LUMIPAS ang 28 days ni Angelica sa tabi ni Romeo, malaking pagbabagong naganap simula nang makita ng mga tao ang kabayanihang ginagawa ng binata. Nakuha ni Romeo ang puso ng mga tao maging sina Ruppert ay humanga rito. Humingi sila ng tawad kay Romeo’t nakaramdam ang binata ng napakasayang pakiramdam. Hindi na siya tinutukso sa paaralan, naging kaibigan niya ang iba pang mga estudyante at lalong tumaas ang tiwala niya sa sarili.

Ang lahat nang ito ay dahil kay Angelica, ang anghel na tumulong sa kanya’t nagbukas ng liwanag sa madilim niyang mundo. Hindi pa man nakakamit ni Angelica ang 31 days na kanyang misyon nagbigay ng mensahe ang kalangitan na kinakailangan na niyang bumalik sa langit.

Kakaibang paalam ang ginawa ni Angelica kay Romeo. Karga-karga ni Angelica si Romeo sa kanyang bisig habang lumilipad sa himpapawid. Ramdam ng binata ang mabilis na pagdampi ng hangin sa kanyang balat. Umangat sila nang umangat hanggang makaabot sila sa kumpol ng mga ulap sa langit.

“Tingnan mo, Mister! Ang ganda ng tanawin mula rito sa itaas!” masayang sambit ni Angelica.

“O-oo nga! P-pero, huwag mo kong bibitiwan natatakot akong mahulog!” Kapit na kapit ang dalawang kamay ni Romeo sa balikat ni Angelica.

“Huwag kang mag-alala, Mister! May inilagay akong angel dust sa katawan mo kaya kahit bitiwan kita, hindi ka basta-basta mahuhulog sa lupa!” paliwanag ng anghel.

May kung anong lungkot ang pumapalibot sa hangin. Lilisanin na ni Angelica ang mundo ng mga buhay at babalik na sa langit upang maging isang ganap na anghel. Marami pang gustong sabihin si Romeo, gusto pa niyang makasama ang magandang anghel. Nagpakatotoo si Romeo sa sarili niya, sigurado siyang mahal na nga niya si Angelica. Ngunit pinigilan niya ang sarili niyang ipagtapat ito dahil alam niyang hindi sila maaaring magsama. Magkaiba ang mundo nilang dalawa.

Tila isang panaginip ang paglipad nilang dalawa sa kalangitan. Nakatitig si Romeo sa maamong mukha ni Angelica’t hindi niya maiwasang magtanong. “Talaga bang aalis kana kahit hindi pa tapos ang 31 days mo rito sa lupa?”

Nahinto si Angelica’t dinahan-dahan nito ang pagbaba habang karga si Romeo. “Nagbigay nang mensahe ang Panginoon, kailangan ko nang bumalik… pero hayaan mo kahit wala na ako sa tabi mo, hinding-hindi ka na malulungkot!”

“Angelica… a-ako ay…” Hindi makahanap nang lakas ng loob si Romeo upang magtapat kay Angelica.

“Mister… salamat! Mabuhay ka, ok?” Isang mainit na halik sa noo ang ginawa ni Angelica kay Romeo.

Sa mga ngiting ipinakita ni Angelica, kusang bumuka ang bibig ni Romeo’t may sasabihin sana siya kay Angelica nang biglang maglaho ang anghel.

Naging mabilis ang pagbulusok ni Romeo paibaba, napasigaw ang binata. “Mahal kita! Angelica!!!”

Lumiwanag ang paligid napapikit si Romeo’t pagkamulat niya nasa loob na siya ng kuwarto’t nakahiga sa kama. Wala na ang anghel sa tabi niya, tanging piraso ng pakpak ni Angelica ang naiwan sa ibabaw ng dibdib ni Romeo.

