KINAKABAHANG humarap sina Azurine at Octavio sa harap ng kamahalang hari at reyna na nakaupo sa kanilang trono. Kasama ng dalawa ang panganay na prinsipe ng Alemeth na si Prinsipe Seiffer Ciel’ Ruffus. Ngunit iba ang pakilala ng binata sa dalawa no’ng una nila itong makilala. Isa raw siyang black wizard pero nagulat na lang sila nang malamang isa pala itong prinsipe.

Ngayon, dahil sa kagustuhang tulungan si Azurine na makausap ang isa pang prinsipe na si Prinsipe Eldrich Ciel’ Ruffus, ginawa silang personal maid ni Seiffer.

“Seryoso ka ba?!” Nakakunot ang noo ng kamahalang hari.

Nakaluhod ang isang tuhod at nakayuko sina Azurine at Octavio habang nakatayo si Seiffer at nakikipag-usap sa kanyang ama.

“Alam kong may nagawa silang kahihiyan no’ng gabi ng kasiyahan at pinagsisisihan na nila iyon. Ako ang mananagot sa lahat ng maidudulot nilang sakit ng ulo sa inyo, Ama.”

“Ang lakas ng loob mong magsabi nang ganyan! Ikaw nga itong promotor ng kaguluhan sa palengke no’ng gabi ring iyon.” Nakahawak na sa ulo ang hari, hinihilot-hilot ang kanyang sumasakit na ulo.

“Isang pasaway na prinsipe at dalawang…” Tinigitan muna ng reyna ang dalawa sa paanan niya. “Hindi natin alam kung saan galing ang dalawang taong ‘yan! Mamaya mga espiya pala sila ng ibang kaharian.”

“Sa tingin ko ay hindi!” biglang sabat ni Prinsipe Eldrich na bagong dating lang.

Nagtama ang tingin ni Azurine at ng prinsipe. Kuminang ang mga mata ng dalaga. Sa paningin niya’y napapalibutan silang dalawa ng mga butil ng liwanag. Kumikinang na parang dyamante ang kakisigan ni Prinsipe Eldrich.

“Eldrich, wala namang masama ‘di ba kung kukunin ko silang personal na katulong ko?” May ngising nang-iinggit si Seiffer sa kapatid niya.

“Uhm…oo! Wala namang masama. Kung sa akin lang walang problema.” Nilapitan ni Eldrich si Azurine, itinayo saka magiliw na nginitian. “Sa tingin ko, hindi talaga pulubi ang magandang binibining kagaya mo.” Kinuha pa ni Eldrich ang kamay ni Azurine saka hinalikan ito.

Umangat ang init sa buong mukha ni Azurine, kulang na lang umusok ang magkabilang tainga niya sa kilig. Hindi mapakali at hindi makapagsalita, tila umurong ang kanyang dila. Maging si Octavio, hindi rin maka-react sa ginawa ng prinsipe.

Maya-maya’y dumating ang kawal, lumapit kay Prinsipe Eldrich. May ibinulong ang kawal sa prinsipe, isang mahalagang balita.

“Ama, kailangan ko na pong bumalik sa baybayin ng  Apores. Sasalubungin ko ang pagbabalik ni Duke Earl,” pamalita ni Eldrich.

“Osige, tamang-tama mamayang gabi ang ikalawang gabi ng pagtitipon. Darating naman ang ibang konseho at tagapagpayo ng iba’t ibang bansa ng Sallaria.”

“Paalam po, Ama, Ina.” Tumingin muna si Eldrich kay Azurine. “Gusto pa kitang makausap…?” nagtatanong na wika niya.

“A-Azurine! Ako si Azurine,” pakilala ng dalaga.

“Magandang pangalan para sa binibining may magandang asul na buhok.” Ngumiti pa siya bago tumalikod.

“Hindi ka ba magpapaalam sa akin, Kapatid?”

Lumapit si Eldrich saka inakbayan ang kapatid. “Paumanhin, Seiffer! Usap tayo mamaya basta siguraduhin mo lang na hindi ka na naman tatakas sa pagtitipon!”

“Nyahahaha! Oo naman! Lalo pa’t bumalik na si Lo—ibig kong sabihin ang Duke!” malokong sagot ni Seiffer.

Nawala ang pinangangambahang tensyon ni Azurine. Mukhang maayos naman pala ang relasyon ng magkapatid. Akala kasi niya hindi sila okay.

