MASAYANG nagsasayawan ang mga tao sa sentro ng bayan. Ang buong plaza ay ginayakan ng iba’t ibang ilaw at palamuti. Naiwan kami ng familiar ko sa isang tabi habang pinagmamasdan ang mga sumasayaw.

   

“Gusto mo bang sumayaw, Master?” paanyaya ng aking familiar.

   

Hindi ako nakaimik nahihiya akong sumagot ni hindi ko siya magawang tingnan nang tuwid. Mayamaya bigla niyang hinawakan ang kamay ko saka hinatak papunta sa gitna ng sayawan. Rinig ko ang mapanuksong hiyawan nina Anna sa tabi namin na nakikipag sayaw sa mga partner nila.

   

Bigla akong nakuryente nang ilapat niya ang isang kamay sa likod ko bandang baywang habang ang isa naman ay nakahawak sa isa kong kamay. Nanginginig ang kamay ko nang ipatong ko ito sa balikat niya, damang-dama ko ang buto niya sa balikat. Ang bilis nang tibok ng puso ko, sobrang bilis at ayaw nitong paawat. Para akong napapaihi na ewan. Pakiramdam ko walang ibang tao sa paligid kundi kaming dalawa lang. Pasulyap-sulyap ako sa mukha niya kada tingin ko tumatama ito sa mga mata niya na nakatitig sa akin. Nakakainis! Wala ba siyang ibang titingnan kundi ako?

   

“A-Ang init,” mahina kong bulong.

   

Lalo pang nag-init ang pakiramdam ko nang bigla niya akong kabigin papalapit sa dibdib niya. Nararamdaman ko ang pawis sa noo ko na dahan-dahang gumagapang sa mukha ko. Parang numinipis ang hanging nilalanghap ko sa paligid, huminga ako nang malalim saka nagsalita, “M-Magpahinga muna tayo.”

   

Nahinto kami sa pagsasayaw nang biglang tumakbo sa gitna namin ang isang bata. Na-out of balance ang bata’t muntik na itong madapa nang bigla siyang hawakan ng aking familiar sa braso.

   

“Ayos ka lang ba bata?” mabilis na tanong ng aking familiar.

   

“A-Ayos lang po ako,” tipid na sagot ng bata.

   

Mayamaya isang ginang ang nag-aalalang lumapit sa amin saka nilapitan ang bata. Kaagad niyang hinawakan sa kamay ang bata saka nagpasalamat sa pagtulong na ginawa ng akin familiar.

   

“Salamat, hijo! Pasensya na kung naabala kayo nitong anak ko,” paumanhin ng ginang.

   

“Naku! Wala po ‘yon!” Ibinaling ng fox spirit ang tingin niya sa batang karga ng nanay niya saka muling nagsalita, “Sa susunod huwag ka nang tatakbo, okay?”

   

Tumango ang bata bilang sagot, kinuskos ng familiar ko ang buhok ng bata at magiliw itong ngitian. Lumapit sa akin ang ginang saka masayang nagpaalam. Bago tuluyang umalis hinawakan ng bata ang buhok ko kaya napalingon ako sa kanya.

   

“Teka, Akira huwag mong galawin ang buhok ni ate,” saway ng ginang sa anak.

   

Parang lumukso ang puso ko nang marinig ko ang pangalan ng bata. Para bang may kakaiba akong naramdamang init sa pangalang iyon. Tinanggal ng ginang ang kamay ng bata sa buhok ko saka muling nagpaalam at tuluyan nang umalis. Naiwan akong tulala habang pinagmamasdan ang pag-alis ng mag-ina.

   

Isang nakakapanghinang presensiya ang naramdaman ko, nangatog bigla ang mga tuhod ko. Naririnig ko ang mga tao sa paligid pero hindi ako makatugon sa kanila. Nanlalabo ang paningin ko at para bang umaalon ang bawat maaninag ng mga mata ko. Hanggang sa maramdaman kong gusto nang lumuhod ng mga binti ko sa lupa. Hanggang sa hindi ko na kayanin pa…

   

“Master!” Natauhan ako nang mapansin kong nakaalalay ang dalawang kamay niya sa baywang at balikat ko.

   

Nilapitan ako ni Anna, alalang-alala silang lahat sa akin sumenyas ako na okay lang ako. Dinala nila ako sa isang tabi at pinaupo, kumuha ng tubig ang kaklase ko upang ibigay sa akin.

   

“Bes, ano bang nangyari sa ‘yo? Nahihilo ka ba?” nag-aalalang tanong ni Anna.

