Disyembre ng taong 2019.

Habang ang mundo ay naka-”holiday mode,” isang bisita mula sa isang malayong kalawakan ang napadpad at napunta sa Daigdig. Bitbit nito ang isang natatanging vial ng virus mula sa isang nagunaw na planeta – isang “miracle virus” na nagtataglay ng kapangyarihan na ilabas ang nakatagong potensyal ng sinumang dapuan nito.

Ang nilalang na ito ay tumatakas mula sa mga masasamang-loob mula sa iba’t ibang parte ng buong sansinukob na gustong makuha ang huling sampol ng “miracle virus” na ito. Ito ay lubhang nasugatan mula sa huli nitong engkwentro at nagpasya na pansamantalang magtago sa ating planeta.

Habang nagpapagaling at nag-iipon ng lakas, ang dayuhang nilalang na ito ay nanatili sa loob ng isang kweba na puno ng mga paniki. Para hindi mahalata ninuman na ito ay hindi galing sa ating mundo, nagpasya itong magpalit-anyo bilang isang paniki… ngunit ito ay isang malaking pagkakamali.

Noong araw na iyon ay pinasok ng mga mapangahas na mga tao ang kweba upang manghuli ng mga paniki. May mga bitbit silang baril na ginamit nila sa mga paniking tarantang lumilipad palabas ng kweba. Hindi inakala ng nagbabalat-kayong bisita ang pangyayari. Isa siya sa mga tinamaan ng mga balang lumilipad. Lubha itong napuruhan – napakalambot pala ng mga nilalang na nakatira sa Daigdig! Isang bala lamang ay maaari nitong ikamatay!

Nakalabas pa ang pekeng paniki sa kweba. Nagtangka itong bumalik sa kanyang tunay na kaanyuan ngunit dahil sa pinsalang tinamo ay hindi nito magawa. Dumaloy ang dugo palabas sa kanyang maliit na katawan. Ito ay nanghina. Ilang minuto pa ay hindi na rin ito makalipad. Ngunit ginawa niya ang lahat upang mabuhay. “Kailangang protektahan ang vial ng mahiwagang virus mula sa mga kalaban kahit ano man ang mangyari!” isip nito.

Ilang minuto pa ang lumipas, natunton ng dalawang mangangaso ang nanghihinang pekeng paniki. Laking gulat ng paniki nang marinig nito ang sinabi ng tao: “Sa wakas, mapapasa-atin na ang maalamat na bayrus.”

Hindi makapaniwala ang paniki. Ang mga bumaril sa kanya ay hindi mga nilalang mula sa Daigdig! Katulad niya, sila ay mga taga-ibang planeta. Sila ay kasama sa mga masasamang loob na tumutugis sa kanya! Pumilipit ito sa naramdamang sakit mula sa sugat na tinamo. Lumalabo na rin ang paningin ng paniki. Mahinang-mahina na ito.

“Tapos ka na, tagapangalaga!” sabi ng isa sa mga alien. Tinutok nito ang dala-dalang shotgun sa naghihingalong paniki. Ilang sandali pa, kinalabit na nito ang gatilyo ng baril.

BANG!!!

Tila isang engrandeng movie sequence ang mga sumunod na pangyayari.

Yung tipong nagsu-slow-mo ang lahat para ramdam na ramdam ang suspense. Tila ang ilang pellets mula sa bala ng shotgun ay tumitigil sa ere na ilang sentimetro na lamang ang agwat mula sa paniki. Kahit ang pawis na tumatagatak mula sa noo ng dalawang masasamang alien ay tumutulo ng napakabagal.

Samantala, ang nasabing paniki na tagapangalaga ng virus ay… gumagalaw sa normal na bilis?!

Lumingon ang paniki. Lahat ay halos huminto maliban na lamang sa kanya. Pero paano? Unti-unting bumalik ang kanyang paningin. Hindi maipinta ang itsura nito (na mukha pa ring paniki pero nakakatakot) nang makita nito ang nasa harapan niya. Ang vial – basag. Ang lamang virus – wala na.

“Hindi maaari… hindi…” mahinang sabi ng paniki. Nabasag pala ng ilang kumalat na pellets mula sa bala ng shotgun ang vial ng virus. Malay ba naman ng masamang alien na kumakalat pala ang bala ng ginamit niyang sandata? Wala namang “shotgun” sa planetang nila!