Matapos umalis ni Prinsipe Eldrich, wala na ring nagawa ang kamahalang hari kundi tanggapin ang dalawa sa kanilang palasyo. Ngunit dahil personal silang katulong ni Seiffer wala silang magiging kuwarto tulad sa ibang katulong.

Bumalik na nanghihina sina Azurine at Octavio sa silid ni Seiffer. Iniisip nila ngayon kung saan sila tutuloy sa malaking palasyo. Naupo muna sila sa malambot na kama bago tinanaw ang kalikasan sa labas mula sa bukas na bintana.

“Paano na tayo ngayon Prinsesa?”

“Sinabing huwag mo na ako tatawaging prinsesa, mamaya may makarinig pa na ibang tao mapahamak pa tayo.”

“Eh, paano na nga?” naguguluhang wika ni Octavio.

Nang lumabas si Seiffer mula sa unang pinto sa kanang bahagi ng silid. Ang katabing silid nito ay ang banyo at ang silid tanggapan naman ay nasa kaliwang pinto. May isa pang maliit na pinto sa kaliwa na sa pagkakaalam nila ay naka-lock.

“Hali kayong dalawa!” tawag ni Seiffer.

Sumunod naman sila kaagad. Binuksan ni Seiffer ang pinto paloob kung saan siya lumabas kanina. Nagulat ang dalawa sa pagkamangha.

“W-Wow! Ano’ng kuwarto ito?” manghang tanong ni Octavio.

“Ito ang silid aklatan ko. Dito ako nag-aaral ang mga aklat na ‘yan ay halos nabasa ko na.”

Iginala ng dalawa ang paningin nila sa apat na sulok ng kuwarto. May kalakihan din ito at may dalawang palapag na puno ng aklat. May hagdan sa gilid na gawa sa kahoy, ang lahat ng kasangkapan ay mukhang makaluma. Mga antigong bagay na hindi pa nakikita ni Azurine sa ilalim ng karagatan.

Ang nakaagaw pansin sa mga mata ng dalaga ay ang malaking aklat na nakapatong sa ibabaw na patungan na gawa sa kahoy. Nag-iisa lang ang aklat na iyon at sobrang kapal ng pahina. Nakakahilong tingnan dahil sa mga maliliit na titik na hindi maintindihan ni Azurine.

“Ano bang klaseng aklat ito?” usisa ni Azurine.

“Sek-re-to!” Itinapat ni Seiffer ang hintuturo niya sa kanyang labi. “Pwede n’yong basahin ang kahit anong libro rito maliban diyan sa isang ‘yan.” Isinara ni Seiffer ang aklat.

“Dito na muna kayo tutuloy. Nakita n’yo naman may kama rito na pwede n’yong tulugan.”

Naging masaya ang dalawa nang makita na may dalawang kama na nakatabi sa magkabilang dingding. Mabuti na rin kaysa magpalaboy-laboy sila sa labas ng palasyo.

At iyon nga ang nangyari, simula ng araw na iyon naging personal na katulong ni Seiffer ang dalawa. Pero para kay Azurine, isa pa ring misteryo ang pagkatao ni Seiffer. Batid niyang marami itong tinatagong sekreto. Gano’n din naman sila, ni isa ay wala silang sinasabi na kahit ano sa kanya. Pasalamat pa rin sila at tinulungan sila ng binatang ito.

***

IKALAWANG gabi ng pagtitipon para sa Sallaria Summit Meeting. Ngayong gabi naman dinaluhan ito ng mga konseho, tagapayo at pangunahing tagapagsalita si Duke Earl Goodwill. Kababalik lamang niya galing sa karatig kaharian upang ipahayag ang usapang pangkapayapaan na kanilang binuo. Kasama ng duke ang iba pang konseho ng Alemeth na kasapi sa Peace and Order Council. May kasiyahan pa ring magaganap sa loob ng palasyo pero ang mismong meeting ay gaganapin sa pribadong silid. Ang silid tanggapan para sa pagpupulong ng mga mahahalagang tao ay bantay sarado ng maraming kawal.

Samantala, habang nagkakaroon ng pagpupulong sa pribadong silid na iyon si Azurine naman ay nawawala sa palasyo.

“Octavio? Ginoong Seiffer?!” tawag ni Azurine.

