ANG panahon ng taglagas ay nalalapit nang matapos. Nalaglag na ang lahat ng mga dahon sa lupa. Ang mamulamulang kulay na hinaluan ng kulay kahel ang siyang makikita sa bawat daan. Mga tuyong dahong kumakalat sa kapaligiran. Unti-unti na ring lumalamig at sa pagtatapos ng taglagas, sasapit na ang taglamig.
Huling Linggo sa buwan ng Nobyembre sa kalendaro ng Alemeth. Ngayong araw ng Lunes, napagpasyahan ni Azurine na gamitin ang ibinigay sa kanyang memory potion ni Seiffer.
Matapos maglinis ng silid aklatan, nagtungo si Azurine sa silid tanggapan ni Seiffer. Nabigo siya ng hindi makita roon ang hinahanap. Kumatok ngayon siya sa sekretong silid, maaaring naroon si Seiffer kasama ni Seiffy.
Bumukas ang pinto, tama nga ang hinala niya. Tumuloy siya at tinawag si Seiffer, “Ginoo?”
“Ano’ng kailangan mo?” tipid na sagot ni Seiffer.
“Wow! Lumaki na naman si Seiffy?” gulat ni Azurine nang makitang nakasandal si Seiffer sa tiyan ng pulang dragon. Hindi na siya baby dragon ngayon. Kaunti na lang at hindi na siya magkakasya sa loob ng silid. Halos sakupin na ng dragon ang buong sahig. Hirap nang humakbang si Azurine para makarating sa kinasasandalan ni Seiffer. Sumandal din si Azurine sa tabi ni Seiffer.
“Iniisip ko nang ilipat si Seiffy sa ibang lugar. Isang malaki, malawak at ligtas na lugar para sa tulad niyang dragon.” Hinimas-himas ni Seiffer ang ulo ni Seiffy na lumalambing sa mukha niya.
“Bakit ba siya lumaki nang ganyan kaagad?”
“Kailan ko lang nakumpirmang kumakain ng mana ang pulang dragon na ‘to. Hinalughog ko ang aklatan at nahanap ko ang tungkol sa kanila. Crimson dragon, mga dragon na bumubuga ng apoy. Malakas silang kumain ng mana at ito ang dahilan ng mabilis niyang paglaki. Sa susunod na buwan maaaring umabot na siya sa hustong gulang kung saan, matutunan na niyang maglabas ng apoy mula sa loob ng kanyang tiyan. Kailangan na rin niyang ikampay ang mga pakpak niya’t matutong lumipad. Kailangan ko na siyang ilantad sa buong mundo.”
Napansin ni Azurine ang pagiging seryoso ni Seiffer. Nalulungkot din siyang marinig na hindi na nila maaaring itago pa si Seiffy sa loob ng silid. Nangangamba rin siya sa kaligtasan ng dragon. Siguradong mabibigla ang mga tao at marami silang iisiping masamang bagay. Dahil matagal nang tumatak sa isip ng mga mamamayan na ang mga nilalang na katulad ng dragon ay matagal nang naubos. Ang pangmalawakang digmaan ng kontinente ay naganap noong sinaunang panahon. Kasali sa digmaang ito ang iba’t ibang uri ng nilalang kabilang ang mga dragon. Tanging mga pantas at natitirang salamangkero na lamang ang may nalalaman tungkol dito.
“Siya nga pala, Ginoong Seiffer, napag-isipan ko nang gamitin ang memory potion ngayong araw,” mahinang sabi ni Azurine.
“Gano’n ba?” tipid na sagot ni Seiffer. Tila ang malungkot na awra ay ayaw pang umalis sa paligid nila. “Hay!” Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ni Seiffer.
Humarap si Seiffer kay Azurine saka inilapit ang mukha niya sa mukha ng dalaga.
“G-Ginoo?” taka ni Azurine sa malagkit na pagtitig ni Seiffer sa kanya.
Nang mapansin ng babae na parang mapungay ang mga mata ni Seiffer. Pumipikit-pikit ang talukap ng mga mata ng binata’t bumabagsak-bagsak ang ulo nito. Nang tuluyang matumba sa malambot na hita ni Azurine ang ulo ni Seiffer.
