Simula

"Sandali, anong binabalak mong gawin sa kaniya, Anselmo?"

Napatigil ako sa aking paglalakad dito nang marinig ang kaniyang tinig. Huminga ako nang malalim at umikot ang aking mga paa tungo sa kaniya. Lumuhod ako sa kaniyang harapan bilang paggalang. Humigpit ang aking pagkakahawak sa munting nilalang na nasa aking bisig. Inangat ko ang aking tingin at sinalubong ang kaniyang mga titig.

"Kailangan ko siyang ilayo rito." Saad ko. Nakita kong gumalaw ang mga mata niyang kasing kulay ng apoy at tinignan ang sanggol. Bumuntong hininga siya at sinenyasan akong tumayo, "Pakiusap, huwag kang lumuhod sa aking harapan. Ako lamang ito."

Lumingon muna siya sa paligid, sinisipat kung may makaririnig sa aming pinag-uusapan, at tsaka ibinalik ang tingin sa akin, "Bakit mo pa siya kailangang ihiwalay sa atin?" tanong niya.

Nagpatuloy ako sa aking paglalakad at sinabayan niya lamang ako. Tanging ang tunog ng aming mga yapak ang maririnig sa paligid. Sunod-sunod na sumisindi ang mga kandilang nasa aming mga gilid habang kami'y dumadaan.

Tinignan ko ang sanggol, "Mapapahamak lamang siya rito, Apolaki." saad ko at sinulyapan ang kasama ko, "Bunga siya ng aking pagkakamali at ayoko siyang madawit sa kaguluhang kami naman ang nagsimula. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyayaring masama sa kaniya."

Lumapat ang palad ni Apolaki sa aking balikat at marahan akong tinapik. Dumaloy agad ang mapanghalinang init na nanggagaling sa kaniyang katawan. Siya ang simbolo ng buhay at pagkawasak. Ang init niya'y kayang makapanggamot at makasira. Nakakalungkot isipin na hindi niya ako maaring matulungan ngayon sa aking problema.


"Nirerespeto ko ang iyong desisyon, Anselmo. Subalit, sa tingin ko'y mas makabubuti kung tatanggapin mo na lamang siya at dito palakihin. Huwag kang makinig sa sinasabi ni Idianale." Suhestyon niya. Marahan kong ginalaw ang balikat ko upang mahulog ang kaniyang kamay na nakahawak dito. Ibinaling ko ang ulo ko sa ibang direksyon at umiling.

"Hindi mo naiintindihan," Saad ko, "Kailangan niyang makalayo rito bago pa mahuli ang lahat. Hindi natin alam kung anong kapalaran ng sanggol na ito. Siya ba ang ating tagapagligtas? O siya ang sisira ng ating mundo?"

Binalik ko ang tingin sa kulay kahel na mga mata ni Apolaki, "Mas ligtas siya sa mundo ng mga mortal." diin ko.

Nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya, "Hindi ka ba natatakot na baka hindi maging normal ang pamumuhay niya sa mundo ng mga tao? Paano mo siya maipagtatanggol pag nalaman ito ng mga nilalang na nais siyang paslangin?"

Tipid akong ngumiti at tinignan ang sanggol na kandong ko sa aking bisig. "Nakausap ko na ang Anito tungkol dito." saad ko, "Magagawa niyang ng paraan para mabantayan ko ang anak ko kahit na sa malayo."

"Kabutihan at kasamaan. Dalawang magkaibang uri ng enerhiya ang namumutawi sa katawan ng batang 'yan. Totoong siya ang sisira ng balanse." Nilagay niya ang kaniyang mga braso sa kaniyang likuran, "Bakit nga ba mas pinili mong bumaba sa posisyon mo, Anselmo?"

Tumango ako bilang paggalang at tumalikod na, "Patawad pero hindi ko muna 'yan masasagot."

Hinayaan ako ni Apolaki na umalis at isagawa ang aking desisyon. Nang makalabas ako ng kaharian ay dumiretso ako sa gitna ng hardin. Habang ako'y nasa malayo pa lamang ay pinahintulutan na ako ng mga kawal na papasukin sa pamamagitan ng paggilid ng kanilang mga espada.

Napapaligiran na ako ngayon ng luntian at mga bulaklak, at sa gitna ng paraisong ito ay isang maliit na anyong tubig na sinasalamin ang sinag ng buwan. Lumuhod ako rito at pinatong doon ang sanggol. Lumutang ito at nagsimulang umiyak.

Napakagat ako sa ibabang labi, "Anak, mag-iingat ka." bulong ko. Ipikit ko ang aking mga mata at pinagsama ang aking mga palad. Nagsimula na akong magdasal, "Malyari, dinggin mo ang aking pakiusap."

Umihip nang napakalakas ang hangin. Umugong ang kalangitan at nagsimula naring pumatak ang ulan. Narinig ko ang pagsayaw ng mga halaman at bulaklak. Tila ba sila'y sumasayaw ng pamamaalam sa aking anak.

"Ikaw na ang bahala." pag-uulit ko sa dasal at biglang kumalma ang paligid. Dahan-dahan kong minula ang aking mga mata at napaluhod na lamang ako. Pinunasan ko ang mga luhang rumaragasa mula sa aking mga mata.

"Patawad, anak." Sambit ko, "Lubusan kang pinagpala at isa kang banta rito sa ating mundo. Ayokong may mangyaring masama sayo."

"Pagdating ng tamang panahon, ako mismo ang pupunta sa'yo," saad ko habang ako'y bumabangon. Inangat ko ang aking mga mata at tumingin sa langit, "Ikaw mismo ang makatutuklas kung bakit kita pinadala sa mundong hindi ka kabilang."

chrstnmrvc04 Creator