ALONG THE WAY

BRILE SAN JOSE

 

MGA PATAK NG DUGO I

[DALAWANG DAGLI]

 

I:

-TOKHANG-

                Malakas ang kabog ng dibdib ni SPO1 habang naghihintay ng utos na pasukin ang bahay ng hinihinalang drug pusher. Pawis ay namumuo sa kanyang noo at sa kanyang kamay na hawak hawak ang baril. Tahimik ang bawat isa habang nakikinig sa mga ingay na di malinaw mula sa loob ng bahay. Mayamaya'y tinadyakan ng kasamahan nya ang pinto ng bahay at tuluyan na itong pinasok.

                Tirik na tirik ang araw ngunit tila may lamig na namumuo sa kanyang katawan. Sa ‘di inaasahan ay biglang bumukas ang pinto ng isang kwarto kung saan mabilis na lumabas ang lalaking may hawak na baril. Maaliwalas ang mukha ng lalaki at nakangiti na tila ba natutuwa sa kung ano man ang nangyayari sa kwartong iyon. Nang makita n'ya ang mga pulis ay biglaang napalitan ng pagkagulat ang kanyang mukha. Dahan-dahan n'yang itinaas ang mga kamay.

                BANG!

                Umalingaw-ngaw ang sigaw ng baril na nagnakaw sa kanyang buhay.

                Tuluyan ng humandusay ang nabaril na lalaki sa pintuan. Gulat na lumingon si SPO1 sa kanyang mga kasamahan at nakita si SPO2, nakatutok pa ang baril nito sa nakahandusay na katawan. Inutusan ni SPO2 si SPO1 na tunguhin ang kwarto.

                Napatingin si SPO1 sa katawang nakabulagta. Hindi na man sila nagkamali. Kumpermadong iyon nga ang tinukoy na drug pusher. Ngunit napakunot-noo si SPO1 nang mapansin ang baril na hawak hawak ng lalaki.

                Nagpatuloy si SPO1 sa loob ng kwarto. Sa ibabaw ng kama ay may paslit na nakatayo; ang mga mata n'ya’y nalulunod na sa mga luhang malapit ng kumawala at tumulo sa kanyang mga pisngi.

                Tumingin si SPO1 kay SPO2.

                Gumuhit sa mukha ni SPO1 ang pagkabahala at napa-isip; Hindi nga ba talaga kami nagkamali?

                Tiningnan ulit ni SPO1 ang paslit. Tila tumigil ang oras habang siya ay nakatitig sa mosmos na naulila habang hawak-hawak nito ang laruang baril sa kanyang kanang kamay.

 

II:

-GUNTING-

  “Ben! Ga-selpon selpon napud ka diha ay?!” sigaw ng teacher kay Ben.

                “Sorry ma’am, emergency lang,” ang tugon n'ya.

                Lumapit ang guro kay Ben at dali-dali n'yang tinapus ang nilalarong game app. Matalim ang titig ng guro sa kanya.

                “Akin na 'yang cell phone mo!” utos ng guro sabay bukas ng kanyang palad. Halos umusok na ang tenga ni Ben. Ramdam n'ya ang lahat ng matang nakatitig sa kanya sa loob ng kwartong iyon. Inabot n’ya ang cell phone habang pigil sa galit na namumuo sa kanyang dibdib. Pagkatapos makuha ang cellphone, bumalik na si Ginang Dora sa harap at ipinagpatuloy ang talakayan.

                Malakas ang bawat buga ng hininga ni Ben at tuluyan na s’yang nagpaubaya sa lagablab ng kanyang galit. Na-isip nya ang bagong bili na gunting para sa MAPEH nila.

                Tama. Yun ang pinakama-inam na gamitin.

                Kinuha nya ang gunting sa bag at itinago ito sa kanyang bulsa. Dahandahan s’yang tumayo at naglakad papalapit kay Ginang Dora.

                Sa kanyang dibdib…

                Tama. Doon ang pinakama-inam na parte upang ibaon ang matulis na gunting. Napahinto si Ginang Dora sa pagsasalita nang makita si Ben.

                “Ma’am, kailangan ko po yung cellphone ko,”sabi ni Ben.

                “Hindi pwede! Bumalik ka sa upu-an mo, Ben!”

                Huhugutin na sana ni Ben ang gunting nang biglang tumunog ang kanyang cell phone sa teacher’s table. Tiningnan ni Ginang Dora ang cell phone, kinuha at ini-abot ito kay Ben sabay sabing, “O sige, pagbibigyan kita. Tumatawag ata yung ama mo.”

                Mabilis na kinuha ni Ben ang cellphone, pinindot ang answer button at inilagay ang cell phone sa tainga.

                “Hello, Pa.”

                “’Nak, pumuntaka muna dito sa ospital. Emegency…”

                “Bakit po?”

                “Ang mama mo, sinaksak ng kanyang estudyante!”

                                   

©BRILE SAN JOSE/JOSE JR LIBRE 2021