Nananalangin siyang may makarinig o makakita sa kanya at tulungan siyang makabalik sa bulwagan ng palasyo kung saan ginaganap ang kasiyahan. Mula kasi sa bulwagan alam na niya ang daan papunta sa kuwarto ni Seiffer, pero sa lugar kung nasaan siya ngayon, wala siyang kaalam-alam.

Inutusan kasi siya ni Seiffer na pumitas ng mga bulaklak mula sa hardin ng palasyo na nasa labas at likod mismo ng mataas na pader ng kaharian. Nagawa naman niya ito subalit hindi na niya alam kung paano bumalik.

May nilikuan kasi siyang bahagi ng palasyo at sa tingin niya iyon ang dahilan ng pagkaligaw niya. Madilim pa naman sa bahagi kung saan siya naroon. Walang sindi ang mga sulo sa gilid na dapat ay mayroon.

Natatakot na si Azurine, hindi na niya alam ang gagawin. Hawak-hawak ang pula, puti at asul na bulaklak na inutos ni Seiffer sa kanya.

“Ginoong Seiffer…”  nangangatal na bulong ni Azurine.

Bigla siyang natigil nang makarinig ng yabag ng sapatos. Malaki, mabigat at parang sa malaking tao ang yabag na ito. Umatras si Azurine, nasandal siya sa pader habang nakahawak sa dibdib. Damang-dama ng dalaga ang sariling tibok ng puso dahil sa kaba. Maya-maya’y napapikit na lamang siya nang lumitaw ang mainit na liwanag na siyang sumilaw sa kanyang mga mata…

***

ISANG malakas na tawa ang nagpaingay sa kinaroroonan ni Azurine. Kasama niya sa hardin ay walang iba kundi si Prinsipe Eldrich. Kanina lang halos himatayin na siya sa sobrang takot. Nang imulat niya ang kanyang mga mata si Duke Earl pala kasama si Prinsipe Eldrich ang naglalakad na iyon. Ang malaking yabag ay kay Duke Earl, dahil sa laki ng kanyang sapatos.

“Pasensya na sa abala, Kamahalang Prinsipe,” nahihiyang paumanhin ni Azurine.

“Wala ‘yon! Hindi ko lang mapigilan ang tawa ko. Hay! Ang cute kasi ng reaksyon mo kanina.”

Imbis na ihatid ni Eldrich si Azurine sa silid ni Seiffer, niyaya niya ang dalaga na makipagkuwentuhan muna sa kanya. Hindi rin naman kasi kailangan sa pagpupulong si Eldrich, sinamahan lang niya ang duke sandali lumabas bago bumalik muli sa pribadong silid.

Ngayon nga ay nasa hardin sila nakaupo sa damuhan. Hindi mapalagay itong si Azurine, para siyang kitikiting hindi mapakali. Heto na ang hinihintay niyang pagkakataon upang makausap ang prinsipe. Huminga siya nang malalim saka dinukot sa bulsa ang medalyong pinakaiingat-ingatan niya.

Ipinakita niya kaagad ito kay Eldrich. “W-Wala ka bang natatandaan?”

Sandaling pinagmasdan ni Eldrich ang medalyon, ne-record sa sariling isipan ang hitsura nito. Nang maalala niya bigla…

“S-Sandali ba’t na sa ‘yo ang medalyong ito?” nagtatakang tanong ni Eldrich.

Umihip ang malamig na hangin, humalimuyak ang bango ng mga bulaklak sa paligid. Lumuhod si Azurine habang nakaupo sa madamong lupa si Eldrich.

“T-Teka, a-ano’ng ginagawa mo?” gulat ng prinsipe nang makitang niluhuran siya ng babae.

Mula sa kalangitan, gumuhit ang liwanag patungo sa kinaluluhuran ni Azurine. Isang nakakaakit na awitin ang kanyang inawit.

Laaa lalala la la lalahah... ahh... lanlala lala la la lalalahah...

Awit na nakakapagpagaan sa kalooban. Lumitaw ang mga butil ng liwang na tila alitaptap na kumikislap.

Pagkamangha ang naging reaksyon ng prinsipe. Natulala siya sa napakagandang awiting inaawit ni Azurine. Wala siyang imik, kusang pumikit ang kanyang mga mata at ninamnam ang bawat sandaling iyon.

