Ang una kong napansin ay katahimikan.
Sanay na akong magising sa tunog ng mga jeep, tricycle, at bus sa highway na nasa tapat ng bahay namin.
Minsan sabay-sabay pa 'yan... busina, sigawan, at kahit anong ingay ang maririnig mo diyan.
Ngunit ngayon... wala. Wala ni isa.
Sumakit pa nga ang ulo ko sa sobrang tahimik, siguro nasanay na ang utak ko sa ingay.
Akala ko, maaga lang ako nagising o baka may brownout.
Bumangon ako mula sa banig.
Tiningnan ko ang cellphone ko, lowbat.
Tinignan ko naman ang orasan na nasa dingding…
“Alas otso na?”
Napakamot ako sa ulo.
“Nako, late na pala ako.”
Tumayo ako at nilapitan ang kama ng nakababatang kapatid ko.
“Leo, gising na. Late na tayo sa school.”
Walang sagot.
Tinapik ko siya. Wala pa rin.
Yinugyog ko na siya ngunit tulog pa rin.
Nasa isip ko na baka binangungot siya kaya nilapit ko ang kamay ko sa ilong niya upang pakiramdaman.
Humihinga siya. Mainit pa rin naman ang katawan.
Buhay. Pero tulog na tulog.
“Hoy...”
Pilit akong tumawa ngunit may halo na itong kaba.
Bumaba ako. Binuksan ang pinto palabas. Walang tao. Walang tunog ng sasakyan. Walang ingay.
Parang natutulog ang mundo.
Nilibot ko ang mga mata ko sa paligid. Lahat ng bahay sarado. Walang kahit sinong naglalakad sa kalsada. Ni pusa, wala.
Doon ako unang kinilabutan.
Hanggang sa may nakita akong tao sa di kalayuan. Isang batang babae.
Nakatayo siya sa gilid ng kalsada, may dalang maliit na backpack.
Payat, maitim ang buhok, mukhang taga ibang bansa ngunit mukha rin siyang Filipino.
Tumingin siya sa akin. Parang gulat at takot ang nasa mukha niya.
Nilapitan ko siya, dahan-dahan.
“Miss, ayos ka lang? Are you okay?”
Napalingon siya sa akin, kita ko agad ang luha sa mata niya.
Siya'y hindi kumibo, pero maya-maya, nagsalita siya.
“Aku… aku tidak tahu… semua orang tidur… semua diam…”
Napatigil ako.
“Huh? Ano raw? Hindi ko maintindihan… pero parang…”
Tumingin ako sa paligid. Wala talagang tao. Tahimik.
…at sinabi niya yung “tidur”?
“Tidur…” bulong ko.
Parang pamilyar. Teka… naaalala ko na! ‘Tidur,’ natutunan ko ‘yan dati. Tulog ang ibig sabihin niyan sa Tagalog.
Napag-aralan ko sa DualLingo noon. Trip-trip ko lang pag-aralan noon pero hindi ko akalaing magagamit ko pala.
Tumingin ako sa kanya. “Oo… parang lahat natutulog nga.” sambit ko.
Bahagyang tinagilid niya ang kaniyang ulo.
At doon ko naisip, na baka kaya ko siyang intindihin. Hindi man buong-buo, pero sapat para makipagkomunikasyon ako sa kanya.
“Ako si Eli” sinabi ko habang tinuro ko ang sarili ko.
“Aku? Eli?” tugon niya ng patanong.
Saglit siyang natahimik, bago sinabing…
“Ah! Aku Ayu!” sabay turo niya sa sarili niya
Pinapasok ko muna siya sa loob ng bahay.
Umupo kami sa magkabilang gilid ng maliit na mesa sa kusina.
Tahimik kaming dalawa.
Binalutan ng banayad na hangin ang paligid.
Sa labas, gumagalaw ang mga dahon. Wala nang iba pang nangyayari.
“Hindi ko alam kung anong nangyari” sabi ko, bagaman alam kong baka hindi niya ito maintindihan.
