PAGMULAT ng mga mata ko nakatayo na ako sa loob ng bilog na liwanag. Maliban dito wala na akong ibang maaninag kundi purong kadiliman sa buong paligid. Sinubukan kong ihakbang ang isang paa ko nang mapagtanto kong gumalaw ang liwanag. Maya-maya nang biglang…
“Amorseco!”
Naramdaman kong may malambot na dumampi sa likod ko, napansin kong may nakayakap sa akin.. Dali-dali akong lumingon kasabay nito ang biglaang pagliwanag ng kapaligiran. Natulala ako sa magandang babaeng nakangiti sa harapan ko. Mukha siyang half-American dahil sa kanyang maputing kutis, blonde curly hair at asul na mga mata.
“T-Teka lang miss, sino ka ba?” Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat saka inilayo nang bahagya. Natuon ang paningin ko sa kanyang big bouncy boobs. Iyon pala ‘yong naramdaman kong malambot kanina.
Hinimas-himas niya ang magkabilang pisngi ko paibaba patungo sa laylayan ng t-shirt ko. Ramdam ko ang pagsuot ng kamay niya sa loob ng damit ko habang ako nama’y napapalunok-laway sa ginagawa niyang pang-aakit. “Amorseco, miss na miss na kita!” malambing niyang sambit nang nakakagat-labi.
Nagpakilala siya, “Ako ‘to si Lucrecia.” Sabay kindat at halik sa aking pisngi. Teka! Nararamdaman kong bumababa ang paghimas ng kanyang kamay, mula itaas paibaba patungo sa aking—
“Jun-Jun!” malakas kong sigaw na siyang nagpabagsak sa akin sa sahig. “Aray!” Pinilit kong iminulat ang aking mga mata nang maramdaman ko ang sakit ng balakang ko sa pagkakahulog mula sa ibabaw ng aking kama. Panaginip lang pala! Tumayo ako’t hinawi ang kumot na nakatakip sa kalahati ng katawan ko.
“Anak ng tipaklong!” bulalas ko nang malamang nagka-wet dreams pa nga ako dahil sa sexy, maganda at kaakit-akit na babaeng napanaginipan ko. No choice kundi kumuha ng bagong brief at short, sabay karipas ng takbo patungo sa banyo.
***
DUMAAN ang ilang gabi na palagi ko siyang napapanaginipan. Si Lucrecia, ang babaeng nakasuot ng kamisonang itim sa panaginip ko. Dahil dito ilang araw na rin akong puyat kaya palagi akong late sa pagpasok sa school.
Isang araw nang mapatambay ako sa library habang lunch break, pumasok sa loob ang isang pamilyar na babae. Hindi ako maaaring magkamali kamukhang-kamukha niya si Lucrecia sa panaginip ko.
Kaagad ko siyang nilapitan para kilalanin. “Excuse me, miss.”
Napalingon siya sa akin nang may pagtataka. “May kailangan ka?” sagot niya.
“Maniniwala ka ba kung sasabihin kong nagkasama na tayo sa panaginip ko?”
“Ha? Ang presko mo naman!” Bigla niya akong inisnab saka nag-walk out palabas ng library.
Kaagad ko naman siyang sinundan. “Teka! Tinawag mo pa nga akong—Amorseco?” sigaw ko mula sa likod.
Huminto siya’t kusang lumapit sa akin. “Ang pangalan mo ay Amorseco?”
“Hindi. Ako si Jose Miguel Regalado, 16 years old, grade 10 section F,” pakilala ko sa kanya. “Wala akong kilalang Amorseco pero iyon ‘yong tinatawag mo sa akin sa panaginip ko?”
Tinitigan niya ako nang matalim. “Sa panaginip mo nakasuot ba ako ng kamisonang itim?”
Ang weird ng tanong niya pero tumpak na tumpak. “O-Oo!” sagot ko sabay talikod niya’t walang sabi-sabing umalis nang hindi man lang nagpapaliwanag.
