Sinimulan na namin ang aming paglalakbay.
Wala kaming malinaw na destinasyon.
Kahit saan, basta makahanap ng pagkain, malinis na inumin, at sana… iba pang gising na tao.
Kasama ko si Ayu, isang taga-indonesia na unti-unti ko nang nakikilala.
Wala kaming sasakyan, pero may bisikleta sa garahe, konting pagkain, at may kaunting pag-asa.
Wala rin akong ibang makausap kundi si Ayu, ang nag-iisang taong alam kong gising bukod sa akin.
Kaya kahit magkaiba kami ng wika, pinipilit kong kausapin siya.
Kadalasan, nagsasalita ako ng “Filipino. English.”
Hindi purong Tagalog, hindi rin purong Ingles. Timplado. Pinipili ko ang mga salitang maaaring maintindihan niya lalo na’t may pagkakahawig ang ilang salita sa Indonesian at Filipino.
Halimbawa ng mga ito ay mata, gabi, at buwan/bulan.
Minsan doon ako nagsisimula, sa mga salitang magkakahawig sa tunog at kahulugan. Doon ko siya unti-unting dinadala sa mundo ng wika ko, sa mundo ng Filipino.
At sa tingin ko rin ay ginagawa niya rin ang ginagawa ko.
Hindi lang ito para magkaintindihan kami. Ito rin ang paraan ko ng pagyakap sa kanya sa katahimikan ng mundong ito.
Kapag wala ka nang ibang makausap, ang bawat salita ay tila ginto. At kapag may isa kang taong gustong maabot, gagawin mo ang lahat para maintindihan ka niya.
Kami ay nakikisilong muna sa bahay na hindi kami pamilyar.
At habang ako ay nasa hindi pamilyar na lugar, napaisip ako…
“May iba pa kayang gising, bukod sa amin?”
Maagang nagising si Ayu.
Nakaupo siya sa may labas ng bahay, pinagmamasdan ang langit na bahagyang kulay kahel.
Ako naman, nakahiga pa rin, nakatingala sa hindi pamilyar na kisame. Mahirap matulog ng mahimbing sa ganitong sitwasyon. Tahimik, malamig, at punung-puno ng misteryo.
“Good morning” bungad ko nang lumabas ako.
Tumingin siya sa akin at bahagyang tumango. “Selamat pagi. Morning…”
Napangiti ako.
Habang kumakain kami ng natirang sardinas at tinapay, inilatag ko ang aking ideya.
“Punta tayo sa bukid. Let’s go to rural area” sambit ko, “Baka may mga taong gising pa doon. Maybe there are awake people there.” dagdag ko pa.
“Aku bersama.” sagot niya agad.
“Bersama? Ah! Sasama…” sambit ko sa kanya “Syempre isasama kita. Of course we will be going there together.” dagdag ko pa.
May nakita akong bisikleta sa garahe ng tinutuluyan naming bahay.
Flat ang gulong pero may foot pump akong nakita sa likod ng bahay.
Inayos ko ito habang si Ayu naman ay naghahanda ng tubig sa bote, at ilang crackers.
“Gusto mo bang ikaw ang mag-bike? You want to use this bike?” tanong ko sa kanya.
Ngumiti siya pero umiling. “Takut... Im afraid...”
Tumango ako.
“Sige, ako na lang magmaneho. I will drive the bike” sambit ko “Sakay ka sa likod. You can sit at the backseat.” dagdag ko pa.
Nilagyan ko ng karton sa backseat para mas komportable siyang umupo.
Simula pa lang ng paglalakbay, pero dama ko na ang bigat ng mundo.
Habang bumibiyahe kami, ramdam ko ang liwanag ng araw na unti-unting sumisilip sa pagitan ng mga puno at gusali.
Kakaiba ang tahimik na siyudad. Wala kang maririnig kundi ang ihip ng hangin, at paminsan-minsang paglangitngit ng kalawang sa bisikleta.
Pumasok kami sa isang mabukid na lugar. Huminto kami sa isang tindahan. Sarado, pero hindi naka-lock. Pumasok kami.
May natira pang noodles, canned goods, at tubig. Kumuha kami ng kaunti.
Iniwan ko ang pera at papel na may sulat na…
“Kumuha lang po kami ng kaunti. Pasensya na po. Kailangan lang po talaga namin.”
Umupo kami sa harap ng tindahan. Uminom ng tubig si Ayu.
“Itu sama dengan rumahku di jakarta. This is similar to my house.” sabi niya nang may ngiti, na para bang naalala niya ang kanyang tahanan.
“Jakarta… sa Indonesia 'yun ‘di ba?” sagot ko.
Tumango siya.
“Nagbakasyon kayo rito? Are you currently on vacation?” tanong ko.
“Yes. Papa… Mama… dua kakak. T-They’re also sleeping.” Kitang-kita sa mata niya ang lungkot, ang pag-aalala.
Mga pamilya niya siguro yun…
“Same here, my little brother is also asleep…” mahinang sagot ko.