“Wala na siya, hindi ko manlang naipagtapat sa kanya ang nilalaman ng puso ko, Angelica…”

***

KINABUKASAN isinama ni Lola Pasing si Romeo sa pamilya na palagi niyang dinadalaw. Ang pamilya Heaven, ito rin ang apelyedong ginamit ni Angelica no’ng nag-anyong tao siya. Sa hindi malamang dahilan bigla itong naisip ni Angelica na gamitin upang mabuo ang pangalan niya. Ang hindi alam ng dalawa, may kinalaman ito sa tunay na pagkatao ng anghel.

“Siya ang batang iniligtas mo noon anim na taon na ang nakararaan, Romeo.” Pumasok sa loob ng kuwarto ang maglola. “Madalas ko siyang dalawin dito sa kanila, tingnan mo ang kalagayan ng kaawa-awang bata,” malungkot na litanya ng matanda.

Naroon ang pamilya ng bata, nakangiting binati sila.

“Siya ang anak naming si Angelica, malaki ang naging pagkukulang namin sa kanya simula no’ng iwan namin siyang nag-iisa sa bahay na muntik na niyang ikamatay,” sabi ni Mrs. Heaven.

“Dumating ka’t iniligtas mo siya, hindi namin alam kung paano ka pasasalamatan dahil alam namin naging kabayaran nito ang buhay ng iyong mga magulang.” Tinabihan ng mag-asawa ang na-commatose nilang anak.

“Simula no’ng mangyari ang sunog, naging mas sakitin siya. Pagkatapos nitong nakaraang taon lang bigla na lang siyang natumba’t nawalan ng malay. Na-commatose siya’t pinili naming dito na lang siya alagaan sa bahay. Hanggang ngayon hindi pa rin siya nagigising!” Napaluhod si Mrs. Heaven at parehong napaiyak ang mag-asawa.

Hindi makapaniwala si Romeo sa nakikita niya, isang payat at maputlang babae ang nasa harapan niya. Dahan-dahang lumapit si Romeo’t pinagmasdan ang hitsura nito. Bumalik sa alaala niya ang anghel na nakasama niya.

“Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit nasa tabi mo ako ngayon. Wala akong memorya sa buhay ko, basta ang alam ko misyon kong paghilumin ang sugat sa puso mo, Mister.” Nagbalik ang mga salitang binigkas ni Angelica sa kanya.

Naupo si Romeo sa kama’t hinawakan ang kamay ng babaeng nakahiga. “Alam ko na… alam ko na kung bakit ka dinala ng Panginoon sa tabi ko. Para matanggap ko ang lahat nang nangyari noon. Angelica, pakiusap… gumising ka na… Angelica.” Inilagay ni Romeo ang kamay ni Angelica sa kanyang mukha na may pilat.

***

SAMANTALA narinig naman ng anghel sa kalangitan ang boses ni Romeo na tinatawag ang kanyang pangalan. Nakatayo si Angelica sa harap ng Panginoon at handa na siyang basbasan upang maging isang ganap na anghel at patuluyin sa bukas na pintuan patungo sa kaharian.

Napahawak sa balikat ni Angelica ang Panginoon saka nagwika. “Ano ang iyong nais? Sabihin mo’t ibibigay ko ang tunay na nilalaman ng iyong puso!”

“Panginoon, patawad po! H-Hindi pa po ako handang pumasok sa inyong tahanan!” buong loob na sagot ni Angelica.

“Nararamdaman ko ang nararamdaman mo, hayaan mo… ngayon din ay ibabalik kita sa mga taong minamahal mo!”

Sa ika-31 days ni Angelica, ibinalik ng panginoon ang kaluluwa niya sa lupa kung nasaan ang katawan nitong matagal nang natutulog. Ang batang iniligtas noon ni Romeo ay walang iba kundi ang anghel na nakasama niya. Ang anghel na binigyan ng misyon upang lubos na maunawaan ni Romeo ang kahulugan ng buhay.

