ALONG THE WAY

BRILE SAN JOSE

 

"PEDICAB"

"Life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving."

Albert Einstein

 

                       Mag-aalas-10 na nang gabi ngunit limampung piso pa lamang ang iyong kita sa pamamasahe. Nais mo nang magpahinga ngunit ang iyong pera ay kulang pa para lang may ipang almusal sa umaga. Nangangalit na ang iyong mga binti at paa sa kakapadyak sa pedal ng pedicab. Sa bawat padyak mo ay s’ya namang pagpadyak ng pagsisisi sa kaibuturan ng iyong pagkatao dahil sa nangyari sa iyong buhay.

                        QUESTION NUMBER 1: Sino sa mga sumusonod ang dapat mong sisihin?

A. MAGULANG

—nagbigay sa lahat ng iyong gusto at kailangan: baon na ibinabayad sa computer shop at cellphone na ginagamit habang may klase. Pagpilit nilang pumasok ka kahit ‘di mo gusto kaya nagrebelde ka; nagcutting classes, umakyat sa pader, nagbulakbol at nabuwang.

B. GURO

—binigyan ka ng bagsak na marka, dahil wala ka naman lagi sa klase o kaya namay andyan ka sa klase pero naiwan mo ang utak mo sa bag mo kung saan naroon ang cell phone. Maari rin namang natraffic ang utak mo sa kakaisip kung saan makakakita ang pinakamalakas na Pokemon, o kaya namay nastranded ito sa computer shop ng overnight kaya halos mapatakbo kana sa pagbukas ng gate.

C. SARILI

—Sino ba ang nagcutting classes, nagbulakbol at ipinagwalang bahala ang pag-aaral? Sino ba ang pumili sa bawat disisyon na ginawa, pinili o tinahak mo?

D. WALA SA NABANGGIT

—‘wag ka nang umasang may ganitong choice sa tunay na buhay; walang ‘‘All of the Above”, walang ‘‘A or B are Both Correct’’ at mas lalong walang special test o exemptions. Ano ka sinuswerte?  Alam mo ang sagot.

TEST II: Easy Essay Ipaliwanag sa 100 na salita kung ano ang dahilan nang tuluyan mong paghinto sa pag-aaral.

Hindi mo na maalala ang dahilan kung bakit ka huminto sa pag-aaral. Maaring dahil sa cutting classes, paglalaro ng computer games, hindi pakikinig sa klase, pagliban sa klase, hindi paggawa ng assignment, vandalizing, na-gauidance, na-expel, bumagyo, bumaha, lumindol at nagunaw ang mundo.

Nawala nang bigla sa iyong isipan ang ini-isip mong test nang mapansin mong may taong nakatayo sa may puno ng mangga. Binilisan mo ang pagpadyak upang maabutan kaagad ang potensyal na pasahero. Sa paghinto mo sa tabi ay natapat ka sa anino ng malaking puno kaya ‘di mo nakita ang mukha ng pasahero nang sumakay na ito.

“Saan po tayo manong?” tanong mo sa pasahero habang nagpatuloy sa pagpadyak. Hindi ito umimik. Dahan-dahan n’ya lang itinaas ang kanyang kanang kamay. Nang mapadaan kayo sa Carbajosa Street, napansin mong basa ng dugo ang kanyang mga kamay. Ang kanyang mga daliri ay parang mga uod na nanginginig. Biglang humaplos ang malamig na hangin na para bang yumapos sa buo mong katawan. Hindi mo alam ang gagawin. Ayaw mong tumingin sa nakasakay sa iyong pedicab. Ayaw mong mag-isip ng mga nakakatakot kaya pinilit mong mag-isip ulit ng test.

Wala. Blanko. Ang mga zombie sa “Train to Busan” ang naiisip mo.

Hindi mo napansin na nasa Sitio Tunga na kayo.

“Saan po tayo manong?” tanong mo sa pasahero habang nagpatuloy sa pagpadyak. Hindi ito umimik. Dahan-dahan n’ya lang ulit na itinaas ang kanang kamay at biglang natanggal ang kanyang buong braso. Hindi mo napigilang mapatingin sa pasaherong kanina pa pala nakatingin sayo. Nakangisi ito. Maningning ang matatalim n’yang mga ngipin habang natapat ito sa ilaw ng poste. Maraming dugo ang kanyang mukha at nanlilisik ang mga matang pinalibutan ng mapupulang mga ugat. Hindi mo napansin ang papalapit na bus.

Naramdaman mo na lang ang pag-alog alog ng buo mo’ng katawan hanggang hindi mo na maintindihan ang pagkabaluktot nito. Hindi ka na rin makagalaw. Nakasampa ang iyong mukha sa lupa at basa ito, marahil ng iyong dugo. Gusto mo nalang mag-isip ng mga nakakatawang test ngunit tila gusto kanang lisanin ng iyong ulirat.

Gusto mo nang isuko ang iyong buhay ng biglang…

“Hoy, Gising!” Isang boses ang gumising sa’yo.

“Puyat ka na naman sa computer ano?” sambit ng iyong guro habang ina-alog alog ka ng katabi mo para magising. “Oh, okay ka lang?” dagdag n’ya.

“Okay, lang po teacher. May masama lang akong panaginip.”

Ibinangon mo ang iyong ulo at katawan mula sa desk ng iyong upo-an. Biglang nagtawanan ang iyong mga kaklase at napansin mong basa ang iyong mukha dahil sa laway at may dumikit pa na papel sa iyong kaliwang pisngi.

Napabuntong hininga ka nalang at napasabi ng— Magbabago na talaga ako. Buti nalang ginising ako ni titser…

-0-

 

©BRILE SAN JOSE/JOSEJRLIBRE2021