaway na prinsipeng ‘yon? Wala naman siyang ginawa kundi magbigay ng sakit ng ulo sa ibang tao lalo na sa pamilya niya.”

“Naku! Nagkakamali ka! Iniisip mo bang may gusto ako kay Kuya Seiffer?”

“Hindi ba gano’n din naman ‘yon.”

Bahagyang nangiti si Liset. “Ano ka ba! Matagal nang tapos iyon. Noong nasa academy pa kami tanggap ko nang kapatid lang ang turing niya sa akin. Masaya lang ako na makasama siya rito sa palasyo. Masaya akong tulungan siya, gano’n lang ‘yon.”

Biglang nabuhayan ng loob si Octavio, bumalik ang kulay ng paligid at nawala ang itim na awrang pumapalibot sa kanya. “T-Talaga?”

Tumango si Liset bilang sagot. “Ang mabuti pa ikuwento mo naman ang tungkol sa sarili mo Octavio.”

Sandaling natahimik si Octavio. Hindi niya alam kung anong sasabihin. Naging seryoso bigla ang hitsura niya.

Napansin naman ni Liset ang biglaang pag-iba ng presensya ni Octavio. “O-Okay lang kung ayaw mong magkuwento tungkol sa sarili mo. Pasensya ka na,” malungkot niyang sabi sa binatang katabi niya.

“Ako ang dapat humingi ng pasensya! Gustuhin ko man…” Hindi maituloy ni Octavio ang pagsasalita niya. Ayaw niyang magsabi ng kahit ano tungkol sa kanya, sa kanila ni Azurine.

Nagulat si Octavio nang biglang hawakan ni Liset ang kanyang kamay. Pumikit ang prinsesa saka hinimas-himas ang palad niya.

“Batid kong hindi mo maaaring sabihin ang tungkol sa buhay mo. Huwag kang mag-alala hindi kita pipilitin.” Nang imulat ni Liset ang kanyang mga mata, ngumiti siya. “Ang sabi mo gusto mo pa akong makilala hindi ba? Gano’n din ako! Gusto pa rin kitang lubos na makilala, hindi man ngayon alam kong balang araw!”

Nag-spark ang paligid nilang dalawa. Dumampi sa balat ni Octavio ang mainit na hanging umihip ng mga sandaling iyon. Isang masiglang butil ng liwanag ang unti-unting lumitaw ang nagbigay ginhawa sa pakiramdam ni Octavio. Tila huminto ang oras, tanging silang dalawa lang ang tao sa hardin. Lalo pang tumindi ang paghanga ni Octavio sa prinsesa. Ibang-iba talaga siya sa lahat. Napatunayan niya na… tunay niyang iniibig si Prinsesa Lilisette. Love at first sight, ika nga.

Tumagal pa ang kuwentuhan nila. Hindi man nagkwento tungkol sa sarili niya nakinig naman siya nang buong puso kay Liset. Napuno ng tawanan ang hardin. Hindi nila namalayan ang oras dahil sa masayang kuwentuhan.

“Ibig sabihin, pansamantala lang ang pagtuloy n’yo rito sa palasyo?” usisa ni Octavio.

“Oo! Alam naman kasi namin ni Lady Zyda na wala pa sa isip ng dalawang prinsipe ang pag-aasawa. Nagprisinta lang talaga kami para may rason sila sa huli na wala silang napiling prinsesang pakakasalan. Alam mo na, para lang sa ikatatahimik ng hari at reyna.” Mahinang natawa si Liset.

Iyon naman talaga ang naging plano ni Zyda at Liset. Sila na lang ang magprisinta sa hari at reyna na piliing kabiyak ng dalawang prinsipe. Kaya nga parang balewala lang nang malaman ng dalawang prinsipe na sila pala ang napili ng kanilang mga magulang.

Malapit na kaibigan ng dalawang prinsipe ang dalawang prinsesa kaya kampante silang malaya pa rin sila at hindi kailangang itali ang mga sarili sa isang kasunduan.

“Ibang klase rin kayo, noh!” Natawa rin si Octavio nang marinig ang tunay nilang rason. Bigla siyang may naalala, katulad na katulad din ng kasunduan ng mga bansa sa Sallaria. Ang pinagmulan nila ni Azurine na may katulad ding kasunduan.

“Ang mabuti pa bumalik na ako sa silid ni Ginoong Seiffer, mamaya kung ano nang ginagawa niya kay Azurine!” Tumayo si Octavio, napansin niyang may lungkot sa mga mata ni Liset. Hindi siguro nito gustong maiwang nag-iisa. Kaya naman iniabot ni Octavio ang kamay niya sa harap ni Liset. “Halika sumama ka na, Prinsesa Liset.”

Masayang inabot ni Liset ang kamay ni Octavio upang tumayo. Nakaalalay si Octavio sa tabi ng prinsesa. Magkasabay silang maglakad at may kapirasong agwat sa gitna nila. Pero para kay Octavio, balang araw mawawala rin ang agwat na iyon. Balang araw kapag maaari na niyang ipagtapat ang lahat, sasabihin niya iyon kaagad kay Lady Liset.

***

Nang makarating sa silid ni Seiffer, nagulantang kaagad si Octavio nang makarinig ng kakaibang ingay. Ingay na parang may umuungol sa sakit? Tinig pa iyon ni Azurine.

“P-Prinse—A-Azurine!” sigaw niya sabay tulak sa pinto. “Ano’ng ginagawa mo—”

“Octavio, nakabalik ka na pala.” Natigil si Octavio nang makitang nakakagat sa braso ni Azurine si Seiffy, ang munting dragon.

“A-Anong ginagawa sa ‘yo ni Seiffy?” nagtatakang tanong ni Octavio.

“Kinagat niya ako kanina no’ng pinapakain ko siya. Hanggang ngayon ayaw pa rin niyang bitiwan ang braso ko.”

“I-Isa ‘yang—dragon?!” bulalas na sigaw ni Liset.

Pinapasok nila nang tuluyan si Liset sa loob saka ni-lock ang pinto.

“Shhh!!! Huwag kang maingay,” buong nina Azurine at Octavio.

Lumabas si Seiffer mula sa sekretong silid dala ang higaan ni Seiffy. Nakita niya si Liset na gulat na gulat sa baby dragon.

“Aba! Narito na pala ang umiibig na binata!” asar ni Seiffer.

“Hoy! Huwag mong ibahin ang usapan! Ano’ng nangyari rito?” bulalas niyang nag-iinit ang ulo sa mapang-asar na wizard.

Kaagad naman tinangal ni Seiffer ang dragon at inilagay ito sa higaan. Pinainom niya ng healing potion si Azurine upang mawala ang marka ng kagat ni Seiffy. At dahil naroon si Liset, wala na silang nagawa kundi ipagtapat ang buong pangyayari sa kuweba kung saan nila natagpuan ang itlog na napisa at ngayon ay isa nang dragon.

“Kuya Seiffer, ano na naman itong ginawa mo?” Nahihilong wika ni Prinsesa Liset. Ang prinsesang bumihag sa puso ni Octavio.

Mai Tsuki Creator