   

“Oo, bigla akong nahilo hindi ko alam kung bakit. Siya nga pala salamat sa pag-alalay mo sa akin.” Itinuon ko ang tingin sa aking familiar.

   

Nang sumakit bigla ang ulo ko, parang pinupokpok ng martilyo sa sobrang sakit. Napatayo ako mula sa pagkakaupo nang sumagi sa isip ko ang pangalan ng bata. Akira… Paulit-ulit itong umaalingawngaw sa utak ko. Ano’ng mayroon sa pangalan niya na parang pamilyar sa akin?

   

Isang kidlat ang nagpanginig sa kalamnan ko dumaloy ito at kumalat sa buong ugat ng katawan ko. Napahawak ako sa aking bibig nangingilid ang luha sa mga mata nang tingnan ko sa mukha ang aking familiar. Bahagya akong napaatras kumuha ng buwelo saka tumakbo pasulong. Nasagi ko ang balikat niya, napatingin lang ako sa kanya saka nagpatuloy sa pagtakbo palayo sa kinaroroonan nila.

 

***

 

TUMATAKBO ako nang tumatakbo, hindi ko alam kung saan ako patungo ang tanging nais ko lang ay makalayo sa aking familiar. Mukhang umepekto na nga ang ‘Memory Potion’ ni lola. Habang tumatakbo nakarating ako sa mataas na bahagi ng kalupaan, daan ito papunta sa kakahuyan. Medyo masukal ang paligid dahil sa nagtataasang mga damo at ligaw na halaman. Sa isang matayog na puno ng mangga ako nahinto, hinihingal at nakahawak sa dalawang tuhod.

   

Nang marinig ko ang pagputok ng fireworks sa langit. Natingala ako saka tinanaw ito mula sa kinaroroonan ko. Sa pagsabog ng butil ng liwanag sa madilim na kalangitan, unti-unti kong naaalala ang nakaraan. Bigla akong napapikit at napasandal sa puno ng mangga habang isa-isa ko itong ginugunita. Ang pangala ng bata at pangalan niya ay halos magkapareho ang kahulugan.

   

Anim na taon ako nang itakas ko ang mahiwagang aklat ni mama. Batid kong may ginagawa si mama na kakaibang ritwal gamit ang aklat na iyon. Dinala ni mama ang aklat na pagmamay-ari ni lola. Ang sabi ni mama hindi na raw dapat gamitin ang aklat na iyon kaya itinakas niya nang pumunta kami sa Japan para manirahan.

   

No’ng gabing itinakas ko ang aklat nagtungo ako sa isang shrine na malapit sa aming bahay. Gabing-gabi na noon at walang bantay sa shrine nang pasukin ko ito. Isang maliit na templo ang bumungad sa aking harapan, nadapa ako at nabitawan ang aklat. Nabuklat ito sa bandang likod, nang lapitan ko ito nakaramdam ako ng sakit.

   

Dumudugo pala ang tuhod ko dahil sa pagkakadapa. Pinunasan ko ang dugo gamit ang palad ko saka ko hinawak ang aklat, nabahiran ng dugo ang pahina ng aklat na iyon. Nang tingnan ko ito nagbago ang mga sulat, mula sa kakaiba at hindi maintindihan na mga salita bigla ko na itong nababasa. Sa edad kong anim na taong gulang marunong ako bumasa at sumulat sa Filipino dahil lumaki ako sa Pilipinas bago pa kami pumunta rito sa Japan. Sa tingin ko umaayon ang mga letra sa kakayahan ng tao kung ano ang naiintindihan nitong basahin.

   

Sinimulan ko itong basahin nang walang ibang iniisip, gusto ko lang malaman kung ano ang mangyayari kapag binasa ko ito.

 

 

“Isang patak ng dugo para sa puso,

Apdo ng tupa at sampung salaginto.

Samahan ng buntot ng butiki para sa anino,

Pinatuyong balat ng bayawak, alay sa ninuno.

Liwanag ng buwan ako ay iyong gabayan,

Kahilingan ko nawa’y iyong pakinggan.

Tinatawag ko ang nilalang na walang pangalan,

Makipagkasundo ka sa akin at ako’y iyong sundan!”

 

 

Matapos ko itong basahin, parang wala namang nangyari. Isang sandali pa nang biglang humangin nang malakas. Isang liwanag ang lumitaw mula sa aklat napapikit ako sa sobrang liwanag. Nang malaho ang liwanag saka ko iminulat ang aking mga mata at doon ko siya unang nasilayan.

   

“Ikaw ba ang tumawag sa akin? Ang bago kong Master?” malamig niyang tanong.

