ISANG napipintong labanan ang kasalukuyang kinakaharap ng hukbo nina Prinsipe Eldrich. Kasama niya sa pagbalik sa Alemeth sina Seiffer at Azurine. Sa ngayon, napapalibutan sila ng mga pirata na nag-ambush sa kanila.

Matapos magpaalam at lisanin ng hukbo ni Prinsipe Eldrich ang kaharian ng Elloi, nagpatuloy sila sa paglalakbay pauwi sa Alemeth. Hindi pa man sila tuluyang nakakalabas sa nasasakupang teritoryo ng Elloi nang tambangan sila ng grupo ng mga pirata.

Kaharap nila ngayon ang pinuno ng grupong ito.

“Ikaw si Zanaga, ang isa sa tatlong kilabot ng karagatan.” Turo ni Prinsipe Eldrich sa maskulado at maraming tattoo sa katawang lalaki. May hawak itong matabang espada na may tila pangil na talim.

Ngumisi ang lalaking may itim na awrang pinapakawalan sa paligid. “Heh! Kung suswertihin ka nga naman ang sikat na prinsipe ng Alemeth ang ating nabingwit ngayong araw!” Tinapik-tapik pa ni Zanaga ang bahagi ng espada niya na walang talim sa kanyang balikat.

Mabilis na humarang ang ilang sundalo upang protektahan si Prinsipe Eldrich. Nakasakay sila sa kabayo’t hindi makakilos dahil sa nakapalibot na mga tauhan ni Zanaga.

Lahat ng mga piratang ito ay armado ng matataas na uri ng sandata. Mula sa dual blade kunai hanggang sa dekalibreng long sword ay mayroon sila. Mga nakaw nila ang mga ito mula sa kanilang mga nakalabang sundalo sa ibang kaharian.

“Alam n’yo na ang gagawin n’yo! Patayin ang mga kawal at dakpin ng buhay ang prinsipe.” Nabaling ang tingin ni Zanaga kay Azurine. “Buhayin n’yo na rin ang babaeng kasama ng prinsipe. Maibebenta natin sa mataas na halaga ang magandang kasama nila.” Hinawakan ni Zanaga ang talim ng kanyang espada saka ito dinilaan.

Nanindig ang balahibo ni Azurine sa takot lalo na sa mala-hayop na kilos ni Zanaga. Siniguro naman ni Eldrich na walang dapat ipag-alala si Azurine. Hinawakan niya ang kamay ni Azurine at pinahigpit ang paghawak nito sa kanyang baywang.

“Poprotektahan kita!” paniniguro ng prinsipe.

Inilapit ni Seiffer ang kabayo niya sa tabi ng kabayo ni Eldrich. “Eldrich, mas makakalaban ka kung wala si Azurine sa likod mo.”

“Ano? Pero sino’ng poprotekta sa kanya?”

“Ako na ang bahala!” Ibinaling ni Seiffer ang pansin kay Azurine. “Azurine, sandaling lumipat ka muna sa kabayo ko!” utos niya.

Tumingin muna si Azurine kay Eldrich upang hingiin ang kanyang pagsang-ayon. Tinugon naman kaagad iyon ni Eldrich, pinalipat muna niya ang dalaga sa kabayo ni Seiffer.

“Mga kawal, protektahan n’yo sina Prinsipe Seiffer!” mariing utos ni Eldrich na agad sinunod ng mga kawal.

Pinaikutan ng ilang kawal sina Seifer at Azurine, habang may kawal namang nakaprotekta sa harapan ni Eldrich.

Tumawa nang malakas si Zanaga. “Sugod mga pirata!!!” Itinuro niya ang talim ng kanyang espada sa hukbo ni Eldrich.

Mabilis na sumalakay ang mga tauhan ni Zanaga. Nagkaroon ng palitan ng pagtaga ng kanikanilang sandata. Mas marami ang bilang ng mga pirata mas mabilis na nabawasan ang kawal ni Eldrich.

Tumaginting ang tunog ng metal nilang armas. Bawat paghataw ng kalaban ay siyang pagtama ng talas nito sa iba’t ibang parte ng katawan ng mga sundalo ni Eldrich. Hanggang sa bumaba sa sampo na lamang ang natitira niyang kawal.

“Bwahahaha! Puro kalawang ‘yang mga sundalo mo! tinuturuan n’yo bang lumaban ang mga iyan o masyado na kayong naging kampante sa tinatamasa ninyong katahimikan!” bumulalas ang tawa ni Zanaga sa kapaligiran.

“Tsk!” Inis ni Eldrich. Para sa tulad niyang pinuno ng hukbo isa iyong insulto sa katauhan niya.

