UMIHIP ang mabining hangin sa hapon, tulad ng pag-ihip ng hangin ng mga panahong ‘yon. Panahon na dati’y kinaiinisan ko dahil sa isang tao. Dahil din sa kaniya I achieved my dream in my own way or my own kind of dream. Kung sa iba ay mababaw na dahilan lamang ang pangarap ko, para sa akin ay malaking bagay ito. At ito ang pumawi ng lahat insekyuridad at takot sa loob ko. Takot na tanging ang pangarap ko na pag-ibig ang pumawi ng lahat—nagbigay pag-asa at bagong kulay. Dito rin mismo sa playground na ito nagsimula ang lahat. My bittersweet memories…

“Hoy, kulot!” bastos na sigaw ng hudyo sa akin.

“Hoy ka rin!” nanggalaiti ko rin kay Jameson.

“Hindi ‘karin’ ang pangalan ko. Lakas ng loob mo ah? Kakasa ka na ba ha? Tignan mo nga itsura mo sa salamin, mukha kang mangkukulam na hindi naliligo Nagsasabon ka man lang ba? Kasi ang itim ng balat mo. Walang magkakagusto sa ’yo kasi pangit ka!” walang pakundangan niyang panlalait sa akin.

Binalewala ko iyon at umalis na sa lugar na ito. Kala niya ba kung sino siyang hari? Umuwi ako na may dalang inis sa dibdib ko dahil sa lalaking ‘yon. Hindi lang doon nagtapos ang walang sawa niyang pang-iinsulto sa akin. Kahit ang ibang tao madalas akong paringgan ng mga pang-iinsulto. Akala ba nila ay perpekto silang nilalang? Wala akong magawa kundi sarilinin ang lahat ng bagay na ito.

Pumunta ulit ako sa playground para gumawa ng assignments. Nasa senior high na ako at nasa huling taon na. Kakauwi ko lang galing sa school at dito ako dumeretso. May ilang mga bata na naglalaro sa playground. Mababakas sa kanilang mukha ang saya at patuloy lang ulit sa pagtayo kahit nadarapa.

Inuna kong gawin ang assignment ko sa Math, sumunod ay sa Filipino at ang iba ko pang subject. Nang may umupo sa tapat ko at nagpatong palamig sa lamesa. Sa hindi malamang dahilan ay tumapon ito.

Nanlaki ang mata ko at nabigla sa nangyari dahil nabasa ang mga gamit ko at napatingin ako sa taong may gawa nito. Agad na nag-alab ang paningin ko sa kaniya, huminga ako nang malalim para kalmahin ang sarili ko.

“Ay sorry!” bakas sa boses ang hindi pagiging sinsero at nagkibit-balikat na tila wala lang ang nangyari.

Kumuyom ang kamao ko at gusto kong manakit. “Nakakainis ka talagang impakto ka!” Dinampot ko na lahat ng mga gamit ko at pinigilan ang mga luha ko na bumagsak dahil sa sobrang inis. Nagmamadali rin akong naglakad pauwi.

Napagpasiyahan ko rin na hindi na muna ako papasyal ng playground. Kahit gustong-gusto ko sa lugar na iyon.

Kinabukasan nga ay may nakita akong sulat sa mailbox namin. Lalabas sana ako para bumili pero binasa ko muna ang sulat at nagpanting ang tenga ko sa aking nabasa. Pinira-piraso ko ang sulat at itinapon sa basurahan. Ang walanghiya na hudyo na ‘yon!

Hoy kulot,

Masaya ako na hindi ka na makita sa playground. Diyan ka bagay sa bahay ninyo. Magkulong ka lang diyan, baka sakali na pumuti ka na. Magsuklay ka din 'pag may time!

Ang pogi at malakas ang appeal na si Jameson

Ang kapal ng apog talaga!— well, gwapo naman talaga ang hudyo na iyon. Nakaiinis pa rin siya at isip bata. Sinong matinong lalaki ang magpapadala ng sulat na ganito?

•••

LUMIPAS ang isang Linggo at birthday ko na. Magbibigay kami ngayon ng mga libro at laruan para sa mga bata.

Bumili ako ng mga libro pambata, nag-iipon talaga ako ng pera para kada Linggo ay makabili ako ng mga libro. Eighty na libro yata na pambata ang nabili ko. Napangiti ako dahil eighty na bata ang makakatanggap ng libro, plus ‘yong dadalhin pa ng mga kaibigan ko. Mayroon din mga laruan, inipon namin ang mga laruan na hindi namin ginagamit. Ang iba ay galing sa kapit bahay. Nag-text ang mga kaibigan ko para batiin ako.

“Magandang umaga po, Ate Dandelion!” Nangingislap ang kanilang mata sa tuwa. Pinakilala ko sa kanila ang mga kaibigan ko at binati rin nila ang mga ito.