“Hala! G-Ginoong Seiffer! Ayos ka lang ba?!” Sandaling kinabahan si Azurine sa nangyari. Hindi niya alam ang gagawin, sa isip niya’y baka dinapuan ng sakit ang pinagsisilbihan niya. “M-May masakit ba sa ‘yo? Ginoo!” Ipinatong ni Azurine ang kamay niya sa noo ni Seiffer.
Hinimas niya ang noo nito para kumpirmahin kung may sakit nga si Seiffer. Nang ilapit ni Azurine ang tainga niya sa nakaharap na mukha ni Seiffer…
“Humihilik?” Bigla siyang napangiti. “Inaantok ka lang pala, Ginoo. Kinabahan naman ako,” mahina niyang bulong.
Pinagmasdan ni Azurine ang natutulog na binata sa kanyang magkadikit na binti. Ngayon lang lubos na napagmasdan ang maamong mukha ni Seiffer, parang hindi ito ang pilyong lalaking pinagsisilbihan niya. Sa mga sandaling iyon, parang isang makinang na bato ang tingin niya sa binata.
Hindi makisig ang lalaking nakahiga sa binti niya ngayon, pero may kung anong karisma ang binatang ito na nakapagpapagaan sa kalooban niya.
***
MULING magkasama sina Azurine at Eldrich sa lawa ng mga alitaptap. Nakupo sila sa damuhan habang nakatali ang puting kabayo ni Eldrich sa puno. Lightning ang pangalan ng kanyang kabayo.
“Salamat at pinaunlakan mo ang paanyaya ko, Azurine,” masayang sabi ng prinsipe na nakatanaw sa lawa na napapaligiran ng mga tuyong dahon.
“Walang anuman, tapos na rin naman ang mga gawain ko. Si Ginoong Seiffer hanggang ngayon natutulog pa rin pero naroon naman si Octavio nagbabantay sa kanya.”
Sandali silang natahimik at nilasap ang lumalamig na hangin. Suot ni Azurine ang ibiniling brooch pin na may asul na brilyante sa kanyang damit. Napansin iyon ni Eldrich, na siyang nagbigay ngiti sa kanyang labi.
“Ang sabi ko noon, gusto pa kitang makilala nang husto.” Hinawakan ni Eldrich ang kamay ni Azurine saka inilapit ito sa kanyang dibdib. “Kaso, hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung taga-saan ka? May pamilya ka ba? Ano ang mga bagay na gusto mo?” Tinitigan ni Eldrich ang asul na mga mata ni Azurine.
Walang maisagot si Azurine sa kanya. Ang ginawa ng dalaga, kinuha niya ang tubig na dala niya sa kanyang maliit na telang supot. Nakasukbit iyon sa kanyang balikat. Dito niya inihalo ang memory potion na ibinigay ni Seiffer.
“U-Uminom ka muna, Prinsipe Eldrich,” alok niya sa prinsipe.
Nagtaka muna si Eldrich bago kinuha ang inumin. “Hindi naman ako nauuhaw pero sige.” Ininom niya ang tubig sa loob ng tubigan na gawa sa kawayan.
Nang maubos ni Eldrich ang tubig kanya itong ibinalik kay Azurine. Nag-abang nang ilang sigundo si Azurine. Kaagad-agad ang epekto ng memory potion ayon kay Seiffer. Pagkainom ng taong may nakalimutan sa kanyang nakaraan, kaagad niya itong maaalala.
“A-Aking Prinsipe? N-Natatandaan mo na ba ako?” malambing niyang tanong sa prinsipe.
Natulala si Eldrich, nawala ang liwanag sa mga mata niya. Naging blanko ang paningin ng prinsipe. Nag-alala si Azurine. “Baka hindi tumalab ang potion? Baka iba ang naging epekto nito?” tanong niya sa kanyang isipan.