Tahimik kaming dalawa. Sapat na minsan ang katahimikan para damhin ang sakit na di kayang bigkasin.
Pagkatapos naming magpahinga, nagdesisyon kaming lumarga na. Sa daan, napadaan kami sa isang simbahan. Bukas ang gate. Tumigil kami.
Pumasok kami sa simbahan. Mabigat ang katahimikan, parang bumabalot sa katawan.
Ang bawat yapak ay kumakaluskos sa lumang sahig, at ang alikabok ay tila hindi nagalaw sa mga araw na nagdaan.
Umupo kami sa gitna. Walang misa, walang kanta, walang tao—pero may katahimikan na kakaiba. Mapayapa.
“Nagdadasal ka rin ba? Do you pray?” tanong ko sa kanya habang tinatapik ang alikabok sa upuan ng simbahan.
Tumango siya. “Ya. I pray everyday.”
Napangiti ako, kahit may kurot sa dibdib.
“Ako rin. We’re same.” sabi ko. “Pero… hindi ko alam kung dinidinig pa tayo. Maybe God doesn’t hear us anymore?” dagdag ko pa
Tahimik muna siya, bago siya tumingin sa akin ng seryoso ang mukha. “Maybe... God is sleeping too?” sambit niya.
Napatingin ako sa langit. Napangiti, pero may bigat na dinadamdam sa puso.
Tahimik kami sandali, bago ako muling nagsalita. “Katoliko ka rin ba? Katolik?”
Muli siyang tumango. “Ya. Since kecil… since I was child. My mama… very devout.”
“Parehas pala tayo. Im glad to hear that we’re the same.” sabi ko sa kanya habang kami ay papaalis na ng simbahan.
Tumayo kami at muling naglakad. Sa daan, nakakita kami ng isang bata na sa tingin ko ay nasa apat na taong gulang.
Nakatayo sa gilid ng kalsada, hawak ang isang laruang kotse. Napahinto kami.
Bigla kong binilisan ang pagpadyak. Ngunit nang lapitan namin, nakapikit siya.
Tulog. Tulad ng iba.
Kinilabutan ako. Anong klaseng mundo ito? Bakit may ganitong nangyayari?
“Baka… nakakahawa ito. You know, contagious…” bulong ko habang pinagmamasdan ang bata.
“Like… virus?” tanong ni Ayu.
“Maybe.” sagot ko.
Nakita namin ang isang abandonadong clinic. Pumasok kami at halos lahat ng gamit ay nandoon pa…
Mga lumang reseta, poster ng vaccine schedules, at ilang bote ng gamot.
May mga dokumento sa mesa.Binasa ko ang nakasulat.
“Case 1768… Unknown Sleep Syndrome…”
Napakunot noo ako. Hindi lang pala ito biglaan…
Binasa ko pa ang sumusunod…
“Non-responsive. Stable vitals. Unknown cause.”
May nakasulat pa na…
“Monitor, don’t alarm the public.”
Bigla akong napaupo sa gulat na natanggap ko.
“Hindi lang pala ito biglaan. This is not sudden” sambit ko kay Ayu.
“Some people knows about it. Maybe they didn’t release this because it would cause panic?” dagdag ko pa.
Habang inilalagay ko sa bag ang dokumentong nahanap ko, tinitingnan ako ni Ayu.
“Ini… big?” tanong niya.
Sinagot ko naman. “Oo. Malaki. This is not just here. It’s global.”
Lumapit siya sa akin at mahigpit na humawak sa braso ko. Hindi siya umiiyak, pero dama ko ang takot niya sa mahigpit niyang kapit.
“Magtutulungan tayo. Let’s help each other” bulong ko. “As long as we can…”
Lumabas kami ng clinic. Tanghali na. Napagdesisyunan naming makisilong at matulog muna sa isang bahay sa gilid ng kalsada.
Kailangan naming magpahinga lalo na’t nalaman namin ang balitang iyon.
Bago kami pumikit, tinignan ko siya. Nakapikit na siya, pero hindi pa natutulog.
“Salamat” mahina kong sabi.
“Untuk apa?” tanong niya, nakapikit pa rin.
“For going with me, trusting me, and to be friend with me…” sambit ko.
Binuksan niya ang isang mata. Ngumiti.
“Terima kasih juga. Welcome” tugon niya sa akin.
Sa mundong puno ng katahimikan, siya lang ang naririnig ko. At sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magsimula ang sitwasyon ito... naramdaman kong hindi na ako nag-iisa.
[Wakas ng Pangalawang Kabanata]
Nagsimula ang paglalakbay nina Eli at Ayu sa gitna ng tahimik na mundo. Habang unti-unting nagkakaintindihan gamit ang pinaghalong Filipino, English, at Indonesian, nahaharap sila sa mga tanong tungkol sa pinagmulan ng pagkatulog ng sangkatauhan. Sa gitna ng pag-asa at takot, natuklasan nilang hindi biglaan ang lahat, may alam na ang ilan tungkol dito, ngunit pinili itong itago. Sa dulo, lalong tumibay ang tiwala at samahan nila.