DUMATING ang ika-sampung araw. Umuulan nang malakas at hindi makauwi si Romeo dahil naiwan niya ang kanyang payong mabuti na lang at may dala si Angelica.
“Mister, sabay na tayo!” yakag ni Angelica kay Romeo.
Binuklat niya ang dalang payong saka pinasilong si Romeo. No’ng una’y nahihiya pang tanggapin ng binata ang anyaya ni Angelica. Pero dahil napapansin niya ang lalong paglakas ng ulan wala na rin itong nagawa kundi ang sumukob sa payong. Si Romeo ang humawak ng payong, halos magkadikit ang kanilang braso.
Heto na naman ang pamumula ni Romeo. Hindi siya mapalagay tuwing nakakatabi niya si Angelica.
“Kinuha mo ba ‘tong payong sa bahay?” tanong ni Romeo, pamilyar sa kanya ang desensyo ng payong.
“Oo, alam ko kasi na uulan.”
Napatingala si Romeo sa madilim na langit.
“Mister…”
Biglang napaigtad si Romeo sa ginawang pagsandal ni Angelica sa kanyang braso. “A-Ano’ng ginagawa mo?!”
“Huh? Nilalamig po kasi ako,” malambing na bulong ni Angelica. Isinuot niya ang kamay niya’t ikinulong ang braso ni Romeo sa kanyang dibdib. “Hayan, mainit na!” inosenteng sambit ni Angelica.
Parang gusto nang kumawala ng puso ni Romeo sa sobrang ingay nito. Sa isip niya’y pwede na siyang atakihin sa sobrang lambing ni Angelica. Napakainosente pa ng anghel na parang walang muwang sa paligid.
“Hindi mo dapat ginagawa ‘yan!”
“Ang alin?” taka ni Angelica.
“Tsk!” Natamihik na lang si Romeo sa pagiging inosente ni Angelica.
Sa kanilang paglalakad pauwi biglang lumakas ang ulan sinamahan pa nito nang malakas na bugso ng hangin. Mabilis na napakubli ang dalawa sa pinakamalapit na waiting shed sa kanto. Walang ibang tao roon kundi silang dalawa lang, napansin ni Romeo ang basang uniporme ni Angelica.
“Isuot mo muna ‘tong polo ko medyo nabasa nang kaunti.” Tinanggal ni Romeo ang polo shirt niya saka ibinigay kay Angelica.
“S-Salamat,” nahihiyang sagot ng anghel.
Naging tahimik ang paligid parang may kung anong nagpatigil ng ingay ng ulan. Ang tanging naririnig ngayon ni Romeo ay ang kakaibang pintig ng puso niya. Maya’t maya rin ang sulyap ni Romeo sa katabing anghel. Habang tumatagal nararamdaman niyang nahuhulog ang puso ni kay Angelica.
Naging tahimik at malungkot ang pag-ihip ng hangin.
“A-Angelica, bakit nagkatawang tao ka’t pumasok sa school ko?” biglang tanong ni Romeo kay Angelica.
Napatingin si Angelica sa kanya, tinitigan niya si Romeo saka nginitian. “Naramdaman ko na parang may kailangan akong gawin sa school mo at isa pa kailangan kitang sundan saan ka man magtungo. Hangga’t narito ako sa tabi mo hinding-hindi ko hahayaang mag-isa ka, Mister!”
Napakunot-noo si Romeo. “Sinabi nang huwag mo kong tawaging mister!” Isang mahabang buntong-hininga ang ginawa ni Romeo bago tumakbo sa ulanan.
“Gamitin mo na ‘yang payong pauwi, tatakbo na lang ako!” sigaw nito bago tuluyang tumakbo nang mabilis.
Kaagad namang binuklat ni Angelica ang payong at sinundan si Romeo. Biglang nahinto sandali si Romeo nang lingunin niya si Angelica, tila nagbago ang paligid at ang mga butil ng ulan ay nagmistulang talulot ng rosas na bumabagsak sa langit. Sa wari ni Romeo’y narinig na niya ang tinig ni Angelica noon.