Nang matapos ang mahiwagang awit ni Azurine, may luhang namuo sa gilid ng mga mata ng dalaga. “N-Natatandaan mo na ba? Kilala mo na ba ako?” aniya.

“P-Pasensya ka na…” Umiling ang prinsipe. “Pero, maganda ang awitin mo! Napakahiwaga.”

“T-Talaga?” Ngumiti si Azurine, sa loob niya’y pagkadismaya. Hindi pa rin siya naalala ng prinsipe.

Pero may inamin ito sa kanya na nagpanumbalik ng kanyang sigla.

“Hindi ko alam kung paano napunta sa ‘yo ang medalyon ko. Pero, alam mo… pakiramdam ko, iniligtas na ako ng awitin mo? Isang trahedyang hindi ko na maalala ang buong pangyayari. Ang nararamdaman ko ngayon ay pamilyar na pakiramdam?”

Sa isip ni Azurine. “Maaari kayang nawala nga ang memorya niya?”

“Alam mo kasi, ang sabi sa akin ng aking Inang Reyna. May nangyari raw na trahedya sa karagatan na sakay kami ng kapatid kong si Seiffer. Nailigtas siya pero ako…parang nalunod daw ako? H-Hindi ko alam! Wala kasi akong matandaan…”

Nakahawak sa ulo si Eldrich, pinipilit niyang alalahanin ang nakaraan pero…wala. Hindi niya ito magawang alalahanin.

“O-Okay lang! Huwag mong pilitin ang sarili mo! Sapat na sa akin na malamang ikaw nga iyon.” Isang mahigpit na yakap ang mabilis na ginawa ni Azurine.

Natulala si Eldrich at hindi makapaniwala sa mga nangyari. Hindi niya iyon inaahasahan. Isang yakap mula sa babaeng tila may kinalaman sa kanyang nakaraan.

Para naman kay Azurine, isa iyong paniniguro. May kahihinatnan naman pala ang kanyang pagsadya sa lupa.

Nang maramdaman ni Azurine na ibinalik ni Eldrich ang yakap na ginaw aniya. Dama ni Azurine ang malapad na palad na nakapatong sa kanyang likod. Pakiramdam niya ay ligtas siyang pinoprotektahan ng mga kamay ng prinsipe.

“Gusto kong makilala ka pa nang husto, Azurine.”

“Oh, aking prinsipe!” Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi. Para sa kanya isa itong, tagumpay!

Pareho silang tumayo at nagkatitigan. Nahihiya man ay hindi inalis ni Azurine ang kanyang mga mata sa paningin ng prinsipe. Nang ilang sandali pa ay…

“Ahem! Nakakaabala yata ako?”

“G-Ginoong Seiffer?”

“Nasaan na ang mga bulaklak ko?”

Nawindang na hinahanp ni Azurine ang mga bulaklak na inilapag niya kanina sa lupa. Nang makita niya ito nagmadali siyang damputin ang mga bulaklak. Tumakbo siya patungo sa kinatatayuan ni Seiffer nang bigla siyang pigilan sa kamay ni Eldrich.

“Sandali, maaari bang… sa akin ka na?”

“H-Hah?! A-Ano kamo, Kamahalan?”

“Ang sabi ko, sa akin ka na lang! Ako na ang paglingkuran mo,” seryosong pahayag ni Eldrich. “Palagi na tayong magkakausap, palagi na tayong magkakasama, sa pamamagitan no’n madali na kitang maaalala, Azurine.”

“A-Ano, kasi… hindi ko maaaring basta na lang iwan si Ginoong Seiffer.” Kusang tinanggal ni Azurine ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Eldrich. Lumapit siya kay Seiffer at ibinigay ang ipinakukuha nitong mga bulaklak. “Paumanhin, Ginoong Seiffer medyo natagalan ako, naligaw kasi ako sa sobrang laki nitong palasyo.”

Isang ngisi lamang ang isinukli ni Seiffer sa kanya sabay bumuntong-hininga. “Hindi talaga pwedeng wala kang kasama, tsk, tsk!”

Bago sila tuluyang umalis nagpaalam nang maayos si Azurine. Hindi naman niya gustong tanggihan ang alok ni Eldrich. Nangingibabaw lang talaga sa puso niya ang mabuting ganti sa taong tumulong sa kanila ng kaibigan niyang si Octavio.

Mai Tsuki Creator