Inilabas na ni Prinsipe Eldrich ang kanyang espadang nakasukbit sa tagiliran niya. Bumaba siya sa kabayo at naglakad patungo sa unahan. Isang double edge sword na may crest ng maharlikang pamilya sa hawakan ang uri ng kanyang sandata. Sumisimbolo ito na isang mataas na tao ang nagmamay-ari ng espadang ito. Nag-iisa lamang ito na pinanday para lamang sa prinsipe.

“Mukhang lalaban ka na rin, Prinsipe!” Pomorma si Zanaga, nakahanda na siyang sumugod at kalabanin si Prinsipe Eldrich.

Sa pag-ihip ng malakas na hangin at pagbagsak ng dahon sa lupa sabay na sumunog si Zanaga at Eldrich sa isa’t isa. Kasabay nito ang pagsugod din ng mga pirata sa natitirang sundalo ng prinsipe.

Umalingawngaw ang tunog ng sandata ng dalawang naglalaban at nagtatagisan ng lakas.

At dahil nalalapit na silang maubos naisip na ni Seiffer na sumali sa laban.

“Eldrich!” sigaw ni Seiffer sa kapatid. “Ituloy mo lang ang pakikipaglaban sa piratang panget na ‘yan!” Gamit ang magic scepter niya, nag-cast si Seiffer ng magic spell. “Ad levare!” Lumutang ang katawan niya sa kawalan.

“Ginoo!” pangambang tawag ni Azurine.

Nabaling din ang pansin ni Zanaga sa paglutang ni Seiffer. Napaatras siya ng lundag saka tumigil sa pagsalakay kay Eldrich.

“Paanong—”

“Sa akin ka tumingin!” Isang malakas na paghataw ang ginawa ni Eldrich. Ngunit, mabilis naman iyong nailagan ni Zanaga.

Likas na magaling sa pisikal na pakikipaglaban si Eldrich. Siya ang sunod na malakas sa kaharian ng Alemeth. Walang makatalo sa kanya pagdating sa paghawi ng espada.

Nadaplisan ang braso ni Zanaga, gumuhit ang sugat at lumabas ang kapirasong dugo. Pinahiran ito ni Zanaga gamit ang sarili niyang kamay. “Hmph! Hindi na masama,” pagmamalaki nitong sabi.

“Eldrich! Umalis ka na d’yan!” sigaw ni Seiffer na nakalutang at nakataas ang isang kamay habang hawak sa kabila ang magic scepter.

“A-Anong—?” udlot ni Eldrich sa kanyang sasabihin.

“Prinsipe Eldrich, pumarito ka na!!!” sigaw ni Azurine.

Hindi sana aatras si Eldrich dahil hindi iyon gawain ng isang mananandata. Ngunit para kay Azurine, ginawa ni Eldrich ang pag-atras. Kinuha niyang muli ang kanyang kabayo’t sumakay dito.

Naubos na rin ang kawal ni Eldrich at natitira na lamang silang tatlo. Bumagsak na sa lupa ang mga kawal na pinamumunuan niya. Nakakapanlumo sa parte ni Eldrich na makita ang bangkay ng mga sundalong duguan at brutal na pinagpapatay.

Kinuha ni Eldrich si Azurine saka ipinasakay muli sa kanyang likuran. Umaasa na lamang sila sa gagawin ni Seiffer upang makaligtas sila.

“A-Ano ang bagay na ‘yan?!” Nanlaki ang mga mata ni Zanaga nang makita ang kamay ni Seiffer na may namumuong malaking bola ng itim na mahika.

Biglang dumilim ang kalangitan kumulog at kumidlat. Napaatras ang mga pirata sa kanilang kakaibang naramdaman. May itim na parang usok ang pumapalibot sa kanilang katawan.

“A-Ano’ng nangyayari, Pinuno?!” sigaw na tanong ng isa sa tauhan ni Zanaga.

“Malay ko! Tsk!” Napatitig na lamang si Zanaga dahil maging siya ay hindi rin makagalaw sa lumitaw na usok sa paligid nila.

Pero hindi si Zanaga nagpatinag, isa siya sa tatlong kilabot ng karagatan. Matapang, malakas at tuso. Hindi siya ang tipo na basta-basta pinapakawalan ang nabingwit niyang isda.

“Hindi pa rito nagtatapos! Humanda ka!!!” sigaw na paglusob ni Zanaga sa kinaroroonan nina Eldrich.

Nakataas at nakahandang itaga ni Zanaga ang kanyang matabang espada sa katawan ng kabayong sinasakyan nina Eldrich.