***

IKA-31 araw nang milagrong magkamalay si Angelica, tuwang-tuwa ang mga magulang niya nang imulat ng dalaga ang mga mata nito. Subalit ang pag-iisip niya’y nasa estado ng sampung taong gulang na bata. Ang kilos at pananalita nito’y hindi ayon sa pandalagang hitsura nito dahil sa nangyaring pagka-commatose. Kaagad ipinatawag ng mag-asawa si Romeo upang ibalita ang nangyaring paggising ni Angelica.

Hindi makapaniwala si Romeo sa kanyang nakita, nakaupo sa sahig at naglalaro ng manika ang isip batang si Angelica. Isinara ni Romeo ang pintuan at silang dalawa na lamang ang naiwan sa loob. Takang-taka ang isip bata kung sino ang lalaking pumasok sa kuwarto niya.

“Mister, sino po kayo?”

“A-Angelica? A-Ako ‘to si Romeo,” mahinahon niyang pakilala.

“Mister?”

Napangisi si Romeo. “Sinabi nang huwag mo ‘kong tawaging mister, may pangalan ako.”

Parang balewala lang si Romeo, patuloy lang si Angelica sa paglalaro. Napaluhod si Romeo’t bigla niyang niyakap si Angelica. Sa hindi malamang dahilan, ipinagtapat nito ang kanyang tunay na nararamdaman.

“Mahal kita, Angelica. Gusto kong malaman mo kung gaano ako nagpapasalamat na duamting ka sa buhay ko. Maraming salamat sa lahat! Dahil sa ‘yo, natutunan kong patawarin ang sarili ko, nagawa kong maging malakas at matatag. Hindi sulosyon ang pagkitil sa sariling buhay para takasan ang sakit ng nakaraan. Angelica, masaya ko’t bumalik ka na! Kahit hindi mo ako maalala hinding-hindi kita iiwan. Nandito lang ako para sa ‘yo!”

Unti-unting tumulo ang mga luha ni Romeo, sa kailaliman ng puso niya alam niyang hindi na babalik ang anghel na nakasama niya. Ang Angelica na nasa harap niya ay ang batang Angelica na iniligtas niya. Yakap-yakap niya ito sa kanyang bisig magkapareho sila ng init at amoy. Hanggang sa maramdaman ni Romeo ang mainit na palad ni Angelica. Natigilan si Romeo nang marinig ang pamilyar na tinig na bumulong sa tainga niya.

“Romeo, mahal din kita! Narinig ko ang tinig mo mula sa langit kaya ako bumalik! Maraming salamat dahil sa ‘yo naalala ko na ang lahat…”

Hawak ni Angelica ang puting balahibo sa kanyang kamay. Nahulog ito mula sa langit. Ito ang pakpak ni Angelica na naglalaman ng kanyang mga alaala bilang anghel. Nang hawakan ito ni Angelica bumalik ang lahat ng mga napagdaan nila bilang isang cute na anghel sa tabi ni Romeo.

“Ang balahibong ito’y regalo ng Panginoon. Magkakasama na tayo hindi lang sa loob ng 31 araw kundi maging sa hinaharap!” Nakatitig si Angelica sa mukha ni Romeo.

Itinapat ni Angelica ang piraso ng pakpak sa pilat ni Romeo, lumiwanag ito hanggang sa mapapikit ang binata’t sa pagmulat niya ipinakita ni Angelica sa salamin ang makinis nitong mukha. Isang milagrong hindi maipaliwanag na tanging Diyos lamang ang may kakayahang gumawa.

“Magsisimula tayong muli, Romeo.”

“Salamat at tinawag mo na ako sa pangalan ko!” biro niya kay Angelica.

“Palagi na kitang tatawagin sa pangalan mo, Romeo.” Isang mahigpit na yakap ang nagpainit sa kanilang nanabik na damdamin. Nabalutan nang masayang tawanan ang loob ng kuwarto.

Panibagong araw, panibagong buhay, magpapatuloy sila nang magkasama sa bawat pagsubok na darating sa buhay nila. Ang nakaraan ay kanilang tatanggapin, kasalukuyan ay kanilang mamahalin at ang kinabuksan ay kanilang pagyayamanin.

Wakas

Mai Tsuki Creator