Naunawaan na ng paniki ang nangyayari. Napakawalan na ang “miracle virus”. Pumasok sa kanyang katawan ang virus dahilan kung bakit lumabas ang kanyang “nakatagong potensyal” na, sa kanyang pagkakaintindi, ay ang paggalaw ng mas mabilis kumpara sa ibang mga nilalang. Nalungkot ito. Hindi na nito matatapos ang kanyang sinumpaang misyon. Dito na sa planetang Daigdig mananatili ang nasabing virus ng habambuhay.

Pero hindi pa tapos ang lahat. Narito pa ang dalawang kalaban sa harap niya! Ang may kasalanan ng lahat ng ito! Ang dahilan kung hindi na niya kailanman makikita ang kanyang –

Nagdilim ang paningin ng paniki. Hindi nito namalayan na lumalaki ang katawan nito. Bumabalik na pala siya sa kanyang orihinal na anyo. Galit, poot, at matinding panghihinayang ang nararamdaman niya sa nangyari.

SLASH!

Hati ang katawan ng dalawang masasamang alien. Hindi na sila nakaiwas dahil nga naka super-slow-mo sila. Ang kanilang berdeng “dugo” na dumadanak mula sa kanilang hating katawan ay parang lumulutang sa ere. Ang orihinal na anyo ng tagapangalaga ay nakatayo sa kanilang harapan. Sa unang tingin, mapagkakamalan mo itong tao – may dalawang paa, dalawang kamay, at may isang ulo. Sa kanyang kanang kamay ay parang may hawak itong espada na ginamit sa pag-atake sa kanyang mga kalaban.

Isang bola ng liwanag ang bumuo sa kanyang kanang kamay. Tila ito ay nag-iipon ng kung anumang uri ng enerhiya. Tinapat nito ang bola sa harap ng katawan ng kanyang mga kalaban na nanatiling nasa ere. Pinakawalan nito ang bola na naging isang malakas na sinag ng liwanag. Unti-unting natunaw ang katawan ng mga elyen, pero ang nakapaligid na lupa at mga halaman ay walang pinsalang tinamo.

Tinignan ng tagapangalaga ang kanyang sugat. Hindi pa rin ito gumaling. Napaluhod ito. Wala na siyang lakas. Wala na rin siyang dahilan para mabuhay pa. Bago ito tuluyang nalagutan ng hininga, bumalik ito sa kanyang balatkayo bilang isang pekeng paniki. Hindi dapat makuha ng mga masasamang-loob ang kanyang labi. Pinikit nito ang kanyang mga mata. Inalala nito ang kanyang misyon bago ito tuluyang bawian ng buhay.

Ilang oras ang makalipas, natagpuan ng isang lalaking nakatira sa malapit na baryo ang labi ng paniki. Kinuha niya ito, dinala sa kanilang bahay, nilinis, niluto, at pinakain sa kanyang pamilya.

Samakatuwid, ang tagapangalaga ng virus ay naging ulam.

Lingid sa kanyang kaalaman, ang virus na nasa loob ng paniki ay buhay pa at naghihintay lamang ng mga nilalang na makakapitan. Napunta ang virus sa lalaki at kanyang pamilya, at ilang araw pa ang lumipas ay kumalat na ang virus sa buong baryo nila. Ilan sa mga taga-baryo ay pumunta sa lungsod upang magbenta ng kanilang ani at mga karne. Mula roon, kumapit ang virus sa mga mamimili, at dahil maraming tao sa lungsod na iyon, lalong bumilis ang pagkalat nito.

Isang linggo lamang ang lumipas at kumalat na ang virus sa halos kalahati ng buong mundo.

Bigla namang pumutok ang balitang maraming indibidwal sa mundo ay biglang nakaranas ng kakaibang pagbabago kung saan tila nagkaroon ng “superpowers” ang mga ito.

Ito ang simula ang paglaganap ng virus na tinawag nila na Korona.

Ito ang mundo kung saan ang Korona ang dahilan ng pagkalat ng mga superheroes.

Ravencrowe Creator

PALALA: Ang mga pangalan, tauhan, at mga pangyayari sa kwentong ito ay pawang kathang-isip lamang. Anumang pagkakahalintulad sa totoong buhay ay isang-libong porsyento na nagkataon lamang. Kung naiintindihan mo ang sinasabi ng mga alien, magpakonsulta ka na sa doktor.