“Hindi ako papayag na wala akong maibebentang bagay mula sa inyo!” Hinawakan niya nang dalawang kamay at buong pwersang ihahataw na ang kanyang espada nang biglang tamaan ito ng nakakakuryenteng kidlat.

“Graahhh!!!” sigaw ni Zanaga. “Ughh!!!” Hinihingal siyang napaluhod sa lupa. Nagtamo siya ng sunog sa dalawang kamay na umabot hanggang braso niya.

Napatingin ang lahat kay Seiffer. Nabuo na ang inihandang magic attack ng black wizard. Handa na niya itong gamitin muli at sa pagkakataong ito, full force na may double damage ang hatid nito.

“Akala ko hindi ko na masusubukan ang magic attack na ‘to! Mukhang, pinapayagan na akong ipakita ang tunay kong kakayahan sa paggamit ng mahika!” mayabang na sabi ni Seiffer.

“Argh!” Kagat-ngipin si Zanaga sa mga nakikita niya. “Ang alam ko ikaw ang walang kwentang panganay na prinsipe ng Alemeth. Wala akong makukuha sa ‘yo! Pero ano ‘tong ipinapakita mo?!!!” singhal ni Zanaga. Bakas ang galit sa pagsalubong ng dalawang kilay niya’t pagkulubot ng balat sa noo.

“Mula ngayon, ipinapaalam ko sa inyong lahat—ang pagbangon ng mahika sa mundong ito!!!” Itinutok ni Seiffer ang kamay niya sa ibaba kung nasaan si Zanaga.

Nang makita ang kilos ni Seiffer, kaagad niyang pinaatras ang mga tauhan niya. pinalibutan ng mga pirata ang kanilang pinuno upang protektahan.

“Lightning spear!!!” malakas na bigkas ni Seiffer. Naghalo ang itim na usok at kidlat na mula sa langit. Namuo ang magic cicle sa kanyang kamay. Tuwid na itinaas ni Seiffer ang kamay niya’t sinalo ang kidlat. Sa isang kisap-mata mabilis niyang ibinaba muli ang kamay at tinira ang magic attact sa dereksyon nina Zanaga. “Scatter!!!”

Mabibilis na parang umuulan ng kidlat na siyang tumatama sa dereksyon ng kalaban. Tumusok at kumuryente sa katawan ng mga pirata ang atakeng iyon ni Seiffer. Mabilis na natumba sa lupa ang mga tauhan ni Zanaga. Nangingisay at isa-isang binabawian ng buhay. Nangilabot si Zanaga sa kanyang nasaksihan.

“Hindi!!!” bulalas niyang sigaw. Ang akala niya ay tapos na’t naprotektahan siya ng kanyang mga tauhan ngunit hindi…

Ang huling lighting spear ni Seiffer ay tumama sa kaliwang braso ni Zanaga. Naputol ang braso niya’t sumirit ang dugo mula rito. Labas ang laman niya’t napahiyaw si Zanaga sa sobrang sakit ng pinsala niya. “Graahhh!!!”

Tumilapon ang braso ni Zanaga sa paanan ni Seiffer matapos niyang bumaba sa pagkakalutang sa kawalan.

“Seiffer!” tawag ni Eldrich.

Gumuhit ang nakakalokong ngiti sa labi ni Seiffer. “Ganito pala…ganito pala ang pakiramdam na malaman ang tunay kong lakas!”

“G-Ginoo!” Bababa sana ng kabayo si Azurine nang pigilan siya ni Eldrich.

“Umuwi na tayo, Seiffer!” Pinaliko ni Eldrich ang kabayo niya upang tumuloy na sa pag-uwi. Wala siyang itinugon kay Seiffer. Ayaw na niyang lumalim ang nararamdaman niyang hindi maganda sa itinuring niyang kapatid.

Nakahanda nang sumakay sa kabayo si Seiffer nang kumilos si Zanaga.

“Hahayaan mo akong mabuhay?” Itinayo niya ang sariling katawan kahit natagas ang dugo sa kanyang putol na braso. “Humanda ka! Ako mismo ang papatay sa ‘yo! Pagbabayaran mo ang ginawa mo!!!”

Isang nakakalokong tawa lang ang isinukli ni Seiffer sa sinabi ni Zanaga. Sumakay siya ng kabayo’t tinitigan muna nang matalim ang piratang talunan. “Itatak mo sa utak mo ang pangalan ko, Seiffer Wisdom isa akong black wizard!”

Matapos magpakilala’y tuluyan na siyang sumunod kina Eldrich at Azurine, pauwi sa Alemeth.

Mai Tsuki Creator