Numbers don't lie, sir. Politics, poetry, promises - those are lies! Numbers are as close as we get to the handwriting of God.
- Dr. Herman Gottlieb (Pacific Rim)
. . . . . . . . . . . . .
An AB Novel
. . . . . . . . . . . . .
Chapter 1 : (zero,zero)
Isa, dalawa, tatlo, anim, isang dosena, dalawang dosena, kwarentay otso na sila. Pumapatak na mga dahon sa labas ng bintana. Isa, dalawa, tangina, andami na ulit nila. Kung pagsasama-samahin ko bilang ng bawat dahong pumatak at mga dahong pumapatak pa, I would say it revolves around four hundred fifty five hangang four hundred seventy. May bilang na otsentay tres ang mga tingting sa walis. May bigat na isang kilo at apat na daang gramo ang pandakot. May eksaktong tatlumpong minuto at apat na segundo pa bago sumigaw si Inay. Pede pa, konti pang saglit. Pede pa akong maidlip. Makahiga nga ulit.
Ipikit ang mga mata, huminga ng malalim. Mabanas pala. Sablay na naman ang PAGASA. Akala ko ba may animnapung porsyentong tsansang umulan. Sablay. Kaya ko pa ba umidlip? Ambanas eh. Kelangan ng tumayo, pero ayaw ko pa. Higa pa saglit at isipin siya. Siya na gaya ng PAGASA, palagi din akong sablay. Makabangon na nga. Sasakit lang ulo ko kapag inisip ko pa siya.
Binuksan ko ang bintana ng kwarto ko para pumasok sariwang hangin. Kaya naman pala mabanas, sarado pala mga bintana. Malamig na ang pagaspas ng hangin. Sana lang ay suwertihin ako sa tamang oras. Pinagmasdan ko ang paligid pero gaya ng dati, di ko maiwasang lagyan ng numero ang bawat tingnan ko. Dalawa, tatlo, labing isa... Minsan nakakasawa na ding maging ako. Pinipilit kong maging normal takbo ng isip ko, sana.
Sa tuwing naiisip ko siya, nag-iiba ang lahat ng bagay. Gusto kong paniwalaan na kaya kong maging normal kapag kaharap na siya, na kaya ko. Kahit titigan ko sarili ko sa salamin ng isang oras, hindi magbabago. Andun pa din nakatatak, apat na tahi, tatong sentimetro ang haba, one inch and three fourths from the center to the right side ng noo ko. Kapag lumalamig di maiwasang kumirot ang peklat dito. Kung bakit ba naman ayaw kong magpahaba ng buhok. Tamad kasi ako mag-shampoo, di pa din kelangang mag-ayos, menos gastos pa sa gel. That why I'm keeping it, semi unong kalbo.
Whenever I look at the mirror, my scar reminds me of my father. Hindi kami masyadong close ni Itay, pero siya ang dahilan kung bakit puro numero ang naiisip ko. Apat na taon pa lang daw ako noon, ni wala pang isang metro haba, pero malimit daw akong isama ni Itay sa negosyo niya. Estimator kung tawagin siya. Kalimitang mga sirang planta, mga lumubog na barko, mga abandonadong warehouse ang pinpasyalan namin. I remember it vaguely when I turned seven, he keeps on asking me, "Ano sa palagay mo timbang? Magkano naman?". Natatawa na lang siya sa mga sinasagot ko. Pati mga katrabaho niya, napapapalakpak daw sa akin.
Ang negosyo ay scrap, at dito sa amin, delikado toh. Sampung taong gulang na bata pa lang ako, matindi ang sikat ng araw. Bumili ako ng palamig kay Hapon sa halagang limang piso. Tanghaling tapat ng kinaon ako ni Itay sa paaralan. Hinding hindi ko malilimutan ang araw, biyernes, at ang lugar, sa kalsada sa paaralang katabi ng Basilica ng Batangas.
Naputol lapis ko, namura ako ng titser ko sa pagamit ko ng techpen. Lumayas ako sa room at tumakbo palabas ng gate ng school. Tinawagan ko si Itay at saglit lang daw ay makakarating na siya. Binunot ko bente pesos kong baon, ibinili ng palamig. Kinse minuto, alas onse kwarentay singko ng makita ko sa di kalayuan ang sasakyan ni Itay. Kumakapal ang bilang ng mga tao sa kalsada. Malapit na ding tumunog ang bell ng lunch break ng school. Madami ng nakaparadang service ng mga bata na nag-aabang sa daan. May kabagalan ang trapiko, mga sampung metro na lang masusundo na ako ni Itay. May humaharurot na motorsiklo sa di kalayuan. Nagtatakbo ako upang salubungin ang kotse ni Itay. Tagiktik na ang mga butil ng pawis sa aking noo habang pilit akong kumakaway sa driver ni Itay. Huminto bigla ang sasakyan namin sa tapat ko, bumaba si manong driver sabay bunot.
