Mga Batang Makukulit

MegumiJ29

KAY SARAP MAGING bata hindi ba? Tipong wala kang gaanong pinoproblema, kung 'di pag-aaral, paglalaro, panonood o pagbabasa. Pero siyempre iba-iba rin naman ang mga bata. Kasi ang ibang mga bata namomoroblema na sa kanilang kakainin sa bawat paggising sa umaga. May mga bata rin na umaga palang musika na ng mga magulang ang kanilang napapakinggan. Sigawan dito, sigawan doon na animo'y naglalaban ng talastasan dahil sa bilis ng bawat bitaw ng mga salita. Kaya kung maayos naman ang kabataan mo, magdiwang ka. Ipagpasalamat sa Diyos. Kung hindi naman naging maganda, wala na tayong magagawa kung 'di tanawin iyon bilang karanasang hindi malilimutan na tumulong sa 'tin na maging matatag sa ngayon. Ipagpasalamat pa rin natin.

Mainit ang Panahon, katulad ng panahon ng aking kabataan. Katulad ng mga memorya na 'yon na nakatanim sa aking isipan. Sa muling pagsulyap ko sa nakaraan ay nagbibigay ng kakaibang init sa puso ko.

Naalala ko noon, mahilig kaming maglaro sa labas ng bahay namin. Kasama ko ang mga pinsan ko, mga kapatid ko at minsan ay ang kababata. Simulan natin sa mga pinsan at mga kapatid ko. Itago natin sila sa pangalang Khong-khong, Mhumay, Buboy, Bea, Buknoy at si Caleb. Sila ang mga pinsan ko. Ang mga kapatid ko naman ay sina Mamoks, Panis at si Duday. Siyempre mga palayaw lang namin 'yan. At hulaan ni'yo kung anong palayaw ko? Comment down below. Ang makahula may gcash load. Char.

Makulay ang paligid dahil sa tingkad ng sinag ng araw. Ang mga mumunting bata ay maglalaro na naman. Nagyayang lumabas ang mga pinsan ko papunta sa bahay ni lolo, ito ay tiyuhin nina mama. Dito nakatira si Bea. Ang lugar na ito ay malawak may mga punong kahoy at mataas na parte na katulad sa isang bundok. Sa gitna nito ay may nakatayong hindi kalakihang kubo na may mga laman na gamit sa pangingisda. May mga lambat na nakasabit sa ilang parte ng kubo. Sa baba rin naman ng bundok ay may kubo rin na medyo maliit. Matatanaw naman ang lawa ng Laguna. Ang lawa ng Laguna ay malaki na halos matatanaw sa buong paligid ng Rizal at mga karatig na lugar nito.

Dahil kami'y makukulit na bata ay naranasan namin ang kakaibang adventure na ito at hindi pa uso ang takot. May dala-dala kaming banyera. Karay-karay namin ito simula sa taas na bahagi ng lugar at sasakay kami rito at magpapaguho pababa.

Sinimulan ng mas matanda sa amin, Si kuya Mamoks ang naunang sumakay sa banyera. Umupo na siya, tinaas niya ang mga kamay niya para sa paghahanda. Itinulak namin ang banyera at gumuho ito pababa. May mga ilang bato ang nakaharang sa daan pero hindi ito naging dahil para tumigil ang pagdausdos ng banyera.

"Mga siraulo! Wohoo!" Tawang-tawa siya bago siya bumaba ng banyera

Pati kami ay natatawa dahil muntikan na siyang tumaob ng malapit na siya sa baba.

Sumunod si Kuya Khong khong at ganito rin ang ginawa namin sa kaniya itinulak din namin ang banyera. Sunod ay ako hanggang sa nagsunod-sunod na kami ng pagsakay sa banyera. Para kaming nasa rollercoaster ng mga sandali na 'yon.

Minsan naman ay nasa kalsada kami dala-dala ang bike ng mga pinsan ko na may sidecar. Lahat kami ay pipilitin na magkasya sa bike na 'yon. May nakasakay sa loob, sa unahan, sa likod at sa may manibela. Magpapaguho kami sa kalsada gamit ang bisikleta. Kagaya ng pagsakay sa banyera, itataas namin ang aming mga kamay at sisigaw. Ang daloy ng excitement sa aming mga mukha ay mababakas. Hangga't hindi nasasaktan o nagsasawa ay uulit-ulitin namin na magpaguho sa parteng 'yon.

