"KASIYAHAN MOMENTS"
— Mr. Blue




Alas-singko ng umaga nang magising ako sa ingay ng alarm clock ng aking cellphone.

Sa totoo lang, bangag na bangag pa 'ko. Tatlong oras lang ang tulog ko, gawa ng buong gabi kong pag-aaral. Wala din akong choice matulog pa ulit, dahil alas-syete ang klase ko.

Nakaligo.
Nakakain.
Nakapagbihis.
At heto't aalis nalang.


Medyo maswerte ako sa araw na ito kasi nagkataon namang makakasabay ako sa aking tito sa kanyang motor. Makakatipid ako ng pamasahe kumbaga.

Alas-sais nang makaalis kami.
Wala pa'ko sa ulirat. Damang dama pa din ng aking katawan ang kagustuhang bumalik sa higaan. Papikit-pikit akong nakaangkas sa likod ng motor. Na baka pag minalas malas, maaksidente sa pagkakahulog.

Natigilan kami sa isang iskinita na mayroong traffic enforcer. Kumpulan ang mga sasakyang bumabyahe tungo sa kani-kanilang patutunguhan. At dahil nga'y motor, sumisingit kami sa gilid-gilid ng mga sasakyan.

Habang nasa proseso nang pagsingit, ay hindi sinasadyang naipit ang aking paa sa gulong ng tricycle. Tumunog ng malakas, na akala mo'y pagsuntok sa pader ng may katamtamang pwersa.

Nagulantang ako! at nabuhayan ng ulirat! Sobrang sakit! Damang dama ng katawan ko ang sakit na galing sa aking paa na kung kanina'y natutulog pa ang diwa ko, ngayon ay sa sobrang sakit ay para bang kakasanib lang ng aking kaluluwa.

Gising na gising ako sa nangyari.

"Hoy! teka lang!" Wika ng driver ng tricycle.

"Wala yun boss, paa lang, naipit." Sagot naman ng tito ko.

Kumunot ang noo ng driver na para bang nanghihinayang syang pinabayaan kami umalis.

Medyo nainis ako ng bahagya.

'Seryoso ka ba?!'
'Sobrang sakit ho?!'
'Ikaw pa gustong malugi sa sitwasyon na'to?'

Ito ang mga tanong na nabubuo sa aking isipan na pinaghalo ng galit at sakit.

Habang nasa byahe, hindi mawala ang pokus ng aking isip sa kirot na dinadanas ng aking paa. Na para bang, ang kada segundo sa mundo ay sobrang tagal. Ganun naman e. Na kapag gusto natin ang nangyayari sa'tin, ay bumibilis ang oras. Habang tumatagal naman pag sa sitwasyon na hindi kanais-nais. Minsan nga, nagkakasiyahan kayo ng mga tropa mo sa inuman habang hindi mo mamamalayan, pauwi na lang kayo. Minsan din na gusto mo na paliparin ang jeep dahil natatae ka na. Sobrang tagal ng mga oras na yon.

Nagpatuloy ang byahe sa pagpapatuloy din ng hapdi na iniinda ng paa ko. Bumaba na ko sa motor, at nagpaalam na din sa aking kasama. Mula sa tulay, ay kaunting lakad na lamang papunta sa aming unibersidad. Para akong zombie na paika-ika kung maglakad; naiiwan ang isang paa. Inaayos ko ang postura ko na kunwari'y wala lang. Ang kaso ay talaga namang masakit. Paulit-ulit ko nang sinabi, dahil TALAGANG GANUN KA-SAKIT! Na tila bang mula sa talampakan, ay damang dama ko hanggang itaas ng katawan ko. Ang hapdi at kirot ang nag-uugnay sa kung paanong alerto ang diwa ko ngayon. Na animo'y bawat dugong dumadaloy sa aking katawan ay may kinalaman sa aking ulirat dahil lamang sa namamaga kong paa.

Tantiya ko, hindi ako makakapag-pocus nito sa klase ng ilang araw.

Isang kanto na lang at malapit na ko sa gate ng campus. Nang biglang...

Nakalimutan ko may Helmet pa'ko.


~

Hindi ito masayang karanasan. Pero sa tuwing naaalala ko 'to, o binabahagi ko sa iba ay talagang namang nakakatawa.

Isa lamang ito sa kwento ng buhay ko pagdating sa katangahan, kamalasan, sakit, o hindi kaaya ayang pangyayari. Pero nakakatawa di'ba? Kwela.

Sa totoo lang, marami tayong ganyan. Mga karanasang hindi maganda. Pero kung iisipin natin maigi.., atleast naranasan natin di'ba? Mga kwento ng sakit na magbibigay ng aral sa atin para hindi na natin ulitin sa susunod.
At mga kwentong katangahan, na pwede natin ibahagi sa iba na gusto mong mapatawa.

At yon para sa'kin, ay ang masayang karanasan.

Owl Tribe Creator

Kasiyahan Moments by Mr. Blue