   

Nakakatakot ang hitsura niya, para siyang mabangis na aso. Nanlilisik ang mga mata at may mahahabang kuko. Lumilitaw ang dalawang pangil niya sa bibig, nakakatakot! Humakbang siya papalapit sa akin napapikit na lamang ako mula sa pagkakasalampak sa lupa. Nang maramdaman ko ang malaki at malapat niyang palad na nakaptong sa ulo ko. Biglang kuminang ang paligid, nawala ang takot na nararamdaman ko nang pasimple siyang ngumiti. Sa mga sandaling iyon pakiramdam ko, matagal ko na siyang kilala.

   

“A-Ano’ng pangalan mo?” tipid kong tanong.

   

Umiling siya bago nagsalita, “Hindi ko na maaaring gamitin ang mga luma kong pangalan. Bigyan mo ako ng pangalan, Master!”

   

At doon ko nalaman ang tungkol sa nine-tailed fox na na-summoned ko. ikinuwento niya ang masalimuot niyang nakaraan at ang hinahangad niyang katahimikan. Ang tanging gusto lamang niya ay ang makapagpahinga at makabalik sa mundo ng mga espiritu nang wala nang tatawag pa sa kanya. Panghabang buhay na kalayaan, hindi na niya gustong matawag pang muli at makipagkasundo sa mga tulad naming may taglay na kakayahang tumawag ng espiritu.

   

Nangako ako sa kanya na sa oras na bigyan ko siya nang pangalan at banggitin ito sa harap niya, kasabay noon ay ang pagpapalaya sa kanya. Katapusan na iyon ng aming kontrata bilang master at familiar.

   

Kapag ang isang familiar ay pinangakuan ng kalayaan ng kanyang master, panghabang buhay na ito. Wala nang susunod na tao ang makakapag-summon sa kanya.

   

“Pag-iisipan kong mabuti ang ipapangalan sa ‘yo! Gusto ko ‘yung nababagay sa liwanag na taglay mo! Hmm…  ano kayang maganda?”

   

“Kahit ano pa ‘yan Master, malugod kong tatanggapin. Maraming salamat sa kabutihan mo at handa mo akong palayain.”

   

“Mangako tayo hanggang sa hindi ko pa binabanggit ang pangalan mo, mananatili ka sa tabi ko, promise?” Ginawa namin ang pinky swear tanda ng aming pangako sa isa’t isa. Ang dugo kong naipahid sa aklat ang nagsilbing selyo ng aming kontrata. Naging kaibigan ko siya, palagi siyang nakikipaglaro sa akin. Walang araw na hindi kami magkasamang namamasyal sa shrine.

   

“Ikaw ang matalik kong kaibigan!” Sobrang saya ko dahil sa wakas nakatagpo ako ng tunay na kaibigan.

   

Hanggang sa dumating ang araw ng aksidente, sampung taon ako nang maganap iyon. Nagising na lamang ako sa loob ng ospital. Nasa harapan ko siya at alalang-alala sa kalagayan ko.

   

“Master, sa wakas nagkamalay ka na! Patawarin mo ako Master kung hindi ko kayo kaagad natulungan ng mama at papa mo. Master, alalang-alala ako sa—“

   

“Sino ka?”

   

“M-Master? A-Ako?”

   

“Oo ikaw, sino ka? Kilala ba kita?” Nang mga oras na iyon, hindi ko alam kung bakit siya umiiyak, kagat-labi at yapos ang sarili. Ang lungkot ng presensya ng buong paligid. Pero blanko ang isip ko ng mga sandaling iyon.

   

“Master, paalam,” bulong niya saka naglaho nang parang bula. Simula noon, hindi ko na siya nakita hindi na rin siya nagparamdam sa akin. Mahabang panahon ko siyang nakalimutan hanggang ngayon pala… nananatili pa rin siyang walang pangalan.

 

 

***

 

NAPAMULAT ako ng aking mga mata, mukhang tapos na ang fireworks tapos ko na rin alalahanin ang nakaraan. Malinaw na ngayon ang lahat!

   

“Master!”

   

Isang sigaw ang umalingawngaw sa tahimik na kapaligiran. Habol-hininga siya nang makarating sa kinaroroonan ko.

   

Napalingon ako nang may luha sa mga mata. “Ayokong mawala ka! Ayokong umalis ka at iwan akong nag-iisa!” bulalas kong sigaw na nagpaingay sa kinatatayuan naming dalawa.

   

“Kung gano’n naaalala mo na, Master?”

   

Tumango ako bilang sagot.

