undefined

Illustration by: SuzuMizu

Author: Blue

Type of Love: Agape

Malumanay ang tibok ng aking puso sa mga sandaling ito. Madilim. At sasapit pa lang ang araw maya-maya. Ramdam ko ang lamig na hatid ng himpapawid. Ngayon ang araw kung saan ang sangkatauhan ay gagawa ng unang hakbang para baguhin ang sistema dito sa mundong tag-tuyot sa pag-ibig, bunga ng naipundar na pagkamuhi.


Ramdam ko ang hangin na nagpapatayo ng aking balahibo sa katawan. Alam ko ang pakiramdam na ito. Takot. Subalit ang presensya ng paligid ay nagbibigay kalma sa natatakot kong katawan. Animoy hele sa isang bata ang dulot nito sa akin. Sapat ang katahimikan ng paligid para makapag dulot sa akin ng hinahanon. Takot ako… Ngunit hindi ko maramdaman.

Inisa-isa ko ang aking kagamitan. Handa na’ko. Isasakatuparan ang nasusulat sa propesiya. At ngayon ang araw na yon.



Isang libot tatlong daan at anim na pu’t limang dekada na ang nakalipas magmula nang sumailalim ang sangkatauhan sa pamamalakad ng mga Diyos.

Pitong Diyos ang namamalakad sa ibat ibang bahagi ng mundo. Ang sino mang sumuway sa mga utos ay mamamatay. Wala pa ni-isa ang nakakita sa kanila sa pisikal na anyo. Ngunit ang kanilang mga salita ay ganap at walang pasubali. Sabi ng ilan… Maging sila man ay hindi nagkakasundo, kaya’t hindi matapos tapos ang kaliwat kanang digmaan.

“Noong unang panahon alam mo ba apo?”

“Na alin po lola?”

“Ang kaharian ng Riverdale ay sagana sa kultura. Ang mga tao ay punong puno ng kasiyahan, galak at pagmamahalan sa isa’t isa.”

Napakunot ng ulo ang bata “Ano po ba ang pinaka-kahulugan ng pagmamahal?”

“Walang sapat na paliwanag dito apo. Ito ay nararamdaman lamang.”

“Bakit po ganito ang mundo? Mabangis, masalimuot at mapanglamang?”

“Nakakatakot ang mundo apo, pero wag ka mawawalan ng pag-asa. Dadating din ang panahon na magiging ayos ang lahat. At kung bandang huli ay hindi ayos ang lahat, ibig sabihin hindi pa yon ang katapusan.”

“Hindi ko po kaya maintindihan.”

Ngumiti ang matanda.

“Ayon sa nasusulat: Sa madilim na kalangitan, magsisilbing liwanag ang nagbabagsakang bulalakaw. Bubukas ang langit. Tutunog ang mga trumpetang galing sa mga nilalang na may pakpak. Matalinhaga ang ihip ng hangin, magkakaroon ng pangitain sa kalawakan. Ang mga bituin ay nagsasabing maghahalo ang itim at pulang mga langgam na sing-dami ng isang bansa upang pabagsakin ang dragon na may pitong ulo. Tutungtong ang mga ito sa bumbunan kasama ng halimuyak ng isang bulaklak na maglalarawan sa kanilang tagumpay.

Ang apoy ay magbibigay pugay sa tubig. Ang sanggol ay matutulog kasama ng mga leon. Ang mga maharlika ay luluhod kasama ang mga gusgusing mahihirap. Ire-respeto ng malaki ang nakakapuwing na butil ng buhangin. At Sabay sabay aawit ang mga ito ng iisang kanta, gamit ang iisang lingwahe, dahil sa araw na ito… ay isisilang ang hinirang.”

“Hindi batid ng aking pangunawa lahat ng sinabi mo lola”

“Lahat ng bagay magkakaroon ng ibig sabihin, apo. Bigyan mo lang ng sapat na panahon.”

“Hmmm… At sino po ang hinirang? At kailan ito magaganap?”

“Ayon sa propesiya, siya ay lalaking matipuno at wais higit kanino man. Sa bawat kumpas ng kanyang kamay, susunod ang mga maamo at mababangis na hayop. Ang mga leon ay matututong kumain ng damo, at ang mga tupa ay magsasama-samang mangaso.