***

MAKULIMLIM AT MADILIM ang kalangitan nagbabadiya na malakas ang bubuhos na ulan. Kapag ganyang panahon naman ay pinapapaalam kami ng mga pinsan ko.

"Tita Jaz, maliligo po kami sa ulan," sabi ng pinsan kong si kuya khong-khong kay mama.

"Bahala kayo. Basta bumalik kayo mamaya para kumain," tugon naman ni mama.

"Salamat po, tita Jaz." Pagkasabi noon ay matulin na kaming tumakbo sa labas ng bahay na akala mo'y nabigyan ng malaking papremyo dahil sa lawak ng ngiti namin sa mga labi.

Hindi pa uso ang maarteng bata sa 'min. Nandiyan ang maligo kami sa mga baha. Naghahabulan at nagbabasaan. Kahit tumila na ang ulan ay maglalakad pa kami sa daan at kapag may nakitang puno ng sinegwelas ay aakyatin namin ng walang katakot-takot. Nariyan pa ang maglalambitin kami sa mababang sanga ng puno ng niyog.

Hapon na kami nakabalik sa bahay. Pagkauwi ng bahay, naligo kami at nagbihis dahil nakahain na ang pagkain sa lamesa. Pagkatapos kumain ay naghugas na kami ng pinggan nang matapos ay manonood na kami ng mga palabas sa telebisyon. Pero hindi na kinaya ng antok dahil sa pagod ay nakatulugan na namin ang pinapanood namin palabas. Sina mama na ang nagpatay ng T.V.

***

PINAGHALONG kahel, mapusyaw na rosas at may pagkapula na ang ilang bahagi ng kalangitan ng makauwi ako sa bahay galing sa paaralan. Ito na ang oras na pinakahihintay ko dahil oras na rin ng paglalaro. Matulin kong ibinaba ang mga gamit ko sa loob ng kwarto at agad nagbihis ng pambahay na damit. Simpleng t-shirt na kulay kupas na lila katerno ang short na kulay rosas. Nagluluto si mama. Hindi na ako nagpaalam, sinuot ko na ang tsinelas ko, agarang lumabas ng bahay para makipaglaro sa mga kababata. Dala ko ang nabili kong garter sa tapat ng eskwelahan namin. Tamang-tama nasa labas na ang iba kong mga kalaro, naghahabulan na sila. Ganito kaming batang Gen Z (Feelingera). Este batang 90's.

"Hi, Junella, Wekado, Nikki, Carla," bati ko sa iilan na naroon na.

"Halika na. Sumali ka sa 'min. Magtaya-tayaan muna tayo. Maiba taya muna," bati rin ni Junella sa 'kin at nagmaiba-taya nga kami. Ang naiiba ay si Wekado. Lumabas na ang pagiging ninja namin at tumakbo kami ng mabilis para hindi mataya.

Habang naghahabulang kami ay dumating na ang ibang mga lalaki naming mga kaibigan kaya tumigil kami sa paglalaro.

"Iba naman laruin natin. Mag-chinese garter naman tayo," suhestiyon ko habang ipinapakita ko sa kanila ang ang garter na nabili ko. Mahaba ito at halos tatlong yarda, yata?

"Sige!" sabay nilang pagsang-ayon.

Limang lalaki sila at limang babae naman din kami. Hindi ko na sila ipapakilala dahil hindi ko na rin naman maalala ang iba. Magkakampi ang mga lalaki at kami namang mga babae ang magkakakampi.

Una naming nilaro ay ang rainbow rack. Magco-coin toss kami para malaman kung sino ang mauuna. Ang pinili ng mga lalaki ay tail at kaming mga babae ay head. Ang mga lalaki ang nag-toss ng barya. Umikot na sa ere ang barya at sinalo ng palad ni Arnald, siya ang naatasan ng mga lalaki na mag-toss ng barya. Head ang nanalo kaya ang mga lalaki ang taya, sila ang may kapit ng garter sa magkabilaan. Nahsimula na kaming maglaro.