***
LINGGO ng umaga, ikinagulat ko nang mapag-alaman kong sa tapat ng bahay namin nakatira ang estudyanteng kamukha ni Lucrecia sa panaginip ko. Bagong lipat lang sila rito sa barangay namin nang magkasalubong kami sa tindahan at dito niya ako inanyayahan na dumalaw sa bahay nila.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.” Humalukipkip siya. “Hihingi sana ako sa ‘yo ng pabor, a-ano kasi…” Bigla siyang nahiya’t napalihis ng tingin sa gilid. “M-Maaari mo bang bisitahin ang Lola ko sa ospital?” pakiusap niya.
“Sandali, bakit ako?” tipid kong tanong.
“Okay, ganito kasi ‘yon.”
Nakinig ako nang mabuti sa kuwento niya’t dito ko napag-alaman na si Amorseco Cariño ay asawa ni Lucrecia na pawang lolo at lola sa tuhod ni Annita. Nasa ospital si Lola Lucrecia dahil sa malubhang karamdaman dulot na rin ng sobrang katandaan.
Inilapag niya ang lumang photo album at dito ipinakita niya ang hitsura ng kanyang lolo at lola. Kamukhang-kamukha ng babae sa larawan ang babae sa panaginip ko.
“Naniniwala akong dahil sa itim na kamison na iniregalo ni Lolo Amorseco kaya kayo nagkakasama ni Lola sa panaginip. Ang kamisonang itim ay may mahalagang papel sa buhay nilang mag-asawa. Ayon sa kuwento ni Mama, ang kamison na ‘yon ay nagtataglay ng mahika. Syempre hindi ako naniwala noong una pero nang makilala kita at sinabi mong napanaginipan mo ako nagkaroon ako ng kutob. Sinabi ko iyon kay Mama at sinabi niyang maaaring may koneksyon kayo ni Lola? At isa pa, kahawig na kahawig mo si Lolo Amorseco noong binata pa siya.”
Nang ituro niya sa akin ang hitsura ng lolo niya ay bigla akong nanlamig. Nanindig ang balahibo ko sa braso’t nanginig ang aking kalamnan. Kamukha ko nga ang lolo niya? Nang mabaling ang pansin ko sa isa pang larawan kung saan nakaupo ang isang matanda sa upuan na sa tingin ko ay si Lucrecia.
“Alam mo parang pamilyar nga ang lola mo?” Pinilit kong alalahanin kung saan ko nga ba nakita ang lola niya?
“Maaaring nagkasalubong na ang landas n’yong dalawa at nang makita ka niya inakala niyang ikaw ang pinakamamahal niyang si Amorseco. Napag-alaman ko kasi no’ng mamatay si Lolo hindi niya nakitang suot ni Lola ang itim na kamison at iyon ang isang bagay na nagpapanatili sa buhay ni Lola. Tuwing gabi ipinapasuot niya sa amin ang kamisonang itim dahil umaasa siyang magpapakita si Lolo. Iyon lang naman ang huling kahilingan ni Lola na hindi namin maibibigay sa kanya. Pero dahil sa mahika ng kamisonang itim at sa ‘yo may pag-asa na kaming tuparin ang huling kahilingan ni Lola Lucrecia.”
May lungkot sa mga mata niya’t batid ko ang nadarama niyang pag-aalala sa lola niyang nakaratay sa ospital.
“S-Sige, dadalaw ako sa ospital,” mahinahon kong sagot sa pakiusap niya. “Sabihin mo lang kung kailan at kung may iba pa akong kailangang gawin?”
Sumigla ang mga mata niya nang pumayag ako. “Maraming salamat!” Hinawakan niya ang kamay ko. “Maaari bang magbagong anyo ka?”
“Ha?” Nanlaki ang buka ng bibig ko sa wirdo niyang pakiusap.
