BINIGYAN ng isang araw ni Seiffer si Azurine para magtungo sa Sangil ang sentro ng Alemeth. Narito ang samot-saring paninda at produkto ng bansa. Sa palengkeng ito kung saan buhay na buhay ang kabuhayan at maraming taong namimili.
Mag-isa lang si Azurine, hindi niya kasama si Octavio. Ipinipilit nga ni Octavio ang isama ang sarili niya subalit, hindi siya pinayagan ni Seiffer. Marami pang dapat linisin lalo na sa silid aklatan na ginawang tulugan ni Seiffer para sa dalawa.
Walang nagawa si Octavio kung hindi ang sumunod. Binigyan naman ni Seiffer ng mapa si Azurine para hindi siya maligaw. May pulang marka sa mapa kung saan siya dapat dumaang kalsada at sa malaking ekis na marka ang destinasyon niya.
Sinunod naman iyon ni Azurine, suot niya ang bagong biling damit ni Seiffer para sa kanya. Isa iyong ordinaryong baro at saya na ang tela ay yari sa tela ng sako. Ang baro ay uri ng damit na karaniwang isinusuot ng mga ordinaryong tao sa bansa. Ang damit na ito pang-itaas habang ang saya ay isinusuot pang-ibaba ng mga babae. Sa lalaki naman ay pantalon na ang tela ay mula sa sinulid ng halamang pinya.
Habang naglalakad si Azurine, masugit niyang iniisa-isa ang mga tindahan. Ang dami niyang nakikitang bago sa paningin niya. Nang mapansin niya ang tindahan ng mga alahas. Pumasok si Azurine sa loob saka iginala ang paningin sa bawat alahas na naka-display.
“Wow! Ang ganda!” sambit niya sa sobrang pagkaakit sa mga alahas. Agaw pansin ang malaking brilyante na kulay asul. Napatitig siya rito, hindi niya namalayang dahan-dahan na pa lang pumapatong ang kamay niya sa napakagandang bato. Isa itong brooch pin na ikinakabit sa bandang dibdib ng mamahaling bestida.
“Gusto mo ba ang isang ‘yan?” Lumapit ang tindero, mabilis siya nitong inasikaso.
Muntik na niyang hawakan ang brilyante. “P-Pasensya na po! Nagandahan lang po ako sa asul na batong ito. Hindi po ako bibili…” nahihiya niyang sabi sa tindero.
Malaki ang katawan ng tindero ng mga alahas. Malusog din ang tiyan ng lalaking ito. Hindi naman siya mukhang masungit, sa katunayan nakapikit nga ang mga mata niya at parang hindi bumababa ang ngiti sa labi nito.
“Okay lang!” Ipinatong ng tindero ang kamay niya sa balikat ni Azurine. “Alam mo, isang tingin ko pa lang sa ‘yo, sigurado akong babagay sa ‘yo ang batong ito.” Lalo pang humaba ang ngiti ng tindero. Wala itong balak palabasin si Azurine na hindi binibili ang paninda niya.
“M-Maganda po talaga… pero wala po akong muro pambili.”
Nagbago ang hitsura ng tindero. Ang kanina’y maamong mukha naging kulubot ang noo at may galit sa magkasalubong na kilay nito.
“Titingin-tingin ka tapos hindi ka naman pala bibili?” malakas at galit na singhal ng tindero kay Azurine.
Nanginig ang dalaga napaatras siya ng hakbang. Balak na sana niyang lumabas ng tindahan nang bigla siyang hawakan nang mahigpit sa braso.
“A-Aray!” Namilipit sa sakit si Azurine. Hindi niya alam ang gagawin sa sitwasyong iyon.
“Bayaran mo ‘tong brooch na ‘to!” pagpupumilit ng tindero.
“P-Parang awa n’yo na po…” takot na pagmamakaawa ng dalaga. Subalit ayaw pa rin siyang bitiwan ng tindero.
“Anong kaguluhan ‘to?”
Dumating ang matikas na lalaki sa loob ng tindahan. May dalawa siyang alalay na kawal ng palasyo. Mabilis na hinatak ng binatang may suot na pulang kapa, matingkad na damit pangmaharlika at espadang nakasukbit sa tagiliran niya, ang nasasaktang na si Azurine.
“M-Mahal na Prinsipe Eldrich?” Mabilis na nayuko ang tindero.
“Kamahalan!”
Kabig si Azurine ng prinsipe sa kanyang bisig. Pakiramdam niya’y ligtas siya sa piling ng kanyang prinsipe.
“Pinipilit mo bang bentahan ang babaeng ito?” matapang na tanong ng prinsipe.