Niyakap ni Azurine ang nakatulalang prinsipe. “Prinsipe Eldrich, pakiusap…alalahanin mo ‘ko! Ako ‘to ang batang sirenang nagligtas sa ‘yo sa karagatan noon…,” bulong ni Azurine habang yapos ang prinsipe.
Nang maramdaman ni Azurine ang mahigpit na yakap sa kanya ni Eldrich. Nakalapat ang malapad na palad ng prinsipe sa kanyang likod. Hinihimas-himas ng binatang prinsipe ang mahaba at asul na buhok ni Azurine.
“Naalala na kita…ang batang sirenang may magandang tinig,” malambing na bulong ni Eldrich sa tainga ni Azurine.
Namilog ang mga mata ni Azurine, naramdaman niya ang mabilis na pintig ng puso niya. Nangilid ang luha ni Azurine sa kanyang mga mata. Ang lumalamig na hangin ay napalitan ng mainit na awra ng kanilang magkayakap na katawan.
“T-Talagang naaalala mo na ako?” paniniguro ng dalaga.
“O-Oo! I-Isa kang sirena sa karagatan ng Azura, iniligtas mo ako noong nalunod ako at halos wala nang tibok ang aking puso. Ibinalik mo ang buhay ko sa pamamagitan ng mahiwaga mong tinig. Bakit ko ba nakalimutan ang napakagandang mukhang iyan?” Inilapat ni Eldrich ang palad niya sa malambot na pisngi ni Azurine.
Nang mapansin ni Eldrich ang dalawang binti ng dalaga. “P-Paano ka nagkaroon ng mga paa? A-Anong ginawa mo?” taka ng prinsipe.
“Mahabang kwento, Kamahalang Prinsipe. Huwag kang mag-alala hindi ko naman balak ilihim sa ‘yo. Basta’t maalala mo lang ako, ipagtatapat ko naman kung paano ako nagkaroon ng pares ng paa. Pakiusap lang, maaari bang huwag mong ipagsasabi ang tungkol sa akin at sa aming lahi?” pakiusap ni Azurine.
“Huwag kang mag-alala, poprotektahan kita!” paniniguro naman ni Eldrich.
“Maraming salamat, Prinsipe Eldrich.”
Ito na ang pinakahihintay na sandali ni Azurine, ang muli nilang pagtatagpo ng kanyang prinsipe.
“Kasama ko rin dito sa lupa si Octavio, natatandaan mo rin ba siya?”
“Si Octavio ang batang pugita, tama?”
“Tama siya nga! Mabuti at natatandaan mo rin siya!”
Talagang bumalik na nga ang nakalimutang alaala ni Eldich sa kanyang nakaraan. Ang trahedya sa karagatan ng Azura, ang paglubog ng sinasakyang barko ng maharlikang pamilya.
“Bumalik na sa aking alaala ang pagsalakay ng mga pirata sa aming barko. Ninakaw nila ang mga kagamitan namin, tinangka nilang patayin ang aking ama’t ina. Takot na takot kami ng kapatid kong si Seiffer noon. Sinunog nila ang barko namin at hinayaan kaming mamatay doon. Pero may nangyari na siyang nagligtas sa amin maliban sa akin. Isang itim na mahika ang gumuhit sa madilim na kalangitan. Nahati ang langit at lumabas ang kakaibang itim na mahikang nagpaangat ng tubig sa dagat. Namatay ang apoy ngunit nilamon naman ang aming barko. Nahiwalay ako sa kanila kaya ako nalunod. Matapos mo akong iligtas dumating ang barkong sumagip sa aming pamilya. Natagpuan nila ako sa tabing dagat kung saan mo ako iniwan. Dahil sa ‘yo kaya ako nabuhay.”
“Iyon pala ang nangyari, napakasama talaga ng mga pirata!”
“Ang mahalaga ligtas kaming lahat.”
Matapos ang kwentong iyon, muli nilang niyakap ang isa’t isa. Pakiramdam ni Azurine, marami pa siyang hahabuling mga araw. Araw na kanilang pagkukwentuhan, tungkol sa kanilang buhay sa nakaraan, noong mga araw na hindi pa sila ulit nagkikita.