Ngumiti siya. “Magpapanggap kang multo ni Lolo Amorseco kapag dumalaw ka sa ospital at kapag nagkita na kayong dalawa sabihin mo sa kanya kung gaano siya kaganda sa suot niyang kamisona. Siguradong mapapanatag na ang kalooban ni Lola, matutuwa siya’t hindi na mag-aalala.”
Tumango ako bilang pagsang-ayon. “O-Okay, baka ito na rin ang sagot para hindi ko na siya mapanaginipan ulit.”
“Tama! Hindi na niya ipapasuot sa amin ang kamisona at hindi mo siya makikita sa panaginip mo dahil walang bisa ang mahika nito kung hindi ito suot ng may-ari.”
Tumayo siya’t inilapat ang palad na tila nakikipagkamay sa akin. “Siya nga pala pasensya ka na kung hindi ko pa nasasabi ang pangalan ko. Ako nga pala si Annita Cariño.”
Nakipagkamay ako’t sa wakas ay nalaman ko na rin ang kanyang pangalan.
***
SUMAPIT ang araw ng pagdalaw ko sa ospital, tulad ng napag-usapan nakasuot ako ng American style long sleeve suit, white polo panloob, slacks pants at makintab na black shoes. Mukha akong katawatawa habang pinagtitinginan ako ng mga taong nakakasalubong ko.
Nang makapasok na kami sa loob ng private room naroon ang mama ni Annita, nagbabalat ng mansanas. Alam ng mama niya ang plano namin ni Annita at wala naman siyang tutol dito. Dahil natutulog pa ang lola ni Annita, pansamantala kaming kinuwentuhan ng mama niya. Napag-alaman kong isa palang eksplorador ang lolo niya at sa makalumang tindahan sa Greece nabili ang itim na kamisonang isinuot pa raw ng isang magandang mangkukulam noong uso pa ang ganitong paniniwala. Dahil sa mahikang nakapaloob dito, tumagal ito at pinagpasa-pasahan ng maraming babae. May taglay raw itong mahikang itim na nagbibigay ng anumang naisin ng magsusuot nito. Ito siguro ang dahilan kaya nagtatagpo kami sa panaginip dahil ang pangarap ng kanyang Lola Lucrecia ay makita siya ni Amorseco na suot-suot ang kamisona.
“So, natatandaan mo na ba kung kailan at saan mo nakilala si Lola?” mahinang tanong ni Annita.
Tumango ako. “Naalala ko nagkita na kaming dalawa noon sa isang mall. Tinulungan ko siyang umakyat sa escalator dahil nakita kong nahihirapan siya. Inakay ko siya’t inalalayan hanggang makarating kami sa itaas. Panay ang tingin niya sa akin habang nakangiti kaya nginitian ko rin siya.”
“Naalala siguro ni Lola si Lolo,” bulong ni Annita.
Nang marinig namin ang ungol ng matanda na tila nagising na ito. Dahan-dahang hinawi ni Annita ang tabing na nakatakip sa kama kung saan nakahiga ang matanda. Nang magtama an gaming mga mata…
“A-Amorseco?” sambit niya kahit may kaninaan sa kanyang tinig. Pilit niya akong inaabot at hindi ko naman siya binigo.
Magkahawak kamay kaming dalawa, inisip ko ang maganda at sexy na Lucrecia sa panaginip ko. Ibinaba ni Annita ang kapirasong kumot na tumatakip sa katawan ng matanda. Nakita kong suot niya ang kamisonang itim.
“Amorseco, nakakahiya ang hitsura ko…”
“Hindi.” Tinabihan ko siya habang hawak ang kamay. “Kahit kailan hindi nagbago ang hitsura mo sa paningin ko, Lucrecia.”
Kitang-kita ko ang kinang sa mga mata niya nang titigan ako. Kahit mahina na’y pinilit pa rin niyang inabot ang pisngi ko’t hinimas ito nang napakalambing.