Mahinahon nyang lalapitan ang dragon na may pitong ulo, at luluhod ito sa kanya. Maghihiwalay ang liwanag sa dilim. Magkakaroon ulit ng tapang sa bawat takot, pagkakaisa sa bawat pagkawatak-watak, at maghahalo ang pag ibig sa pagkamuhi.”

“Nakakamangha naman po siya, lola? Naniniwala ka po ba sa kanya?”

“Walang nakakaalam apo kung kailan siya darating, pero naniniwala ako sa kanya.”



Samu’t sari ang ingay sa kaharian ng Riverdale alas syete ng umaga. Ingat ng mga taong galing sa ibat iba nilang kalakal, may mga taong nagpupustahan sa sabong, nagbubuno ng braso, mga batang nagtatawanan sa lalakeng ketongin at marami pang iba.


“Bili na kayo! Sariwa pa tong mansanas na’to bagong kuha lang!”


“Sir, baka naghahanap kayo ng armas! Marami kami rito!”


“Kagamitan para sa tahanan? Tatlo isang daan! Matibay at mura pa! Bili na!

Tinahak ko ang makitid na daan sa gilid ng bahay na kung saan punong puno ng mga ubas na nakalalasing.

Hindi na nagbago ang lugar na ito. May mga taong nakahiga sa gilid na kasama ang kanilang mga pamilya. At ang ang tanging nag uugnay sa kanilang mga likod masabi lang na may malinis na higaan— ay karton.

Nagkalat sa bawat poste ng pader ang aking mukha. Hindi ako kakilala ng mga tao sa kadahilanang ang aking mukha ay binibalot ng maraming balabal.

Tumakbo ako ng mabilis at nagpasaboy ng mansanas sa mga maralita. Agaw pansin ang aking pagdaan. Palakpakan ang sinukli ng mga ito.

Sa dulo nitong makitid na daan ay lagusan papunta sa ilog. Ilog na talaga namang pagka-dumi-dumi.

At bago makarating sa ilog ay mayroong tindahan ng inuming gatas sa kaliwang bahagi ng mga gusali na dahilan kung bakit masikip ang daan.

*Knock knock

“Ikaw pala, pumasok ka.”

Pumasok ako at marahang sinarado ang pinto.

“Maupo ka muna habang hinihintay natin ang iba.”


Nagtanggal ako ng balabal, at nilagay ito sa isang sabitan.

“Handa na ba ang lahat?”

“Sigurado ka na ba? Hindi na magbabago ang isip mo?”

“Sigurado na’ko.”

Inilibas ni Henry ang aking espada. Manipis ito at itim ang talim. Pinaghirapan kong kunin ang materyal nito kung paano ito nagawa.
Gawa ito sa isang kometa, na nahulog sa bundok ng Tria sang daan taon na ang nakalilipas. Tyinaga kong mangolekta ng pira-piraso ng kometong yon. Pinuno ko ang isang balde na halos abutin ako ng isang taon.

Ang talim nito ay maingat na pinahiran ng isang makapangyarihang bulaklak. Na sa bundok lang din na yon matatagpuan. Semper Augustus ang pangalan ng bulaklak. Ilan na lang din ang bilang nito sa mundo. Meron itong sapat na lason na sabi sa mga nakatatanda, ito daw ang sangkap na kayang sumugat sa isang Diyos. Hindi ko magkasabay nakuha ang piraso ng kometa at bulaklak; nagtagal ako sa bundok na yon sa loob ng dalawang taon.

“Kung ako tatanungin? Ayaw kong gawin mo ‘to. Mahalaga ka sakin. Kapatid na turing ko sayo.” Seryoso niyang tingin.

“Alam ko… Pero para to nakararami.” Sagot kong nakangiti.

“Mahal kong kapatid, siguro nga’y masyado nang napalapit ang loob mo sa kamatayan. Natatakot ako para sayo. Sapagkat isang beses lang nabubuhay ang tao… Hindi mo responsibilidad ang lahat ng ‘to.”

“Araw-araw tayong nabubuhay, minsan lang mamamatay ang tao. Nabuhay ako sa mundong walang ibig sabihin, pero nais kong mamatay ng may kahulugan.”




Owl Tribe Creator

Agape (Love for Humanity) by Blue and Illustrated by SuzuMizu