   

Natahimik siya at nagpalit sa tunay niyang anyo. Nabalutan ng puting usok ang paligid namin, dahan-dahan siyang lumapit sa akin at nais akong hawakan. Tinalikuran ko siya, lumunod saka tinakpan ang dalawang tainga ko dahil ayokong marinig ang kahit na ano’ng sasabihin niya.

   

“Hinding-hindi ko babanggitin ang pangalan mo! Ang sabi mo, palagi ka lang nasa tabi ko ‘di ba? Hindi mo ko iiwan ‘di ba? Ayokong umalis ka!” malakas kong sigaw habang tinatakpan ng kamay ko ang mgakabilang tainga.

   

Isang mahigpit na yakap ang naramdaman ko mula sa aking likod. Nakapatong ang dalawang braso niya na yumayakap sa katawan ko habang nakaluhod ako sa lupa. Marahan niya akong itinayo at iniharap sa harapan niya. Pinahiran niya ang mga luha kong ayaw paawat sa pagpatak. Kumikinang ang mga mata niya, nangungusap ito na parang sinasabi niya na huwag akong matakot mawala siya sa aking tabi.

   

“Hindi mo kailanganga umiyak, Master. Katulad ng sinabi ko palagi lang akong nasa tabi mo, magkaugnay ang mga puso natin. Naniniwala akong magkikita pa tayong muli, hindi man ngayon, hindi man bukas… maaaring sa ibang pagkakataon, sa ibang panahon. Ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko, ikaw ang pinakamabuting master na nag-summoned sa akin. Ang mga sandaling kapiling kita ay babaunin kong lahat sa espiritual na mundo. Kaya huwag kang matakot… mahal na mahal kita, Master.

 

Inilagay niya ang hintuturo sa ilalim ng aking baba saka mabilis na pumikit. Nagulat ako sa biglaan niyang paghalik sa labi ko hindi ako naging handa sa ginawa niyang iyon. Hanggang sa naramdaman kong unti-unting pumipikit ang mga mata ko, dinama ang malambot at mainit niyang halik na nagpapainit sa aking buong katawan. Iginapos niya ako sa kanyang mga bisig kasabay nito ang pagsabog ng mga butil ng liwang sa kalangitan. Napamulat kaming dalawa pero hindi pa rin namin magawang alisin ang pagkakalapat ng aming mga labi. Ayokong matapos ang sandaling ito! Ayoko siyang maglaho!

   

Kumikislap ang mga mumunting liwanag na lumilitaw sa kanyang katawan. Inialis niya ang labi niya sa pagkakahalik sa labi ko.  Unti-unting tinatangay ng liwanag ang

 

katawan niya patungo sa langit. Naglalaho na siya dahil sa ginawa kong pagbulong sa pangalan niya. Magkahawak ang aming mga kamay nararamdaman ko ang lamig na bumabalot sa aming dalawa. Muli na namang umagos ang mga luha ko sa aking mga mata. Hangang sa tumingala siya sa bilog at maliwanag na buwan, sa huling sandali ng aming pagsasama muli niya akong niyakap sa pagkakatong ito wala na akong maramdamang init mula sa kanya.

   

“Maraming salamat, pinakamamahal kong, Master Ellena!” malambing niyang sambit.

 

 

“Sa bisa ng aking kapangyarihan,

Sa katapusan ng ating sumpaan.

Dalangin ko ang iyong katahimikan,

Bumalik ka na sa iyong pinanggalingan!”

 

 

“Paalam mahal din kita, Hikari!!!” masigla kong tawag sa pangalan niya habang pilit na inaabot ang kamay niya na unti-unting naglalaho at nagiging butil ng liwanag.

   

Hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa aking harapan. Siya ang nine-tailed fox na pinangalanan kong Hikari, na ang ibig sabihin ay Liwanag. Dahil siya ang nagsilbing liwanag na nagbibigay kinang sa mundo kong binalot ng kadiliman. Hinding-hindi ko siya malilimutan habang ako ay nabubuhay. Itatanim ko sa puso ang pangalan niya, hinding-hindi ko na ito kakalimutan.

KASALUKUYANG PANAHON…

 

KASALUKUYAN kong nililibot ang lumang bahay ni Lola Amara. Pumasok ako sa loob at ninamnam ang mga alaala noong nabubuhay pa siya. Matapos bumalik ni Hikari sa mundo niya nabura ang alaala ng mga taong nakasalamuha niya maliban sa akin at kay lola. Batid ni lola na tatalab na ang bisa ng potion nang gabi ng fiesta. Umiyak ako nang umiyak sa bisig ni lola pagkauwi ko. Naging malungkot ang mga nagdaang araw ko pero, dahil kay lola at sa mga kaibigan ko naging matatag ako. Alam kong iyon din ang gusto ni Hikari para sa akin.