Kada araw ay iba-iba ang nilalaro namin. May lusong-lubid, luksong-tinik, luksong-baka, ten-twenty, tagu-taguan maliwanag ang buwan pagkabilang kong tatlo magtago na kayo(Parang pahabaan lang ng pamagat yarn?) Jolen, goma, doktor kwak-kwak, agawan ng tsinelas, tumbang preso, teks, ah, basta halos lahat ng larong pambata noon. Hindi pa uso pagandahan noon, padugyutan. Dati, 12 years old na 'ko mukha pa akong nawawalang bata(kahit hanggang ngayon mukha pa rin akong nawawalang bata). Ngayon yata 10 years old pa lang problema na pagpapaganda. Hustisya. May pa milktea pa girl. Sa 'min tama na ice tubig na nabibili sa may tindahan. Hindi rin gaanong uso ang mga makabagong gadget noon. Naalala ko mahilig lang din akong manood sa T.V. ng mga anime at minsan telenovela. Paborito ko pa nga noon ay Inuyasha, Naruto, Renma ½, Fushigi yugi, Prince of tennis, at marami pang iba. Halos lahat yata ng anime na napapanood noon sa T.V. Sa mga telenovela naman—siyempre una na ang Meteor Garden, Coffee Prince, Princess Hours, Started with a kiss, Super Twin at marami pang iba na bumuo ng araw ko.

Mahilig rin akong magcollect ng mga tagalog komiks. Naalala ko rati, tuwing pupunta kami sa kamag-anak ko Libis Quezon at kapag may nakikita ako na mga nagtitinda ng komiks sa tabing klasada ay bibili ako ng isa o dalawa dahil tig-sampung piso ang isa. Pag-uwi ko ay babasahin ko ‘yon. Minsan pa nga ay dinadala ko sa eskwelahan. Madalas ay hindi na nakakabalik sa ‘kin dahil hihiramin ng mga kaklase ko. Isa pa naman sa nagpapasaya sa ‘kin ang pagbabasa.

Natuto naman ako at nahilig magbasa ng pocketbook dahil sa kapitbahay ko at kaibigan ko. Mahilig silang magbasa ng pocketbook. Dati hindi ko alam ang pocketbook kung hindi pa ako pinahiram ng kaibigan ko.

Sabi niya, “Gusto mong manghiram ng pocketbook? Alam mo ba ang ganda ng pocketbook na ‘to. Nakakakilig ang mga bida.” Nagniningning ang mga mata niya habang sinasabi niya sa ‘kin ‘yon. Kaya na-curios ako. Diyan na nga nagsimula ang pagka-adik ko—adik sa pagbabasa. Halos napupuyat ako noon kababasa ng mga novella kahit maaga ang pasok kinabukasan ay hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagbabasa. Kaya ngayon ay dala-dala ko ang pagkahilig ko sa pagbabasa ng mga magagandang kwento. Kita ni’yo naman.

Nagsusulat na rin ako dahil sa makulay kong pag-iisip bukod sa kulay berdeng kulay. Hindi ko alam ‘yon.(Weh!?)

Mga mumunting sulyap sa nakaraan ng aking kabataan. Ang kislap ng mga mata ng kabataan ay walang katulad. Kasiyahan na walang katulad, puro, inosente at walang bahid ng lagim ng mundo. Sana’y makita kung muli ang batang ‘yon. Batang masayahin na hindi pa dama ang pait ng mundo at makita kung muli ang kislap ng saya sa kaniyang mga mata katulad noong kabataan niya. Walang bahid dungis ang nakaukit sa kaniyang mga labi.

Salamat sa pagsama ninyo sa pagbalik kung muli sa aking kabataan. Sana’y nasiyahan kayo sa pagsama sa ‘kin. Nagdadrama na ‘ko dito Doraemon, pahiram ng time machine mo gusto ko ulit bumalik noong ako’y bata pa.

Ngayon kasi parang nirarayuma na ako, pahingi na rin ng katinko o kaya ay efficasent oil pampahid sa nanakit na kasu-kasuan at sa madrama kung isip.

Ito nga pala si Anday ang inyong lingkod, pupunta na sa kasalukuyan.

—MegumiJ29—

Owl Tribe Creator

Mga Batang Makukulit by MegumiJ29