Hindi makaimik ang tindero, napakamot lang siya sa ulo. Nang ilabas ni Prinsipe Eldrich ang isang supot ng muro na may halagang 1000 muro. “Heto ang bayad, ako nang bibili ng brooch na ‘yan!”
“P-Pero sobra po ito Kamahalan, 5 muro lamang po ang halaga nito.”
“Aba! Mabuti naman at hindi ka katulad ng ibang mapaglamang sa kapwa!” Kinuha ni Prinsipe Eldrich ang brooch pin. “Oh, sige! 100 muro para sa brooch. Akala ko ay kakagat ka sa pain ko. Mabuti na lang at tapat ka naman pala!”
“M-Maraming salamat po!” Nagbigay galang ang tindero sa harap ng prinsipe. Ibinaling nito ang tingin kay Azurine. “P-Pasensya ka na, hija!”
“K-Kung ayos na ang lahat, wala nang problema sa akin.”
“Napakabuti talaga ng kalooban mo, Azurine.” Isang malagkit na tingin ang ginawa ng prinsipe na ikinahiya ng dalaga.
Parang tumitiklop na halamang hiya-hiya ang namumulang pisngi ni Azurine. Nag-bigay naman iyon ng ngiti sa labi ng prinsipe. Lumabas sila ng tindahan ng mga alahas. Nasa pagroronda pala ang prinsipe kasama ang dalawang kawal.
Dahil tapos na ang pagroronda nila sa palengke, inutusan ng prinsipe na umuwi na ng palasyo ang dalawang kawal. Sinunod naman ito kaagad ng dalawa.
"Salamat nga pala sa brooch na ito, Prinsipe Eldrich."
"Regalo ko na 'yan sa 'yo. Bagay na bagay 'yan sa asul mong mga mata at buhok."
Nahihiyang itinago ni Azurine sa kanyang bulsa ang brooch pin na may brilyanteng asul.
“Teka, may gagawin ka pa ba, Azurine?” mahinahon, malambing na tanong ng prinsipe.
“W-Wala na, nabili ko na kasi ang ipinapabili ni Ginoong Seiffer.” Ipinakita niya ang supot na naglalaman ng kung ano-anong pinamili. “May pasalubong din ako para kay Octavio at Seiffy.”
“Seiffy?”
“Ah—alaga ko siyang daga!” palusot ni Azurine.
“Kung gano’n, maaari mo ba akong samahan?” paanyaya ni Prinsipe Eldrich.
Lumiwanag ang paningin ni Azurine, kumislap ang mga mata niya nang marinig na niyaya siya ng prinsipe. “S-Saan tayo pupunta, Kamahalang Prinsipe?”
“Basta! May papasyalan tayong lugar!” Binuhat ni Eldrich si Azurine at kanyang isinakay sa likod ng puting kabayo. Sumakay din siya’t pinatakbo niya ito mula sa mabagal hanggang makarating sila sa labas ng palengke. Bumilis ang takbo nila nang makarating na sila sa madamong kapatagan.
Sa sobrang bilis nila, napayakap nang mahigpit si Azurine sa baywang ni Eldrich. Nagbigay ito ng kakaibang pakiramdam habang nakasandal ang ulo niya sa malapad na balikat ng prinsipe. Sumasabay sa hangin ang buhok ni Azurine, tila umaalon ang mahaba’t asul niyang buhok.
“Saan ba tayo pupunta, Kamahalan?” mahinhing tanong ni Azurine. Nahahawakan niya ang matikas na dibdib ng prinsipe.
“Ipapakita ko sa ‘yo ang paborito kong lugar!” ngiting sagot ng prinsipe. Tuloy lang siya sa pagpapatakbo ng mabilis sa kanyang kabayo.
***
ISANG napakagandang lawa ang pinuntahan nila. Kumikinang ang tubig at may mga lumalangoy na bebe sa tabi nito. Tanaw na tanaw ang kabundukan ng Takandro. Sa kanilang paligid ay puro puno at samot-saring halaman. Dahil panahon ng taglagas, maraming tuyong dahon sa paligid ng tubig. Kulay kahel na mamulamula ang kulay ng mga dahon.
“Kay ganda sa lugar na ‘to!” manghang sambit ni Azurine. “Madalas ka ba rito?” Ibinaling niya ang tingin sa prinsipe.
“Oo, madalas kami rito ni Seiffer noon. Ang tawag sa lugar na ito ay lawa ng mga alitaptap. Malalaman mo mamaya kung bakit gano’n ang pangalan nito.” Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi ni Eldrich.
Payapa ang paligid nang unti-unting lamunin ng dilim ang liwanag. Tuluyan nang gumabi at dito nasaksihan ni Azurine na mas may igaganda pa ang lawang ito.