   

Ilang taon ang lumipas binawian ng buhay si Lola Amara dahil sa katandaan. Hindi na siya nagpadala sa ospital, taimtim niyang dinama ang aking mga kamay bago tuluyang bawian ng hininga. Bumuhos ang luha ko sa nangyaring iyon, pinilit kong maging mas matatag na dalaga. Sa tulong ni Uncle Ryuzuke nakapagtapos ako ng pag-aaral sa lungsod ng Maynila. Kahit mag-isa lang ako tinapos ko ang pag-aaral ko dahil gano’n talaga ang buhay. Kailangan maging matatag.

   

Bumaba ako sa sekretong silid sa ilalim ng bahay. Mas lalong kumapal ang alikabok sa paligid. Nagtakip ako ng panyo para hindi ko malanghap ang kakaibang amoy. Narito pa rin ang mga kasangkapan ni lola maging ang aklat na matagal nang hindi nagagamit. Hindi pa rin nawawala ang espirituwal na kapangyarihan ko at patuloy pa rin akong nakakakita ng mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong tao.

   

Nilisan ko ang sekretong silid saka bumalik sa itaas, pagkarating ko sa labas muli kong pinagmasdan ang bahay ni Lola Amara. Sadyang mahalaga ang mga alaala ng tao, masasaya, malulungkot o kahit ano pang klase ng alaala iyan. Nararapat lamang na ating bigyang halaga at huwag kalilimutan. Kahit maliit na alaala lang ang mawala malaki ang maidudulot nitong kakulangan sa ating pagkatao. Kaya nga bubuhayin kong muli ang bahay ni lola upang hindi tuluyang mabura ang mga alaala niya at ng aking nakaraan.

   

“Uhm… excuse me? Taga-rito ka ba? Diyan ka ba nakatira?” Isang boses lalaki ang narinig kong nagsalita sa likod.

   

Umihip ang mainit na hangin sa tanghali, ramdam ko ang pagbabago sa presensiya ng paligid. Lumukso ang puso ko sa kaba, dahan-dahan ko siyang nilingon nang may ngiti sa labi.

   

“Oo! Dito ako nakatira,” kinakabahan kong sagot.

   

“Bigla kasi akong naligaw maaari mo ba akong tulungan pumunta sa bayan?”

   

“Walang problema siya nga pala ako si Ellena Kobayashi, mukhang pareho tayong half Japanese?”

   

Tumawa siya. “Oo nga, noh?”

   

Nilapitan ko siya at sinabayan sa pagbaba patungo sa main road. Hindi ko maiwasang ikumpara ang hitsura niya kay Hikari. Pareho silang may maamo’t masayahing awra, pareho sila ng katawan at istilo ng buhok. Maiksi nga lang ang buhok nitong kasabay ko’t maporma manamit. Syempre naman hindi siya isang fox spirit. Bigla tuloy akong napangisi’t bahagyang natawa.

   

“Anong nakakatawa?” pagtataka niyang tanong.

   

Umiling lang ako’t nagpatuloy sa paglalakad.

   

“Ellena, alam mo parang pamilyar ka, nagkita na ba tayo noon?” tanong niya sabay hinto sa paglalakad habang nasa likuran ko siya.

   

“Siguro, malay mo… sa panaginip?” biro ko. “Ano nga palang pangalang mo?” sabay tanong.

   

Hindi pa rin mawala sa labi ko ang ngiti, alam kong hindi na kami magkikita ni Hikari. Pakiramdam ko lang na… nabigyan muli ako ng panibagong liwanag.

   

 Ngumiti siya’t magiliw na nagpakilala, “Ako nga pala si…“

   

Kita ko ang pagbuka ng kanyang bibig nang biglang dumaan ang nagmamadaling ambulansya, mukhang may lamang pasyente sa loob. Nabaling dito ang pansin ko’t hindi ko narinig ang pangalan niya.

   

“Nice to meet you!” bati pa niya.

   

Nangiti lang ako at nakipagkamay sa estrangherong lalaki. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Nagkakuwentuhan at nagkakilanlan.

   

Sadyang mahiwaga ang ating mundo, may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng agham at teknolohiya. Tulad ng aking familiar na nagbigay sa buhay ko ng magicial experience na hinding-hindi ko malilimutan. Alam kong masaya na siya’t tahimik sa mundo kung sana siya nararapat.

Mai Tsuki Creator