“Maraming salamat sa lahat, Amorseco.” Sa hindi maipaliwanag na dahilan biglang nanikip ang dibdib ko’t nakaramdam ako ng kirot nang makitang may luha sa magkabilang gilid ng kanyang mga mata. “Nagustuhan ko ang regalo mong kamison. Iningatan ko talaga ito hanggang sa dumating ang araw na makita mo akong suot ito.” Pumikit siya nang nakangiti.
“Napakaganda mo, Lucrecia… bagay na bagay sa ‘yo ang itim na kamisona na ‘yan,” bulong ko sa gilid ng tainga niya. Ramdam ko ang pagmamahal ng matanda sa kanyang namayapang asawa.
Tuluyan nang nakatulog ang matanda, kusang lumuwag ang pagkakahawak ng isa niyang kamay sa kamay ko. Napakainit ng pakiramdam na iyon kahit alam kong hindi ako si Amorseco. Pinagmasdan namin si Lola Lucrecia sa mahimbing niyang pagtulog, bakas ang kaligayahan sa kanyang mukha.
Ipinatong ni Annita ang kamay niya sa balikat ko. “Maraming salamat, Jose.”
“Wala ‘yon,” sagot ko. Ngumiti ako kay Annita, bilang pahiwatig na masaya ako sa ginawa kong pagtulong. Siguro ito na ang katapusan ng panaginip ko kasama si Lucrecia. Katapusan na rin ng pagkakaroon ko ng wet dreams tuwing umaga.
***
MAKALIPAS ang isang linggo, nabalitaan ko ang nangyaring pagpanaw ni Lola Lucrecia. Nakaburol ang labi niya sa bahay nina Annita. Hindi ako nakapunta sa unang araw ng libing kaya sisiguraduhin kong makakapunta na ako bukas sa ikalawang gabi. Humiga ako sa aking kama, maya-maya’y…
“Amorseco!” malambing na tawag sa akin ng pamilyar na tinig.
“L-Lola Lucrecia?” gulat ko nang makita ko siyang nakaluhod sa aking harapan, suot na naman ang itim na kamisona. “Teka paano?”
Bigla niya akong sinunggaban, natumba tuloy ako’t pumaibabaw siya sa aking katawan. Lumaylay ang tali sa balikat ng kanyang suot na kamisona kaya lalong lumitaw ang… ang matambok niyang dibdib.
“Amorseco, nakita mo nang suot ko ang kamisonang itim pero hindi pa tayo nag…” Hinimas-himas niya ang dibdib ko nang buong lambing hanggang sa bumaba ito patungo sa aking—
“Jun-Jun!” sigaw ko nang magising akong pawisan at habol ang hininga. Kaagad akong nagbuhos sa banyo at nagbihis, nagmamadali akong natungo sa bahay nina Annita. Nilapitan ko siya’t kaagad na kinausap.
“Ba’t gano’n? Akala ko panatag na si Lola Lucrecia dahil natupad na ang kagustuhan niyang makita siya ni Amorseco na suot ang kamisonang itim? Pero bakit napanaginipan ko pa rin siya?”
Napakamot sa ulo si Annita. “H-Hindi ko rin alam.”
Maya-maya nang dumating ang lolo ni Annita na si Lolo Carmelo na bunsong anak ni Lola Lucrecia. Nilapitan niya kami saka hinarap si Annita na tila may pakay sa apo.
“Annita, habilin ng Lola Lucrecia mo na isuot sa kanya ang itim na kamisona kapag namatay siya.” Tumingin ang matanda sa labi ni Lola Lucrecia. “Tinupad naming magkakapatid ang hiling niya kaya suot-suot niya sa loob ng puting bestidang ‘yan ang paborito niyang kamisona.”
Nagkatinginan kaming dalawa ni Annita. Sa loob-loob ko sumisigaw ang kaluluwa ko. Oh—hindi! Mapapanaginipan ko pa rin siya gabi-gabi dahil suot niya sa buong paghimlay ang kamisona! Hindi na ako matutulog habang buhay!
WAKAS