Sinimulan na namin ang pagbibigay ng pagkain, sunod ay nag-story-telling kami sa kanila at ang huli ay ang pagbibigay namin ng mga libro at mga laruan.

Sa bawat pag-abot namin sa kanila ay malawak ang pagkakangiti at kumikislap ang kanilang mata sa kagalakan. Nagpasalamat sila sa amin. Iba talaga ang dulot sa puso ko ng mga ganitong bagay. Nang matapos kami ay nagpaalam na kami sa kanila. Masaya kaming umalis sa lugar na ito.

Pinauna ko na muna ang mga kaibigan ko sa bahay at ako naman ay pumunta muna sa playground. Pinalibot ko ang tingin sa paligid, nag-uumapaw na kasiyahan ang nakalukob sa puso ko. Natigil lang ang pagtanaw ko sa paligid nang mag-ring ang cellphone ko.

“Hello po?” nanginig pa ang kamay ko sa hindi malaman na dahilan at nakaramdam din ako ng kaba.

“Dandelion… si Tita Minerva mo ito. N-nasa hospital k-kami ngayon. Inatake sa puso ang mama mo…” Hindi pa tapos magsalita si tita ay tila nablangko ang isip ko at tinulos ako sa kinauupuan ko. Nang makabawi ako ay agad akong tumayo at tumakbo kaso nabunggo ako at nabuwal. Napaangat ang tingin ko kung saan o sino ang nabunggo ko.

Matalim niya akong tinitigan. “Ang pangit mo na nga, tatanga-tanga ka pa! Hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo! Bobo ka ba, ha? Ang pangit mo uy! Tignan mo nga at kumapit pa sa damit ko ang kaitiman mo!” walang pakundangan niyang sambit. Tila kutsilyo na humihiwa sa puso ko. Pagkainsulto, galit, lungkot, halo-halong emosyon ang nararamdaman ko ngayon. Hanggang sa sumungaw na ang masaganang luha sa mga mata ko. Agad akong tumayo at tumakbo pauwi ng bahay.

Habang papasok ako sa hospital ay pabigat din nang pabigat ang bawat hakbang ko. Natatakot ako… natatakot ako sa pwedeng mangyari. Kumatok ako sa pinto ng kinaroroonan ni mama. Bumukas ang pinto at bumungad sa akin si tita na halos hindi na makahinga sa pag-iyak.

“Hija, ang mama mo… w-wala na siya.”

Tila nabingi ako sa sinabi ni tita at hindi matanggap ng sistema ko. “H-hindi totoo iyan, Tita. N-nagbibiro ka lamang hindi ba?” tanong ko sa nanginginig na boses.

Malungkot siyang tumingin sa akin. Napadako ang tingin ko sa kama at nakatakip na ito ng kumot. Kinumpirma ang sinabi ni tita. Nagbagsakan ang mga luha ko, kasabay ng pagbagsak ng puso ko at pagpira-piraso. Mabilis akong lumakad at niyakap ko ng mahigpit ang malamig na katawan ni mama.

“Mama! Mama! Hindi ito totoo, ‘di ba? Mama, hindi ko po kaya. Ganito mo ba ako babatiin ng maligayang kaarawan?” Nagdaluyan ang masaganang luha sa mga mata ko, lahat ng luha na mayroon ako ay tila hindi maubos-ubos.

Mabilis ang pangyayari huling araw na ngayon na makakasama ko si mama. Ililibing na siya at heto ako naiwan sa kung saan. Pakiramdam na ililibing na rin ang pagkatao ko. Napa-buntonghininga ako at tinignan ang pababang kabaong. Dinig ang mga iyakan sa paligid, ako naman ay wala nang mailuha sa sandali na ito.

Pagkauwi ko sa bahay ay sumampal sa akin ang malamig na hangin sa hapon. Ang hangin ng katotohan na ako na lang. Humakbang ako patalikod, lumakad papunta sa lugar kung saan ako kumportable. Umupo ako sa swing, tumanaw sa unahan at natulala lang. Hindi na alam ang mga susunod na mangyayari.

Natanaw ko ang hunyango na naglalakad papunta sa akin. Tumigil siya ng ilang dipa mula sa kinaroroonan ko. May pag-aalangan sa kaniyang mukha, bago bumuntonghininga.

Hindi ko nalang siya pinansin, tumaas lang ang kilay ko at tumanaw na lang ako sa kabilang dako. Wala akong lakas ngayon na makipagtalo sa kaniya. At wala rin lakas para saluhin lahat masasakit na salita niya.

Tumitig siya sa akin ng ilang minuto. “Lion, sorry sa mga nagawa ko,” sabi niya. “Ngayon ko lang naisip mga nagawa kong pang-iinsulto sa ’yo. Na-realize ko kung gaano mo dinaramdam ang mga sinasabi sa ’yo ng tao. Akala ko ayos lang sa ’yo ang lahat. Para kasing hindi ka naaapektuhan.” Mataman siyang nakatititig sa akin habang ako ay nakatanaw sa kabilang gilid.