What happened next, niyakap ako ng driver ni Itay habang pinapaputok ang hawak nitong baril. May dalawang kasamahan pa si Itay sa loob ng kotse, sina Laki at si Andak. Nakalabas ang isa sa mga ito habang ang isa naman pinagtatadtad ng bala ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklong tumigil sa tapat namin. Hindi ko mabilang kung ilang basyo ng bala ang nagkalat sa daan habang akoy nakadapa taklob ang aking mga tenga, nakatuon sa likod ko ang kamay ng driver ni Itay. Nakita kong may unti-unting patak ng dugong kumakalat sa kalsada. Biglang kumawala ang mabigat na kamay na nasa likuran ko. Pinilit kong bumangon at alamin sana kung ayos lang si Itay sa loob ng sasakyan. Pinilit ko, pinilit ko talagang hindi mapaiyak, mapaihi at panghinaan ng loob pero talagang umaapaw.
Dalawang lalakeng naka-helmet, patay. Patay din ang nasa likudan ng kotse namin, wala na si Laki. Kumuha ng mahabang baril si Andak sa compartment ng sasakyan habang hawak ang tadyang, duguan. DI ko maaninag si Itay sa loob ng kotseng basag-basag na mga salamin. Nagkasang muli ang driver ng panibagong magazine at hinggil sa ingay ng mga naghihiyawan, may biglang isang van ang rumagasa sa dalawang nakahelmet na nakahandusay. Pagbukas ng pintuan nito, within a fraction of a second, natumba ako. Hindi ko na marinig ang sigawan ng mga tao. Hindi ko na marinig ang maingay na putukan. Pero bago pa ako mawalan ng paningin, natandaan ko ang plaka ng van, nabilang ko bigla ang dami ng basyo ng balang nakakalat, natanaw ko hugis ng tatsulok na ulap, at dalawang sirang ngipin ng batang umiiyak sa di kalayuan tangan-tangan ni Hapon.
Tatlong minuto at tatlumpu't tatlong segundo bago sumapit ang alas tres ng hapon. Pumasok ako ng banyo, binuksan ang gripo, umihi pagkatapos naghilamos. Kumikirot-kirot ng bahagya ang sugat sa noo ko na nakuha ko noong bata pa ako. Now, I am eighteen. First year of college sa State University kumukuha ng Architecture. May ilang segundo pa bago ko marinig boses ni Inay. Hinahanap ko lighter ko at pakete ng sigarilyo sa kwarto. Di ko mahanap, katamad. Di ko magawang makakilos kapag wala akong sigarilyo. Humihiyaw na nga si Inay.
"RAKI, Magwalis-walis ka na!".
"UWOO!", tugon ko naman habang nagaantay pa ng milagrong magaganap.
Nahanap ko na sigarilyo at lighter sa ilalim ng kama. Nagsindi muna ako ng isa, habang iniinda pa din ang paghiyaw ni Inay, hindi na ako tumutugon, binibilang kung ilang beses na niya akong sinusugo. Nagdilim ang kalangitan. Napangiti ako habang isa-isang pumapatak ang butil ng tubig. Nalunod ang boses ni Inay sa lakas ng tagaktak ng ulan sa bubungan. Naubos na hinihithit kong sigarilyo. Tinapon sa labas ng bintana ang upos, may angulong seventy five degrees at bilis na kwarenta'y singko kilometrahe kada oras. Tinangay lang ng malakas na hangin, mga sampung pulgada ang layo sa pandakot. Siguro kung susubukan kong ligawan si classmate, mga hanggang ilang dipa kaya ang agwat na kaya ko?
"MAME!!! Magwawalis pa ga ako?", sigaw ko kay Inay. Minumura pa din niya ako pero di ko na iniintindi. Gaya ng mga dahon sa labas, pinabayaan ko na lang tangayin ang aking isipan ng rumaragasang panahon, kung saan di mo tiyak ang patak ng bawat segundo.
-Chapter 1 origin end-
Eto muna i-uupload ko. You can check out the finished content on ... secret. Hehehe. Hope you'll like it.