Isang babaeng may mahabang itim na buhok na umaabot sa kaniyang tuhod, mga matang kayumanggi at labing mapupula tulad ng rosas. Buong katawan niya'y nakalubog sa tubig at ang puti niyang bistida ay sumasayaw sa may ilalim. Inangat nito ang kaniyang kamay at sinabing ang mga katagang, "Tulungan mo akong makalaya."
Kathang-isip. Iyan ang iniisip ni Lalaine sa tuwing napapanaginipan niya ang tungkol sa babaeng nasa tubig. Subalit, nagbago ang lahat ilang araw bago ang kaniyang ika-18 na kaarawan.
Mga nilalang na inaakala niyang bungad lamang ng imahinasyon ay unti-unti nang nagpapakita. Mga nilalang na dati'y binabasa at pinag-aaralan niya lang sa libro. Mga nilalang na puno ng buhay at mahika-mga nilalang na nagsasabing siya ang bunga ng kabutihan at kasamaan.
Ang tagapagligtas na tinatawag nila na,
"Hiraya Manawari."