“Napakahiwaga!” Itinaas ni Azurine ang mga kamay niya, tila inaabot niya ang mga bituing nagsimula nang lumitaw sa langit. Kay liwanag ng buwan, sumasalamin ito sa tubig ng lawa. Lalo pang nakadagdag sa pagkamangha ni Azurine ang paglitaw ng mga munting alitaptap sa ibabaw ng lawa.
“Tingnan mo, para silang sumasayaw!” Kinapitan ni Azurine sa braso si Edlrich upang ipakita ang kamanghamanghang tanawin. “Para silang mga bituin, kumukutikutitap—ang ganda!”
“Oo, talagang maganda…” Kinabig ni Eldrich si Azurine patungo sa kanyang dibdib. Ikinulong niya ang katawan ng dalaga sa kanyang mga bisig. “Kasing ganda ng mga mata mo, Azurine.”
"P-Prinsipe Eldrich..."
Waring huminto ang oras ng mga sandaling iyon. Nagkatitigan ang pareho nilang mga mata. Ayaw paawat ng puso ni Azurine sa mabilis na pagtibok. Dumadampi ang malamig na hangin sa gabi. Nakadagdag ng romantikong sandali ang pagkislap ng mga alitaptap na pumalibot sa kanilang dalawa.
Dahan-dahang iniyuko ni Eldrich nang bahagya ang kanyang ulo. Sobrang lapit nito sa mukha ni Azurine, halos magdikit na ang kanilang mga ilong. Dama ni Azurine ang init ng hininga ng prinsipe, mabango ang amoy nito na nagpapahina sa kanyang katawan. Para siyang kinukuryente’t hindi makakilos sa kanyang kinatatayuan.
Hinayaan na lamang ni Azurine na tangayin siya ng nararamdaman niyang kaba. Ipinikit ni Azurine ang kanyang mga mata at handa nang tanggapin ang papalapit na labi ng prinsipe.
“Azurine!!!”
Isang malakas na sigaw ang gumulantang sa kanilang dalawa. Mabilis nilang inilayo ang katawan ng isa’t isa. Nagkatalikuran ang dalawa nang may pamumula sa pareho nilang pisngi.
“G-Ginoong Seiffer?!” malakas na tawag ni Azurine, sa ‘di kalayuang lalaking nakatayo sa gilid malapit sa mataas na puno.
Tumakbo papunta sa kanila ang nagmamadaling si Seiffer. “Magkasama lang pala kayo ni Eldrich!” hinihingal niyang sabi.
Hindi talaga malakas sa pisikal itong si Seiffer.
“Paano mo nalamang narito kami?” nagtatakang tanong ni Eldrich.
“Sekreto!” malokong sagot ni Seiffer. “Biro lang. Nang ipagtanong ko kasi sa palengke nakita ka raw nila kasama ng babaeng may asul na buhok. Alam na alam ko kung saan ka pumupunta tuwing tapos na ang pagroronda mo.”
“Hay! Ibang klase ka talaga!”
“Natural! Mahalaga sa ating dalawa ang lawang ito ‘di ba?” Nilakihan ni Seiffer ang ngiti niya.
Dahil naroon na rin naman sila sinulit muna nilang panuorin ang mga alitaptap. Naupo silang tatlo sa damuhan. May lumapit na alitaptap sa unahang damo. Dito nila lubos nalasap ang buhay na kalikasan.
Ang lawang ito ang naging saksi sa kabataan ng dalawang prinsipe. Noong mga panahong paglalaro at pagsasaya lang ang hanap nila. Noong mga oras na hindi pa nila natutuklasan ang mga bagay na bumago sa kanilang pagkatao.
Matapos nilang namnamin ang ganda ng paligid, nagpasya na rin silang umuwi. Naunang naglakad si Eldrich patungo sa kabayo niya. Magkasabay na naglakad sa likod sina Azurine at Seiffer.
“Wrong timing ka naman kanina, Ginoo,” nakangusong bulong ni Azurine.
“Bakit? Ano bang ginawa ko?” maangmaangan ni Seiffer, kunwari wala siyang alam at wala siyang nakita.
“Hmph! Nandoon na, eh!” panghihinayang ng wika ni Azurine.
“Ang alin ba kasi?”
“Ah, wala! Kung hindi mo alam hayaan mo na!” Inisnab ni Azurine si Seiffer. Lumapit siya kay Eldrich para muli siyang isakay sa kabayo.
Kinuha naman ni Seiffer ang dala niyang kabayo na itinali niya sa puno. Sabay silang tatlo na umuwi sa palasyo. Alam ni Azurine na siguradong kanina pa natataranta si Octavio.