“Mister! Hindi ka dapat nagpapaulan! Magkakasakit ka n’yan!” Pinayungang muli ni Angelica si Romeo nang mahabol niya ang binatang nakatayo at nakatitig sa kanya.
***
ILANG araw nang napapansin ni Lola Pasing ang apong si Romeo na madalas matulog sa sahig na sinapinan ng manipis na banig. Madalas din nitong mapansin na napaparami ang pagkaing dinadala nito sa kuwarto. Nawiwirduhan na ang matanda sa kakaibang kinikilos ng apo.
Kinagabihan araw ng Linggo umalis ang matanda bumisita ito sa isang kakilala. Nang umuwi ito mula sa mahabang araw, kaagad hinanap ni Lola Pasing si Romeo. Nakaupo si Romeo sa hapagkainan, may mabangong naamoy ang matanda.
“Aba apo, ikaw yata ang nagluto ngayon?” takang tanong ng matanda.
“Ah, eh… ginugutom na po kasi ako Lola, kumain na rin po kayo.”
Nilagyan ni Romeo ng plato ang puwesto ng matanda sa mesa at doon silang dalawa kumain nang sabay.
“Siya nga pala, galing ako sa bahay ng mga—“
“La! Ayoko ko pong marinig!” Binilisan ni Romeo ang pagkain saka siya kumuha ng isa pang plato na may lamang kanin at mangkok na may ulam. Umakyat si Romeo sa itaas at naiwan ang lola niya sa hapagkainan.
Gumuhit ang lungkot sa mga mata ng matanda habang pinagmamasdang umakyat si Romeo sa hagdan. Hindi pa rin nito makalimutan ang nangyari sa kanyang mga magulang. Ang sunog na nagpabago hindi lang sa mukha ni Romeo, maging sa buhay nilang maglola.
***
SA loob ng kuwarto ni Romeo, abala namang kumakain si Angelica. Mayamaya’y napansin nito ang lungkot sa mukha ng binata. Sa ilang araw na pananatili ni Angelica sa tabi ni Romeo natuklasan nitong sinisisi ng binata ang sarili niya sa pagkamatay ng mga magulang nito. Pinagmasdan ni Angelica si Romeo habang nakadungaw ito sa bintana, malungkot na tinititigan ang langit.
“Sampung taong gulang ako nang magkaroon ng malaking sunog sa dati naming tinitirahan…”
Sa hindi malamang dahilan biglang napakwento si Romeo, ramdam niyang kailangan niyang may sabihin sa kasama niyang anghel.
Muli siyang nagpatuloy habang tahimik na nakikinig si Angelica. “Nagsimula ang sunog sa likurang bahay mabilis itong kumalat hanggang makarating sa mga bahay na nasa unahan. Mahimbing ang tulog naming mag-anak nang maamoy ni Papa na parang may nasusunog. Ginising niya kami’t mabilis naman kaming nakalabas. Rinig na rinig ko ang mga taong nagkakagulo dahil nais pa nilang isalba ang mga gamit nila ang iba nama’y umiiyak na lamang habang pinapanuod na nilalamon ng apoy ang bahay nila.”
Sandaling natigil si Romeo, tinabihan niya si Angelica sa kama’t naupo rito. “Nakarinig ako ng ingay, tinig ng batang babaeng humihingi ng tulong sa katabing bahay. Hindi pa man tuluyang natutupok ang bahay na ‘yon. Hindi ko alam parang may sumapi sa katawan ko’t bigla akong kumilos nang hindi nagdadalawang isip. Sinundan ako nila mama at papa at sa ikalawang palapag natagpuan namin ang batang babae. Takot na takot siya kaya hindi siya makalabas at wala ring makarinig ng tinig niya. Palabas na sana kami nang biglang lumakas ang hangin at tuloy-tuloy nang nilamon ang kabahayan ng apoy. Gumawa nang paraan ang mga magulang ko para makalabas kaming dalawa. Kinarga ko ang batang babae hanggang makarating kami sa isang kwarto’t doon binasag ni Papa ang bintana’t sumigaw nang sumigaw hanggang sa makita kami ng mga bombero’t kaagad kami tinulungan. Nagawa nilang akyatin at iligtas kami ng batang babae nang biglang may pumutok sa loob ng bahay at agad na nagbagsakan ang mga gamit sa loob nito, sa lakas ng pagsabog may tumilapon pang bagay na tumama sa mukha ko kaya bahagyang nasunog ito.”