“Siya nga pala, ibinabalik ko na itong crest na ibinigay mo sa akin. Hindi ba’t sa pamilya mo ito? Ang medalyong ito ang nagsilbing lakas ko para iwan ang dagat at magtungo rito sa lupa. Ikaw ang dahilan kaya ako naririto, aking Prinsipe Eldrich.” Iniabot ni Azurine ang medalyon kay Eldrich.
“Hindi, itago mo na! Isipin mong tanda iyan ng aking pasasalamat.” Hinawakan ni Eldrich ang kamay ni Azurine, kinabig niya pabalik ito sa dalaga.
“Ang mabuti pa umuwi na tayo, gusto kong sabihin kay Seiffer na tuluyan na kitang ilalagay sa aking pangangalaga.”
Nagulat si Azurine sa kanyang narinig. “Ha? P-Pero….”
“Pasensya ka na, dapat noon pa ako na ang kumupkop sa inyo ni Octavio. Hindi ko pa kasi alam noon. Pero ngayon, ipinapangako kong poprotektahan ko kayo sa abot ng aking kapangyarihan.” Tumayo si Eldrich, inalalayan niyang tumayo si Azurine.
“Huwag kang mag-alala magkikita pa naman kayo sa palasyo ni Seiffer. Maaari mo pa rin siyang bisitahin sa kanyang silid. Pero, hayaan mong proteksyunan kita dahil isa kang importanteng babae sa buhay ko.”
Ang mga kataga ng prinsipe ay tumatagos sa puso ni Azurine. Napakasarap sa pandinig bawat salitang nagbibigay kilig sa buo niyang katawan. Ito naman talaga ang tunay niyang pakay sa lupa ang makasama ang kanyang prinsipe. Ang maging asawa nito tulad sa kanilang napag-usapan noong mga bata pa sila. Kung makakarating siya sa palasyo ng Alemeth, ikukunsidera siyang asawa ng prinsipe. At iyon nga ang kanyang ginawa.
Ngunit may pangamba si Azurine. “Paano ang mga taong huhusga sa ating dalawa? Hindi nila alam tunay kong pagkatao, tanging ikaw lang sa palasyo ang nakakaalam. Maraming balakid sa ating dalawa,” malungkot niyang pahayag.
“Kaya nga mas kinakailangan mo ng proteksyon! Hindi nila alam na isa kang prinsesa ng karagatan. Ako lang, ako lang ang tangi mong mapagkakatiwalaan. Hindi ba’t ipinangako ko na gagawin kitang asawa ko kapag nakarating ka sa kaharian ng Alemeth? Tutuparin ko iyon!”
Nang marinig iyon ni Azurine lalo pang tumindi ang nararamdaman niyang kaligayahan. Tila nasa langit siya’t inaawitan ng mga anghel sa sobrang saya. Tumango si Azurine, pumayag siya sa gustong mangyari ng prinsipe.
Ito na nga kaya ang karugtong ng kanilang nakaraan? Ang simula ng kanilang pag-iibigan? Pag-ibig ng dalawang magkaibang nilalang.
Isinakay ni Eldrich si Azurine sa kabayo upang umuwi na sa palasyo. Isang importanteng bagay ang nakalimutan itanong ni Azurine.
“Prinsipe Eldrich, nasa iyo pa ba ang mahiwagang kabibeng ibinigay ko noon?” malumanay niyang tanong habang tumatakbo ang kabayo sakay nila.
Sandaling napaisip ang prinsipe. “Kabibe? Pasensya na, parang wala akong maalala tungkol sa kabibe.”
Nagulat si Azurine, bigla siyang nalungkot sa kanyang narinig.
“Pero, pangako kapag naalala ko ulit, sasabihin ko sa ‘yo. Siguro hindi pa talaga lubos na bumabalik ang lahat ng alaala ko,” pahayag ng prinsipe.
Tumango si Azurine. Maaari ngang gano’n ang nangyari. Siguro nga hindi pa talaga lubos na naaalala ni Eldrich ang lahat.