ALONG THE WAY

BRILE SAN JOSE

 

MGA PATAK NG DUGO II

[DALAWANG DAGLI]

 

I:

– Mga Patak ng Dugo – 

  Sinindihan ni Bert ang sigarilyo na kakakuha nya lang mula sa kaha nito. “Stalker ka ba?” tanong nya sa katabing lalaki na marahil ay sing edad n’ya lang. Dalawa lang silang nakaupo sa likurang parte ng bus. Inu-ubo pa ang lalaki nang timingin ito sa kanya. “Hindi na man ‘pre,” malamya at mapa-os na tugon ng lalaki. Dahan dahan itong lumapit sa tainga ni Bert at bumulong, “Hindi mo lang napansin, sabay tayong lumabas ng kulungan kanina.” Sinindihan ulit ni Bert ang sigarilyo, humithit na para bang uhaw na uhaw sa usok nito. Humarap s'ya sa lalaki at ibinuga ang usok sa mukha nito. “Pre, pwede bang patayin mo yang sigarilyo mo?” Paki-usap ng lalaki habang hininhingal at inuubo. Hindi s'ya pinansin ni Bert na para bang wala s'yang kausap. Matapos ang isang minutong katahimikan, nagsalita ulit si Bert. “Kung magkasabay tayong lumabas sa kulungan, ano ba ang naging kaso mo?” Lumapit itong muli ng dahan dahan sa tainga ni Bert at bumulong, “Four counts of murder…” Mayamaya ay biglang pumalahaw ang Ceres bus sabay ng biglaang paghinto nito sa gitna ng daan. Nagkagulo ang mga tao sa loob. Nagsigawan ang lahat at hindi magkamayaw sa paglabas. Nahulog ang isang kaha ng sigarilyo ni Bert sa dugong dumadanak sa sahig. Tumalsik ang isang patak ng sariwa at napakapulang dugo sa parte ng kaha kung saan nakasulat ang, “BABALA: Ang Paninigarilyo ay Nakamamatay.”  

II:

– Mga Patak ng Luha –

Sa araw na ito iba naman ang ginawa ng mga estudyanteng yun sa kanya. Nafracture ang kanyang kaliwang siko at halos ‘di na sya makakita dahil sa namamaga nyang kanang mata. Hindi na sya nagpaalam kay ma’am nang umuwi sya, dahil nahihiya na sya sa lahat ng tulong na naibigay nito sa kanya. Tumutulo pa ang dugo sa kanyang ilong nang dumating sya sa kanilang kubo. Hindi rin sya nagtagaal doon dahil lasing na naman ang kanyang ama, baka madagdagan lang ang pasa nya. Ayaw nya ring maalala ang kalinga ng pumanaw na ina. May pagkabahala sa kanyang dibdib, hindi dahil sa bugbug nyang katawan kundi dahil wala sa kanilang kubo ang pedicab na hiniram nya lang sa pamamasada. Tinungo nya ang tangi nyang kaibigan, ang tanging nakakaalam sa lahat ng sakit at hinanakit nya sa mundo. Ang nagging karamay nya nang mamatay ang kanyang ina; ang puno ng mangga. Ilang minuto din nyang tinitigan ang puno. Kakaunti na lamang ang dahon nito dahil sa tag init. Tahimik lamang sya, ‘di tulad sa nakasanayan nyang pagkausap nito habang nakasakay sa duyan na nakatali sa pinakamaliking sanga nito. Putol na rin ang duyan. Kahit hirap at namimilipit sa sakit, inakyat nya ang puno. Gumapang sya papunta sa pinakamalaking sanga nito. Inabot ang putol na lubid at itinali… Tumulo ang kanyang mga luha habang nakatitig sa mundo. Maaabot nya na ang langit. Ngumiti sya nang may tunay na kaligayahan sa kanyang puso. Tumalon si Pondoy mula sa sanga… Napakainit sa araw na ito. Ngunit, sa pagkakataong iyon tanging lamig lang ang kanyang una at huling nadama.  

©BRILE SAN JOSE/JOSE JR LIBRE 2021