“A-Ang mama at papa mo hindi na nakaligtas?” mahinang tanong ni Angelica.
Umiling si Romeo bilang sagot, huminga nang malalim saka iniyuko’t itinago ang may pilat na parte ng mukha. “Habang buhay kong dadalhin ang peklat na ‘to, ito ang magpapaalala sa akin nang ginawa ko, kung hindi sana ako nagpakabayani’t hindi lumusob sa bahay upang iligtas ang batang ‘yon, sana… sana buhay pa sila mama’t papa!” sising-sising wika ni Romeo.
Isang malambot na kamay ang humawak sa pisngi ni Romeo. Itinaas ni Angelica ang mukha ng binata sa harapan niya kung saan nakatayo ang anghel at pinagmamasdan siya. Isang mainit na palad ang nakadampi sa itinatagong pilat ni Romeo.
“Hindi mo kasalanan, may dahilan ang Panginoon kung bakit ikaw lang ang tanging nakarinig sa tinig ng batang ‘yon. Ginawa ng mga magulang mo ang lahat para iligtas kayo, hindi mo dapat sisihin ang sarili mo!”
“Pero…” Kagat-labing natigil si Romeo.
Lumiwanag ang paligid ni Romeo, isang mainit na yakap ang hinandog ni Angelica para sa kanya. Ikinampay ni Angelica ang dalawang pakpak niya’t iginapos sa katawan ni Romeo. Lalong nakadagdag ng init sa pakiramdam nang maamoy ng binata ang napakabangong halimuyak na nanggagaling sa pakpak ni Angelica. Hindi napigilan ni Romeo ang kanyang sarili’t tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Kusang kumilos ang mga kamay ng binata’t sinuklian niya ang yakap ni Angelica.
“Huwag mong isara ang puso mo Mister,” malumanay na bulong ni Angelica.
“Angelica…”
Dahan-dahang napapikit si Romeo, naging panatag ang kalooban ng binata’t tuluyan nang nakatulog sa bisig ni Angelica.
***
UMABOT na sa ika-labing limang araw si Angelica sa tabi ni Romeo. Simula nang buksan ni Romeo ang nakaraan sa kanyang pilat sa mukha, may kaunti na itong pagbabago. Ngunit, hindi pa rin maiwasang makaramdam ng sakit ang binata sa tuwing pinag-uusapan siya’t pinagkakaisahan sa eskwelahan.
Unang araw ng school foundation day, ang buong campus ay nakagayak at maraming programang nakahanda. Isa na rito ang gagawin ng buong klase na maid café sa araw na ito bukas ang buong campus sa lahat ng taong gustong makisaya sa foundation day.
Habang abala ang lahat, biglang napag-utusan si Romeo na kumuha ng basahan sa storage room. Sinamahan naman siya ni Angelica’t habang patungo sila sa 4th floor kung nasaan ito, hindi nila alam na nakasunod sina Ruppert sa kanila. Isang malakas na pagsara ng pinto ginawa ni Ruppert. Maliit lamang na kwarto ito at walang bintana sa hallway kaya nakulong ang dalawa sa loob. May sliding lock ang pinto ng storage room kaya kahit anong pihit ni Romeo mula sa loob ay hindi niya ito mabuksan.
“Buksan n’yo ‘to!” sigaw ni Romeo, habang malakas na hinahampas ang pinto.
Tumawa nang malakas si Ruppert. “Iyan ang bagay sa ‘yo, pilat!”
Tuluyan nang iniwan nina Ruppert ang dalawa sa loob ng storage room at nilagyan ng sign na under construction ang storage room para walang magtangkang pumasok sa loob. Bumalik sina Ruppert at ibinalita sa mga kaklase nito na umuwi na siya’t hindi na gustong mag-participate sa kanila.
