"Ang ganda nitong high heels!" Narinig kong bulalas ng kaibigan ko. "Ito 'yong uso ngayon 'di ba?"

"Oo, pero ang alam ko madaling masira 'yan eh."

"Nasa gumagamit lang naman 'yan, kung maingat ka hindi agad masisira," sabi nito habang sinusukat ang sapatos na mayroong napakataas na takong. "Bibilhin ko ito para in ako." May ngiting sabi pa nito habang naglalakad na animo'y isang modelo.

Napatingin ako sa paligid at nakitang marami ngang bumibili ng sapatos na iyon.

"Baka madisgrasya ka pa d'yan. Iba na lang ang bilhin mo," saway ko rito. "Ito na lang oh." Suhestiyon ko pa sabay pakita ng sandals na gawa sa matibay na kahoy at goma. Mayroon din iyong makapal na takong.

"Eeewww!! Ano ka ba fren? Ang baduy mo talaga kaya ka napag-iiwanan eh." Nandidiring bulalas nito.

"Bahala ka na nga! 'Di bale nang baduy 'wag lang madisgrasya." Niiinis na sabi ko at ibinalik sa estante ang sapatos. " 'Wag kang magrereklamo kapag natapilok ka diyan."

"Tara na! Babayaran ko na 'to!" Excited na sabi nito habang hinihila ako patungo sa cashier kung saan napakahaba ng pila at halos lahat ng naroon ay may hawak na sapatos. "Gagamitin ko 'to sa prom natin sa sabado."

"Oo na lang."


-----


"Pasok ka iha, pababa na ang anak ko." Bungad ni tita ng buksan ang pinto. Nagtuloy naman ako sa sala nila at naupo. Gabi na ng prom namin at sabay kaming pupunta sa venue.

Napatayo ako nang makitang nagmamadali siya sa pagbaba dahil male-late na kami.

"Ella! Mag-ingat ka nga!" Saway ng mama nito.

"Ella!!!" Bulalas namin kasabay ng matinis na tili nito ng dumulas ang paa nito at gumulong pababa sa may kataasang hagdan.

Nang tuluyan itong humandusay. Doon namin nakita ang isang sandals nito na naiwan sa baitang ng hagdan.


#####

MissA_begail16 Creator

Hindi lahat ng tinatangkilik ay nakabubuti.