“Tulog silang lahat. Lahat ng tao. Orang t... tidur…” dagdag ko pa.
Tumingin siya sa akin. Hindi takot ang nakita ko sa mga mata niya, kundi pagod.
Tahimik lang siyang nakikinig, parang iniipon ang lakas para intindihin ang mga nangyayari.
Bago pa ako makapagsalita muli, siya ang nagsalita.
“S-Semua tidur... semua orang.”
Tumango ako. Doon ko naramdaman na kahit hindi man perpekto ang pagkakaintindihan namin, may pareho kaming pinagdadaanan.
“Wala akong masyadong maintindihan sa wika mo pero... naiintindihan ko ang intensyon mo.” sabi ko sa kanya.
Tahimik. Pareho kaming nakatingin sa lamesa, tila pinapakiramdaman ang bigat ng katahimikan sa paligid.
“Salamat” mahinang sabi niya, sa Tagalog. Pabigkas, may accent, pero malinaw.
Napatingin ako sa kanya.
“Ayun, marunong ka rin pala.” biglaan kong sambit.
“Sedikit... only a bit.” sagot niya.
“I learn from MyTube. Tagalog... not easy.” dagdag pa niya.
“English?” tanong ko.
“Little only” sagot niya, kasunod ang bahagyang tawa.
Bahagya rin akong natawa.
Sa katahimikang ito, naramdaman ko ang unang piraso ng katiwasayan.
“Gusto mo dito muna? You want to stay here for a while?” tanong ko.
Tumango siya ng may matatag, hindi bilang batang takot, kundi bilang isang taong nakikisama sa akin.
*Makalipas ang ilang araw*
Bago kami lumabas ng bahay, inayos niya ang kanyang buhok.
Ako naman, kinuha ang maliit kong bag, portable solar panel, at mga gamit na pang-kamping.
Kailangan naming maghanap ng pagkain, tubig, at sagot sa unos na kasalukuyan naming dinadaanan.
Naglakad kami sa gitna ng kalsada. Tahimik pa rin ang paligid ng abandonadong mundo, pero maliwanag ang langit. Walang ulan. Walang unos.
Hindi siya masyadong nagsasalita, pero ramdam ko na tinatatagan niya ang kaniyang loob. Hindi siya umaasa sa akin kundi nakikisama siya.
Tumingin siya sa akin at sinabing... “Kamu punya... plan?”
Bahagya akong nag-isip. “Plano? Hmm… wala pa. Nothing yet…” sambit ko.
“Pero hanapin muna natin kung may iba pang gising. We should find other people that might be awake” dagdag ko pa.
“Oke” sagot niya.
Hindi namin kailangang maintindihan ang bawat salita, sapat na ang intensyon namin sa aming sinasalita upang maintindihan namin ang isa’t-isa.
Wala pa kaming malinaw na direksyon. Pero sa gitna ng katahimikan, ang dalawang paang yumayapak sa abandonadong kalye ay mas maingay.
Tumigil kami sa waiting shed para magpahinga. Iniabot ko sa kanya ang natirang tubig.
Tinanggap niya ito, at sa unang pagkakataon, nakita ko siyang ngumiti. Isang mainit na ngiti ang aking natanggap.
At doon ko napag-isipan…
Sa gitna ng katahimikan, sapat na ang dalawang paang sabay na humahakbang, isang tanda na may buhay pang natitira.
Mula sa mundong natutulog, kami lang ang mulat.
At kahit hindi kami magkakilala, alam kong kailangan ko siyang alagaan.
[Wakas ng Unang Kabanata]
Sa isang mundong natutulog, nagising si Eli na walang ibang gising kundi siya hanggang sa makilala niya si Ayu, isang banyagang dalagita. Kahit magkaiba ng wika, unti-unti silang nagkaunawaan. Magkasama silang nagsimulang maglakad sa tahimik na daigdig, umaasang may matatagpuan pang ibang mulat na tulad nila.