Lumipas ang mga oras, nakatayo si Romeo at sumisilip sa maliit na bintana malapit sa kisame ng storage room. Pansin nila ang nalalapit na paglubog ng araw, bukas ang bintana’t ito ang nagbibigay ng hangin sa kanila sa loob.
“Hindi mo ba maaaring gamitin ang kapangyarihan mo?” tanong ni Romeo.
Umiling si Angelica. “Sorry, hindi maaari siguradong may iba pang paraan para makalabas tayo rito, Mister.”
“Wala nang ibang paraan! Sigurado akong walang maghahanap sa atin dahil sa kagagawan ni Ruppert.” Napaupo na lamang sa tabi ni Angelica si Romeo.
“Pasensya na, Mister. Wala kasing pahintulot ng langit, dapat nating sulusyonan ito sa paraan natin.”
Makalipas pa ang ilang sandali nakarinig nang malakas na pagsabog ang dalawa’t narinig nila na parang nagkakagulo ang mga tao. Naririnig nila ito mula sa bukas na bintana, parang may mga sumisigaw sa labas.
“Mister! Parang may naamoy akong nasusunog na bagay?” Tumakbo sa harap ng pinto si Angelica’t may napansin siyang itim na usok na gumagapang sa ilalim ng pinto.
“Nasusunog ang school?” mabilis na tugon ni Romeo. “Kailangan na nating makalabas dito!” atubili niyang litanya.
Lumuhod si Angelica’t nanalangin nang timtim, nabalutan nang liwanag ang paligid at katawan ng anghel. Lumitaw ang mga pakpak ni Angelica’t umalis sa pagiging anyong tao nito.
“Panginoon, pahintuluyan n’yo na po akong gamitin ang kapangyarihan ko ngayon upang iligtas hindi lang ang buhay ni Romeo, maging ang iba pa pong naririto sa school!” Isang guhit ng liwanag ang lumitaw nang tumingala si Angelica sa itaas.
Isang puting kalapati ang nagbigay basbas kay Angelica upang magamit nito kapangyarihan na kinakailangan niya. Lumipad si Angelica’t itinapat niya ang kamay sa pinto. Lumitaw ang bola ng liwanag sa kamay niya’t sinugod ang pinto. Bumukas nang malakas ang pinto sa ginawa ni Angelica. Mabilis na lumabas ang dalawa’t bumaba ng hagdan.
“Mister, lalagyan kita ng angel dust para maging proteksyon mo laban sa apoy at usok!” Mula sa palad ni Angelica, hinipan niya ang mahiwagang buhangin at ito ang nagsilbing pananggalang ni Romeo habang bumababa ng hagdan.
“Maraming salamat, Angelica!”
Hawak kamay silang tumakbo at sinuong ang itim na usok. Hindi paman lubusang nakakalayo nang marinig ni Romeo ang sigaw ni Ruppert at ng mga kasama nito na nasa loob ng silid sa 3rd floor. Hindi nagdalawang isip si Romeo na puntahan ang mga ito’t iligtas. Nawalan ng malay ang tatlo kaya ang ginawa ni Romeo inakay niya ang mga ito halos gumapang na siya pababa ng hagdan at palabas ng school. Hindi naman siya pinabayaan ni Angelica’t patuloy pa rin ito sa pagbibigay ng angel dust para maging proteksyon nila.
“Kaunting tiis na lang, Mister!”
“Oo! Kaya natin ‘to, Angelica!”
Pagkalabas nila ng school building kaagad tinulungan ng mga tao si Romeo. Samantala si Angelica nama’y nakalutang sa hangin, hindi siya nakikita ng mga tao. Nakatitig siya sa apoy na tumutupok sa ibang parte ng building. Tila may naririnig siyang tinig at gunitang bumabalik sa kanyang isipan. Pamilyar na pakiramdam, isang sernaryong tila bumalik sa kanyang isipan. Tinatawag niya noon ang batang babaeng iniligtas niya. Kilala niya ito. Alam niya ang pangalan nito.
“Angelica! Angelica!” tawag ni Romeo sa nakatulalang anghel. Wala si Angelica sa paligid ni Romeo.
***