“Hindi ka naman talaga pangit. Bulag lang ang hindi makakakita ng tunay mong kagandahan. Huwag mong maliitin sarili mo, Dandelion. Hindi ko nga alam kung paano o kailan nagsimula itong paghanga ko sa ‘yo, sa mga ginagawa mo. Lalo na kapag tumutulong ka sa ibang tao na walang hinihinging kapalit. Nanliliit ako sa sarili dahil hindi ko nagagawa ang ginagawa mo.” Naglakad siya papalapit sa akin, kaya napatingin ulit ako sa kaniya. Nakakunot ang noo ko at bilis nang tibok ng puso ko ang tanging naririnig.

Hinawakan niya ang mga pisngi ko at tumingin sa akin gamit ang kulay tsokolate niyang mga mata. “Sabi ko— Sorry na sa pang-iinsulto ko sa ’yo. Sorry… kasi hindi ko alam na ang mga sinasabi ko ay nakasasakit na. Kapag mainit ang ulo ko sa bahay ay binubunton ko sa ibang tao. Napaka insensitive ko. Nakasisira na pala ako ng pangarap at pagkatao ng isang tao. Salamat at pinakita mo sa akin ang mga ganitong bagay. Sa mga ginagawa mo, nakapagbibigay ka ng ngiti sa iba. Dahil sa pagpapatawa mo. Sa mga kakulitan mo. Nabibigyan mo ng bagong sigla ang ibang tao. Salamat sa mga taong kagaya mo, Dandelion. Dahil sa inyo nabubuksan ang isipan namin na walang magawa kundi manlait ng tao,” sinsero niyang pahayag at hinalikan ako sa noo na naging dahilan ng pagbasak ng luha ko.

Siguro nga ang kailangan namin ay taong makakikita ng halaga namin bilang tao. May kapintasan kami na pampisikal, pero hindi hadlang ito para maging tao at magpakatao.

“Maraming natutulong ang Dandelion, parang ikaw. Akala mo ay palamuti ka lang. Wala ng halaga, wala lang. Kinakain ka ng sinasabi sa ’yo ng ibang tao. Pero ang totoo ay nagsisilbi kang liwanag sa iba ng hindi mo namamalayan. Kaya humihingi ako ng tawad, ‘di ko na rin uulitin. Pipilitin ko na rin magbago… Sana naman naghilamos ka muna? Bakit puro itim ang mukha mo? Kadiri ka naman!”

Sinamaan ko nga siya ng tingin. Sira ulo talaga! Magbabago na raw, tignan mo nga at nilait pa ang mukha ko. Napabunghalit siya ng tawa. Ginagawa talaga akong clown ng hunyango na ito eh.

Kumikislap ang mata niya, “Friends?” Inabot niya sa akin ang kamay niya.

“Sige na nga. Wala naman akong choice, Friends,” kunwari'y napipilitan kong sambit at inabot ko ang nakalahad niya na kamay. Gumuhit ang malapad na ngiti sa aming pareho.

Ito ang huling pagkikita namin. Tumawag kasi ang tita kong nasa ibang bansa at sinabi na doon na muna ako titira at siya na ang magpapaaral sa akin. Pagkaayos ng mga papeles ko ay lumipad na ako papuntang Canada.

•••

MAHIGIT apat na taon ako sa Canada, nang matapos ko ang pa-aaral ko ay bumalik ako sa Pilipinas. Ika-dalawapu’t dalawa ko na kaarawan, may dala ako na mga pasalubong para sa mga bata. Naka-usap ko na rin ang mga kaibigan ko at sila na ang nag-organisa ng ginagawa namin para sa mga bata. Ngayon ay sa may playground naman namin ginanap ang birthday ko.

Mangha na napatingin ang mga bata sa akin. Naninibago yata. Nakaramdam tuloy ako ng pagka-ilang. Tumikhim muna ako bago nagsalita, “Magandang araw mga bata!”

“Happy Birthday po, Ate Dandelion!” may binuklat ang mga bata at bumungad sa akin ang Happy Birthday na kataga. May lumapit sa akin ang ibang bata at may hawak na cake. “Blow the candles na po, Ate.”

Pumikit ako, nagpasalamat at humiling. “Thank you po sa pag-ibig na natatanggap ko sa mga kaibigan ko, kamag-anak at sa mga mununting bata na ito. Sana ay hindi magbago ang pagmamahal nila para sa akin. Maging sino man o ano man ako. Salamat po sa buhay na ipinagkaloob mo. Maraming salamat po sa lahat ng biyaya na ito.” Nagmulat ako at hihipan na sana ang kandila. Kaso ay nanlaki ang mga mata ko dahil iba na ang kasama ko na may hawak ng cake.

Mangha siyang nakatingin sa akin.. “Happy Birthday, My Dandelion,” sambit niya, bago hinipan ang kandila

WAKAS
Owl Tribe Creator