"According to a myth, everyone's pinky finger is tied to an invisible red string that will lead him or her to another person with whom they will make history"
"Isa, dalawa, tatlo!"
Sa bilang na tatlo ay binitiwan na ni Mia Vergara ang palaso.
Si Mia Vergara ay isang aspiring archer. Noong nakaraang buwan ay ipinagdiwang niya ang kanyang ikalabing walong kaarawan. Limang talampakan at dalawang pulgada ang taas niya. Mahaba ang kanyang buhok na parati niyang ipinupuyod. Morena rin ang kanyang balat. Bilugan ang kanyang mga mata na ayon sa kanyang mga kaibigan ay dahilan ng pagiging maganda niya.
Tuwing umaga pumupunta talaga siya sa pampublikong dojo ng kanilang Village para mag-insayo ng kyudo. Ilang taon na rin niya itong ginagawa ngunit madalas pa rin sablay ang kanyang mga tira.
"Ayos lang!" sabi ng kanyang ama na si Hero Vergara.
Maliit na lalaki lamang ito. Manipis ang buhok. Malaki ang mga mata. May kaitiman din pero matangos ang ilong at maganda kung ngumiti. Ang mga ngiti nito ang nagsisilbing lakas ni Mia sa tuwing nagdadalawang isip na siyang ipagpatuloy ang kyudo.
Oo, pangarap niyang maging miyembro ng archery team sa school nila pero hindi siya pinapalad dahil laging sablay ang kanyang mga tira.
Sa kabila niyon hindi pa rin nawawala ang tiwala sa kanya ng ama. Patunay roon ang patuloy nitong pagsama sa kanya sa tuwing nag-e-ensayo.
Pagkalipas ng isang oras, umuwi na rin ang mag-ama.
Malapit lang ang dojo sa bahay nila kaya nilakad na lang nila.
Nakatira sila sa isang up and down na bahay na may malaking bakuran.
Oras na ng almusal kaya sa kusina na sila dumiretso.
Napanguso si Mia nang makita na fried rice uli ang inihanda ng kanyang ina. Isa ito sa mga pagkain na hindi niya gusto.
"At bakit ganyan ang hitsura mo?" saway agad sa kanya ng ina na si Mildred Vergara. Malapusa ang mga mata nito kaya mukhang masungit. Maliit din lang ito. Hindi rin kaputian pero may angking ganda. Madalas nitong sabihin na ang nagpapaganda sa kanya ay ang kanyang bibig na may kalakihan.
"Maupo na nga kayo!" may awtoridad na utos nito. Kasunod niyon ang pagtingin nito sa may hagdanan."Nino! Bumababa ka na riyan. Kakain na tayo!"
"Nariyan na po!" sagot ng tinawag niyang si Nino. Nagmadali ito sa pagbaba.
Si Nino ay kapatid na lalaki ni Mia. Mas matanda si Mia rito ng dalawang taon pero mas matangkad ito. Bilugan din ang mga mata nito. Moreno ang kulay at malapit nang maghugis-bao ang buhok. Maaga pa pero naka-school uniform na ito. Kailangan kasi nitong pumasok ng maaga dahil bahagi ito ng student council.
"Kumain na tayo!" sabi ng tatay ni Mia.
Nagsimula na sila sa pagkain.
Napansin ni Nino na ang unti ng subo ng ate niya. Bahagya siyang lumapit dito at bumulong.
"Ate Mia, may apple candy ako. Bibigyan kita kapag naubos mo ang pagkain mo."
Biglang napatingin si Mia sa kapatid. "Talaga?"
Tumango si Nino.
Agad na nagkaroon ng ganang kumain si Mia. Siyempre dahil makatatanggap siya ng paborito niyang apple candy. Isa itong jelly candy na iba-iba ang flavor.
"Magaling Nino!" puri ng tatay nila. Kung ito nakangiti, kabaliktaran ang nanay nila.
"Huwag nga kayong magbulungan habang kumakain!" sermon nito.
Napatawa na lang sina Mia at Nino.
"At anong nakakatawa?"
Ang tatay naman nila ang tumawa.
Kung titingnan ay masasabing normal lang naman ang pamilya nila.
Simple.
Ordinaryo.
Ngunit hindi.
Hindi, dahil bahagi sila ng Yamato Clan.
Ang Yamato Clan ay isang samahan na nabuo limampung taon na ang nakalilipas.
Itinatag ito ng sampung mayayamang lalaki na naghangad ng malaking pagbabago.
Tinawag nila ang kanilang grupo sa pangalang Yamato, alinsunod sa pangalan ng kanilang pinuno. Inubos din nila ang kanilang mga kayamanan para lamang makabili ng isang bayan. Tinawag nila iyong Bayan ng Tama.
Upang mapaunlad ang bayang iyon, humanap pa sila ng iba pang mga miyembro na makakatuwang. Mapalad silang nakahikayat ng mga mayayamang negosyante na tumulong sa kanila. Nagawa rin nilang mabili ang kanilang kalayaan kapalit ng pagbabayad sa gobyerno ng malaking buwis buwan-buwan.
Kumuha rin sila ng mga ordinaryong mamamayan upang gawing mga tauhan at tagapagsilbi.
Nang umabot na sila sa isang daang pamilya,inihinto na nila ang pagtanggap ng mga miyembro. Ginawa na nilang batas na tanging mga kadugo na lamang ng naunang isang daang pamilya ang tatanggapin sa clan.
Sa ngayon, isa nang well-developed community ang Bayan ng Tama.
Nahahati ito sa tatlong Village.
Village I. Village II at Village III.
Sa Village I naninirahan ang pamilya ng mga namumuno sa clan o mas kilala sa tawag na Yamato Council.
Karamihan sa mga pinipiling council ay ang mga ka-apu-apuhan ng sampung orihinal na miyembro.
Ang mga mayayamang negosyante naman na bahagi ng clan ay naninirahan sa Village II.
Sa Village III nakatira ang mga ordinaryong mamamayan.
May sariling batas ang mga Yamato. May sariling gobyerno. Kaya nga ang tawag sa kanila ay isang bansa sa loob ng isa pang bansa.
Pinamumunuan sila ni Tyron Matsumoto.
At ang susunod sa yapak nito ay ang anak na si Yano Matsumoto.
Kung titingnan ay normal lang ang pamilya ni Mia, ngunit hindi dahil bahagi sila ng Yamato Clan.